Aborsiyon—Kaninong Karapatan ang Nasasangkot?
ANG mga doktor sa medisina na sina P. M. A. Nicholls at Carlos del Campo ng Halifax, Nova Scotia, ay sumulat ng isang nagsisiwalat na liham sa Canadian Medical Association Journal tungkol sa paksa na kung kaninong karapatan ang nasasangkot sa aborsiyon. Una nilang binanggit na sinasabi ng iba na “ang pasiya kung baga magpapalaglag ay pangunahin nang nasasalalay sa babae,” at na “maraming babae ang nagpapalaglag at ang karamihan ng mga pangkat na sang-ayon sa aborsiyon ay naniniwala na ang babae ang may karapatang magpasiya sa kapalaran ng kaniya mismong ‘katawan’ at na ang aborsiyon ay maaaring ipahintulot sa mga saligang ito.” Gayunman, ang sumusunod na mga obserbasyon na ginawa ng mga doktor na ito ay nagbibigay sa isang tao ng dahilan na huminto at mag-isip.
“Bagaman ito ay dapat na maging maliwanag sa lahat ng manggagamot, ang sumusunod ay hindi karaniwang isinasaalang-alang at dapat na idiin. Kasunod ng pertilisasyon ang haploid na mga selula ay nagsasama at nagiging isang diploid na selula. Mula sa puntong ito patuloy ang fetus (sanggol na ipinagbubuntis) ay umiiral bilang isang tao na genetikong naiiba sa ina; yaon ay, ito’y naglalaman ng pambihira, organisadong impormasyon ng mga kromosomo. Ang hindi matututulang patotoo nito ay ang bagay na kung hindi lamang sa humahadlang na inunan maaaring tanggihan ng katawan ang ipinagbubuntis na sanggol.
“Papaano, kung gayon, na itinuturing natin ang aborsiyon na gaya ng pagturing sa pag-alis ng isang apendiks, ng apdo o ng iba pang sangkap? (Mangyari pa, nalalaman natin ang mas malaking sikolohikal na mga konsikuwensiya ng aborsiyon.) Balintuna, mas madali pang ipaalis sa isang obstetrician ang isang mabubuhay na fetus kaysa pasang-ayunin ang isang seruhano na alisin ang isang malusog na apdo. Gayunman, di-gaya ng fetus, ang sangkap na iyon ay tiyak na isang bahagi ng katawan ng pasyente. Maaari ba nating tanggapin ang karaniwang ‘aking katawan’ na saloobin ng mga sang-ayon sa aborsiyon at sumang-ayon na ang pasiya na wakasan ang buhay ng isang sanggol na ipinaglilihi ay nasasalalay sa pagitan ng babae at ng kaniyang manggagamot? Muli, kung susuriin natin ito nang makatuwiran, sa katunayan, hindi ang katawan ng babae ang nakataya kundi ang hindi maikakailang hiwalay na buhay na may sariling genetikong kodigo.”
Bilang konklusyon ang mga doktor na ito ay nagbabala: “Kapag napaharap sa isyung ito mas madali pang isaisang-tabi ang nalalaman namin na totoo alang-alang sa kaginhawahan o ‘pagkahabag.’ Gayumpaman, tungkulin ng bawat manggagamot na iwasang sumuko o magtago sa likuran ng palagay at mga paniniwala ng isang lipunan na lubhang maluwag sa disiplina.”
[Picture Credit Line sa pahina 20]
S. J. Allen/Int’l Stock Photo Ltd.