Mag-asawang Nagtatrabaho—Ang Susi sa Tagumpay
TIYAK ito—kapag ang mag-asawa ay kapuwa nagtatrabaho maaaring pagmulan ito ng kaigtingan at suliranin. Samakatuwid matalinong suriin ng mga mag-asawa ang halaga—sa pinansiyal, emosyonal, at espirituwal—kung ang mag-asawa ay kapuwa nagtatrabaho. (Tingnan ang Lucas 14:28.) Gayumpaman, kung hinihiling ng mga kalagayan na ang ama at ina ay magtrabaho, ang kasunod na mga problema ay mapagtatagumpayan. Napagtagumpayan ito ng maraming mag-asawa. Ang susi sa kanilang tagumpay? Kadalasan na ito ay sundin ang mga simulain ng Bibliya.
Ang payo ng Bibliya ay hindi kailanman naluluma. Maaari pa ngang tulungan ka nito na pakitunguhan na mas mabuti ang gipit na kalagayan sa ngayon. Malaon nang ipinaliwanag ng Bibliya na “sa mga huling araw ay darating ang mapanganib na panahong mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1-5) Ang kabatiran nito ay maaaring humadlang sa isang lalaki na madama na siya ay bigo pagka siya’y nahihirapang pagkasiyahin ang kinikita.
At kung talagang kailangan ng isang pamilya na magtrabaho ang ama at ina, hindi hinahatulan ng Bibliya ang pagtatrabaho ng asawang babae. Sa katunayan, ipinakikita nito na ang babae ay nilalang upang maging “isang katulong” ng lalaki. (Genesis 2:18) Kaya kung ang asawang babae ay tumutulong sa paghahanapbuhay, hindi dapat isipin ng asawang lalaki na siya ay pinagbabantaan nito. Sa kabaligtaran, dapat siyang maudyukan na purihin ang babae sa kaniyang mga pagsisikap, gaya ng ginawa ng asawang lalaki ng “may kakayahang asawang babae.” (Kawikaan 31:10, 28) Ano, naman, ang tungkol sa espisipikong mga problema na nakakaharap ng magasawang nagtatrabaho, gaya ng pangangasiwa sa pera?
Mga Suliranin sa Pera
‘Hindi ito makatuwiran,’ reklamo ng isang asawang lalaki. ‘Ang aking pera ay pera ng pamilya. Ang kaniyang pera ay kaniyang pera.’ Pamilyar ba ito? Ganito ang sabi ng manunulat na si Susan Washburn: “Ang mga pagtatalo sa pera ay kadalasang siyang paraan ng paghahayag ng ibang kaigtingan sa mga kaugnayan ng mag-asawa.”
Halimbawa, maraming mag-asawa ang gumugugol ng mga oras sa pagtatalo kung anong pera ang “iyo,” “akin,” o “atin.” Gayunman, ang problema dito ay hindi ang maling pagbabadyet kundi ang mapag-imbot na pangmalas sa pagaasawa. Ipinahayag ng Diyos na ang mag-asawa ay kikilos na gaya ng “isang laman.” (Genesis 2:24) Kapag sinunod ang simulaing ito, mahalaga ba kung aling pera ang “iyo” at alin ang “akin”? Tunay, ipinakita ni Pablo na ang maibiging mga asawang lalaki at babae ay “mababalisa” lamang sa pagtatamo ng pagsang-ayon ng isa’t-isa!—1 Corinto 7:33, 34.
Ang isa pang problema sa pag-aasawa na maaaring mahayag mismo sa anyo ng “pag-aaway sa pera” ay ang kakulangan ng pakikipagtalastasan. Isang babae ang nagreklamo: “Kami ay kumikilos na hiwalay sa isa’t-isa. Hinding-hindi namin pinag-uusapan ang aming paggasta hanggang sa dumating ang mga kuwenta. Saka hindi kami mag-uusap, kami’y mag-aaway.” Gayunman, isaalang-alang muli ang simulain ng Bibliya na “isang laman.” Hindi ba kasama rin dito ang pakikipagtalastasan? (Genesis 2:24) Sinasabi pa sa atin ng Bibliya na “ang pag-ibig . . . ay hindi hinahanap ang sariling kapakanan.”—1 Corinto 13:4, 5.
Kapag sinunod ng mag-asawa ang mga simulaing ito, kadalasan ang anumang dami ng pinansiyal na mga kaayusan ay mabisang gagana. Pagkatapos maupo at pag-usapan ang mga bagay, ang ibang mag-asawa ay nagpapasiya na ang bawat isa ay dapat may tiyak na pera at maging responsable sa ilang pagkakautang. O maaari nilang subukin ang paraang ito ng mag-asawa: “Pinagsasama namin ang aming pera, at ang asawang babae ang naglilista at nagbabayad ng mga utang.” Gayunman, ang tagumpay ng alinmang pamamaraan ay hindi gaanong nakasalalay sa kanilang disenyo kundi sa kalidad ng pagsasama ng mag-asawa.
Gayumpaman, ang aklat na Working Couples ay nagbababala sa isa pang potensiyal na panganib: “Ang problema, para sa maraming mag-asawang nagtatrabaho, ay na nagsisimula silang mag-isip na mayaman. Lalo na kung ang kita ng babae ay bago sa kanila, para bang ito’y isang lunas sa lahat ng kanilang mga problema sa kabuhayan.” Kaya dapat isaisip ng mag-asawang nagtatrabaho kung bakit sila kapuwa ay nagtatrabaho. Hindi ba’t ito’y upang paglaanan ang pamilya? (1 Timoteo 5:8) Ang Bibliya ay nagbababala sa mga Kristiyano laban sa “pag-ibig sa salapi” at pinalalakas-loob sila na panatilihing katamtaman lamang ang mga hangaring materyal. (1 Timoteo 6:7-10) Ang labis-labis na paggasta ay malamang na maging dahilan ng pagtatalo kapag ang mag-asawa ay apektado na ng pagpapasikat at ng “pita ng mata.”—1 Juan 2:16.
Sino ang Maghuhugas ng Pinggan?
“Sino ang nakakapansin ng isang malinis na salas?” tanong ng mga sikologong sina Marjorie at Morton Shaevitz. “Wala. Sino ang nakakapansin ng magulong salas? Lahat!” Oo, ang gawaing-bahay ay kailangang-kailangan, di-maiiwasan—at, kung minsan, di-pinahahalagahan. Sa gayon, kung sino ang gagawa nito ay maaaring maging isang maselang na katanungan.
Kadalasan nang ang asawang babae ang siyang gumagawa ng malaking bahagi ng gawaing-bahay. Kaya, ano kung ipaghinanakit niya ito?a Maaari siyang lumapit sa kaniyang asawa at mataktikang sabihin, gaya ng ginawa ng isang babae, “Bueno, mayroon tayong kaunting problema.” Kadalasang hindi alam ng mga lalaki kung ano ang nasasangkot sa pagpapatakbo ng sambahayan. Marahil magkasama nilang mababalangkas kung ano ang dapat gawin, at kung ano ang maaaring magandang gawin. Marahil ang ilang atas ay hindi kailangan o maaaring gawin paminsan-minsan. Maaari nilang gawin kung sino ang gagawa ng ano, marahil ayon sa personal na mga kagustuhan o mga kakayahan.
Ngunit dapat bang gawin ng isang lalaki ang ‘trabahong babae’? Sang-ayon sa Bibliya, hindi itinuring ni Abraham na banta sa kaniyang pagkalalaki na tulungan ang kaniyang asawa na magsilbi ng pagkain sa tatlong mahalagang mga bisita. (Tingnan ang Genesis 18:6-8.) Ang mga asawang lalaki ngayon ay kadalasang napakikilos din na tumulong kung inaakala nilang may pangangailangan. Sabi ng isang lalaki: “Tumutulong ako sa mga gawaing-bahay. Aaminin ko na kung minsan ayaw kong tumulong. Ngunit yamang pareho kaming nagtatrabaho, sa palagay ko ay makatuwiran lamang na tumulong ako.”—Ihambing ang Efeso 5:28.
Gayunman, maaaring bumangon ang isang problema kung ang babae ay umaasa ng kasakdalan sa kaniyang asawa, nakakaligtaang siya’y bagito sa mga gawaing-bahay. (“George! Hindi mo ba alam linisin ang lababo pagkatapos mong hugasan ang mga pinggan?”) Marahil ang ilang matiyagang pagtulong ay mas mabisa.
Nariyan din ang tungkol sa pagpapairal ng “pagkamakatuwiran.” (Filipos 4:5) Maaaring hindi praktikal o posible na panatilihin ang tahanan na napakalinis na gaya ng dati. “Nang ako ay nasa bahay buong araw,” gunita ni Betty, isang nagtatrabahong asawang babae, “para bang ang lahat ng gawin ko ay malinis.” Ngunit nang magsimula siyang magtrabaho, ang mga pamantayan ng kalinisan ay kailangang baguhin. “Pinananatili pa rin naming malinis ang bahay,” sabi niya, “ngunit hindi na gaya noon.”
Tunay na Kasiguruhan
Ang mga ito ay ilan lamang sa mga hamon na nakakaharap ng mag-asawang nagtatrabaho.b Gayunman posibleng magtagumpay kung susundin ng mag-asawa ang patnubay ng Kasulatan.
Gayunman, ang panggigipit ay patuloy na dapat batahin. Sa gayon ang pagkakaroon ng siguradong trabaho at sapat na kita ay maaaring maging mas mahalaga kaysa kailanman. Ngunit, babala ng isang mag-asawang Kristiyano: “Maaari kayong magtayo ng huwad na kasiguruhan sa inyong trabaho. Maaari ninyong sabihin, ‘Bueno, ako’y nagtatrabaho at ang aking maybahay ay may trabaho at ayos naman.’ Ngunit iyan ay isang huwad na kasiguruhan, sapagkat sa anumang oras maaaring mawala ang iyong trabaho. Ang kailangan mong gawin ay tandaan na ang Diyos na Jehova ay naroroon upang umalalay sa iyo.”
Ang matalinong payo mula sa isang mag-asawang nagtatrabaho na maliwanag na nakasumpong ng susi sa tagumpay: pagtitiwala sa Diyos na nangangakong hinding-hindi niya pababayaan yaong mga nagtitiwala sa kaniya.—Hebreo 13:5, 6.
[Mga talababa]
a Para sa maraming asawang babae, balintuna sa kultura na ipagawa sa isang lalaki ang gawaing-bahay. Kaya marami ang maaaring ayaw patulong sa kanilang asawang lalaki. Sabi ng isang babaing Pranses: “Hindi ko maunawaan ang ideyang ito tungkol sa pagpapahugas ng pinggan sa mga lalaki. Hindi iyan isang suliranin sa buhay.”
b Tatalakayin ng hinaharap na mga labas ang ilang mga problema may kaugnayan sa pagtatrabaho ng asawang babae at ang mga problema ng pangangalaga sa bata.
[Kahon/Larawan sa pahina 10]
Dapat bang Tumulong ang mga Bata sa Gawaing-Bahay?
Oo, sang-ayon kay Gloria Mayer sa kaniyang aklat na 2001 Hints for Working Mothers. “Tiyakin na mayroon kayong maliliit, madaling mga gawain para sa mga munting bata,” mungkahi niya. “Kahit na ang isang bata na apat na taon ay may maitutulong. Karaniwan nang hindi lamang sila nasisiyahan na gawin ang kanilang bahagi kundi nakadarama sila na bale-wala sila kung ang lahat ay may gawain maliban sa kanila.” At ano ang ilan sa espisipikong atas na maaaring ipagawa sa mga bata? Inililista ni Miss Mayer ang tatlo: (1) “Simpleng mga atas may kaugnayan sa kanila mismong damit—pag-uuri, pagliligpit, atbp.” (2) “Paglilinis ng sariling silid” (3) “Pag-aayos ng kama, lalo na ang sa kanila.”
[Larawan sa pahina 11]
Sabi ng isang asawang lalaki: “Tumutulong ako sa gawaing-bahay”