Ikaw Ba’y Nakikipagpayapaan sa Iyong Kapuwa?
IBIGIN mo ang iyong kapuwa. Gayon ang sabi sa atin. Hindi ito laging madali. Ang makipagpayapaan nga lang ay mahirap. Ang musikang rock mula sa iyong kapitbahay ay yumayanig sa iyong dingding. Ang kanilang mga anak ay nagkakaingay sa pasilyo. Sa lansangan sa labas, ikaw ay nabubugbog. Sa haywey, ang mga tsuper ay bigla na lamang sisingit sa harap mo—businahan mo at maaari ka pang mabaril! Kalabisan? Sa ibang mga lugar, subalit hindi sa malalaking lunsod. May kani-kaniyang mga problema sa mga arabal at sa mga rural na lugar na gumagawang mahirap magpakita ng pag-ibig sa kapuwa.
Karamihan ng kaigtingan ay nagmumula sa modernong maunlad-teknolohiyang sistemang ito ng mga bagay. Libu-libo ang nagsisiksikan sa mga lunsod na parang mga alakdan sa isang bote. Ang mga commuter ay nagbububusá sa galit dahil sa mabagal na pag-usad ng mga sasakyan kung panahong matrapik. Ang mga naninirahan sa lalawigan ay nagsisisigaw na itinataboy ang mga manok ng kapitbahay na sumisira ng kanilang hardin. Ang mga magsasaka ay nalulugi sapagkat sinisira ng mga insektong hindi tinatablan ng pestisidyo ang kanilang mga pananim. At sa lahat ng dako ang mga industriya ay nagbubuga ng kanilang nakalalasong mga dumi. Ang hangin ay nagiging marumi, umuulan ng asido, ang mga isda sa lawa ay namamatay, pati na ang inuming tubig ay nadudumhan ng nakalalasong kemikal na mga basura. Ang kalusugan ay nanghihina, ang mga buhay ay napapahamak.
Sa mga ito at sa maraming iba pang mga paraan, ang kaigtingan ay tumitindi sa buhay ng angaw-angaw habang ang mga damdamin ay pinag-iinit, upang sumiklab sa galit, at kalimitan ngang ito’y sumisiklab sa galit. Ang marami ay tumatakas sa pamamagitan ng pagpapakalunod sa makalamang mga gawain. Sakim na materyalismo, sosyal na mga parti, pagpapakalango sa droga, lisyang mga istilo ng pamumuhay—anumang bagay upang magbalik sa kulto ng ako-muna. Natatabunan ng pag-ibig sa sarili ang pag-ibig sa kapuwa kung paanong ang laman ay bundat na bundat at ang espiritu ay salát na salát.
At sa hindi gaanong mayamang mga bansa, kapuwa ang laman at ang espiritu ay salát na salát. Pinipinsala ng mga rebolusyon ang taong-bayan, ang salot ay kumikitil ng mga buhay, ang pagkakagutom ay unti-unting kumakalat sa lupain, naglalaho ang pag-asa, naghahari ang kawalang pag-asa.
Hindi, sa modernong sistemang ito ng mga bagay hindi laging madaling ibigin ang iyong kapuwa. Gayunman ang pag-ibig sa kapuwa ay umiiral, at marami ang nagtatamasa ng pakikipagpayapaan sa kanilang kapuwa.