Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w25 Mayo p. 8-13
  • Papatibayin Ka at Papalakasin ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Papatibayin Ka at Papalakasin ni Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • PINAPATAWAD TAYO NG MAAWAIN NATING DIYOS
  • BINIBIGYAN TAYO NI JEHOVA NG PAG-ASA
  • TINUTULUNGAN TAYO NI JEHOVA NA HUWAG MASYADONG MAG-ALALA
  • Pinapagaling ni Jehova ang mga May Pusong Nasasaktan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Tanggapin na May mga Bagay na Hindi Natin Alam
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Hindi Ka Nag-iisa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Magtiwala kay Jehova Kapag Gumagawa ng mga Desisyon
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2023
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
w25 Mayo p. 8-13

ARALING ARTIKULO 20

AWIT BLG. 7 Jehova, Aming Lakas

Papatibayin Ka at Papalakasin ni Jehova

“Purihin nawa . . . ang Ama na magiliw at maawain at ang Diyos na nagbibigay ng kaaliwan sa anumang sitwasyon.”—2 COR. 1:3.

MATUTUTUHAN

Kung ano ang ginawa ni Jehova para sa mga tapong Judio na ginagawa niya rin para sa atin sa ngayon at kung paano tayo nakikinabang dito.

1. Ano ang sitwasyon ng mga tapong Judio sa Babilonya?

ISIPIN ang kalagayan ng mga tapong Judio sa Babilonya. Nakita nilang nawasak ang sarili nilang bayan. Dahil sa mga kasalanan nila at ng mga ninuno nila, ipinatapon sila sa isang malayong lupain. (2 Cro. 36:15, 16, 20, 21) Nagagawa naman nila sa Babilonya ang pang-araw-araw na gawain nila. (Jer. 29:4-7) Pero mahirap pa rin ang kalagayan nila, at siguradong hindi iyon ang buhay na gusto nila. Ano kaya ang nararamdaman nila? Ganito ang sinabi ng isa sa kanila: “Sa tabi ng mga ilog ng Babilonya, doon kami umupo. Napaiyak kami nang maalaala namin ang Sion.” (Awit 137:1) Sobrang lungkot ng mga tapong Judio. Kailangan silang patibayin at palakasin. Pero sino ang gagawa nito?

2-3. (a) Ano ang ginawa ni Jehova para sa mga tapong Judio? (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

2 Si Jehova “ang Diyos na nagbibigay ng kaaliwan sa anumang sitwasyon.” (2 Cor. 1:3) Mahal niya ang mga lingkod niya, at gusto niya silang patibayin at palakasin. Alam ni Jehova na may ilang tapong Judio na tatanggap sa disiplina niya at manunumbalik sa kaniya. (Isa. 59:20) Kaya mahigit 100 taon bago sila ipatapon, nagbigay siya ng mensahe kay propeta Isaias para sa kanila. Ito ang aklat ng Isaias. Paano sila matutulungan ng aklat na ito? Sinabi ni Isaias: “‘Aliwin ninyo, aliwin ninyo ang bayan ko,’ ang sabi ng inyong Diyos.” (Isa. 40:1) Inilaan ni Jehova ang aklat na ito para patibayin ang mga Judio.

3 Gaya ng mga Judio na iyon, may mga pagkakataong kailangan din natin ng pampatibay. Tatalakayin natin sa artikulong ito ang tatlong paraan kung paano sila pinatibay ni Jehova: (1) Nangako siyang papatawarin niya ang mga nagsisisi, (2) binigyan niya sila ng pag-asa, at (3) tinulungan niya silang huwag masyadong mag-alala. Tatalakayin din natin kung paano iyan ginagawa ni Jehova para sa atin ngayon.

PINAPATAWAD TAYO NG MAAWAIN NATING DIYOS

4. Paano ipinakita ni Jehova na maawain siya? (Isaias 55:7)

4 Si Jehova “ang Ama na magiliw at maawain.” (2 Cor. 1:3) Ipinakita niya iyan nang mangako siyang papatawarin niya ang nagsisising mga Judio. (Basahin ang Isaias 55:7.) Sinabi ni Jehova: “Dahil walang hanggan ang aking tapat na pag-ibig ay maaawa ako sa iyo.” (Isa. 54:8) Paano naging maawain si Jehova sa mga Judio? Kahit kailangan pa rin silang ipatapon sa Babilonya sa loob ng maraming taon, nangako si Jehova na hindi sila mananatili doon magpakailanman. (Isa. 40:2) Talagang nakakapagpatibay iyan sa mga nagsisising Judio!

5. Bakit mas marami tayong dahilan kaysa sa mga Judio para magtiwalang papatawarin tayo ni Jehova?

5 Aral. Handa si Jehova na lubusang patawarin ang mga lingkod niya. Mas marami pa tayong dahilan kaysa sa mga Judio para maniwala diyan, kasi alam natin kung ano ang ginawa ni Jehova para mapatawad tayo. Daan-daang taon matapos humula si Isaias, isinugo ni Jehova ang minamahal niyang Anak sa lupa para maging pantubos sa lahat ng nagsisising makasalanan. Dahil dito, posibleng mapatawad—o lubusang mabura—ang mga kasalanan natin. (Gawa 3:19; Isa. 1:18; Efe. 1:7) Talagang napakamaawain ng Diyos natin!

6. Bakit dapat nating tandaan na talagang nagpapatawad si Jehova? (Tingnan din ang larawan.)

6 Makakatulong sa atin ang sinabi ni Jehova sa Isaias 55:7 kung sobra tayong nakokonsensiya. May ilan na nararamdaman pa rin iyan kahit nagsisi na sila. Baka nakokonsensiya ka dahil pinagdurusahan mo pa rin ang mga epekto ng nagawa mo. Pero kung ipinagtapat mo na ang kasalanan mo at gumawa ng mga pagbabago, makakapagtiwala kang pinatawad ka na ni Jehova. At kapag nagpatawad siya, kinakalimutan na niya ang mga kasalanan mo. (Ihambing ang Jeremias 31:34.) Kaya kung hindi na iniisip ni Jehova ang mga nagawa mo dati, huwag mo na ring isipin iyon. Ang mga ginagawa mo ngayon ang mahalaga kay Jehova, hindi ang mga nagawa mong kasalanan noon. (Ezek. 33:14-16) Hindi na magtatagal, permanente nang aalisin ni Jehova ang lahat ng epekto ng kasalanan natin dahil magiliw siya at maawain.

Isang brother na naglalakad. Collage: Makikita sa kaliwa ang mga bagay na ginagawa niya noon, at sa kanan naman ang mga ginagawa niya ngayon. Mga ginagawa niyang mali noon: 1. Naglalaro ng mararahas na video game. 2. Naglalasing at naninigarilyo. 3. Nanonood ng kuwestiyunableng video sa computer. Mga ginagawa niya ngayon: 1. Naglilinis ng Kingdom Hall. 2. Nakikipagkuwentuhan sa isang may-edad na sister. 3. Nangangaral.

Ang mga ginagawa mo ngayon ang mahalaga kay Jehova, hindi ang mga nagawa mong kasalanan noon (Tingnan ang parapo 6)


7. Kung may itinatago tayong kasalanan, ano ang magpapakilos sa atin na ipagtapat iyon?

7 Ano ang dapat nating gawin kung nakokonsensiya tayo dahil may itinatago tayong kasalanan? Pinapayuhan tayo ng Bibliya na lumapit sa mga elder. (Sant. 5:14, 15) Hindi iyan laging madaling gawin. Pero mapapakilos tayong lumapit sa mga elder kung nagsisisi tayo at kung tatandaan nating maawain si Jehova at ang mga lalaking inatasan niya. Tingnan kung paano napatibay ang isang brother dahil sa awa ni Jehova. Sobrang nakokonsensiya si Arthur.a “Mga isang taon akong nanonood ng pornograpya,” ang sabi niya. “Pero nang may marinig akong pahayag tungkol sa konsensiya, nagtapat ako sa asawa ko at sa mga elder. Gumaan ang pakiramdam ko. Pero nakokonsensiya pa rin ako. Ipinaalala sa akin ng mga elder na gusto pa rin akong maging kaibigan ni Jehova at na dinidisiplina niya tayo dahil mahal niya tayo. Tumagos iyon sa puso ko! At talagang naramdaman ko na pinatawad na ako ni Jehova.” Regular pioneer na ngayon si Arthur at isang ministeryal na lingkod. Talagang nakakapagpatibay malaman na maawain si Jehova sa mga nagsisisi!

BINIBIGYAN TAYO NI JEHOVA NG PAG-ASA

8. (a) Anong pag-asa ang ibinigay ni Jehova sa mga tapong Judio? (b) Ayon sa Isaias 40:29-31, ano ang puwedeng maging epekto ng pag-asa sa nagsisising mga Judio?

8 Parang wala nang pag-asa ang mga Judio. Kilala ang Babilonya na hindi nagpapalaya ng mga bihag nito. (Isa. 14:17) Pero may pag-asa! Nangako si Jehova na papalayain niya sila at walang makakapigil sa kaniya. (Isa. 44:26; 55:12) Para kay Jehova, gaya lang ng manipis na alikabok ang Babilonya. (Isa. 40:15) Hipan mo lang ang alikabok, mawawala na ito! Ganiyan kadali para kay Jehova na palayain ang bayan niya mula sa Babilonya. Ano ang epekto ng pangakong ito sa mga Judio? Siguradong napatibay sila niyan. Sinabi pa ni Isaias: “Ang mga umaasa kay Jehova ay muling lalakas.” (Basahin ang Isaias 40:29-31.) Kaya mabubuhayan sila dahil sa pag-asa; “lilipad sila nang mataas na para bang may mga pakpak gaya ng agila.”

9. Bakit makakapagtiwala ang mga Judio sa mga pangako ni Jehova?

9 Bakit makakapagtiwala ang mga Judio sa mga pangako ni Jehova? Dahil sa mga hulang natupad noong panahon nila. Alam nilang nagkatotoo ang sinabi ni Jehova na sasakupin ng Asirya ang hilagang kaharian ng Israel at magiging bihag ang mga naninirahan dito. (Isa. 8:4) Nakita rin nilang winasak ng hukbo ng Babilonya ang Jerusalem at naging tapon ang mga tagaroon. (Isa. 39:5-7) Alam din nilang binulag si Haring Zedekias at dinala sa Babilonya. (Jer. 39:7; Ezek. 12:12, 13) Talagang nagkatotoo ang lahat ng inihula ni Jehova. (Isa. 42:9; 46:10) Siguradong napatibay nito ang pananampalataya nila na tutuparin din ni Jehova ang pangako niyang papalayain sila.

10. Ano ang tutulong sa atin na huwag mawalan ng pag-asa habang nasa mga huling araw na ito?

10 Aral. Kapag pinanghihinaan tayo ng loob, mapapatibay at mapapalakas tayo ng pag-asa. Pahirap nang pahirap ang buhay natin sa mundong ito, at malakas ang mga kaaway natin. Pero hindi tayo dapat panghinaan ng loob. Nangangako si Jehova na mabubuhay tayo nang panatag at walang hanggan sa Paraiso. Dapat na laging malinaw sa puso at isip natin ang pag-asang iyan. Kung hindi, para tayong tumitingin sa isang magandang tanawin sa isang malabong bintana. Paano natin “lilinisin ang bintana,” o pananatilihing malinaw ang pag-asa natin? Laging pag-isipan ang magiging buhay natin sa bagong sanlibutan. Puwede tayong magbasa ng mga artikulo, manood ng mga video, o makinig sa mga kantang tungkol sa pag-asa natin. At puwede rin nating ikuwento kay Jehova sa panalangin ang mga pangakong gustong-gusto na nating matupad.

11. Paano napapatibay at napapalakas ang isang sister natin na may malubhang sakit?

11 Tingnan kung paano napatibay at napalakas ng pag-asa ang sister nating si Joy, na may malubhang sakit. Sinabi niya: “Kapag pinanghihinaan ako ng loob dahil sa mga problema ko, sinasabi ko kay Jehova ang nararamdaman ko kasi alam kong naiintindihan niya ako. Sinasagot ni Jehova ang panalangin ko at binibigyan niya ako ng ‘lakas na higit sa karaniwan.’” (2 Cor. 4:7) Ini-imagine din ni Joy ang sarili niya sa bagong sanlibutan, kung saan wala nang magsasabi, “May sakit ako.” (Isa. 33:24) Kung sasabihin din natin kay Jehova ang lahat ng nararamdaman natin at magpopokus sa pag-asa natin, magkakaroon tayo ng lakas na tiisin ang mga problema natin.

12. Bakit tayo makakapagtiwala sa mga pangako ni Jehova? (Tingnan din ang larawan.)

12 Gaya ng ginawa ni Jehova sa mga Judio, binigyan niya rin tayo ng maraming basehan para magtiwala sa mga pangako niya. Kitang-kita nating natutupad ang mga hula niya. Halimbawa, totoong-totoo ang sinabi ng Bibliya na ang Anglo-Amerika ay “may bahaging malakas at may bahaging mahina.” (Dan. 2:42, 43) Nababalitaan din natin ang mga “lindol sa iba’t ibang lugar,” at ipinapangaral din natin ang mabuting balita sa “lahat ng bansa.” (Mat. 24:7, 14) Napapatibay ng mga hulang ito at ng marami pang iba ang tiwala natin na matutupad ang lahat ng ipinangako ni Jehova.

Isang sister na nagbabasa ng Bibliya at pinag-iisipan ang mga hula dito. Collage: 1. Isang mag-asawang nakatayo sa tabi ng cart at kinakausap ang isang lalaki. 2. Isang mag-ama na nakatingin sa mga sinira ng isang likas na sakuna. 3. Isang bato ang tumama sa paa ng imahen sa panaginip ni Nabucodonosor, na mababasa sa Daniel kabanata 2. 4. Masasayang tao sa Paraisong lupa.

Lalo tayong nagtitiwala sa mga pangako ni Jehova dahil sa mga hulang natutupad sa ngayon (Tingnan ang parapo 12)


TINUTULUNGAN TAYO NI JEHOVA NA HUWAG MASYADONG MAG-ALALA

13. (a) Anong hamon ang napaharap sa mga Judio noong malapit na silang lumaya? (b) Gaya ng mababasa sa Isaias 41:10-13, paano pinatibay ni Jehova ang mga Judio?

13 Binigyan na ni Jehova ng pag-asa ang mga Judio. Pero alam niyang kailangan niya pa rin silang patibayin dahil mapapaharap sila sa mga hamon. Inihula ni Jehova na bago sila lumaya, sasalakayin ng isang makapangyarihang tagapamahala ang nakapalibot na mga bansa at ang Babilonya. (Isa. 41:2-5) Dapat bang matakot ang mga Judio? Maraming taon bago pa mangyari ito, pinatibay ni Jehova ang bayan niya at sinabi: “Huwag kang matakot, dahil kasama mo ako. Huwag kang mag-alala, dahil ako ang Diyos mo.” (Basahin ang Isaias 41:10-13.) Ano ang ibig sabihin ni Jehova nang sabihin niyang “Ako ang Diyos mo”? Hindi niya ipinapaalala sa mga Judio na dapat nila siyang sambahin—kasi alam na nila iyon. Ipinapaalala niya na kasama siya ng bayan niya at tutulungan niya sila.—Awit 118:6.

14. Paano pa tinulungan ni Jehova ang mga Judio na huwag mag-alala?

14 Ipinaalala rin ni Jehova sa mga Judio ang kaniyang walang-limitasyong kapangyarihan at kaalaman para hindi sila mag-alala. Sinabi niya sa kanila na tingnan ang mga bituin sa langit. Ipinaliwanag niya na hindi niya lang ginawa ang mga bituin, alam din niya ang pangalan ng bawat isa sa mga ito. (Isa. 40:25-28) Kung alam ni Jehova ang pangalan ng bawat bituin, siguradong alam din niya ang pangalan ng bawat lingkod niya. At kung kaya niyang gumawa ng mga bituin, siguradong may kapangyarihan din siya na tulungan ang bayan niya. Kaya wala talagang dahilan para mag-alala o matakot ang mga Judio.

15. Paano inihanda ng Diyos ang mga Judio sa mga mangyayari?

15 Inihanda rin ni Jehova ang bayan niya sa mga mangyayari kapag malapit na silang lumaya. Sa unang bahagi ng aklat ng Isaias, sinabi ng Diyos: “Pumasok kayo, bayan ko, sa inyong mga kaloob-loobang silid, at isara ninyo ang mga pinto. Magtago kayo sandali hanggang sa makalampas ang galit.” (Isa. 26:20) Posibleng sinunod ng mga Judio ang tagubiling ito nang salakayin ni Haring Ciro ang Babilonya. Sinabi ng isang Griegong istoryador na nang pasukin ni Ciro ang Babilonya, “tumanggap ng utos [ang mga sundalo niya] na patayin ang lahat ng kanilang masumpungan sa labas ng mga pintuan.” Siguradong takot na takot ang mga taga-Babilonya! Pero malamang na nakaligtas ang mga Judio dahil sumunod sila kay Jehova.

16. Bakit hindi tayo dapat masyadong mag-alala sa darating na malaking kapighatian? (Tingnan din ang larawan.)

16 Aral. Malapit na ang malaking kapighatian at ito ang pinakamahirap na kalagayang mararanasan ng mundo. Sa panahong iyon, matatakot ang maraming tao at hindi nila alam ang gagawin. Pero handa ang bayan ng Diyos. Alam natin na si Jehova ang ating Diyos. Panatag tayo kasi alam nating “nalalapit na ang kaligtasan” natin. (Luc. 21:28) Kahit atakihin tayo ng koalisyon ng mga bansa, hinding-hindi tayo matatakot. Gagamitin ni Jehova ang mga anghel niya para protektahan tayo, at bibigyan niya tayo ng mga tagubiling magliligtas sa atin. Paano makakarating sa atin ang mga tagubiling iyon? Hindi pa natin alam. Abangan natin! Pero malamang na matanggap natin ang mga tagubiling iyon mula sa kongregasyon. Parang “mga kaloob-loobang silid” ang mga kongregasyon natin; dito, ligtas tayo. Paano tayo makakapaghanda para sa malaking kapighatian? Maging malapít sa mga kapatid, maging kumbinsido na si Jehova ang gumagabay sa organisasyon, at sumunod sa mga tagubilin nito.—Heb. 10:24, 25; 13:17.

Mga kapatid na nagbabasa ng Bibliya sa isang kuwarto sa panahon ng malaking kapighatian. Gabi na noon. Nakatingin sila sa labas ng bintana habang nakaturo ang isang brother sa langit.

Kung pag-iisipan natin ang kapangyarihan at kakayahan ni Jehova na iligtas tayo, hindi tayo masyadong matatakot sa malaking kapighatian (Tingnan ang parapo 16)b


17. Paano tayo mapapatibay at mapapalakas ni Jehova?

17 Mahirap ang buhay ng mga Judio sa Babilonya, pero pinatibay at pinalakas sila ni Jehova. Ganiyan din ang gagawin niya para sa atin. Kaya anuman ang mangyari, makakaasa ka sa tulong niya. Magtiwala na maawain at mapagpatawad siya. Laging gawing malinaw ang pag-asa mo. At laging tandaan na dahil si Jehova ang Diyos mo, wala kang dapat ikatakot.

PAANO KA MAPAPATIBAY NG SUMUSUNOD NA MGA TEKSTO?

  • Isaias 55:7

  • Isaias 40:29-31

  • Isaias 41:10-13

AWIT BLG. 3 Ikaw ang Aming Pag-asa at Lakas

a Binago ang ilang pangalan.

b LARAWAN: Magkakasama ang isang maliit na grupo ng mga kapatid. Nagtitiwala sila na may kapangyarihan at kakayahan si Jehova na iligtas ang bayan niya nasaan man sila.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share