Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w22 Agosto p. 2-7
  • Mga Kabataan—Patuloy na Sumulong Pagkatapos ng Bautismo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Kabataan—Patuloy na Sumulong Pagkatapos ng Bautismo
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • PAANO KA SUSULONG BILANG KRISTIYANO?
  • PAANO MAKAKATULONG SA PAGSULONG MO ANG PAGTATAKDA NG ESPIRITUWAL NA MGA TUNGUHIN?
  • Palalimin ang Pag-ibig Mo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2023
  • Patuloy na Sumulong sa Espirituwal!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Patuloy na Patibayin ang Kaugnayan Mo kay Jehova
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
  • Bakit Kailangan Mong Sumulong sa Espirituwal?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
w22 Agosto p. 2-7

ARALING ARTIKULO 32

Mga Kabataan—Patuloy na Sumulong Pagkatapos ng Bautismo

“Magpakita ng pag-ibig, nang sa gayon ay maging maygulang tayo sa lahat ng bagay.”​—EFE. 4:15.

AWIT 56 Manindigan Ka sa Katotohanan

NILALAMANa

1. Anong magagandang bagay ang nagawa na ng maraming kabataan?

TAON-TAON, libo-libong kabataang Kristiyano ang nagpapabautismo. Nagawa mo na ba iyan? Kung oo, tiyak na masayang-masaya ang mga kapatid para sa iyo, at ganoon din si Jehova! (Kaw. 27:11) Pag-isipan kung gaano na karami ang mga nagawa mo. Masikap mong pinag-aralan ang Bibliya, baka sa loob pa nga ng ilang taon. Dahil diyan, nakumbinsi ka na ang Bibliya ay Salita ng Diyos. Pero ang mas mahalaga, nakilala mo at minahal ang Awtor ng aklat na ito. Lumalim ang pag-ibig mo kay Jehova kaya inialay mo ang buhay mo sa kaniya at nagpabautismo. Tama ang naging desisyon mo!

2. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

2 Bago ka nagpabautismo, tiyak na nakaranas ka ng mga problema na sumubok sa katapatan mo kay Jehova. Pero habang nagiging adulto ka, may mga pagsubok ka pa na haharapin. Sisikapin ni Satanas na patigilin ka sa paglilingkod kay Jehova at gusto niyang maiwala mo ang pag-ibig mo sa Diyos. (Efe. 4:14) Huwag mong hayaang mangyari iyan. Ano ang makakatulong sa iyo na manatiling tapat kay Jehova at tuparin ang pangako mo sa kaniya? Kailangan mong patuloy na “sumulong” sa pagiging may-gulang na Kristiyano. (Heb. 6:1) Pero paano mo magagawa iyan?

PAANO KA SUSULONG BILANG KRISTIYANO?

3. Ano ang kailangang gawin ng lahat ng Kristiyano pagkatapos ng bautismo?

3 Pagkatapos ng ating bautismo, kailangan nating sundin ang ipinayo ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Efeso. Pinasigla niya sila na maging ‘adultong’ Kristiyano. (Efe. 4:13) Sa ibang salita, ‘patuloy na sumulong sa pagkamaygulang.’ Ikinumpara ni Pablo ang pagsulong sa espirituwal ng isang Kristiyano sa paglaki ng isang bata. Mahal na mahal ng mga magulang ang bagong silang na anak nila at ipinagmamalaki nila siya. Pero hindi puwedeng habambuhay siyang isang sanggol. Sa paglipas ng panahon, iiwan niya “ang mga ugali ng isang bata.” (1 Cor. 13:11) Ganiyan din pagdating sa pagiging Kristiyano. Pagkatapos nating mabautismuhan, kailangan nating patuloy na sumulong. Talakayin natin kung paano natin iyan magagawa.

4. Anong katangian ang makakatulong sa atin na sumulong sa espirituwal? Ipaliwanag. (Filipos 1:9)

4 Palalimin ang pag-ibig mo kay Jehova. Mahal na mahal mo na si Jehova. Pero puwede mo pang mapalalim ang pagmamahal mo sa kaniya. Paano? Binanggit ni apostol Pablo ang isang paraan sa Filipos 1:9. (Basahin.) Ipinanalangin ni Pablo na “patuloy na sumagana” ang pag-ibig ng mga taga-Filipos. Kaya puwede ring lumalim ang pag-ibig natin kay Jehova. Magagawa natin iyan kung magkakaroon tayo ng “tumpak na kaalaman at malalim na unawa.” Habang mas nakikilala natin si Jehova, mas minamahal natin siya at pinapahalagahan ang mga ginagawa niya at ang mga katangian niya. Lalo natin siyang gustong pasayahin, at hinding-hindi tayo gagawa ng anumang magpapalungkot sa kaniya. Sisikapin nating maunawaan kung ano ang kalooban niya at kung paano natin iyon magagawa.

5-6. Paano natin mapapalalim ang pag-ibig natin kay Jehova? Ipaliwanag.

5 Mapapalalim pa natin ang pag-ibig natin kay Jehova kung mas kikilalanin natin ang Anak niya, na perpektong natularan ang mga katangian ng kaniyang Ama. (Heb. 1:3) Para mas makilala natin si Jesus, kailangan nating pag-aralan ang apat na Ebanghelyo. Kung hindi ka pa nagbabasa ng Bibliya araw-araw, puwede mong simulan ang pagbasa sa mga ulat na ito tungkol kay Jesus. Puwede mong pag-isipang mabuti ang mga katangian niya. Madali siyang lapitan; kinalong pa nga niya ang mga bata. (Mar. 10:13-16) Mabait si Jesus at palakaibigan, at hindi natatakot ang mga alagad niya na sabihin sa kaniya ang niloloob nila. (Mat. 16:22) Talagang tinularan ni Jesus ang kaniyang Ama sa langit. Madali ring lapitan si Jehova. Makakalapit tayo sa kaniya sa panalangin. Puwede nating sabihin sa kaniya ang lahat ng nasa puso natin. Nagtitiwala tayo na hindi niya tayo huhusgahan. Mahal niya tayo at nagmamalasakit siya sa atin.​—1 Ped. 5:7.

6 Naawa si Jesus sa mga tao. Sinabi ng apostol na si Mateo: “Pagkakita sa napakaraming tao, naawa siya sa kanila dahil sila ay sugatán at napabayaan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mat. 9:36) Ano naman ang naramdaman ni Jehova? Sinabi ni Jesus: “Hindi gusto ng aking Ama sa langit na mapuksa ang kahit isa sa maliliit na ito.” (Mat. 18:14) Ipinapakita nito na mahal na mahal tayo ni Jehova! Habang mas nakikilala natin si Jesus, lalong lumalalim ang pag-ibig natin kay Jehova.

7. Paano makakatulong sa iyo ang pakikisama sa mga may-gulang na Kristiyano?

7 Mas magiging mapagmahal ka at may-gulang na Kristiyano kung makikisama ka sa mga may-gulang na kapatid sa inyong kongregasyon. Napakasaya nila at hindi sila nagsisisi sa desisyon nilang paglingkuran si Jehova. Pagkuwentuhin mo sila ng mga karanasan nila sa paglilingkod. Kung may gagawin kang mahalagang desisyon, hingan mo sila ng payo. Tandaan na “may tagumpay kapag marami ang tagapayo.”​—Kaw. 11:14.

Collage: 1. Kabataang sister na ginagamit sa pagre-research ang mga brosyur na “Saan Nagmula ang Buhay?” at “The Origin of Life—Five Questions Worth Asking.” 2. Sister na nagbibigay ng presentasyon sa harap ng guro at mga kaklase niya.

Bago pa ituro sa iyo sa paaralan ang ebolusyon, ano ang puwede mong gawin bilang paghahanda? (Tingnan ang parapo 8-9)

8. Ano ang puwede mong gawin kung may pagdududa ka sa sinasabi ng Bibliya?

8 Alisin ang pagdududa. Gaya ng binanggit sa parapo 2, sisikapin ni Satanas na hadlangan kang sumulong sa espirituwal. Baka magtanim siya ng pagdududa sa isip mo tungkol sa ilang turo ng Bibliya. Halimbawa, baka kumbinsihin ka ng ilang tao na hindi tayo nilalang ng Diyos at na umiral lang tayo dahil sa ebolusyon. Baka hindi mo pa naiisip iyan noong mas bata ka pa. Pero ngayon, baka iyan na ang itinuturo sa iyo sa paaralan. Baka magmukhang lohikal at nakakakumbinsi ang itinuturo ng mga guro mo na sumusuporta sa ebolusyon. Pero baka hindi man lang nila sinubukan na suriin ang mga ebidensiya na talagang may lumalang. Tandaan ang prinsipyo sa Kawikaan 18:17: “Mukhang tama ang unang nagdulog ng kaso hanggang sa dumating ang kabilang panig at pagtatanungin siya.” Imbes na paniwalaan ang lahat ng itinuturo sa iyo sa paaralan, dapat mong pag-aralang mabuti ang sinasabi ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. Mag-research sa mga publikasyon natin. Makipag-usap sa mga kapatid na dating naniniwala sa ebolusyon. Tanungin sila kung ano ang nakakumbinsi sa kanila na may isang Maylalang na nagmamahal sa atin. Makakatulong iyan sa iyo para malaman ang mga ebidensiya na talagang mayroong Maylalang.

9. Ano ang matututuhan mo sa karanasan ni Melissa?

9 Nag-research ang sister na si Melissa tungkol sa paksa ng paglalang at nakatulong iyon sa kaniya na maalis ang pagdududa niya.b Sinabi niya: “Sa paaralan, nakakakumbinsi ang paliwanag ng mga guro tungkol sa ebolusyon. Noong una, ayokong mag-research kasi natatakot akong makakita ng mga ebidensiya na totoo ang ebolusyon. Pero naisip ko na gusto ni Jehova na may matitibay tayong ebidensiya para paglingkuran siya. Kaya nag-research ako. Binasa ko ang aklat na Is There a Creator Who Cares About You? at ang mga brosyur na Saan Nagmula ang Buhay? at The Origin of Life—Five Questions Worth Asking. Ito ang kailangang-kailangan ko. Sana noon pa, binasa ko na ang mga ito.”

10-11. Ano ang makakatulong sa iyo na manatiling malinis sa moral? (1 Tesalonica 4:3, 4)

10 Alisin ang maling paggawi. Kapag tin-edyer ka, tumitindi ang seksuwal na mga pagnanasa, at baka tuksuhin ka ng iba na gumawa ng seksuwal na imoralidad. Iyan ang gusto ni Satanas na gawin mo. Ano ang makakatulong sa iyo na manatiling malinis sa moral? (Basahin ang 1 Tesalonica 4:3, 4.) Manalangin kay Jehova. Sabihin sa kaniya ang nararamdaman mo, at hilingin mo sa kaniya na tulungan ka. (Mat. 6:13) Tandaan na hindi ka huhusgahan ni Jehova. Gusto ka niyang tulungan. (Awit 103:13, 14) Matutulungan ka rin ng Salita ng Diyos. Nahirapan si Melissa, na binanggit kanina, na labanan ang maruruming kaisipan. Sinabi niya: “Natulungan ako ng pagbabasa ng Bibliya araw-araw na patuloy na labanan ang mga maling pagnanasa ko. Ipinapaalala nito sa akin na pag-aari na ako ni Jehova at na gusto ko siyang paglingkuran.”​—Awit 119:9.

11 Huwag mong solohin ang mga problema mo. Ipakipag-usap ito sa mga magulang mo. Siyempre, hindi madaling ipakipag-usap ang tungkol sa personal na mga bagay, pero mahalagang gawin iyon. Sinabi ni Melissa: “Nanalangin ako na magkaroon ako ng lakas ng loob at sinabi ko sa tatay ko ang problema ko. Pagkatapos noon, gumaan ang loob ko. Alam kong tuwang-tuwa sa akin si Jehova.”

12. Paano ka makakagawa ng matatalinong desisyon?

12 Magpagabay sa mga prinsipyo sa Bibliya. Habang lumalaki ka, unti-unti kang nagkakaroon ng kalayaan na magdesisyon para sa sarili mo. Pero kulang ka pa sa karanasan sa buhay. Paano mo maiiwasang makagawa ng pagkakamali na makakasira sa kaugnayan mo kay Jehova? (Kaw. 22:3) Sinabi ni Kari kung ano ang nakatulong sa kaniya na makagawa ng matatalinong desisyon. Naisip niya na hindi kailangan ng mga may-gulang na Kristiyano ng alituntunin sa bawat sitwasyon. Sinabi niya: “Kailangan kong maintindihan ang mga prinsipyo sa Bibliya, hindi lang ang mga alituntunin.” Kapag nagbabasa ng Bibliya, tanungin ang sarili: ‘Ano ang sinasabi nito tungkol sa pag-iisip ni Jehova? May mga prinsipyo ba ito na makakatulong sa akin na gawin ang tama? Kung oo, paano ako makikinabang sa pagsunod sa mga ito?’ (Awit 19:7; Isa. 48:17, 18) Kapag binasa mo ang Bibliya at binulay-bulay ang mga prinsipyo nito, mas magiging madali sa iyo na gumawa ng mga desisyon na magpapasaya kay Jehova. Habang sumusulong ka, makikita mo na hindi mo kailangan ng alituntunin sa bawat sitwasyon dahil naiintindihan mo ang pag-iisip ni Jehova sa mga bagay-bagay.

Dalawang sister na magkasamang pinag-aaralan ang isang artikulo sa “Ang Bantayan.”

Anong uri ng mga kaibigan ang pinili ng isang kabataang sister? (Tingnan ang parapo 13)

13. Paano ka matutulungan ng mabubuting kaibigan? (Kawikaan 13:20)

13 Pumili ng mga kaibigan na mahal si Jehova. Gaya ng nabanggit na, may malaking epekto sa pagsulong mo bilang Kristiyano ang mga pinipili mong kaibigan. (Basahin ang Kawikaan 13:20.) Nawawala na ang kagalakan ng sister na si Sara. Pero may nakatulong sa kaniya para mabago ang pananaw niya. Sinabi niya: “Nagkaroon ako ng mabubuting kaibigan noong kailangang-kailangan ko ito. Linggo-linggo, magkasama naming pinag-aaralan ng isang kabataang sister ang Bantayan. Tinulungan naman ako ng isa ko pang kaibigan na magkomento sa mga pulong. Natulungan nila ako na mas seryosohin ang personal na pag-aaral at pananalangin. Mas tumibay ang kaugnayan ko kay Jehova, at naging masaya ulit ako.”

14. Paano nagkaroon ng mabubuting kaibigan si Julien?

14 Paano ka magkakaroon ng mga kaibigan na magiging mabuting impluwensiya sa iyo? Sinabi ni Julien, na naglilingkod ngayon bilang elder: “Noong mas bata pa ako, naging kaibigan ko ang mga nakakasama ko sa ministeryo. Masisigasig sila, at tinulungan nila akong makita kung gaano kasaya ang ministeryo. Naging tunguhin kong maglingkod nang buong panahon. Na-realize ko na sa mga kaedad ko lang ako nakikipagkaibigan. Napapalampas ko tuloy ang mga pagkakataon na magkaroon ng mas marami pang mabubuting kaibigan. Di-nagtagal, nagkaroon din ako ng mabubuting kaibigan sa Bethel. Natulungan ako ng halimbawa nila na maging mas matalino sa pagpili ng libangan, kaya naging mas malapít ako kay Jehova.”

15. Anong payo ang ibinigay ni Pablo kay Timoteo tungkol sa pakikipagkaibigan? (2 Timoteo 2:20-22)

15 Paano kung makakasira sa kaugnayan mo kay Jehova ang pakikisama sa isang kakongregasyon mo? Alam ni Pablo na hindi kumikilos o nag-iisip bilang Kristiyano ang ilang kapatid sa kongregasyon noong unang siglo. Kaya pinayuhan niya si Timoteo na iwasan sila. (Basahin ang 2 Timoteo 2:20-22.) Napakahalaga ng pakikipagkaibigan natin kay Jehova, at nagsikap tayo nang husto para mapalapít sa kaniya. Kaya hindi natin dapat hayaan na sirain ng sinuman ang kaugnayan natin sa ating Ama sa langit.​—Awit 26:4.

PAANO MAKAKATULONG SA PAGSULONG MO ANG PAGTATAKDA NG ESPIRITUWAL NA MGA TUNGUHIN?

16. Anong mga tunguhin ang dapat mong piliin?

16 Magtakda ng kapaki-pakinabang na mga tunguhin. Pumili ng mga tunguhin na magpapatibay ng pananampalataya mo at tutulong sa iyo na maging may-gulang na Kristiyano. (Efe. 3:16) Halimbawa, baka gusto mong maging mas regular ang personal na pag-aaral mo at pagbabasa ng Bibliya. (Awit 1:2, 3) O baka puwede mong sikapin na manalangin nang mas madalas at mula sa puso. Baka kailangan mo pang maipakita ang pagpipigil sa sarili pagdating sa pagpili ng libangan at sa panahong ginagamit mo rito. (Efe. 5:15, 16) Kapag nakikita ni Jehova na nagsisikap ka na mas sumulong pa, tiyak na masaya siya.

Isa sa mga sister sa kabilang larawan na nag-aaral ng artikulo sa “Bantayan” ang tumutulong sa pamimili ng isang may-edad nang sister.

Anong tunguhin ang itinakda niya? (Tingnan ang parapo 17)

17. Paano ka makikinabang kung tutulungan mo ang iba?

17 Nagiging mas may-gulang kang Kristiyano kapag tumutulong ka sa iba. Sinabi ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Talagang makikinabang ka kapag ginamit mo ang panahon at lakas mo sa pagtulong sa iba. Halimbawa, puwede mong maging tunguhin na tulungan ang mga may-edad at mahina ang kalusugan sa inyong kongregasyon. Baka puwede mo silang ipamili o tulungan sa paggamit ng mga gadyet nila. Kung isa kang brother, gawing tunguhin na maging ministeryal na lingkod para mas matulungan ang mga kapatid. (Fil. 2:4) Maipapakita mo ring mahal mo ang ibang tao kung ipapangaral mo sa kanila ang mabuting balita tungkol sa Kaharian. (Mat. 9:36, 37) Kung posible, gawing tunguhin na maglingkod nang buong panahon.

18. Paano makakatulong ang buong-panahong paglilingkod para sumulong ka?

18 Kapag nasa buong-panahong paglilingkod ka, mas marami kang pagkakataon na sumulong sa espirituwal. Kung isa kang pioneer, puwede kang mag-aral sa School for Kingdom Evangelizers. Puwede ka ring maglingkod sa Bethel o tumulong sa pagtatayo ng teokratikong mga pasilidad. Sinabi ng kabataang pioneer na si Kaitlyn: “Pagkatapos ng bautismo ko, nakatulong sa akin ang pagsama sa makaranasang mga kapatid sa ministeryo para sumulong ako sa espirituwal. Napakilos ako ng halimbawa nila na mas pag-aralan pa ang Bibliya at pasulungin ang kakayahan kong magturo.”

19. Anong mga pagpapala ang tatanggapin mo kung patuloy kang susulong sa espirituwal?

19 Habang patuloy kang sumusulong sa espirituwal, marami kang matatanggap na pagpapala. Hindi masasayang ang lakas mo sa paghahabol sa walang kabuluhang mga tunguhin. (1 Juan 2:17) Hindi mo mararanasan ang sakit na resulta ng maling mga desisyon. Sa halip, magiging matagumpay ka at tunay na maligaya. (Kaw. 16:3) Mapapatibay mo rin ang mga kapatid, bata man o matanda. (1 Tim. 4:12) At higit sa lahat, mapapanatag ka at magiging kontento dahil napapasaya mo si Jehova at mayroon kang malapít na kaugnayan sa kaniya.​—Kaw. 23:15, 16.

ANO ANG SAGOT MO?

  • Bakit kailangan nating sumulong pagkatapos ng bautismo?

  • Ano ang mga puwedeng gawin ng isang kabataan para sumulong sa espirituwal?

  • Paano makakatulong sa atin ang pagtatakda ng kapaki-pakinabang na mga tunguhin para sumulong sa espirituwal?

AWIT 88 Ipaalam Mo sa Akin ang Iyong mga Daan

a Masayang-masaya ang lahat ng lingkod ni Jehova kapag nagpapabautismo ang mga kabataan. Pero kahit nabautismuhan na sila, kailangan pa rin nilang patuloy na sumulong sa espirituwal. Tutulungan tayo ng artikulong ito na malaman kung paano susulong sa espirituwal na pagkamaygulang ang mga kabataang bagong bautismo.

b Binago ang ilang pangalan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share