Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 12/22 kab. 14 p. 21-24
  • Kung Paano Nagsisimula ang “mga Bagong Langit at Isang Bagong Lupa”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Paano Nagsisimula ang “mga Bagong Langit at Isang Bagong Lupa”
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • ‘MANGAGALAK KAYO SA AKING NILILIKHA’
  • PAGHAHANDA PARA SA “BAGONG LUPA”
  • ANG “BAGONG LUPA” AY NAGIGING ISANG KATUNAYAN
Gumising!—1986
g86 12/22 kab. 14 p. 21-24

Kabanata 14​—Pagkaligtas Tungo sa Isang Bagong Lupa

Kung Paano Nagsisimula ang “mga Bagong Langit at Isang Bagong Lupa”

1. (a) Sa Bibliya, ano ang kadalasang tinutukoy ng “mga langit”? (b) Sa ilang mga talata, ano ang kahulugan ng “lupa”?

ANG pagbanggit sa mga langit ay nagpapangyari sa maraming tao na mag-isip ng tungkol sa malayong kalawakan, sa buwan at mga bituin. Iniuugnay rin ng Bibliya ang “langit” sa pamamahala. (Gawa 7:49) At kung minsan ginagamit nito ang katagang “mga langit” upang tumukoy sa Diyos mismo bilang ang Pansansinukob na Soberano. (Daniel 4:26; Mateo 4:17) Kahit na ang mga pamahalaan ng tao ay tinutukoy na “mga langit,” sapagkat ang mga ito ay humahawak ng isang katayuan na mataas kaysa kanilang mga sakop. (2 Pedro 3:7) Sa gayunding paraan, ang “lupa” ay kadalasang nangangahulugang ang globo, subalit maaari rin itong tumukoy sa lipunan ng tao. (Genesis 11:1; Awit 96:1) Ang kabatiran tungkol dito ay maaaring tumulong sa iyo na pahalagahan ang kahulugan ng kaakit-akit na mga pangako may kaugnayan sa “mga bagong langit at isang bagong lupa.” Ang ilan sa mga pangakong ito ay nagkaroon ng panimulang katuparan sa mga kaarawan ng sinaunang Israel.

‘MANGAGALAK KAYO SA AKING NILILIKHA’

2. Bakit pinahintulutan ni Jehova na madalang bihag ang Israel, subalit ano ang inihula niya?

2 Ang bansang Israel ay nasa isang pakikipagtipan sa Diyos, taimtim na sumasang-ayon na susunod sa kaniya. Subalit sila ay naging di-tapat. Dahilan dito, ipinaalam ni Jehova na aalisin niya ang kaniyang proteksiyon, pahihintulutan niya ang Jerusalem na mapuksa at ang bayan ay dalhing bihag sa Babilonya. (Isaias 1:2-4; 39:5-7) Subalit may kaawaang inihula rin niya ang pagbabalik ng nagsisising nalabi.​—Isaias 43:14, 15; 48:20.

3. Ano ang kahulugan ng pangako sa Isaias 65:17?

3 Dahilan sa katiyakan nito, binanggit ni Jehova ang pagbabalik na iyan sa hinaharap na para bang ito ay nangyari na, na sinasabi: “Narito ako’y lumilikha ng mga bagong langit at ng isang bagong lupa; at ang mga dating bagay ay hindi maaalaala o mapapasa-puso man. Ngunit mangagsaya kayo, kayong mga tao, at mangagalak kayo magpakailanman sa aking nililikha. Sapagkat narito aking nililikha ang Jerusalem na isang kagalakan at ang kaniyang mga mamamayan na isang dahilan ng kasayahan.” (Isaias 65:17, 18) Ito’y mangangahulugan ng kaligtasan sa nagsising mga Israelita.

4. (a) Kailan dumating ang inihulang pagliligtas? (b) Ano ang “mga bagong langit” at ang “bagong lupa” noon?

4 Bagaman ang gayong bagay ay tila imposible sa pangmalas ng tao, ang makapangyarihang Babilonya ay bumagsak sa mga Medo at Persiano noong 539 B.C.E. Ang mga Judio ay napasailalim ng isang bagong pamahalaan, ang “mga bagong langit.” Si Cirong Dakila ay gumanap ng isang mahalagang bahagi sa “mga bagong langit” na iyon. Bagaman si Ciro ay hindi naging proselitang Judio, kinilala niya na si Jehova ang nagpahintulot sa kaniya na magkaroon ng kapangyarihan na taglay niya at na inatasan siya ni Jehova na isaayos na ang templo sa Jerusalem ay muling itayo. (2 Cronica 36:23; tingnan ang Isaias 44:28.) Doon sa Jerusalem noong 537 B.C.E., si Gobernador Zerubabel at ang Mataas na Saserdoteng si Jesua ay gumanap din ng mahalagang bahagi sa pamahalaang iyon ng “mga bagong langit,” at ang ibinalik na mga nalabing Judio ang bumuo ng “isang bagong lupa,” isang nilinis na lipunan na muling itinatag ang dalisay na pagsamba sa lupain.​—Ezra 5:1, 2.

5, 6. (a) Ano ang magpapatunay na sila nga ay isang nagbagong bayan? (b) Nang sawayin sila ni Jehova, papaanong ang kanilang tugon ay kakaiba kaysa noong bago ang pagkabihag?

5 Bilang katibayan na sila ay isang nagbagong bayan kapuwa sa isipan at puso, kailangang unahin nila ang mga kapakanan ng tunay na pagsamba sa kanilang mga buhay, talagang iginagalang ang pagkasoberano ni Jehova at nakikinig sa kaniyang mga propeta. Kasuwato nito, kabilang sa unang mga bagay na ginawa nila pagdating nila sa Juda ay ang “itayo ang dambana ng Diyos ng Israel” at maghandog ng mga hain.​—Ezra 3:1-6.

6 Nang ang materyalistikong mga hilig at takot sa tao ay humadlang sa pagtatapos ng pagtatayo ng templo, sinaway ni Jehova ang bayan sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta, at sila’y tumalima. (Hagai 1:2, 7, 8, 12; 2:4, 5) Nang malaunan, nang banggitin ang tungkol sa malubhang pagkakasala sa mga kahilingan ng Batas tungkol sa pag-aasawa, itinuwid ng bayan ang kanilang mga daan. (Ezra 10:10-12) Sa halip na magkaroon ng mga mata na, sa makasagisag na diwa, ay hindi nakakakita at mga taingang hindi nakaririnig sa salita ng Diyos, sila ay dumanas ng espirituwal na pagpapagaling at ginamit ang kanilang mga kakayahan na kasuwato ng kalooban ni Jehova. (Ihambing ang Isaias 6:9, 10 sa Isa 35:5, 6.) Bunga nito, pinagpala sila ni Jehova kasuwato ng mga pangakong masusumpungan sa Isaias 65:20-25.

7. Paano natin nalalaman na mayroon pang higit na katuparan ang hula ni Isaias?

7 Subalit iyan lang ba ang katuparan ng hula tungkol sa “mga bagong langit at isang bagong lupa”? Tiyak ng hindi. Binanggit ng Kristiyanong apostol Pedro na sabik na sabik na hinintay ng unang-siglong mga Kristiyanong iyon ang higit pang katuparan. (2 Pedro 3:13) Kung ano ang hinihintay nila ay nakikita mismo ng ating mga mata. Sa anong paraan? May kaugnayan sa mga pangyayari na kinasasangkutan ng pagluluklok sa trono ng lalong Dakilang Ciro, ang niluwalhating si Jesu-Kristo.

8. (a) Kailan pinairal ni Jehova ang “mga bagong langit” na ito, at paano ito maihahambing sa unang katuparan ng hula? (b) Paano unti-unting dumarami ang membro ng “mga bagong langit”?

8 Gaya ng nakita na natin, noong 1914 ipinagkaloob ng Diyos na Jehova sa kaniyang Anak ang kapangyarihan na magpuno sa gitna ng kaniyang mga kaaway. Ang malaon nang hinihintay na “mga bagong langit” ay umiral. Ang nangyari ay mas dakila kaysa mga pangyayaring nauugnay sa pagliligtas sa sinaunang Israel. (Awit 110:2; Daniel 7:13, 14) Ang pamahalaan na isinilang noong 1914 ay aktuwal na nagpupuno mismo sa langit, at binigyan ito ng Diyos ng kapangyarihan sa buong lupa. Ang pagpapalaki ng pamahalaang ito ay naganap nang dakong huli sa pagkabuhay-muli ng pinahiran-espiritu na mga tagasunod ni Kristo (na nangamatay na) upang maging mga hari at mga saserdote sa langit na kasama ng kanilang Panginoon. Habang ang iba pang mga membro ng uring Kaharian na iyon ay natatapos sa kanilang makalupang buhay, sila man ay napaparagdag sa lumalagong membro ng “mga bagong langit.” (1 Tesalonica 4:14-17; Apocalipsis 14:13) Ang karamihan ng kasamang mga tagapagmana ni Kristo ay aktibo ngayon sa makalangit na Kahariang iyon. Sa gayon ang inianak-sa-espiritung mga Kristiyano na nakakasama ni Kristo ang bumubuo sa Bagong Jerusalem, na tungkol dito ay sinabi ni Jehova: “Narito aking nililikha ang Jerusalem na isang kagalakan at ang kaniyang mga mamamayan ay isang dahilan ng kasayahan.”​—Isaias 65:18.

9. Anong “dahilan ng kasayahan” ang ginawa ni Jehova dito mismo sa lupa noong 1919?

9 Hindi lamang sa mga langit kundi gayundin sa lupa na si Jehova ay lumikha ng “isang dahilan ng kasayahan.” Isang nalabi ng mga tagapagmana ng Kaharian ang naririto pa sa lupa. Noong Digmaang Pandaigdig I sinamantala ng mga klero ng Sangkakristiyanuhan ang pagkabalisa sa digmaan upang may kamaliang paratangan ang mga Bible Students at ipinabilanggo ang mga membro ng kanilang Lupong Tagapamahala nang mahabang panahon. Subalit noong 1919 sila ay pinalaya, aktuwal na pinalaya mula sa pagkabihag na sinulsulan ng Babilonyang Dakila. Taglay ang espiritu ni Jehova na tumutulong sa kanila, sila’y nagreorganisa bilang isang bayan na pantanging nakatalaga sa dalisay na pagsamba at sa mga kapakanan ng Kaharian ng Diyos.

10. (a) Paano naiiba ang mga inaasahan ng espirituwal na mga Israelitang ito kaysa roon sa mga Judio na ibinalik sa kanilang bayan noong 537 B.C.E.? (b) Anong gawain ang ibinigay sa kanila ni Jehova? (c) Paano niya sila mayamang pinagpala samantalang naririto pa sa lupa, at paano inilalarawan ng siniping mga kasulatan ang mga kalagayan na tinatamasa nila?

10 Gayunman, ang kanilang mga pag-asa at mga inaasahan ay kakaiba roon sa mga Judio na nagbalik sa kanilang lupang tinubuan noong 537 B.C.E. Ang mga membro ng espirituwal na Israel ay umaasa sa isang mana na “inilaan sa langit” para sa kanila. (1 Pedro 1:3-5) Subalit bago nila aktuwal na tanggapin ang gantimpalang iyon, si Jehova ay may isang gawain na ipagagawa sa kanila. Tungkol dito, makahulang sinabi niya: “Ilalagay ko ang aking mga salita sa iyong bibig, at tatakpan nga kita sa lilim ng aking kamay, upang aking mailadlad ang mga langit at mailagay ang mga patibayan ng lupa at magsabi sa Sion, ‘Ikaw ang aking bayan.’” (Isaias 51:16) Inilagay niya ang kaniyang “mga salita,” ang kaniyang mensahe, sa bibig ng kaniyang mga lingkod upang ipahayag nila sa buong lupa. Taglay ang pagtitiwala na ipinaalam nila na matatag na itinatag ng Diyos ang “mga bagong langit” anupa’t hindi ito maaaring alisin ng mga tao o ng mga demonyo. Ang paraan ng pakikitungo ni Jehova sa mga kinatawan ng makalangit na Sion ay maliwanag na nagpapakilala sa kanila bilang ang kaniyang bayan. Kabaligtaran ng iláng na kalagayan ng sanlibutan sa espirituwal at moral na diwa, ang “lupain” na okupado ng espirituwal na Israel, ang kanilang larangan ng gawain, ay naging isang lugar kung saan ang espirituwal na mga pagpapahalaga at mga gawain ay umuunlad. Ito’y isang espirituwal na paraiso! (Isaias 32:1-4; 35:1-7; 65:13, 14; Awit 85:1, 8-13) Subalit kumusta naman ang tungkol sa “bagong lupa” na inihula sa Isaias 65:17

PAGHAHANDA PARA SA “BAGONG LUPA”

11. (a) Lalo na sapol kailan inihanda ni Jehova ang magiging mga membro ng “bagong lupa”? (b) Sila ay inilarawan ng anong mga tao na umalis sa sinaunang Babilonya?

11 Pasimula lalo na noong 1935, pinangyari ni Jehova na makita ng mga membro ng espirituwal na Israel na ang panahon ay dumating na upang tipunin ang isang malaking pulutong ng mga tao na umaasa ng buhay na walang hanggan sa isang Paraisong lupa. Kung ihahambing sa “munting kawan” ng mga tagapagmana ng Kaharian, sila nga ay naging isang malaking pulutong. (Apocalipsis 7:9, 10) Ang mga ito man, ay dinala sa espirituwal na paraiso. Inilalarawan nila ang hindi mga Israelitang umalis sa Babilonya na kasama ng mga Judio noong 537 B.C.E. gayundin yaong mga nagsialis sa Babilonya nang dakong huli. (Ezra 2:58, 64, 65; 8:17, 20) Lahat ng malaking pulutong ng makabagong-panahong mga Saksi ni Jehova na may makalupang pag-asa ay magiging mga membro ng “bagong lupa.”

12. Papaanong ang mga tao ay inihahanda ngayon upang sila ay maging karapat-dapat na pundasyon ng “bagong lupa”?

12 Yaong mga makaliligtas sa malaking kapighatian at umaasa ng sakdal buhay tao ang siyang aktuwal na bubuo sa pundasyon ng “bagong lupa” na iyon, ang unang mga membro nito. Mahalaga na ang pundasyon ay matatag. Kaya, ngayon pa sila ay lubusang tinuturuan sa mga daan ni Jehova. Sila ay tinutulungan na magkaroon ng taos-pusong pagpapahalaga sa usapin o isyu ng pansansinukob na pagkasoberano. Natututuhan nila kung gaano kahalaga na ‘magtiwala kay Jehova nang kanilang buong puso at huwag manalig sa kanilang sariling kaunawaan.’ (Kawikaan 3:5, 6) Mayroon silang pagkakataon na patunayan ang kanilang mga sarili na masigasig at tapat na mga tagapagtaguyod ng Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng lubusang pakikibahagi sa pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian” ngayon. (Mateo 24:14) Nararanasan nila kung ano ang kahulugan ng pagiging bahagi ng isang pangglobong lipunan ng mga tao mula sa lahat ng mga bansa at mga wika at mga lahi na sama-samang gumagawa sa maibiging pagkakapatiran. (Juan 13:35; Gawa 10:34, 35) Ginagawa mo ba ito upang lubusang makinabang ka sa programang ito ng edukasyon? Para sa lahat na gumagawa ng gayon, kahanga-hangang mga pag-asa ang nasa unahan.

ANG “BAGONG LUPA” AY NAGIGING ISANG KATUNAYAN

13. Paanong ang dumarating na “bagong lupa” ay magiging isang lalong dakilang katuparan ng pangako ni Jehova kaysa kung ano ang nangyari noong 537 B.C.E.?

13 Sa katapusan, ang ganap na katuparan ng pangako ni Jehova na pairalin ang “isang bagong lupa” ay magiging lalong dakila kaysa kung ano ang naganap noong 537 B.C.E. Hindi lamang dahilan sa yaong bubuo sa “bagong lupa” ay mga tao na pinalaya mula sa Babilonyang Dakila, kundi sa panahong iyon ang buong pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon ay napuksa na magpakailanman. (Apocalipsis 18:21) Ang matuwid na lipunan na ito ng tao​—ang “bagong lupa”​—ay hindi paliligiran ng mga bansa na tumutuya kay Jehova at pinag-uusig ang kaniyang mga lingkod, gaya ng nangyari noong katuparan ng hula ni Isaias. Lahat ng mga pamahalaan ng tao, sapagkat ayaw nilang pasakop sa pagkasoberano ni Jehova, ay lipol na sa panahong iyon at ang kasalukuyang balakyot na lipunan ng tao ay wala na sa lupa. (Daniel 2:44; Kawikaan 2:21, 22) Sa pagsisimula ng matuwid na Bagong Kaayusan ng Diyos, ang mga taong magmamana sa planetang Lupa ay yaon lamang nagpaparangal kay Jehova, na nakakasumpong ng katangi-tanging kasiyahan sa kaniyang mga daan.​—Awit 37:4, 9.

14. (a) Kailan matutupad ang 2 Pedro 3:13 at Apocalipsis 21:1? (b) Ano ang magiging iba kung tungkol sa mga kalagayan na doon ang “bagong langit” ay kikilos sa panahong iyon? (c) Sino ang makakabilang sa “bagong lupa”?

14 Sa maluwalhating panahon na iyan itinuon ni apostol Pedro ang pansin sa kaniyang ikalawang kinasihang sulat. (2 Pedro 3:13) Tinutukoy ang gayunding kapana-panabik na pag-asa, iniulat ni apostol Juan ang mga detalye ng apocalipsis na ibinigay sa kaniya, na nagsasabi: “At nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa; sapagkat ang unang langit at ang unang lupa at naparam, at ang dagat ay wala na.” (Apocalipsis 21:1) Pagkatapos ng malaking kapighatian at si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay naibulid na sa kalaliman, magsisimula ang isang bagong panahon. Ang masamang impluwensiya ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo ay mawawala na. Sa panahong iyon ang kaniyang buong sistema ng mga bagay ay nalipol na. Sa gayo’y isasagawa ng “bagong langit” ang maibiging layunin ni Jehova para sa kaniyang mga nilikha nang walang anumang paghadlang mula sa mga pamahalaan na hindi kumikilala sa pagkasoberano ni Jehova. Sa ilalim ng “bagong langit” na iyan ay ang isang ganap na “bagong lupa,” na binubuo ng “malaking pulutong” na pinagkakalooban ng Diyos ng mahalagang pag-asa na buhay na walang hanggan sa isang pangglobong Paraiso ng kagandahan, kasaganaan, kaligayahan at kapayapaan. Pagdating ng itinakdang panahon ng Diyos upang buhaying-muli ang mga patay, ang mga ito man ay magkakaroon ng pagkakataon na maging bahagi ng “bagong lupa” na iyon kung saan tatahan ang katuwiran.​—Apocalipsis 20:12, 13.

15. Bakit mahalaga sa iyo ang pangako sa Apocalipsis 21:3, 4?

15 Kung tungkol sa kung ano ang inilalaan ng Diyos para sa sangkatauhan sa panahong iyon, ganito ang narinig ni apostol Juan na pahayag mula sa langit: “Narito! Ang tabernakulo ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at siya’y mananahan na kasama nila, at sila’y magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasa-kanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng panambitan man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.” (Apocalipsis 21:3, 4) Anong kaiga-igayang buhay iyon!

16. Anong mga pag-asa sa hinaharap ang pinupukaw sa ating mga puso ng mga pangako sa (a) Isaias 11:6-9? (b) Isaias 35:1-7? (c) Isaias 65:20-25? (d) Sino ang magpapangyari sa kaaya-ayang mga pag-asang ito para sa atin?

16 Ang mga kalagayan na umiral sa Eden at ang mga himalang isinagawa ni Jesus ay naglaan ng kaaya-ayang mga halimbawa ng kung magiging ano ang buhay sa “bagong lupa” na iyon. Karagdagan pa, ang mga tampok ng mga hula sa Isaias 11:6-9 at 35:1-7 at 65:20-25 ay magkakaroon ng pisikal na katuparan sa panahong iyon, sa malaking pagpapala ng masunuring sangkatauhan. Anong nakarirepreskong panahon iyon kapag ang lubhang kinakailangang mga kalagayan ng espirituwal na kalusugan at kasaganaan ay tatamasahin pati na ang pisikal at mental na kasakdalan sa isang lupa na sa lahat ng paraan ay naging Paraiso! Taglay ang gayong kahanga-hangang pag-asa sa harapan natin, paano nga tayo hindi makapagpapasalamat kay Jehova, ang Dakilang Maylikha ng lahat ng ito!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share