2 Pedro
2 Gayunman, nagkaroon din ng mga bulaang propeta sa gitna ng mga tao, kung paanong magkakaroon din ng mga bulaang guro sa gitna ninyo.+ Ang mga ito ay tahimik na magpapasok ng mapanirang mga sekta at magtatatwa maging sa may-ari na bumili sa kanila,+ na nagdadala ng mabilis na pagkapuksa sa kanilang sarili. 2 Karagdagan pa, marami ang susunod+ sa kanilang mahahalay na paggawi,+ at dahil sa mga ito ay pagsasalitaan nang may pang-aabuso ang daan ng katotohanan.+ 3 Gayundin, may kaimbutan nila kayong pagsasamantalahan sa pamamagitan ng huwad na mga salita.+ Ngunit kung tungkol sa kanila, ang hatol mula noong sinauna+ ay hindi nagmamabagal, at ang pagkapuksa sa kanila ay hindi umiidlip.+
4 Kung ang Diyos nga ay hindi nagpigil sa pagpaparusa sa mga anghel+ na nagkasala, kundi, sa pamamagitan ng paghahagis sa kanila sa Tartaro,+ ibinulid sila sa mga hukay ng pusikit na kadiliman upang itaan sa paghuhukom;+ 5 at hindi siya nagpigil sa pagpaparusa sa sinaunang sanlibutan,+ kundi iningatang ligtas si Noe, isang mangangaral ng katuwiran,+ kasama ng pitong iba pa+ nang magpasapit siya ng delubyo+ sa isang sanlibutan ng mga taong di-makadiyos; 6 at sa pagpapaging-abo sa mga lunsod ng Sodoma at Gomorra ay hinatulan niya sila,+ na naglalagay ng isang parisan para sa mga taong di-makadiyos tungkol sa mga bagay na darating;+ 7 at iniligtas niya ang matuwid na si Lot,+ na lubhang nabagabag sa pagpapakasasa sa mahalay na paggawi ng mga taong sumasalansang sa batas+— 8 sapagkat ang taong matuwid na iyon, sa kaniyang nakita at narinig habang naninirahan sa gitna nila sa araw-araw, ay napahihirapan ang kaniyang matuwid na kaluluwa dahilan sa kanilang mga gawang tampalasan— 9 alam ni Jehova kung paano magligtas ng mga taong may makadiyos na debosyon mula sa pagsubok,+ at magtaan naman ng mga taong di-matuwid upang lipulin sa araw ng paghuhukom,+ 10 ngunit lalo na yaong mga sumusunod sa laman taglay ang pagnanasang dungisan ito+ at humahamak sa pagkapanginoon.+
Mapusok, mapaggiit ng sarili, hindi sila nanginginig sa mga maluwalhati kundi nagsasalita nang may pang-aabuso,+ 11 samantalang ang mga anghel, bagaman sila ay mas dakila sa lakas at kapangyarihan, ay hindi naghaharap ng akusasyon laban sa kanila sa mapang-abusong mga salita,+ at hindi nila ito ginagawa dahil sa paggalang kay Jehova.+ 12 Ngunit ang mga taong ito, tulad ng walang-katuwirang mga hayop na likas na ipinanganak upang hulihin at puksain, dahil sa mga bagay na tungkol dito ay wala silang alam at nagsasalita sila nang may pang-aabuso,+ ay daranas pa man din ng pagkapuksa sa kanilang sariling landasin ng pagkapuksa, 13 na ginagawan ng mali ang kanilang sarili+ bilang kabayaran sa paggawa ng masama.+
Itinuturing nilang isang kaluguran ang marangyang pamumuhay kung araw.+ Sila ay mga batik at mga dungis, na nagpapakasasa nang may walang-patumanggang pagsasaya sa kanilang mga turong mapanlinlang habang nakikipagpiging sa inyo.+ 14 Sila ay may mga matang punô ng pangangalunya+ at hindi makahinto sa pagkakasala,+ at inaakit nila ang mga kaluluwang di-matatag. Sila ay may pusong sinanay sa kaimbutan.+ Sila ay mga isinumpang anak.+ 15 Sa pag-iwan sa tuwid na landas, sila ay nailigaw. Sinundan nila ang landas ni Balaam,+ na anak ni Beor, na umibig sa kabayaran sa paggawa ng masama,+ 16 ngunit tumanggap ng pagsaway dahil sa sarili niyang paglabag sa kung ano ang tama.+ Isang walang-imik na hayop na pantrabaho, nang magsalita sa tinig ng tao,+ ang humadlang sa baliw na landasin ng propeta.+
17 Ang mga ito ay mga bukal na walang tubig,+ at mga singaw na ipinapadpad ng malakas na bagyo, at para sa kanila ay nakataan ang kaitiman ng kadiliman.+ 18 Sapagkat nagsasalita sila ng mapagmalaking mga kapahayagan na di-mapapakinabangan, at sa pamamagitan ng mga pagnanasa ng laman+ at ng mahahalay na ugali ay inaakit nila+ yaong mga tumatakas+ pa lamang mula sa mga tao na gumagawing may kamalian. 19 Habang nangangako sila sa kanila ng kalayaan,+ sila mismo ay namumuhay bilang mga alipin ng kasiraan.+ Sapagkat ang sinumang nadaraig ng iba ay naaalipin ng isang iyon.+ 20 Tunay nga kung, pagkatapos na tumakas mula sa mga karungisan ng sanlibutan+ sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo, muli silang masangkot sa mga bagay ding ito at madaig,+ ang huling mga kalagayan para sa kanila ay naging lalong masama kaysa sa una.+ 21 Sapagkat mas mabuti pa sana na hindi nila nalaman nang may katumpakan ang landas ng katuwiran+ kaysa pagkatapos na malaman ito nang may katumpakan ay tumalikod sa banal na utos na ibinigay sa kanila.+ 22 Ang sinasabi ng tunay na kawikaan ay nangyari sa kanila: “Ang aso+ ay nagbalik sa sarili niyang suka, at ang pinaliguang babaing baboy naman sa paglulubalob sa lusak.”+