Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w23 Mayo p. 8-13
  • Paano Sinasagot ni Jehova ang mga Panalangin Natin?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Sinasagot ni Jehova ang mga Panalangin Natin?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2023
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • PUWEDENG SUMAGOT SI JEHOVA SA PARAANG HINDI NATIN INAASAHAN
  • MGA PARAAN KUNG PAANO SINASAGOT NI JEHOVA ANG MGA PANALANGIN NATIN
  • KAILANGAN ANG PANANAMPALATAYA PARA MAKITA ANG SAGOT NI JEHOVA
  • Kaninong mga Panalangin ang Sinasagot?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Maging Malapít sa Diyos sa Panalangin
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
  • Ang mga Panalangin na Sinasagot
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Introduksiyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2021
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2023
w23 Mayo p. 8-13

ARALING ARTIKULO 21

Paano Sinasagot ni Jehova ang mga Panalangin Natin?

“Alam natin na tatanggapin natin ang mga bagay na hiniling natin, dahil hiniling natin ang mga iyon sa kaniya.”​—1 JUAN 5:15.

AWIT 41 Pakinggan Sana ang Aking Dalangin

NILALAMANa

1-2. Ano ang puwede nating maisip tungkol sa mga panalangin natin?

NAISIP mo na ba kung talagang sinasagot ni Jehova ang mga panalangin mo? Naitanong na rin iyan ng maraming kapatid, lalo na noong mga panahong may pinagdadaanan sila. Kapag may mga problema tayo, baka mahirapan tayong makita ang sagot ni Jehova sa mga panalangin natin.

2 Tatalakayin natin kung bakit tayo makakapagtiwala na sinasagot ni Jehova ang panalangin ng mga lingkod niya. (1 Juan 5:15) Sasagutin din natin ang mga tanong na ito: Bakit may mga pagkakataon na parang hindi sinasagot ni Jehova ang mga panalangin natin? Paano sinasagot ni Jehova ang mga panalangin natin?

PUWEDENG SUMAGOT SI JEHOVA SA PARAANG HINDI NATIN INAASAHAN

3. Bakit gusto ni Jehova na manalangin tayo sa kaniya?

3 Tinitiyak sa atin ng Kasulatan na mahal na mahal tayo ni Jehova at mahalaga tayo sa kaniya. (Hag. 2:7; 1 Juan 4:10) Kaya gusto niya na humingi tayo ng tulong sa kaniya sa panalangin. (1 Ped. 5:6, 7) Gusto niya tayong tulungan na manatiling malapít sa kaniya at maharap ang mga problema natin.

Sinibat si David habang tumutugtog ng alpa, pero nakailag siya.

Sinagot ni Jehova ang mga panalangin ni David nang iligtas niya ito sa mga kaaway (Tingnan ang parapo 4)

4. Bakit makakapagtiwala tayo na sinasagot ni Jehova ang panalangin ng mga lingkod niya? (Tingnan din ang larawan.)

4 Mula pa noong panahon ng Bibliya, sinasagot na ni Jehova ang panalangin ng mga lingkod niya. Tingnan ang halimbawa ni Haring David. Maraming beses na nanganib ang buhay niya dahil sa mga kaaway, at lagi siyang humihingi ng tulong kay Jehova. Minsan, nanalangin siya: “O Jehova, dinggin mo ang panalangin ko; pakinggan mo ang paghingi ko ng tulong. Ayon sa iyong katapatan at katuwiran, sagutin mo ako.” (Awit 143:1) Sinagot ni Jehova ang mga paghingi ng tulong ni David at iniligtas siya. (1 Sam. 19:10, 18-20; 2 Sam. 5:17-25) Kaya nasabi ni David: “Si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya.” Makakapagtiwala rin tayo diyan!—Awit 145:18.

Marubdob na nananalangin si apostol Pablo kay Jehova.

Sinagot ni Jehova ang mga panalangin ni Pablo nang bigyan niya ito ng lakas para makapagtiis (Tingnan ang parapo 5)

5. Lagi bang sinasagot ni Jehova ang panalangin ng mga lingkod niya noon sa paraang inaasahan nila? Magbigay ng halimbawa. (Tingnan din ang larawan.)

5 Hindi laging sinasagot ni Jehova ang mga panalangin natin sa paraang inaasahan natin. Halimbawa, hiniling ni apostol Pablo sa Diyos na alisin ang “isang tinik sa laman.” Tatlong beses niya itong ipinanalangin nang espesipiko. Sinagot ba ni Jehova ang mga iyon? Oo, pero hindi sa paraang inaasahan ni Pablo. Hindi inalis ni Jehova ang problema niya, pero binigyan Niya siya ng lakas na kailangan para patuloy na makapaglingkod nang tapat.​—2 Cor. 12:7-10.

6. Bakit may mga pagkakataon na parang hindi sinasagot ni Jehova ang mga panalangin natin?

6 May mga pagkakataon bang sinagot ni Jehova ang mga panalangin mo sa paraang hindi mo inaasahan? Sigurado tayong alam niya ang pinakamagandang paraan para tulungan tayo. May kakayahan pa nga siyang gawin “ang mga bagay na di-hamak na nakahihigit sa lahat ng mahihiling o maiisip natin.” (Efe. 3:20) Kaya posibleng sagutin niya ang mga panalangin natin sa panahon at paraan na hindi natin inaasahan.

7. Bakit kailangan nating baguhin ang ipinapanalangin natin kung minsan? Magbigay ng halimbawa.

7 Kung minsan, baka kailangan nating baguhin ang ipinapanalangin natin habang mas naiintindihan natin ang kalooban ni Jehova. Tingnan ang halimbawa ni Brother Martin Poetzinger. Di-nagtagal pagkatapos niyang ikasal, nabilanggo siya sa kampong piitan ng mga Nazi. Noong una, ipinanalangin niya na makalaya na sana siya para maalagaan ang asawa niya at makapagpatuloy sa pangangaral. Pero pagkalipas ng dalawang linggo, walang senyales na tutulungan siya ni Jehova na makalaya. Kaya nanalangin siya, “Jehova, pakisuyo, ipakita n’yo po sa akin kung ano ang gusto n’yong gawin ko.” Pagkatapos, pinag-isipan niya kung ano ang pinagdadaanan ng mga kapatid na kasama niyang nakabilanggo. Marami ang alalang-alala sa asawa at mga anak nila. Kaya nanalangin ulit si Brother Poetzinger: “Jehova, salamat po sa bagong atas ko. Tulungan n’yo po akong patibayin ang mga kapatid ko.” At iyon nga ang ginawa niya sa loob ng siyam na taon sa mga kampong piitan!

8. Ano ang dapat nating tandaan kapag nananalangin?

8 Tandaan na tutuparin ni Jehova ang layunin niya sa panahong itinakda niya. Kasama sa layunin niya na permanenteng alisin ang lahat ng problema na dahilan ng pagdurusa natin ngayon, gaya ng mga sakuna, sakit, at kamatayan. Gagamitin ni Jehova ang kaniyang Kaharian para tuparin ang layunin niya. (Dan. 2:44; Apoc. 21:3, 4) Pero habang hindi pa nangyayari iyan, pinapahintulutan muna ni Jehova si Satanas na mamahala sa mundo.b (Juan 12:31; Apoc. 12:9) Kung aalisin na ngayon ni Jehova ang mga problema natin, magmumukhang nagtatagumpay si Satanas sa pamamahala niya. Pero habang hinihintay natin na tuparin ni Jehova ang mga pangako niya, makakaasa tayo sa tulong niya. Tingnan natin kung paano niya iyan ginagawa.

MGA PARAAN KUNG PAANO SINASAGOT NI JEHOVA ANG MGA PANALANGIN NATIN

9. Paano tayo puwedeng tulungan ni Jehova kapag gumagawa tayo ng desisyon? Magbigay ng halimbawa.

9 Binibigyan niya tayo ng karunungan. Nangangako si Jehova na gagawin niya iyan para makagawa tayo ng mga tamang desisyon. Kailangan natin ng karunungan lalo na kapag gagawa tayo ng desisyon na makakaapekto sa buong buhay natin, halimbawa, kung mag-aasawa tayo o mananatiling single. (Sant. 1:5) Tingnan ang karanasan ni Maria, isang single na sister.c Masaya siyang naglilingkod bilang regular pioneer nang makilala niya ang isang brother. Sinabi niya: “Habang mas nagiging close kami, mas nagugustuhan namin ang isa’t isa. Alam kong kailangan kong magdesisyon. Lagi ko itong ipinapanalangin. Kailangan ko ang tulong ni Jehova, pero alam ko na hindi siya ang magdedesisyon para sa akin.” Naramdaman niyang sinagot ni Jehova ang paghingi niya ng karunungan. Nang mag-research siya sa mga publikasyon natin, nakakita siya ng espesipikong mga artikulo na sumagot sa mga tanong niya. Nakatulong din sa kaniya ang payo ng nanay niya na mahusay sa espirituwal. Kaya nakagawa siya ng magandang desisyon.

Brother na nagbabasa ng Bibliya habang nasa refugee camp.[Larawan sa pahina 10]

Paano tayo binibigyan ni Jehova ng lakas para makapagtiis? (Tingnan ang parapo 10)

10. Ayon sa Filipos 4:13, paano tinutulungan ni Jehova ang mga lingkod niya? Magbigay ng halimbawa. (Tingnan din ang larawan.)

10 Binibigyan niya tayo ng lakas para makapagtiis. Gaya ni apostol Pablo, bibigyan din tayo ni Jehova ng lakas na kailangan natin para matiis ang mga problema. (Basahin ang Filipos 4:13.) Tingnan kung paano tinulungan ni Jehova ang brother na si Benjamin para matiis ang mahihirap na sitwasyon. Lumaki si Benjamin sa mga refugee camp sa Africa kasama ng pamilya niya. Sinabi niya: “Palagi kong ipinapanalangin kay Jehova na bigyan niya ako ng lakas para magawa ko ang mga makakapagpasaya sa kaniya. Sinagot iyon ni Jehova. Binigyan niya ako ng kapayapaan ng isip, lakas ng loob para patuloy na makapangaral, at mga publikasyon para makapanatiling malapít sa kaniya.” Sinabi pa niya: “Nakatulong sa akin ang pagbabasa ng mga karanasan ng mga kapatid at kung paano sila tinulungan ni Jehova na makapagtiis, kaya mas naging determinado akong manatiling tapat.”

Ginamit na ba ni Jehova ang mga kapatid para tulungan ka? (Tingnan ang parapo 11-12)d

11-12. Paano puwedeng gamitin ni Jehova ang mga kapatid para sagutin ang mga panalangin natin? (Tingnan din ang larawan.)

11 Ginagamit niya ang mga kapatid. Noong gabi bago mamatay si Jesus, marubdob siyang nanalangin. Hiniling niya kay Jehova na huwag hayaang mahatulan siya bilang mamumusong. Hindi iyon ang ginawa ni Jehova. Pero nagsugo siya ng isang anghel para palakasin si Jesus. (Luc. 22:42, 43) Puwede ring gamitin ni Jehova ang mga kapatid para tulungan tayo. Puwede nila tayong tawagan o bisitahin para patibayin tayo. At lahat tayo, puwedeng maghanap ng mga pagkakataon para magbigay ng “positibong salita” sa mga kapatid.​—Kaw. 12:25.

12 Tingnan ang karanasan ng sister na si Miriam. Ilang linggo pagkamatay ng asawa niya, lungkot na lungkot siya habang mag-isa sa bahay. Wala siyang tigil sa pag-iyak, at kailangan niya ng makakausap. Sinabi niya: “Wala akong lakas para tumawag sa iba, kaya nanalangin ako. Habang umiiyak ako at nananalangin, biglang tumawag ang isang elder na malapít naming kaibigan.” Pinatibay si Miriam ng elder at ng asawa nito. Talagang kumbinsido siya na pinakilos ni Jehova ang brother na tumawag.

Doktor na may ipinapakitang impormasyon sa mag-asawa.

Paano puwedeng pakilusin ni Jehova ang iba para tulungan tayo? (Tingnan ang parapo 13-14)

13. Magbigay ng halimbawa kung paano puwedeng gamitin ni Jehova ang mga hindi naglilingkod sa kaniya para sagutin ang mga panalangin natin.

13 Puwede niyang gamitin ang mga hindi naglilingkod sa kaniya. (Kaw. 21:1) May mga pagkakataong ginagamit ni Jehova ang mga hindi sumasamba sa kaniya para sagutin ang mga panalangin ng mga lingkod niya. Halimbawa, pinakilos niya si Haring Artajerjes para payagan si Nehemias na bumalik sa Jerusalem at itayong muli ang lunsod. (Neh. 2:3-6) Sa ngayon, puwede ring pakilusin ni Jehova ang mga hindi sumasamba sa kaniya para tulungan tayo kung kinakailangan.

14. Paano ka napapatibay ng karanasan ni Soo Hing? (Tingnan din ang larawan.)

14 Kumbinsido ang sister na si Soo Hing na ginamit ni Jehova ang doktor ng pamilya niya para tulungan sila. May mental health problem ang anak niya. Nang maaksidente ito, nag-resign silang mag-asawa sa trabaho para maalagaan ito. Dahil diyan, nagkaproblema sila sa pinansiyal. Pakiramdam ni Soo Hing, sagad na sagad na siya dahil sa mga problema. Ibinuhos niya kay Jehova ang laman ng puso niya at humingi ng tulong. Naghanap ng paraan ang doktor para tulungan sila. Kaya nakatanggap sila ng tulong mula sa gobyerno at naihanap sila ng mas murang matitirhan. Sinabi ni Soo Hing: “Kitang-kita namin ang tulong ni Jehova. Talagang ‘dumirinig siya ng panalangin.’”—Awit 65:2.

KAILANGAN ANG PANANAMPALATAYA PARA MAKITA ANG SAGOT NI JEHOVA

15. Ano ang nakatulong sa isang sister para makitang sinasagot ni Jehova ang mga panalangin niya?

15 Hindi laging sinasagot ni Jehova ang mga panalangin natin sa pambihirang paraan. Pero ang mga sagot niya ang kailangan natin para makapanatiling tapat sa kaniya. Kaya sikaping makita ang sagot niya sa mga panalangin mo. Pakiramdam ng sister na si Yoko, hindi sinasagot ni Jehova ang mga panalangin niya. Kaya inilista niya ang mga hiniling niya kay Jehova. Paglipas ng panahon, tiningnan niya ang notebook niya at nakita niyang sinagot ni Jehova ang karamihan sa mga panalangin niya. Ang ilan pa nga sa mga iyon, nakalimutan na niya. Kaya paminsan-minsan, kailangan nating huminto at pag-isipan kung paano sinasagot ni Jehova ang mga panalangin natin.​—Awit 66:19, 20.

16. Paano natin maipapakita ang pananampalataya kapag nananalangin? (Hebreo 11:6)

16 Bukod sa pananalangin, maipapakita rin natin ang pananampalataya kung tatanggapin natin anuman ang sagot ni Jehova sa panalangin natin. (Basahin ang Hebreo 11:6.) Tingnan ang halimbawa ni Mike at ng asawa niyang si Chrissy. Goal nila ang maglingkod sa Bethel. Sinabi ni Mike: “Maraming beses kaming nag-apply, at lagi naming ipinapanalangin iyon kay Jehova. Pero hindi kami natatawag.” Nagtiwala sina Mike at Chrissy na alam ni Jehova kung ano ang pinakamagandang atas para sa kanila. Kaya nagpatuloy sila sa pagre-regular pioneer sa lugar na mas malaki ang pangangailangan. Nagboluntaryo rin sila sa mga construction project. Nasa gawaing paglalakbay sila ngayon. “Hindi laging sinasagot ni Jehova ang mga panalangin namin sa paraang iniisip namin,” ang sabi ni Mike, “pero sinagot niya ang mga iyon nang higit pa sa inaasahan namin.”

17-18. Ayon sa Awit 86:6, 7, saan tayo makakapagtiwala?

17 Basahin ang Awit 86:6, 7. Kumbinsido ang salmistang si David na sinagot ni Jehova ang mga panalangin niya. Makakasigurado ka rin diyan, gaya niya! Tinitiyak sa atin ng mga halimbawa sa artikulong ito na kaya tayong bigyan ni Jehova ng karunungan at ng lakas na kailangan natin para makapagtiis. Puwede rin niyang gamitin ang mga kapatid o kahit ang mga hindi naglilingkod sa kaniya para tulungan tayo.

18 Hindi man laging sinasagot ni Jehova ang mga panalangin natin sa paraang inaasahan natin, alam nating sinasagot niya ang mga iyon. Ibibigay niya kung ano ang kailangan natin sa tamang panahon. Kaya patuloy na manalangin nang may pananampalataya. Magtiwala na tutulungan ka ni Jehova ngayon at ibibigay niya ang “inaasam ng bawat bagay na may buhay” sa darating na bagong sanlibutan.​—Awit 145:16.

ANO ANG SAGOT MO?

  • Bakit posibleng hindi sagutin ni Jehova ang mga panalangin natin sa paraang inaasahan natin?

  • Magbigay ng mga paraan kung paano puwedeng sagutin ni Jehova ang mga panalangin natin.

  • Paano natin maipapakita ang pananampalataya kapag nananalangin?

AWIT 46 Salamat, Jehova

a Tinitiyak sa atin ni Jehova na sasagutin niya ang mga panalangin natin kung kaayon ito ng kalooban niya. Habang tinitiis natin ang mga pagsubok, siguradong tutulungan niya tayo na makapanatiling tapat sa kaniya. Tatalakayin natin kung paano sinasagot ni Jehova ang mga panalangin natin.

b Para malaman kung bakit pinapahintulutan ni Jehova si Satanas na mamahala sa mundo, tingnan ang artikulong “Magpokus sa Malaking Isyu” sa Hunyo 2017 ng Bantayan.

c Binago ang ilang pangalan.

d LARAWAN: Magnanay na dumating sa ibang bansa bilang mga refugee. Wine-welcome sila ng mga kapatid at tinutulungan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share