Roma
3 Ano, kung gayon, ang kahigitan ng Judio,+ o ano ang kapakinabangan ng pagtutuli?+ 2 Malaki nga sa lahat ng paraan. Una sa lahat, sapagkat ipinagkatiwala sa kanila ang mga sagradong kapahayagan ng Diyos.+ 3 Ano, kung gayon, ang kalagayan? Kung ang ilan ay hindi nagpakita ng pananampalataya,+ pawawalang-bisa kaya ng kanilang kawalan ng pananampalataya ang katapatan ng Diyos?+ 4 Huwag nawang mangyari iyan! Kundi masumpungan nawang tapat ang Diyos,+ bagaman ang bawat tao ay masumpungang sinungaling,+ gaya nga ng nasusulat: “Upang ikaw ay mapatunayang matuwid sa iyong mga salita at magwagi kapag hinahatulan ka.”+ 5 Gayunman, kung itinatanyag ng ating kalikuan ang katuwiran ng Diyos,+ ano ang sasabihin natin? Ang Diyos ay hindi tiwali+ kapag pinasisiklab niya ang kaniyang poot, hindi ba? (Nagsasalita akong gaya ng tao.)+ 6 Huwag nawang mangyari iyan! Kung gayon nga, paanong hahatulan ng Diyos ang sanlibutan?+
7 Gayunman kung dahil sa aking kasinungalingan ay higit na natanyag ang katotohanan ng Diyos+ sa kaniyang ikaluluwalhati, bakit hinahatulan pa rin ako bilang makasalanan?+ 8 At bakit hindi sabihin, gaya ng may-kabulaanang ipinaparatang+ sa atin at gaya ng ipinahahayag ng ilang tao na sinasabi raw natin: “Gawin natin ang masasamang bagay upang dumating ang mabubuting bagay”?+ Ang hatol+ laban sa mga taong iyon ay kasuwato ng katarungan.+
9 Ano kung gayon? Tayo ba ay nasa mas mabuting kalagayan?+ Talagang hindi! Sapagkat sa una ay nagparatang tayo na ang mga Judio at gayundin ang mga Griego ay nasa ilalim na lahat ng kasalanan;+ 10 gaya nga ng nasusulat: “Walang taong matuwid, wala ni isa man;+ 11 walang sinumang may kaunawaan, walang sinumang humahanap sa Diyos.+ 12 Ang lahat ng tao ay suminsay, silang lahat ay sama-samang naging walang-halaga; walang sinumang gumagawa ng kabaitan, wala kahit isa man lamang.”+ 13 “Ang kanilang lalamunan ay isang bukás na libingan, gumamit sila ng panlilinlang sa pamamagitan ng kanilang mga dila.”+ “Kamandag ng mga aspid ang nasa likod ng kanilang mga labi.”+ 14 “At ang kanilang bibig ay punô ng pagsumpa at mapait na pananalita.”+ 15 “Ang kanilang mga paa ay mabilis sa pagbububo ng dugo.”+ 16 “Ang pagkawasak at kahapisan ay nasa kanilang mga daan,+ 17 at hindi nila nalalaman ang daan ng kapayapaan.”+ 18 “Walang pagkatakot sa Diyos sa harap ng kanilang mga mata.”+
19 Ngayon ay alam natin na ang lahat ng bagay na sinasabi ng Kautusan+ ay ipinatutungkol nito sa mga nasa ilalim ng Kautusan, upang ang bawat bibig ay matikom+ at ang buong sanlibutan ay managot+ sa Diyos ukol sa kaparusahan.+ 20 Kaya nga sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay walang laman ang maipapahayag na matuwid+ sa harap niya, sapagkat ang tumpak na kaalaman tungkol sa kasalanan+ ay sa pamamagitan ng kautusan.+
21 Ngunit ngayon hiwalay sa kautusan ay inihayag ang katuwiran ng Diyos,+ kung paanong pinatototohanan+ ito ng Kautusan+ at ng mga Propeta;+ 22 oo, ang katuwiran ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Kristo,+ para sa lahat niyaong may pananampalataya.+ Sapagkat walang pagkakaiba.+ 23 Sapagkat ang lahat ay nagkasala+ at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos,+ 24 at isa ngang kaloob na walang bayad+ na sila ay ipinahahayag na matuwid ng kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan+ sa pamamagitan ng pagpapalaya dahil sa pantubos+ na ibinayad ni Kristo Jesus. 25 Inilagay siya ng Diyos bilang isang handog para sa pagpapalubag-loob+ sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang dugo.+ Ito ay upang ipakita ang kaniyang sariling katuwiran, sapagkat pinatatawad niya ang mga kasalanan+ na naganap noong nakaraan habang ang Diyos ay nagtitimpi;+ 26 upang ipakita ang kaniyang sariling katuwiran+ sa kasalukuyang kapanahunang ito, upang siya ay maging matuwid kahit ipinahahayag niyang matuwid+ ang taong may pananampalataya kay Jesus.
27 Nasaan, kung gayon, ang paghahambog?+ Ito ay inalis. Sa pamamagitan ng anong kautusan?+ Yaong sa mga gawa?+ Hindi nga, kundi sa pamamagitan ng kautusan ng pananampalataya.+ 28 Sapagkat iniisip natin na ang isang tao ay ipinahahayag na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ng kautusan.+ 29 O siya ba ay Diyos ng mga Judio lamang?+ Hindi ba gayundin siya sa mga tao ng mga bansa?+ Oo, sa mga tao rin ng mga bansa,+ 30 kung totoong ang Diyos ay iisa,+ na siyang magpapahayag na ang mga taong tuli+ ay matuwid dahil sa pananampalataya at na ang mga taong di-tuli+ ay matuwid sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya. 31 Pinapawi ba natin, kung gayon, ang kautusan sa pamamagitan ng ating pananampalataya?+ Huwag nawang mangyari iyan! Sa kabaligtaran pa nga, pinagtitibay natin ang kautusan.+