Sean Gladwell/Moment via Getty Images
PATULOY NA MAGBANTAY!
Lumampas sa $2 Trilyon ang Ginastos ng Buong Mundo Para sa Militar—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
Noong 2022, umabot nang 2.24 trilyong dolyar (U.S.) ang ginastos ng mga bansa para sa militar—ito na ang pinakamataas ayon sa rekord. Karamihan sa mga ito ay dahil sa pag-atake ng Russia sa Ukraine. Sinabi sa isang report noong Abril 2023 ng Stockholm International Peace Research Institute (SIPRI) na nitong 2022:
“Tumaas nang 13 percent ang ginastos ng mga gobyerno sa Europe sa taóng ito para sa militar, at ito ang pinakamalaking annual increase mula noong cold war.”
“Tinatayang 9.2 percent ang itinaas ng ginastos ng Russia. Kaya mula sa ikalima, naging pangatlo sila sa pinakamalakas gumastos sa buong mundo.”
United States pa rin ang may pinakamalaking ginastos para sa militar, “nasa 39 percent ito ng ginastos ng buong mundo para sa militar.”
“Ang patuloy na pagtaas ng ginagastos ng buong mundo para sa militar nitong nakaraang mga taon ay patunay na lalong nagiging mapanganib ang mundo natin,” ang sabi ni Dr. Nan Tian, coauthor ng SIPRI report.
Inihula na sa Bibliya na titindi ang kompetisyon at labanan sa pagitan ng mga makapangyarihang bansa ngayon, at sinasabi rin nito kung ano ang makakapagbigay ng tunay na kapayapaan.
Mga digmaan at mga hula sa Bibliya
Sinasabi ng Bibliya na nabubuhay na tayo sa “panahon ng wakas.”—Daniel 8:19.
Inihula ng aklat ng Daniel na sa panahong ito, maglalabanan ang makapangyarihang mga bansa, o world powers. Ang mga world power na ito ay “makikipagtulakan,” o maglalabanan para maging pinakamakapangyarihang bansa. Sa labanang ito, gagastos sila ng malaking “kayamanan.”—Daniel 11:40, 42, 43.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa hulang ito ng Bibliya, panoorin ang video na Natupad na Hula—Daniel Kabanata 11.
Kung paano magkakaroon ng tunay na kapayapaan
Sinasabi sa Bibliya na papalitan ng Diyos ang lahat ng gobyerno ng tao. “Magtatatag [siya] ng isang kaharian na hindi mawawasak kailanman. At ang kahariang ito ay hindi ibibigay sa ibang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng kahariang iyon, at ito lang ang mananatili magpakailanman.”—Daniel 2:44.
Malapit nang ibigay ng Diyos na Jehovaa ang hindi kayang ibigay ng tao—tunay at walang-hanggang kapayapaan. Paano? Gagamitin niya ang gobyerno niya sa langit para sirain ang lahat ng kagamitang pandigma at patigilin ang lahat ng karahasan o labanan.—Awit 46:8, 9.
Para malaman kung ano pa ang kayang gawin ng Kaharian ng Diyos, basahin ang artikulong “‘Mamamayani ang Kapayapaan’ sa Ilalim ng Kaharian ng Diyos.”
a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos.—Awit 83:18.