-
Juan 2:1-11Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
2 Pagkaraan ng dalawang araw, nagkaroon ng isang handaan sa kasal sa Cana+ ng Galilea, at naroon ang ina ni Jesus. 2 Inimbitahan din si Jesus at ang mga alagad niya sa handaan.
3 Nang paubos na ang alak, sinabi ng ina ni Jesus sa kaniya: “Wala na silang alak.” 4 Pero sinabi ni Jesus: “Ano ang kinalaman natin doon? Hindi pa dumarating ang oras ko.” 5 Sinabi ng kaniyang ina sa mga nagsisilbi: “Gawin ninyo anuman ang sabihin niya sa inyo.” 6 At may anim na batong banga na nakahanda para sa ritwal na paglilinis ng mga Judio.+ Ang bawat banga ay makapaglalaman ng mga 44 hanggang 66 na litro. 7 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Punuin ninyo ng tubig ang mga banga.” Kaya pinuno nila ang mga iyon. 8 Pagkatapos, sinabi niya: “Sumalok kayo ngayon ng kaunti at dalhin ninyo sa nangangasiwa* sa handaan.” Kaya dinala nila iyon. 9 Tinikman ng nangangasiwa sa handaan ang tubig na ginawang alak. Hindi niya alam kung saan ito galing (pero alam iyon ng mga nagsisilbi na sumalok ng tubig). Pagkatapos, tinawag niya ang lalaking ikinasal 10 at sinabi: “Ang lahat ng iba pa ay naglalabas muna ng mainam na alak, at kapag lango na ang mga tao, ang mababang klase naman. Pero ngayon mo inilabas ang mainam na alak.” 11 Ginawa ni Jesus sa Cana ng Galilea ang kaniyang unang himala para maipakita ang kaniyang kapangyarihan,+ at nanampalataya sa kaniya ang mga alagad niya.
-