Sekreto 5
Sapatan ang Iyong Espirituwal na Pangangailangan
ANG ITINUTURO NG BIBLIYA: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.”—Mateo 5:3.
ANG HAMON: Libu-libo ang relihiyon sa ngayon at magkakasalungat ang itinuturo nila kung paano sasapatan ang iyong espirituwal na pangangailangan. Paano mo malalaman kung alin ang nagtuturo ng katotohanan at sinasang-ayunan ng Diyos? Sinasabi ng ilang kilalang awtor na ang paniniwala at debosyon sa Diyos ay tanda ng kamangmangan at nakasasamâ pa nga. Ganito binuod ng magasing Maclean’s ang pananaw ng isang kilalang ateista: “Ang Kristiyanong paniniwalang ito, na nagsasabing may isang bagay na hindi maipaliwanag ng siyensiya at ng ating mga pandama . . . ay nagpapababa sa kalidad ng nag-iisang buhay na taglay natin at nagtutulak sa atin na maging marahas.”
ANG PUWEDE MONG GAWIN: Suriin ang katibayan na mayroong Diyos. (Roma 1:20; Hebreo 3:4) Huwag hayaang pahinain ng sinuman ang loob mo sa paghanap ng sagot sa mahahalagang tanong: Bakit tayo naririto? Mayroon bang kabilang-buhay? Bakit napakaraming nagdurusa? Ano ang hinihiling ng Diyos sa akin? Ang paghanap ng sagot sa mga ito ay napakahalaga para maging kontento ka.
Gayunman, huwag basta maniwala sa lahat ng sinasabi ng iba. Hinihimok ka ng Salita ng Diyos na gamitin ang iyong “kakayahan sa pangangatuwiran” upang mapatunayan sa iyong sarili kung ano ang kaayaaya sa Diyos. (Roma 12:1, 2) Pagpapalain ang iyong mga pagsisikap. Kung maglalaan ka ng panahon para pag-aralan ang Bibliya at susundin ang payo nito, maiiwasan mo ang mga problema, mababawasan ang iyong kabalisahan, at magiging mas maligaya ka. Hindi ito isang pangakong mapapako. Milyun-milyong tao mula sa lahat ng pinagmulan ang nakinabang na sa pag-aaral ng katotohanan tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin. Halimbawa, basahin ang mga karanasan sa pahina 18 hanggang 21 ng magasing ito.
Habang nakikinabang ka sa pagsunod sa matalinong payo ng Bibliya, lalo mong gugustuhing maglingkod sa Diyos. Bakit hindi tanggapin ang paanyaya na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova? Kung gagawin mo ito, malamang na sasang-ayon ka sa isinulat ni apostol Pablo: “Ito ay isang paraan ng malaking pakinabang, itong makadiyos na debosyon kalakip ang kasiyahan sa sarili [o pagiging kontento].”—1 Timoteo 6:6.
[Larawan sa pahina 8]
Patunayan sa iyong sarili kung ano ang kaayaaya sa Diyos