Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w25 Mayo p. 14-19
  • Patuloy na Hintayin ang Lunsod na Permanente

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Patuloy na Hintayin ang Lunsod na Permanente
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • MAGTIWALA KAY JEHOVA DAHIL HINDI KA NIYA PAPABAYAAN
  • SUMUNOD SA MGA NANGUNGUNA
  • MAGPAKITA NG PAG-IBIG AT MAGING MAPAGPATULOY
  • ANO ANG MANGYAYARI SA HINAHARAP?
  • Liham na Makakatulong sa Atin na Makapagtiis Hanggang Wakas
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Magtiwala kay Jehova Kapag Gumagawa ng mga Desisyon
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2023
  • Tanggapin na May mga Bagay na Hindi Natin Alam
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Nakakabuti sa Atin ang Paglapit sa Isa’t Isa!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
w25 Mayo p. 14-19

ARALING ARTIKULO 21

AWIT BLG. 21 Patuloy na Unahin ang Kaharian

Patuloy na Hintayin ang Lunsod na Permanente

“Buong puso nating hinahanap ang lunsod na darating.”—HEB. 13:14.

MATUTUTUHAN

Kung paano tayo matutulungan ngayon ng Hebreo kabanata 13, pati na sa hinaharap.

1. Ano ang inihula ni Jesus na mangyayari sa Jerusalem noon?

ILANG araw bago mamatay si Jesu-Kristo, may hula siyang binanggit sa mga tagasunod niya. Una itong natupad noong mawasak ang Jerusalem at ang templo nito. Nagbabala siya sa mga tagasunod niya na ‘mapapaligiran ang Jerusalem ng nagkakampong mga hukbo.’ (Luc. 21:20) Sinabi niya na kapag nakita nila ang mga hukbong iyon, kailangan nilang umalis agad. Nagkatotoo ang sinabi ni Jesus. Pinalibutan ng hukbo ng Roma ang Jerusalem.—Luc. 21:21, 22.

2. Ano ang sinabi ni apostol Pablo sa mga Hebreong Kristiyano na nakatira sa Judea at Jerusalem?

2 Ilang taon bago dumating ang hukbo ng Roma, sumulat si apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Judea at Jerusalem. Kilala ang liham na iyan ngayon bilang ang aklat ng Mga Hebreo. Sa liham na iyan, nagbigay si Pablo ng payo na makakatulong sa kanila sa mangyayari sa hinaharap—ang pagkawasak ng Jerusalem. Kung gusto nilang makaligtas, dapat na handa nilang iwan ang mga bahay at negosyo nila. Sinabi ni Pablo tungkol sa Jerusalem: “Wala tayo ritong lunsod na permanente.” Pero sinabi rin niya sa kanila: “Buong puso nating hinahanap ang lunsod na darating.”—Heb. 13:14.

3. Ano “ang lunsod na may tunay na mga pundasyon,” at bakit natin ito hinihintay?

3 Malamang na pinagtawanan ang mga Kristiyano na nagdesisyong umalis ng Jerusalem at Judea. Pero dahil sa desisyon nila, nakaligtas sila. Pinagtatawanan din tayo sa ngayon kasi hindi tayo umaasa sa pera o mga tao bilang solusyon sa mga problema ng mundo. Alam kasi natin na pansamantala lang ang mundong ito ni Satanas. Kaya patuloy nating hinihintay “ang lunsod na darating” at “may tunay na mga pundasyon”—ang Kaharian ng Diyos.a (Heb. 11:10; Mat. 6:33) Tatalakayin natin ngayon sa bawat subtitulo ang mga ito: (1) kung paano nakatulong sa mga Kristiyano noong unang siglo ang payo ni Pablo para patuloy na hintayin “ang lunsod na darating,” (2) kung paano nakatulong ang payo ni Pablo para maihanda sila sa mga mangyayari, at (3) kung paano iyon makakatulong sa atin ngayon.

MAGTIWALA KAY JEHOVA DAHIL HINDI KA NIYA PAPABAYAAN

4. Bakit mahalaga para sa mga Kristiyano noon ang Jerusalem?

4 Mahalaga para sa mga Kristiyano noon ang Jerusalem. Naitatag doon ang unang kongregasyong Kristiyano noong 33 C.E. Nandoon din ang lupong tagapamahala. Marami ring Kristiyano ang may bahay at mga ari-arian sa lunsod na iyon. Pero sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya na kailangan nilang iwan ang Jerusalem at Judea.—Mat. 24:16.

5. Paano inihanda ni Pablo ang mga Kristiyano sa mangyayari sa Jerusalem?

5 Para maihanda ang mga Kristiyano sa mga mangyayari, ipinaalala sa kanila ni Pablo ang tingin ni Jehova sa Jerusalem. Sinabi niya na hindi na banal para kay Jehova ang templo, mga saserdote, at mga inihahandog doon. (Heb. 8:13) Itinakwil din ng karamihan sa mga tagaroon ang Mesiyas. Dahil hindi na sentro ng dalisay na pagsamba ang templo sa Jerusalem, wawasakin iyon.—Luc. 13:34, 35.

6. Bakit kailangang-kailangan ng mga Kristiyano ang payo ni Pablo sa Hebreo 13:5, 6?

6 Nang sulatan ni Pablo ang mga Hebreo, maunlad na lunsod ang Jerusalem. Sinabi pa nga ng isang Romanong manunulat noong panahong iyon na ito “ang pinakasikat na lunsod sa Silangan.” Taon-taon, pumupunta sa Jerusalem ang mga Judio mula sa iba’t ibang lugar para sa mga kapistahan. Dahil diyan, gumanda ang ekonomiya ng lunsod. Siguradong nakinabang din ang ilang Kristiyano dahil doon. Posibleng iyan ang dahilan kung bakit sinabi ni Pablo sa kanila: “Huwag nawang makita sa pamumuhay ninyo ang pag-ibig sa pera, at maging kontento na kayo sa mga bagay na mayroon kayo.” Ipinaalala rin niya sa kanila ang napakagandang pangako ni Jehova sa mga lingkod niya: “Hinding-hindi kita iiwan, at hinding-hindi kita pababayaan.” (Basahin ang Hebreo 13:5, 6; Deut. 31:6; Awit 118:6) Tamang-tama ang pangakong iyan para sa mga Kristiyano sa Jerusalem at Judea. Bakit? Dahil di-nagtagal matapos nilang matanggap ang liham, kailangan nilang iwan ang mga bahay, negosyo, at ari-arian nila. Kailangan din nilang magsimula ulit sa ibang lugar, at hindi iyan madali.

7. Bakit dapat nating patibayin ngayon ang pagtitiwala natin kay Jehova?

7 Aral: Napakalapit na ng “malaking kapighatian,” at magwawakas na ang sistemang ito. (Mat. 24:21) Gaya ng mga Kristiyano noon, dapat tayong manatiling gising at handa. (Luc. 21:34-36) Sa malaking kapighatian, baka kailangan din nating iwan ang mga ari-arian natin. Sa panahong iyon, dapat tayong magtiwala na hindi tayo papabayaan ni Jehova. Pero bago pa iyon magsimula, ipakita na nating nagtitiwala tayo sa kaniya. Kaya tanungin ang sarili, ‘Makikita ba sa mga desisyon at goal ko na nagtitiwala ako kay Jehova, at hindi sa pera?’ (1 Tim. 6:17) Marami tayong matututuhan sa nangyari sa mga Kristiyano noon. Pero tandaan na magiging mas mahirap ang sitwasyon sa malaking kapighatian. Kaya paano natin malalaman kung ano ang gagawin natin kapag nagsimula na iyon?

SUMUNOD SA MGA NANGUNGUNA

8. Ano ang itinagubilin ni Jesus sa mga alagad niya?

8 Ilang taon pagkatapos matanggap ng mga Kristiyano ang liham ni Pablo, pinalibutan na ng hukbo ng Roma ang Jerusalem. Iyon na ang panahon para tumakas sila kasi mawawasak na ang lunsod. (Mat. 24:3; Luc. 21:20, 24) Pero saan sila tatakas? Ang sinabi lang ni Jesus, “Ang mga nasa Judea ay tumakas na papunta sa mga kabundukan.” (Luc. 21:21) Maraming kabundukan na malapit sa Jerusalem. Alin kaya sa mga iyon ang pupuntahan nila?

9. Bakit posibleng mahirapang magdesisyon ang mga Kristiyano kung saang bundok sila tatakas? (Tingnan din ang mapa.)

9 Ito ang ilan sa mga bundok na posibleng pinagpilian ng mga Kristiyano: kabundukan ng Samaria, kabundukan ng Galilea, Bundok Hermon at kabundukan ng Lebanon, at mga kabundukan sa kabilang panig ng Ilog Jordan. (Tingnan ang mapa.) Parang ligtas namang tumira sa mga lunsod sa mga bundok na iyon. Isa na diyan ang lunsod ng Gamla. Mahirap itong puntahan ng mga kalaban dahil nasa mataas na bundok ito. Kaya inisip ng ilang Judio na ligtas doon. Pero inatake pa rin ng mga Romano ang Gamla, at marami sa mga tagaroon ang pinatay.b

Isang mapa na nagpapakita ng mga bundok at lunsod ng Israel noong unang siglo. Makikita sa hilaga ng Jerusalem ang mga kabundukan ng Lebanon, Galilea, Samaria, at Gilead, pati na ang Bundok Hermon at Bundok Tabor. Nasa hilaga rin ng Jerusalem ang mga lunsod ng Gamla, Cesarea, at Pela. Nasa timog naman ng Jerusalem ang mga kabundukan ng Judea at Abarim, pati na ang lunsod ng Masada. Makikita rin sa mapa ang direksiyon ng pananakop ng Roma at ang mga nasakop nito mula 67 C.E. hanggang 73 C.E.

Maraming bundok na puwedeng puntahan ang mga Kristiyano noon, pero lumilitaw na hindi lahat ay ligtas (Tingnan ang parapo 9)


10-11. (a) Paano posibleng ginabayan ni Jehova ang mga Kristiyano? (Hebreo 13:7, 17) (b) Ano ang magandang resulta ng pagsunod ng mga Kristiyano sa mga nangunguna? (Tingnan din ang larawan.)

10 Lumilitaw na ginamit ni Jehova ang mga nangunguna sa kongregasyon para gabayan ang mga Kristiyano. Paglipas ng ilang panahon, sumulat ang istoryador na si Eusebius tungkol sa pangyayaring iyon. Sinabi niya na isiniwalat ng Diyos sa mga lalaking nangunguna sa Jerusalem na dapat umalis ang mga Kristiyano sa lunsod at magpunta sa lunsod ng Pela sa Perea. Tamang-tama ang lugar na ito kasi hindi ito masyadong malayo sa Jerusalem at madali itong puntahan. Gentil ang karamihan sa mga tagaroon, kaya hindi sila gaanong apektado ng isyu ng mga Judio laban sa mga Romano.—Tingnan ang mapa.

11 Naging ‘masunurin sa mga nangunguna’ sa kongregasyon ang mga Kristiyanong tumakas papunta sa mga bundok. (Basahin ang Hebreo 13:7, 17.) Dahil diyan, nakaligtas sila. Talagang hindi pinabayaan ni Jehova ang mga naghihintay sa Kaharian ng Diyos, “ang lunsod na may tunay na mga pundasyon.”—Heb. 11:10.

Mga Kristiyano noong unang siglo na naglalakad sa kabundukan dala ang mga gamit nila.

Ligtas na lugar ang Pela para sa mga Kristiyano, at hindi ito masyadong malayo sa Jerusalem (Tingnan ang parapo 10-11)


12-13. Paano ginabayan ni Jehova ang bayan niya sa mahihirap na panahon?

12 Aral: Ginagamit ni Jehova ang mga nangunguna sa organisasyon niya para magbigay ng tagubilin sa bayan niya. Maraming ulat sa Bibliya na nagpapakitang nag-aatas siya ng mga pastol para gabayan ang bayan niya sa mahihirap na panahon. (Deut. 31:23; Awit 77:20) Kitang-kita rin natin iyan sa ngayon.

13 Halimbawa, noong magsimula ang COVID-19 pandemic, nagbigay ng mga tagubilin “ang mga nangunguna” sa organisasyon. Sinabi nila sa mga elder kung paano ipagpapatuloy ng mga kapatid ang mga espirituwal na gawain. Ilang buwan pa lang mula nang magsimula ang pandemic, nagkaroon na tayo ng kombensiyon sa mahigit 500 wika. Napanood ito sa Internet o TV, at napakinggan ito sa radyo. Noon pa lang nangyari iyon! Patuloy tayong nakatanggap ng espirituwal na pagkain, kaya nanatili tayong nagkakaisa. Anuman ang mangyari sa hinaharap, makakasigurado tayong patuloy na tutulungan ni Jehova ang mga nangunguna para makagawa ng tamang desisyon. Para maging handa sa malaking kapighatian at makagawa ng tamang desisyon, kailangan nating magtiwala at sumunod kay Jehova. Pero ano pang mga katangian ang makakatulong sa atin?

MAGPAKITA NG PAG-IBIG AT MAGING MAPAGPATULOY

14. Noong malapit nang mawasak ang Jerusalem, anong mga katangian ang kinailangang ipakita ng mga Kristiyano? (Hebreo 13:1-3)

14 Sa panahon ng malaking kapighatian, mas kakailanganin nating magpakita ng pag-ibig sa isa’t isa. Makakatulong sa atin ang halimbawa ng mga Kristiyano noon sa Jerusalem at Judea. Noon pa man, mahal na nila ang isa’t isa. (Heb. 10:32-34) Pero habang papalapit ang pagkawasak ng Jerusalem, kailangan nilang patindihin ang “pagkamapagpatuloy” at ang pag-ibig nila “bilang magkakapatid.” (Basahin ang Hebreo 13:1-3.) At iyan din ang dapat nating gawin habang papalapit ang wakas.

15. Bakit kailangan ng mga Kristiyano na magpakita ng pag-ibig at maging mapagpatuloy pagkaalis nila sa Jerusalem?

15 Pagkatapos palibutan ng hukbo ng Roma ang Jerusalem, bigla silang umalis. Kaya may pagkakataon na ang mga Kristiyano na tumakas. Pero kaunti lang ang madadala nila. (Mat. 24:17, 18) Kaya kailangan nilang magtulungan habang naglalakbay papunta sa mga bundok at nagsisimula ng bagong buhay. Siguradong marami ang nangailangan ng pagkain, damit, at matitirhan. Kung susuportahan nila ang isa’t isa, maipapakita nila ang pag-ibig at pagkamapagpatuloy.—Tito 3:14.

16. Paano natin maipapakitang mahal natin ang mga kapatid na nangangailangan? (Tingnan din ang larawan.)

16 Aral: Mahal natin ang mga kapatid, kaya gusto natin silang tulungan kapag nangangailangan sila. Dahil sa mga digmaan at sakuna, marami sa mga kapatid natin ang kinailangang lumikas. At handa silang tulungan ng bayan ng Diyos sa espirituwal at materyal na paraan. Ito ang sinabi ng isang sister na taga-Ukraine na lumikas dahil sa digmaan: “Ramdam namin ang paggabay at pagtulong ni Jehova sa amin dahil sa mga kapatid. Tinanggap at tinulungan kami ng mga kapatid sa Ukraine, Hungary, at ngayon, dito sa Germany.” Nakikipagtulungan tayo kay Jehova kapag nagiging mapagpatuloy tayo sa mga kapatid at tumutulong sa kanila.—Kaw. 19:17; 2 Cor. 1:3, 4.

Isang may-edad na mag-asawa na pinapatuloy ang isang pamilya ng mga refugee sa bahay nila. May dalang maleta at ilang bag ang pamilya.

Kailangan ng mga kapatid nating lumikas ang tulong natin (Tingnan ang parapo 16)


17. Bakit mahalagang masanay na tayo na magpakita ng pag-ibig sa mga kapatid at maging mapagpatuloy?

17 Sa malaking kapighatian, siguradong mas kakailanganin nating magtulungan. (Hab. 3:16-18) Kaya ngayon pa lang, sinasanay na tayo ni Jehova na magpakita ng mga katangiang kakailanganin natin sa panahong iyon—pag-ibig sa mga kapatid at pagiging mapagpatuloy.

ANO ANG MANGYAYARI SA HINAHARAP?

18. Paano natin matutularan ang mga Hebreong Kristiyano?

18 Gaya ng nalaman natin, nakaligtas ang mga Kristiyanong tumakas papunta sa mga bundok. Iniwan nila ang Jerusalem, pero hindi sila iniwan ni Jehova. Sa ngayon, hindi natin alam ang lahat ng detalye tungkol sa hinaharap. Pero makakatulong sa atin ang payo ni Jesus na manatiling handa. (Luc. 12:40) Nandiyan din ang mga payo ni Pablo na mababasa sa aklat ng Mga Hebreo. Mapapatibay rin tayo ng pangako ni Jehova na hindi niya tayo iiwan o papabayaan. (Heb. 13:5, 6) Patuloy sana nating hintayin ang lunsod na permanente—ang Kaharian ng Diyos. At siguradong tatanggap tayo ng mga pagpapala at mabubuhay nang walang hanggan.—Mat. 25:34.

ANO ANG SAGOT MO?

  • Bakit kailangan nating patibayin ngayon ang pagtitiwala natin kay Jehova?

  • Bakit napakahalaga ng pagsunod sa panahon ng “malaking kapighatian”?

  • Bakit napakahalagang masanay na tayong magpakita ng pag-ibig at maging mapagpatuloy?

AWIT BLG. 157 Kapayapaang Hindi Magwawakas

a Noong panahon ng Bibliya, madalas na hari ang namumuno sa mga lunsod. Kaya matatawag ding kaharian ang ganiyang mga lunsod.—Gen. 14:2.

b Nangyari ito noong 67 C.E., di-nagtagal pagkaalis ng mga Kristiyano sa Judea at Jerusalem.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share