Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Ano ang Maaari Kong Gawin Kapag Binulyawan Ako ng Aking mga Magulang?
“BAKIT hindi ako makausap ng aking mga magulang nang hindi ako binubulyawan?” tanong ni Keith. Gayundin ang pananangis ni Martha: “Anuman ang aming pinag-uusapan, kami ay nagwawakas na nagsisigawan sa isa’t isa.” Ang mga salita ba ni Keith at ni Martha ay pamilyar sa iyo? Kung gayon, marahil ikaw ay nagtataka—
Bakit ang Pagsisigawan?
Tayo’y maging makatotohanan. May mga pagkakataon na ang mas malakas kaysa pangkaraniwan na tinig ay kinakailangan. Marahil ay kinakailangang gisingin ka para sa eskuwela o tawagin para sa pagkain. Hindi mo aasahang ikaw ay bubulungan, di ba? At kung minsan ang mga magulang ay maaaring nababalisa.
Halimbawa, iniuulat ng Bibliya na nang si Jesus ay 12 taong gulang, siya ay isinama ng kaniyang mga magulang, sina Jose at Maria, na sumamba sa Jerusalem. Nang ang pamilya ay pauwi na ng bahay, nakalipas na ang isang araw nang matanto nila na si Jesus ay hindi nila kasama. Subalit pagkaraan ng tatlong araw na paghahanap, nasumpungan nila si Jesus sa Jerusalem na nakikinig at tinatanong ang mga guro sa templo. Isip-isipin ang pagkabahala sa tinig ni Maria habang siya’y nagsasalita: “Anak, bakit naman ganiyan ang ginawa mo sa amin? Balisang-balisa kami ng iyong ama sa paghahanap sa iyo.”—Lucas 2:48, Today’s English Version.
Gaya ng sa kalagayan ni Jesus, maaaring magkaroon ng hindi pagkakaunawaan. Gayunman, nagkakaroon ng problema kapag sa halip na ikaw ay tumanggap ng normal na sagot ikaw ay bulyawan. Gayunman, sa pamamagitan ng paghinto at pagbulaybulay, maaari mong matanto kung bakit ito kung minsan ay nangyayari. Halimbawa, pansinin ang sinasabi ng ilang mga kabataan:
Si Michelle: “Ang aking ina ay lubhang mainitin ang ulo at kung minsan ay hindi maunawain, at waring nakakaligtaan ko ang bagay na siya ay may trabaho at mga anak na pangangalagaan.”
Si Harry: “Naguguluhan ako kapag itinutuon sa akin ng aking ina ang kaniyang mga pagsalakay. Nangyayari ito pagdating niya sa bahay mula sa trabaho na balisang-balisa pagkatapos ng maghapong trabaho. Sana’y hindi na niya kailangan pang magtrabaho.”
Si Denise: “Ang pinakamalaking problema ko ay ang pakikisama ko kay itay sa bahay. Nauunawaan ko na marami siyang pananagutan at mga alalahanin, subalit lagi na lamang niyang ibinubunton ito sa iba pa sa pamilya.”
Pansinin ang isiniwalat na mga problema. Sa araw-araw, ang isa o kapuwa sa iyong mga magulang ay maaaring makaharap ang isang mapaghanap na amo o mga kamanggagawa na mahirap pakitunguhan. Maaaring maapektuhan ng mga suliranin sa kabuhayan, sakit, o pati na ang kawalang-kasiguruhan mismo ng iyong mga magulang ang paraan ng kanilang pakikipag-usap sa iyo. Ang mga problemang ito ay hindi nagpapawalang-sala sa kanilang pagsigaw, subalit tumutulong ito upang maunawaan mo kung bakit kung minsan ay nangyayari ang pambubulyaw.—Ihambing ang Efeso 4:31, 32.
Hindi ba totoo rin na ikaw man, ay maaaring nagtataas ng iyong boses, marahil sa iyong mga kaibigan? “Sapagkat tayong lahat ay malimit natitisod,” sabi ng Bibliya. (Santiago 3:2) Kuning halimbawa sina Pablo, Bernabe, at Marcos, mga kilalang lalaki na binabanggit sa Bibliya. Nang gustong isama ni Bernabe si Marcos sa kanilang ikalawang misyonerong paglalakbay ni Pablo subalit si Pablo ay hindi sumang-ayon, “nagkaroon ng masiklab na galit.” (Gawa 15:39) Kaya, kung minsan, ang balisang mga magulang ay maaaring magtaas ng kanilang mga boses. Kung mangyari ito, narito ang ilang mga mungkahi:
Sikaping Huwag
. . . SUMAGOT NANG PASIGAW! Marahil ang pinakapangkaraniwang silo ay ang makipagsigawan. “Sumagot ako sa kaniya nang pasigaw,” sabi ni Marion tungkol sa kaniyang ina. Matalino ba ito? “Ang ikaw ay magalit at magsisigaw ay lilikha ng isang kalagayan na walang panalo,” sabi ni Bill Nolan, isang social worker sa Salem, Massachusetts. Di hamak na mas mabuting sundin ang payo ng Kawikaan 15:1: “Ang sagot, kung mahinahon, ay pumapawi ng poot, ngunit ang salitang nakakasakit ay humihila ng galit.”
. . . MANLIBAK! Ikaw ba ay natutuksong pulaan ang iyong mga magulang? Matalino ba ito? “Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina,” ang utos sa Efeso 6:2. Ang paghamak sa iyong mga magulang, o ang paggawa sa kanila na katatawanan, ay tiyak na hindi paggalang sa kanila. Ang Bibliya ay nagbababala: “Sinumang tumutuya sa kaniyang ama o humahamak sa kaniyang ina sa kaniyang katandaan ay dapat kainin ng mga buwitre o tukain ng uwak ang kaniyang mga mata.” (Kawikaan 30:17, TEV) Nais mo bang tuyain ka ng iyong mga magulang? Tiyak na hindi! Kung gayon bakit mo gagawin iyon sa iyong mga magulang?
. . . GUMAWA NG EKSENA O SUMIMANGOT! Ang pagsimangot, pagmumukmok, pag-iyak ay lalo lamang nagpapakita ng iyong hindi pagiging maygulang. Ang gayong mga pagkilos ay hindi tutulong sa iyong mga magulang na maunawaan ang iyong katayuan at maaaring magbunga ng katakut-takot na resulta. Minsan ay ninais ni Haring Ahab ng sinaunang Israel ang isang ubasan na malapit sa kaniyang palasyo. Subalit nang hindi niya mabili ang ubasan, ang 1 Hari 21:4 ay nagsasabi: “At pumasok si Ahab sa kaniyang bahay, nagmumukmok at nalulumbay . . . At siya’y nahiga sa kaniyang higaan at ipinihit ang kaniyang mukha, at ayaw kumain ng tinapay.” Ang pagpapakita ni Ahab ng pagkaawa-sa-sarili ay nagkaroon ng kalunus-lunos na mga resulta. Kaya, ang Kawikaan 18:1 ay nagpapayo: “Ang humihiwalay ay humahanap ng sarili niyang nasa; at nakikipagtalo laban sa lahat ng praktikal na karunungan.”
. . . MAGING LABIS-LABIS NA SENSITIBO! Huminto at mag-isip: Gaano nga ba kalakas ang tinig ng iyong mga magulang? Napakadaling maging sensitibo sa reaksiyon ng iyong mga magulang kapag ikaw ay naghaharap ng isang problema o gumagawa ng isang kahilingan para sa isang bagay na talagang nais mo. Kung masumpungan mo ang iyong sarili na nasaktan, tandaan: “Ang unawa ng isang tao ay tunay na nagpapabagal sa kaniyang galit, at isang kagandahan ang paraanin niya ang pagsalansang.”—Kawikaan 19:11.
. . . HUMINTO NG PAKIKIPAG-USAP! Kung ikaw ay hihinto ng pakikipag-usap, paano mo masasabi ang iyong mga kaisipan sa iyong mga magulang? Paano nila mauunawaan kung ano ang nadarama mo? Kung ikaw ay natutukso na gawin ang anuman sa ‘sikaping huwag,’ alamin mo na gumaganti ka lamang sa iyong mga magulang at talagang hindi mo nalulutas ang problema. Ang payo ng Bibliya ay, “Huwag mong madaliin ang iyong espiritu na magalit.”—Eclesiastes 7:9.
Bagkus, Sikaping
. . . MAKINIG! Kahit na kung ang iyong mga magulang ay nambubulyaw, “Dinggin mo ang iyong ama . . . at huwag mong hamakin ang iyong ina.” (Kawikaan 23:22) Tutulong ito sa iyo na maunawaan ang nadarama ng iyong mga magulang at marahil ay isiwalat kung bakit sila nagtaas ng kanilang boses.
. . . SUMUNOD! Ito man ay sinabi nang mahina o malakas, ang mga utos ay dapat sundin. Sa pagsunod, ikaw ay nagpapakita ng praktikal na karunungan at “karunungan mula sa itaas,” yamang ito ay “handang sumunod.” (Santiago 3:17) Sa paggawa karakaraka ng mga bagay na hinihiling ng iyong mga magulang, makatitiyak ka na sila ay malulugod—at ang anumang pambubulyaw ay mawawala.
. . . TANGGAPIN ANG PAGKAKAMALI! Maraming beses ang pambubulyaw ay nagmumula sa paglabag ng tuntunin sa tahanan o hindi paggawa ng hinihiling na atas. Ikaw ba ay natutuksong pawalang-sala ang iyong sarili? Huwag. Aminin ang pagkakasala. Ang mga sama ng loob ay mas madaling mapawi kapag ang pagkakasala ay inaamin.
. . . IPLANO KUNG ANO ANG SASABIHIN! Ang Kawikaan 15:28 ay nagsasabi: “Ang puso ng matuwid ay nagbubulaybulay ng isasagot, ngunit ang bibig ng masama ay nagbubugso ng mga masamang bagay.” Isaalang-alang ang papaano, ano, at bakit ng iyong kahilingan o problema. “Kung alam mong ito’y lilikha ng away, tanungin mo muna ang iyong sarili kung ano ang iyong mga tunguhin sa pagpapasa ng impormasyon,” sabi ni Dr. Selma Miller. Walang alinlangan, maaaring madalas na maiwasan ang isang silakbo ng galit kung isasaalang-alang ang kung ano ang iyong sasabihin. Kasabay nito, makabubuting magpasiya kung ano ang talagang mahalagang mga isyu at ito lamang ang iharap.
. . . MAKIPAGTALASTASAN! Huwag hintayin hangga’t ikaw ay magkaproblema bago ka makipag-usap sa iyong mga magulang. Lagi kang makipag-usap sa kanila tungkol sa pang-araw-araw na mga bagay. Sabihan sila ng iyong mga nadarama. Alamin din ang tungkol sa mga saloobin, mga paniniwala, at mga pagpapahalaga ng iyong mga magulang. Bubuklurin nito ang pag-ibig at pagkakaibigan ng pamilya na gagawang mas madali na ipakipag-usap ang mas maselang na mga bagay nang mahinahon.
. . . GAMITIN ANG TAMANG PANAHON! Mahalaga na iharap ang isang kahilingan o isaalang-alang ang isang problema sa iyong mga magulang sa tamang panahon. Ganito ang sabi ni Haring Solomon: “Gaya ng mga mansanas na ginto sa mga bilaong pilak ang mga salitang sinalita sa tamang panahon.” (Kawikaan 25:11; ihambing ang Esther, mga kabanatang 4 at 5.) Maging mapagmasid kung kailan ang iyong mga magulang ay relaks na relaks at pinakamadaling kausapin.
. . . MAGING MAKATOTOHANAN! “Sa tunay na buhay, imposibleng mamuhay na kasama ng mga taong minamahal natin at gayunman ay iwasan ang pagkakasalungatan,” sabi ni Jenny Englemann, isang psychotherapist. Sabi pa niya: “Isa sa tunay na pagsubok sa isang kaugnayan ay na maaari nating harapin ang mga pagkakasalungatan at sa wakas ay lutasin ang mga ito.”
Huwag kaligtaan, mahal na mahal ka ng iyong mga magulang at lubhang interesado sa paggawa ng kung ano ang pinakamabuti para sa iyo. Kaya sikaping ikapit ang mga mungkahing nabanggit at tingnan kung hindi lubhang bubuti ang iyong kaugnayan sa kanila.
[Mga larawan sa pahina 15]
“Ang ikaw ay magalit at magsisisigaw ay lilikha ng kalagayan na walang panalo”
“Ang sagot, kung mahinahon, ay pumapawi ng poot”