Kung Bakit Hindi Nagbabasa ang Iba
MINAMALAS ng marami ang pagbabasa na isang mahirap na trabaho. Bakit? Sa isang bagay, ang ilan ay hindi kailanman natutong bumasa samantalang nasa paaralan. Isang 34-anyos na babae ang nagsabi na kailanma’t siya’y tumitingin sa isang nailimbag na pahina, ang nakikita niya ay pawang “halu-halong bagay” na walang anumang diwa. Kung minsan, gugugol siya ng hanggang dalawang minuto upang basahin ang isang pangungusap.
Hindi pa natatagalan, inihabla ng isang nagtapos sa high school ang San Francisco Unified School District ng kalahating milyong dolyar sapagkat siya ay pinagkalooban nito ng isang diploma sa high school bagaman hindi siya halos makabasa o makasulat. Sang-ayon sa ulat, siya ay nagbabasa sa antas ng isang nasa ikalima- o ikaanin-na-baitang nang tanggapin niya ang kaniyang diploma. Bunga nito, nang nagpiprisenta sa trabaho, hindi niya masagutan nang wasto ang mga pormularyo sa aplikasyon. Paano nangyari ito?
Iba-ibang mga Paraan ng Pagtuturo
Sa kasamaang palad, ang ilang paraan ng edukasyon sa pagbabasa ay waring napatunayang lubhang hindi mabisa. Nitong nakalipas na mga taon, gayon na lamang pagpintas ang ginawa laban sa paraang “see and say.” Ang paraang ito ay nagtuturo sa mga estudyante na makilala ang buong mga salita nang hindi binibigkas ang isahang mga pantig at mga titik na bumubuo nito. Ang pangunahing tinututulan sa paraang ito ay na gumagawa ito ng mga mambabasa na hinuhulaan ang mga salita, na mahina sa pagbigkas ng bagong mga salita, at na di-wastong bumabasa sapagkat sila ay nalilito sa mga salitang magkakatulad.
Upang ilarawan: Sa kaniyang aklat na Why Johnny Still Can’t Read, inilimbag-muli ng awtor na si Rudolf Flesch ang isang liham na tinanggap niya mula sa isang babae na inilarawan ang kaniyang sarili na biktima ng paraang “see and say.” Sabi niya: “Titingnan namin ang mga larawan, halimbawa ay isang mansanas. Sasabihin sa amin ng guro na tandaan ang salitang apple (mansanas) sapagkat ito ay may dalawang P. Ito’y nangangahulugan na tuwing makikita ko ang isang salita na may dalawang P, inaakala ko na ito ay apple.”
Tinataya na pinangyayari ng paraang “see and say” na makilala ng isang bata ang 350 mga salita lamang sa pagtatapos ng unang baitang. Sa pagtatapos ng ikalawang baitang nakikilala niya ang 1,100 karagdagan pang mga salita, at karagdagan pang 1,200 sa pagtatapos ng ikatlong baitang, at karagdagang 1,550 sa pagtatapos ng ikaapat na baitang. Iyan ay kumakatawan ng kabuuang 4,200 mga salita sa talasalitaan ng bata.
Kung ihahambing sa paraang “ponetika muna” o palabigkasan, tinatayang ang mga batang naturuang bumasa sa paraang ito ay maaasahang matuto ng hanggang 40,000 mga salita sa pagtatapos ng kanilang ikaapat na taon sa elementarya. Ang “ponetika” o palabigkasan ay nangangahulugan na “mga tunog,” at sa paraang ponetika ang estudyante ay tinuturuan hindi lamang kung ano ang tawag sa mga titik kundi kung paano rin ang tunog nito sa isang salita. Una’y pinag-aaralan ang mga tunog ng patinig at saka ang mga katinig. Pagkatapos, ang dalawa ay pinagsasama sa dalawa-, tatlo-, o apat-titik na mga kombinasyon upang bumuo ng mga salita, pagkatapos ay mga parirala, at sa wakas ay mga pangungusap. (Tingnan ang Awake! ng Hulyo 8, 1967, mga pahina 12-16.) Waring itinataguyod ng malayang pagsubok ang paraang “ponetika muna” sa pagtuturo ng pagbabasa sa panimulang mga baitang.
Gayunman, pinalulubha pa ang mga bagay, maaaring malasin ng ilang mga guro nang negatibo ang kakayahang matuto ng kanilang mga estudyante. Ganito ang sabi ng isang dalubhasa: “Ang mga bata man ay matatalino o bobo, itim o puti, mayaman o mahirap, ay walang kaugnayan sa kung gaano katagumpay matututong bumasa ang mga bata. Batay sa aking propesyonal na mga karanasan, ang gayong mga pangungusap ay mga pagdadahilan lamang sa hindi pagtuturo sa mga bata na bumasa.”—Amin ang italiko.
Apektado ng Iba Pang mga Salik ang Pagbabasa
Ang telebisyon ay binanggit na isa pang dahilan kung bakit ang mga tao ay hindi nagbabasa. Tinataya na ang isang tao sa Estados Unidos na nabuhay ng 70 mga taon ay nakagugol ng 70,000 mga oras sa panunood ng TV sa kaniyang buong buhay, ikalawa lamang sa panahong ginugol sa pagtatrabaho at pagtulog! Ang TV Guide ay nag-uulat: “Pinatutunayan ng dumaraming lupon ng siyentipikong mga katibayan ang kaugnayan ng madalas na panunood ng TV sa mga kasanayan sa pagbabasa at pagsulat ng batang nagsisimula sa mababang paaralan. Ipinakikita ng mga pag-aaral . . . na malamang na magkaroon ng mga suliranin sa pagbabasa kahit na ang mga batang mula sa mga pamilya na kung saan ang pagbabasa ay pinahahalagahan subalit pinahihintulutan naman na labis na manood ng TV.”
Ang iba pang mga salik ay tuwirang may kaugnayan sa kakayahan ng isang tao na magkaroon ng mabuting mga kasanayan sa pagbabasa. “Ang isang bata na ang mga mata ay hindi gumagana nang wasto ay maaaring dumanas ng mga sakit sa ulo, pagod na mga mata, nerbiyos, at iba pang mga karamdaman na maaaring gumawa sa pagbabasa na isang di-kaaya-ayang gawain.” Gayunman, sa regular na mga klase kadalasan nang kaunting atensiyon ang ibinibigay sa gayong mga estudyante.—Diagnostic and Remedial Teaching, pahina 49.
Kung minsan ang mga depekto sa pandinig ay isa ring salik. Ang bahagyang bingi na mga bata ay natural na mahihirapan sa mga klase kung saan ang ginagamit na mga paraan ng pagtuturo ay ponetika.
Ang emosyonal na mga salik ay gumaganap din ng isang mahalagang bahagi. Halimbawa, “ang isang bata na sa simula ay nagkaroon ng kabiguan sa pagbabasa ay kadalasang nagkakaroon ng emosyonal na saloobin sa pagbabasa na humahadlang sa kaniya na sumulong,” sabi ng isang awtoridad, dagdag pa niya: “Ang pagkakita sa isang aklat o ang pagbanggit sa salitang pagbabasa ay nagpangyari sa ilang indibiduwal na maging maigting at asiwa.” Isa pa, ang kapaligiran sa isang wasak na tahanan, kawalang kasiguruhan sa tahanan, o mga magulang na neurotiko ay maaaring magkaroon ng epekto sa pagsulong ng bata sa pagbabasa.
Ang pinakamahalaga sa lahat ng mga salik na nakakaapekto sa isang mahinang bumasa ay ang kaniyang kabiguang bumasa. Ang punto ay na walang sinuman ang natutong bumasa nang hindi nagbabasa. Kadalasan, ang gayong kabiguan na bumasa ay nag-uugat sa isa o higit pang pisikal o emosyonal na mga salik na nabanggit na.
Anuman ang dahilan na ang isa ay nahihirapang bumasa, ang tunay na pagsisikap na mapagtagumpayan ito ay magbubunga, balang araw. Susunod, magbibigay kami ng mga mungkahi na makakatulong.
[Larawan sa pahina 5]
Malamang na magkaroon ng mga suliranin sa pagbabasa ang mga bata na pinahihintulutang labis na manood ng TV