UNANG LIHAM NI JUAN
1 Sumulat kami sa inyo tungkol sa salita ng buhay,+ na mula pa sa pasimula, na narinig namin, na nakita ng sarili naming mga mata, na napagmasdan namin at nahipo ng mga kamay namin, 2 (oo, ang buhay ay nahayag, at nakita namin at pinapatotohanan+ at iniuulat sa inyo ang buhay na walang hanggan+ na nakasama ng Ama at nahayag sa amin), 3 at iniuulat namin sa inyo ang nakita at narinig namin,+ para kayo rin ay maging kaisa* namin, at sa gayon ay maging kaisa kayo ng Ama at ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo gaya namin.+ 4 Kaya isinulat namin ang mga bagay na ito para malubos ang kagalakan natin.
5 Ito ang mensaheng narinig namin mula sa kaniya at inihahayag sa inyo: Ang Diyos ay liwanag,+ at walang anumang kadiliman sa kaniya.* 6 Kung sasabihin natin, “Nakikiisa tayo sa kaniya,” pero patuloy tayong lumalakad sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi tayo namumuhay ayon sa katotohanan.+ 7 Gayunman, kung lumalakad tayo sa liwanag gaya niya na nasa liwanag, nagkakaisa nga tayo, at nililinis tayo ng dugo ni Jesus na kaniyang Anak mula sa lahat ng kasalanan.+
8 Kung sasabihin natin, “Wala tayong kasalanan,” dinaraya natin ang sarili natin+ at wala sa atin ang katotohanan. 9 Kung ipagtatapat natin ang mga kasalanan natin, patatawarin niya tayo sa ating mga kasalanan at lilinisin mula sa lahat ng kasamaan,+ dahil siya ay tapat at matuwid. 10 Kung sasabihin natin, “Hindi tayo nagkasala,” ginagawa natin siyang sinungaling, at wala sa atin ang salita niya.
2 Mahal kong mga anak, sumulat ako sa inyo tungkol sa mga bagay na ito para hindi kayo magkasala. Pero kung magkasala ang sinuman, may katulong* tayo na kasama ng Ama, ang matuwid na si Jesu-Kristo.+ 2 At siya ay pampalubag-loob na handog*+ para sa mga kasalanan natin,+ pero hindi lang para sa atin kundi para din sa buong sangkatauhan.*+ 3 At masasabi nating kilala natin siya kung patuloy nating sinusunod ang mga utos niya. 4 Ang nagsasabing “Kilala ko siya” pero hindi sumusunod sa mga utos niya ay sinungaling at ang katotohanan ay wala sa taong iyon. 5 Pero kung ang isang tao ay sumusunod sa kaniyang salita, ang pag-ibig niya sa Diyos ay talagang ganap na.+ Sa ganitong paraan natin malalaman na kaisa natin siya.+ 6 Ang sinumang nagsasabi na nananatili siyang kaisa niya ay may pananagutan na patuloy na lumakad kung paanong lumakad ang isang iyon.+
7 Mga minamahal, sumusulat ako sa inyo, hindi ng isang bagong utos, kundi ng isang lumang utos na ibinigay na sa inyo mula pa sa pasimula.+ Ang lumang utos na ito ay ang salita na narinig na ninyo. 8 Pero sumusulat ako sa inyo ng isang bagong utos, na totoo sa kaniyang kalagayan at sa inyo, dahil ang kadiliman ay lumilipas at ang tunay na liwanag ay sumisikat na.+
9 Ang nagsasabing nasa liwanag siya pero napopoot+ sa kapatid niya ay nasa kadiliman pa rin.+ 10 Ang sinumang umiibig sa kapatid niya ay nananatili sa liwanag,+ at walang anumang makakatisod sa kaniya.* 11 Pero ang sinumang napopoot sa kapatid niya ay nasa kadiliman at lumalakad sa kadiliman,+ at hindi niya alam kung saan siya papunta,+ dahil binulag ng kadiliman ang mga mata niya.
12 Sumulat ako sa inyo, mahal na mga anak, dahil pinatawad na ang mga kasalanan ninyo alang-alang sa pangalan niya.+ 13 Sumulat ako sa inyo, mga ama, dahil nakilala ninyo siya na umiiral na mula pa sa pasimula. Sumulat ako sa inyo, mga kabataang lalaki, dahil nadaig ninyo ang isa na masama.+ Sumulat ako sa inyo, mga anak, dahil nakilala ninyo ang Ama.+ 14 Sumulat ako sa inyo, mga ama, dahil nakilala ninyo siya na umiiral na mula pa sa pasimula. Sumulat ako sa inyo, mga kabataang lalaki, dahil malalakas kayo+ at ang salita ng Diyos ay nananatili sa inyo+ at nadaig ninyo ang isa na masama.+
15 Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay na nasa sanlibutan.+ Kung iniibig ng sinuman ang sanlibutan, wala siyang pag-ibig sa Ama;+ 16 dahil ang lahat ng bagay sa sanlibutan—ang pagnanasa ng laman+ at pagnanasa ng mga mata+ at pagyayabang ng mga pag-aari*—ay hindi nagmumula sa Ama, kundi nagmumula sa sanlibutan. 17 Isa pa, ang sanlibutan ay lumilipas, pati ang pagnanasa nito,+ pero ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.+
18 Mga anak, ito na ang huling oras, at gaya ng narinig ninyo, ang antikristo ay darating,+ at marami na ngang lumitaw na antikristo maging sa ngayon,+ at dahil dito, alam nating ito na ang huling oras. 19 Lumabas sila mula sa atin, pero hindi natin sila kauri;*+ dahil kung kauri natin sila, nanatili sana silang kasama natin. Pero lumabas sila para mahayag na hindi lahat ay kauri natin.+ 20 At kayo ay inatasan* ng isa na banal,+ at lahat kayo ay may kaalaman. 21 Sumulat ako sa inyo, hindi dahil sa hindi ninyo alam ang katotohanan,+ kundi dahil alam ninyo ito, at dahil walang kasinungalingang nagmumula sa katotohanan.+
22 Sino ang sinungaling kundi ang nagkakaila na si Jesus ang Kristo?+ Ito ang antikristo,+ ang nagkakaila sa Ama at sa Anak. 23 Kung ikinakaila ng isa ang Anak, wala rin sa kaniya ang Ama.+ Pero kung kinikilala ng isa ang Anak,+ nasa kaniya rin ang Ama.+ 24 At kayo, dapat manatili sa inyo ang mga narinig ninyo mula pa sa pasimula.+ Kung nananatili sa inyo ang narinig ninyo mula pa sa pasimula, kayo rin ay mananatiling kaisa ng Anak at kaisa ng Ama. 25 At ito ang ipinangako niya sa atin—buhay na walang hanggan.+
26 Sumulat ako sa inyo tungkol sa mga bagay na ito dahil may mga gustong magligaw sa inyo. 27 At kung tungkol naman sa inyo, inatasan* niya kayo+ at nananatili kayong gayon, at hindi ninyo kailangan ng magtuturo sa inyo; kundi ang pag-aatas* niya ang nagtuturo sa inyo ng lahat ng bagay,+ at ito ay totoo at hindi kasinungalingan. Gaya ng itinuro nito sa inyo, manatili kayong kaisa niya.+ 28 Kaya ngayon, mahal na mga anak, manatili kayong kaisa niya, para kapag nahayag na siya ay magkaroon tayo ng kalayaan sa pagsasalita+ at hindi mapahiya sa panahon ng presensiya* niya. 29 Kung alam ninyo na matuwid siya, alam din ninyo na ang bawat isa na namumuhay nang matuwid ay anak niya.+
3 Tingnan ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama+ at tinawag niya tayong mga anak ng Diyos!+ At ganiyan nga tayo. Kaya hindi tayo kilala ng sanlibutan,+ dahil hindi siya kilala nito.+ 2 Mga minamahal, mga anak na tayo ngayon ng Diyos,+ pero hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo.+ Ang alam natin ay kapag inihayag na siya, tayo ay magiging tulad niya, dahil makikita natin kung ano talaga siya. 3 At ang bawat isa na may ganitong pag-asa sa kaniya ay nagdadalisay ng sarili niya,+ kung paanong dalisay ang isang iyon.
4 Ang bawat isa na patuloy na gumagawa ng kasalanan ay patuloy ring lumalabag sa kautusan,* dahil ang kasalanan ay paglabag sa kautusan. 5 Alam din ninyo na dumating siya para alisin ang mga kasalanan natin,+ at siya ay walang kasalanan. 6 Ang bawat isa na nananatiling kaisa niya ay hindi namimihasa sa kasalanan;+ ang sinumang namimihasa sa kasalanan ay hindi nakakita o nakakilala sa kaniya. 7 Mahal na mga anak, huwag ninyong hayaang iligaw kayo ng sinuman; ang patuloy na gumagawa ng matuwid ay matuwid, kung paanong ang isang iyon ay matuwid. 8 Ang patuloy na gumagawa ng kasalanan ay nagmula sa Diyablo, dahil ang Diyablo ay nagkakasala na mula pa sa pasimula.*+ Iyan ang dahilan kung bakit dumating ang Anak ng Diyos, para sirain ang mga gawa ng Diyablo.+
9 Ang bawat isa sa mga anak ng Diyos ay hindi namimihasa sa kasalanan,+ dahil ang binhi* Niya ay nananatili sa isang iyon, at hindi siya mamimihasa sa kasalanan, dahil siya ay anak ng Diyos.+ 10 Ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng Diyablo ay makikilala dahil dito: Hindi nagmula sa Diyos ang sinumang hindi patuloy na gumagawa ng matuwid at ang hindi umiibig sa kapatid niya.+ 11 Dahil ito ang mensaheng narinig na ninyo mula pa sa pasimula, na dapat nating ibigin ang isa’t isa;+ 12 hindi tulad ni Cain, na nagmula sa isa na masama at pumatay sa kapatid niya.+ At bakit niya ito pinatay? Dahil masama ang mga ginagawa niya,+ pero matuwid ang mga ginagawa ng kapatid niya.+
13 Mga kapatid, huwag kayong magtaka kung napopoot sa inyo ang sanlibutan.+ 14 Para tayong patay noon pero buháy na ngayon,+ dahil iniibig natin ang mga kapatid.+ Ang sinumang hindi umiibig ay nananatiling patay.+ 15 Ang bawat isa na napopoot sa kapatid niya ay mamamatay-tao,+ at alam ninyo na walang mamamatay-tao ang tatanggap ng buhay na walang hanggan.+ 16 Naunawaan natin kung ano ang pag-ibig dahil ibinigay ng isang iyon ang buhay niya para sa atin,+ at pananagutan nating ibigay ang buhay natin para sa mga kapatid natin.+ 17 Pero kung ang sinuman ay may materyal na mga bagay sa sanlibutang ito at nakikita niyang nangangailangan ang kapatid niya pero hindi siya nagpapakita ng habag dito, paano niya masasabing iniibig niya ang Diyos?+ 18 Mahal na mga anak, umibig tayo, hindi sa salita o sa pamamagitan ng dila,+ kundi sa pamamagitan ng gawa+ at katotohanan.+
19 Sa ganito natin malalaman na tayo ay mula sa katotohanan, at makukumbinsi natin ang puso natin sa harap niya 20 sa anumang bagay tayo hatulan ng puso natin, dahil ang Diyos ay mas dakila kaysa sa puso natin at alam niya ang lahat ng bagay.+ 21 Mga minamahal, kung hindi tayo hinahatulan ng puso natin, malaya nating makakausap ang Diyos;+ 22 at anuman ang hilingin natin ay tatanggapin natin mula sa kaniya,+ dahil sinusunod natin ang mga utos niya at ginagawa ang kalugod-lugod sa paningin niya. 23 At ito ang utos niya: manampalataya tayo sa pangalan ng Anak niyang si Jesu-Kristo+ at ibigin natin ang isa’t isa,+ gaya ng iniutos na niya sa atin. 24 Isa pa, ang sumusunod sa mga utos niya ay nananatiling kaisa niya, at siya ay kaisa ng isang iyon.+ At dahil sa espiritu na ibinigay niya sa atin, alam nating siya ay nananatiling kaisa natin.+
4 Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan ang bawat mensahe na sinasabing galing sa Diyos,*+ kundi tiyakin ninyo kung talagang galing ito sa Diyos,+ dahil maraming huwad na propeta ang lumitaw sa sanlibutan.+
2 Sa ganito ninyo malalaman kung ang mensahe ay galing sa Diyos: Bawat mensahe na nagsasabing si Jesu-Kristo ay dumating bilang tao* ay mula sa Diyos.+ 3 Pero ang bawat mensahe na hindi kumikilala kay Jesus ay hindi mula sa Diyos.+ At ito ang mensahe ng antikristo na narinig ninyong darating,+ at ngayon ay nasa sanlibutan na ito.+
4 Kayo ay nagmula sa Diyos, mahal na mga anak, at nadaig ninyo sila,+ dahil ang kaisa ninyo+ ay mas dakila kaysa sa kaniya na kaisa ng sanlibutan.+ 5 Sila ay nagmula sa sanlibutan;+ kaya ang sinasabi nila ay galing sa sanlibutan at ang sanlibutan ay nakikinig sa kanila.+ 6 Tayo ay nagmula sa Diyos. Ang sinumang kumikilala sa Diyos ay nakikinig sa atin;+ ang sinumang hindi nagmula sa Diyos ay hindi nakikinig sa atin.+ Sa ganitong paraan natin malalaman kung ang mensahe na sinasabing galing sa Diyos ay totoo o isang kasinungalingan.+
7 Mga minamahal, patuloy nating ibigin ang isa’t isa,+ dahil ang pag-ibig ay mula sa Diyos, at ang bawat isa na umiibig ay anak ng Diyos at nakakakilala sa Diyos.+ 8 Ang sinumang hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Diyos, dahil ang Diyos ay pag-ibig.+ 9 Sa ganito nahayag ang pag-ibig ng Diyos may kaugnayan sa atin: Isinugo ng Diyos sa sangkatauhan* ang kaniyang kaisa-isang Anak*+ para magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya.+ 10 Ang pag-ibig na ito ay ganito: Isinugo ng Diyos ang Anak niya bilang pampalubag-loob na handog*+ para sa mga kasalanan natin,+ at ginawa niya ito hindi dahil sa mahal natin siya, kundi dahil mahal niya tayo.
11 Mga minamahal, dahil ganiyan ang pag-ibig ng Diyos sa atin, pananagutan din nating ibigin ang isa’t isa.+ 12 Walang sinuman ang nakakita sa Diyos kahit kailan.+ Kung patuloy nating iibigin ang isa’t isa, ang Diyos ay mananatiling kasama natin at ang pag-ibig niya ay lubos na makikita sa atin.+ 13 Sa ganito natin nalalaman na nananatili tayong kaisa niya at nananatili siyang kaisa natin, dahil binigyan niya tayo ng espiritu niya. 14 At nakita natin mismo at nagpapatotoo tayo na isinugo ng Ama ang Anak niya bilang tagapagligtas ng sangkatauhan.*+ 15 Ang sinumang kumikilala na si Jesus ay Anak ng Diyos,+ ang Diyos ay nananatiling kaisa ng taong iyon at siya ay nananatiling kaisa ng Diyos.+ 16 At nalaman natin na mahal tayo ng Diyos at naniniwala tayo rito.+
Ang Diyos ay pag-ibig,+ at siya na nananatili sa pag-ibig ay nananatiling kaisa ng Diyos at ang Diyos ay nananatiling kaisa niya.+ 17 Sa ganitong paraan nagiging ganap ang pag-ibig natin, para magkaroon tayo ng kalayaan sa pagsasalita*+ sa araw ng paghuhukom, dahil sa sanlibutang ito, tayo ay gaya ng isang iyon. 18 Walang takot sa pag-ibig,+ kundi inaalis ng ganap na pag-ibig ang takot, dahil ang takot ay pumipigil sa atin. Kaya ang natatakot ay wala pang ganap na pag-ibig.+ 19 Umiibig tayo, dahil siya ang unang umibig sa atin.+
20 Kung may magsasabi, “Iniibig ko ang Diyos,” pero napopoot siya sa kapatid niya, sinungaling siya.+ Dahil ang hindi umiibig sa kapatid niya,+ na nakikita niya, ay hindi makaiibig sa Diyos, na hindi niya nakikita.+ 21 At binigyan niya tayo ng ganitong utos: Ang umiibig sa Diyos ay dapat na umiibig din sa kapatid niya.+
5 Ang bawat isa na naniniwalang si Jesus ang Kristo ay anak ng Diyos,+ at ang bawat isa na umiibig sa Ama ay umiibig din sa mga anak Niya. 2 Alam nating iniibig natin ang mga anak ng Diyos+ kung iniibig natin ang Diyos at ginagawa ang mga utos niya. 3 Dahil ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos: Sundin natin ang mga utos niya;+ at ang mga utos niya ay hindi pabigat,+ 4 dahil ang lahat ng anak ng Diyos ay dumaraig sa sanlibutan.+ At nadaig natin ang sanlibutan dahil sa ating pananampalataya.+
5 Sino ang makadaraig sa sanlibutan?+ Hindi ba ang nananampalataya na si Jesus ang Anak ng Diyos?+ 6 Si Jesu-Kristo ay dumating sa pamamagitan ng tubig at ng dugo; hindi siya dumating sa pamamagitan lang ng tubig,+ kundi sa pamamagitan ng tubig at ng dugo.+ At ang espiritu ay nagpapatotoo,+ dahil ang espiritu ang katotohanan. 7 Dahil may tatlong tagapagpatotoo: 8 ang espiritu+ at ang tubig+ at ang dugo;+ at ang tatlong ito ay nagpapatotoo sa iisang bagay.
9 Tinatanggap natin ang patotoo ng mga tao, pero ang patotoo ng Diyos ay mas dakila. Dahil ang patotoo na ibinibigay ng Diyos ay ang patotoo na ibinigay niya tungkol sa Anak niya. 10 Ang taong nananampalataya sa Anak ng Diyos ay tumanggap sa patotoong ito. Ang taong hindi nananampalataya sa Diyos ay ginagawang sinungaling ang Diyos,+ dahil hindi siya nanampalataya sa patotoong ibinigay ng Diyos tungkol sa Anak niya. 11 At ito ang patotoo: binigyan tayo ng Diyos ng buhay na walang hanggan+ at ang buhay na ito ay nasa Anak niya.+ 12 Ang kaisa ng Anak ay may buhay na walang hanggan; ang hindi kaisa ng Anak ng Diyos ay walang buhay na walang hanggan.+
13 Sumulat ako sa inyo tungkol sa mga bagay na ito para malaman ninyo na kayo ay may buhay na walang hanggan,+ kayo na nananampalataya sa pangalan ng Anak ng Diyos.+ 14 At nagtitiwala tayo sa Diyos+ na* anuman ang hingin natin ayon sa kalooban niya ay ibibigay niya.+ 15 At kung alam nating pinakikinggan niya tayo anuman ang hinihiling natin, alam natin na tatanggapin natin ang mga bagay na hiniling natin, dahil hiniling natin ang mga iyon sa kaniya.+
16 Kung makita ng sinuman ang kapatid niya na gumagawa ng kasalanang hindi nito ikamamatay, ipanalangin niya ito, at ang Diyos ay magbibigay ng buhay rito,+ oo, sa mga hindi gumagawa ng kasalanang nakamamatay. May kasalanan na ikamamatay ng isa.+ Ito ang kasalanang sinasabi ko sa kaniya na huwag niyang ipanalangin. 17 Lahat ng masamang gawain ay kasalanan,+ pero may kasalanan na hindi ikamamatay ng isa.
18 Alam natin na ang lahat ng anak ng Diyos ay hindi patuloy na gumagawa ng kasalanan; binabantayan sila ng Anak ng Diyos,* at walang magagawa sa kanila ang isa na masama.+ 19 Alam natin na tayo ay nagmula sa Diyos, pero ang buong mundo* ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng isa na masama.*+ 20 Pero alam natin na dumating ang Anak ng Diyos,+ at binigyan niya tayo ng unawa* para magkaroon tayo ng kaalaman sa tunay na Diyos. Tayo ay kaisa ng tunay na Diyos,+ sa pamamagitan ng Anak niyang si Jesu-Kristo. Ito ang tunay na Diyos at ang buhay na walang hanggan.+ 21 Mahal na mga anak, mag-ingat kayo sa mga idolo.+
O “ay makasama.”
O “kadiliman kung kaisa niya.”
O “tagapagtanggol.”
O “ay handog na pambayad-sala.”
O “sanlibutan.”
O posibleng “at hindi niya tinitisod ang iba.”
O “ng kabuhayan.”
O “hindi sila kabilang sa atin.”
Lit., “pinahiran.” Tingnan sa Glosari, “Pahiran.”
Lit., “pinahiran.”
Lit., “pagpapahid.”
O “pagkanaririto.”
Sa Griego, ang salitang ginamit ay tumutukoy sa paglapastangan sa mga batas ng Diyos.
O “mula nang magsimula siya.”
Binhing dumarami o namumunga.
Lit., “ang bawat espiritu.”
Lit., “laman.”
O “sanlibutan.”
O “ang kaisa-isang Anak na ang Diyos mismo ang gumawa.”
O “bilang handog na pambayad-sala.”
O “sanlibutan.”
O “ng kumpiyansa.”
O “At malaya nating nakakausap ang Diyos dahil.”
Si Jesu-Kristo ang Anak ng Diyos.
O “sanlibutan.”
Si Satanas.
Lit., “talino.”