Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 2/22 kab. 23 p. 21-24
  • “Kayo’y Nangangailangan ng Pagtitiis”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Kayo’y Nangangailangan ng Pagtitiis”
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Paano Dapat Kumilos ang mga Kristiyano?
  • ‘Maligaya Yaong Patuloy na Nagtitiis’
Gumising!—1987
g87 2/22 kab. 23 p. 21-24

Kabanata 23​—Pagkaligtas Tungo sa Isang Bagong Lupa

“Kayo’y Nangangailangan ng Pagtitiis”

1. (a) Bakit ang mga Saksi ni Jehova ay tunay na maliligayang tao? (b) Anong payo sa Hebreo 10:36 ang kumakapit sa ating lahat?

YAONG mga nagtitiwala kay Jehova ay tunay na siyang pinakamaligayang mga tao sa lupa ngayon. Alam nila kung saan masusumpungan ang pinakamabuting payo kung paano pakikitunguhan ang mga suliranin sa buhay​—sa mismong Salita ng Diyos. Hindi sila natatakot sa pagtanaw nila sa kinabukasan, sapagkat alam nila ang layunin ng Diyos para sa lupang ito. (Jeremias 17:7, 8; Awit 46:1, 2) Gayumpaman, si apostol Pablo ay sumulat sa kapuwa mga Kristiyano: “Kayo’y nangangailangan ng pagtitiis, upang, kung inyong magawa ang kalooban ng Diyos, kayo’y magsitanggap ng katuparan ng pangako.” (Hebreo 10:36) Ano ang nagpapangyari sa pangangailangan na ito ng pagtitiis?

2. Bakit kakailanganin ng mga alagad ni Jesus ang pagtitiis?

2 Bago ang kaniya mismong kamatayan, inihanda ni Jesus ang kaniyang mga apostol sa kung ano ang maaaring mangyari, na ang sabi: “Kung kayo’y bahagi ng sanlibutan, iibigin ng sanlibutan ang kaniyang sarili. Ngayon sapagkat kayo’y hindi bahagi ng sanlibutan, kundi kayo’y pinili ko sa sanlibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan. Alalahanin ninyo ang salitang sa inyo’y aking sinabi, Ang alipin ay hindi dakila kaysa kaniyang panginoon. Kung ako’y kanilang pinag-usig, kayo man ay kanilang pag-uusigin din; kung tinupad nila ang aking salita, ang inyo man ay tutuparin din. Datapuwat ang lahat ng mga bagay na ito ay gagawin nila sa inyo dahil sa aking pangalan, sapagkat hindi nila nakikilala ang sa akin ay nagsugo.” (Juan 15:19-21) Anong pagkatotoo nga niyan!

3. (a) Paanong ang kaniyang mga alagad ay pinag-uusig ‘alang-alang sa pangalan ni Jesus’? (b) Sa anong diwa “hindi nakikilala” ng mga tagausig ang Isa na nagsugo kay Jesus? (c) Sino ang pangunahing may pananagutan sa pag-uusig?

3 Ang mga tagasunod ni Jesus ay naging mga tampulan ng pagkapoot sapagkat sila ay namumuhay sa gitna ng isang daigdig na tinatanggihan ang kinakatawan ng tunay na Kristiyanismo. Ang Kristo ay nangangahulugang “Pinahiran.” Si Jesu-Kristo ang pinahiran ni Jehova na maging Hari na magpupuno sa buong lupa. Sa gayon nang sabihin ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay pag-uusigin ‘dahil sa kaniyang pangalan,’ ibig niyang sabihin na ang pag-uusig ay dahilan sa pagsunod nila sa kaniya bilang ang Mesianikong Hari ni Jehova, dahilan sa pagsunod nila kay Kristo na una kaysa kaninumang makalupang pinuno, dahilan sa matapat na pagtaguyod nila sa kaniyang Kaharian at hindi nakikisangkot sa mga gawain ng mga pamahalaan ng tao. Sinabi pa ni Jesus na ang pagsalansang ay dahilan sa ang mga mang-uusig ay “hindi nakikilala ang sa akin ay nagsugo”​—yaon ay, ayaw nilang kilalanin ang Diyos na Jehova bilang ang Pansansinukob na Soberano. (Ihambing ang Exodo 5:2.) Sino ang pinunong manunulsol sa pag-uusig na ito? Si Satanas na Diyablo.​—Apocalipsis 2:10.

4. (a) Paano nakakaapekto sa ating buhay ang katuparan ng Apocalipsis 12:17? (b) Ano ang layunin ni Satanas?

4 Lalung-lalo na sapol nang palayasin sa langit si Satanas kasunod ng pagsilang ng Mesianikong Kaharian ni Jehova noong 1914, ang panggigipit sa tunay na mga Kristiyano ay tumindi. Huwag maliitin ito. May ganap na pakikipagbaka ang Diyablo at ang kaniyang mga demonyo laban sa lahat ng naninindigan sa panig ng Kaharian ng Diyos sa mga kamay ni Jesu-Kristo. Tungkol dito, ang Apocalipsis 12:17 ay nagsasabi: “At nagalit ang dragon [si Satanas na Diyablo] sa babae [ang makalangit na tulad-asawang organisasyon ng Diyos], at umalis upang makipagbaka sa mga nalabi ng kaniyang binhi [ang pinahiran-espiritu na mga tagasunod ni Kristo sa lupa], na mga nagsisitupad sa mga utos ng Diyos at may gawain na magpatotoo kay Jesus.” Ang “ibang tupa,” man din, ay nasusumpungan ang kanilang mga sarili na nasa pakikipagbakang ito. Sa pamamagitan ng tusong mga pamamaraan, sinisikap ni Satanas na akitin o puwersahin sila na huminto sa pagsunod sa mga utos ng Diyos. Nais niyang pahinain at pagkatapos ay lubusang wasakin ang kanilang spirituwalidad. Ang kaniyang layunin ay pahintuin ang paghahayag tungkol kay Jesus bilang ang Mesianikong Hari ni Jehova. Subalit sa espirituwal na pakikipagbakang ito ang matapat na mga lingkod ng Diyos ay nagtatagumpay.

Paano Dapat Kumilos ang mga Kristiyano?

5. Anong mga pagkilos ang ginawa ng mga pamahalaan laban sa mga Saksi ni Jehova?

5 Kinikilala ng maraming opisyal ng pamahalaan na ang mga Saksi ni Jehova ay mga taong masunurin sa batas at na sila ay kaaya-ayang nakaiimpluwensiya sa pamayanan. Gayumpaman, lahat ng mga pamahalaan ng tao ay bahagi ng pandaigdig na sistema ng mga bagay ni Satanas. (1 Juan 5:19; Apocalipsis 13:2) Kaya hindi ipagtataka kung ang ilang mga pamahalaan ay ipagbawal ang mga pulong niyaong mga sumasamba sa tunay na Diyos, ipagbawal ang kanilang mga literatura sa Bibliya, ipagbawal ang kanilang pangangaral tungkol sa Kaharian ng Diyos, oo, ibilanggo pa nga at pisikal na saktan sila. Kung personal na mapasailalim ka ng gayong panggigipit, ano ang gagawin mo?

6. (a) Anong saloobin ang dapat nating taglayin sa mga opisyal ng pamahalaan? (b) Subalit ano ang disidido tayong gawin? (c) Bagaman pinag-uusig, paano tayo patuloy na magiging maligaya?

6 Ang mga apostol ni Jesu-Kristo ay magalang sa mga opisyal ng pamahalaan. Nang pinag-usig, hindi sila gumanti. Subalit nang pag-utusan sila na huminto sa paggawa ng ipinag-uutos ng Diyos, matatag silang sumagot: “Kailangang magsitalima muna kami sa Diyos bilang pinuno bago sa mga tao.” (Gawa 5:29; Roma 12:19; 1 Pedro 3:15) Kahit na nang ang kanilang mga buhay ay manganib, ang takot sa kamatayan ay hindi gumawa sa kanila na magkompromiso. Alam nila na sila ay naglilingkod sa “Diyos na bumubuhay mag-uli ng mga patay.” (2 Corinto 1:9; Hebreo 2:14, 15) Bagaman pinag-uusig, sila ay maligaya​—maligaya sapagkat alam nilang sila’y nakalulugod sa Diyos, maligaya na magkaroon ng pagkakataon na makibahagi sa pagbabangong-puri ng kaniyang pangalan at patunayan ang kanilang katapatan sa kaniyang pinahirang Hari. (Gawa 5:41, 42; Mateo 5:11, 12) Ganiyang uri ng tao ka ba? Hayagang ipinakikilala mo ba ang iyong sarili na kasama niyaong dumaranas ng gayong mga karanasan? Si Ebed-melec ang isa na hindi natakot na ipakilala ang kaniyang sarili. Sino siya?

7. (a) Sino si Ebed-melec, at ano ang kapakinabangan niya sa atin ngayon? (b) Nang marinig na si Jeremias ay itinapon sa isang maburak na balon, ano ang ginawa ni Ebed-melec, at bakit?

7 Si Ebed-melec ay isang may takot sa Diyos na taga-Etiopia na nanirahan sa Jerusalem noong panahong iyon hanggan sa pagkawasak nito sa mga taga-Babilonya. Siya ay nagtatrabaho sa sambahayan ni Haring Zedekias. Nang panahong iyon si Jeremias ay naglilingkod bilang isang propeta ni Jehova sa Kaharian ng Juda at ng paligid na mga bansa. Sapagkat walang pagkukompromisong inihatid niya ang mensahe ng pagbababala ng Diyos, siya ay naging tudlaan ng matinding pag-uusig. Sa pagsulsol ng ilang mga prinsipe sa Jerusalem, siya ay inihagis pa nga sa isang balon upang lumubog sa burak at mamatay. Bagaman si Ebed-melec ay hindi Israelita, kinilala niya si Jeremias bilang propeta ni Jehova. Pagkarinig ng kung ano ang ginawa kay Jeremias, karakarakang hinanap ni Ebed-melec ang hari sa pintuan ng bayan upang mamagitan kay Jeremias. Kumikilos sa utos ng hari, kaagad siyang kumuha ng 30 mga lalaki, gayundin ng mga lubid at lumang basahan. Sinabi niya kay Jeremias na ilagay ang mga basahan sa ilalim ng kaniyang kili-kili upang huwag magasgas ng mga lubid, at pagkatapos ay itinaas nila ang propeta mula sa balon.​—Jeremias 38:4-13.

8. Anong tumitiyak na pangako ang ibinigay ni Jehova kay Ebed-melec, at bakit?

8 Si Ebed-melec ay maliwanag na nag-aalala sa kung ano ang maaaring gawin sa kaniya ng mga prinsipe dahilan sa binigo niya ang kanilang balak, subalit ang kaniyang pagkabahala ay nahigitan ng kaniyang paggalang sa propeta ni Jehova at ng kaniya mismong pagtitiwala sa Diyos. Bunga nito, tiniyak ni Jehova kay Ebed-melec sa pamamagitan ni Jeremias: “‘Narito aking dadalhin ang aking salita sa bayang ito sa ikasásamâ at hindi sa ikabubuti, at matutupad nga sa harap mo sa araw na yaon. At aking ililigtas ka sa araw na iyon,’ sabi ni Jehova, ‘at hindi ka mabibigay sa kamay ng mga lalaking iyong kinatatakutan. Sapagkat tunay na ililigtas kita, at ikaw ay hindi ibubuwal ng tabak; kundi ang iyong buhay ay magiging pinaka-samsam sa iyo, sapagkat iyong inilagak ang iyong tiwala sa akin,’ sabi ni Jehova.”​—Jeremias 39:16-18.

9. (a) Paanong ang “ibang tupa” ay naging gaya ni Ebed-melec? (b) Kaya, ano ang kahulugan sa “ibang tupa” ngayon ng pangako ni Jehova kay Ebed-melec?

9 Anong pagkahala-halaga ng pangakong iyan sa mga lingkod ni Jehova ngayon! Tulad ni Ebed-melec, nakikita ng “ibang tupa” ang kawalang katarungan na ginagawa sa modernong-panahong uring Jeremias, ang pinahirang nalabi, at ang mga pagsisikap upang pahintuin ang kanilang pangangaral ng mensahe ni Jehova. Hindi sila nag-aatubili na gawin ang anumang pagkilos na magagawa nila upang mapangalagaan at maitaguyod ang uring pinahiran. Kaya, matuwid lamang na ang pangako ni Jehova kay Ebed-melec ay nagpapalakas sa kanila, pinatitibay ang kanilang pagtitiwala na hindi ipahihintulot ng Diyos na lipulin sila ng mga sumasalansang kundi na iingatan Niya sila bilang isang uri sa dumarating na pandaigdig na pagkawasak tungo sa Kaniyang matuwid na “bagong lupa.”

10. Sa anong mga pitak ng buhay dumaranas ng pag-uusig ang mga Kristiyano?

10 Hindi lahat ng sumusunod sa mga yapak ni Jesu-Kristo ay binabantaan ng pagkabilanggo, subalit ang lahat ay nakararanas ng pag-uusig sa paano man. (2 Timoteo 3:12) Libu-libong mga Kristiyanong asawang babae, at mga asawang lalaki, ang sa loob ng maraming taon ay matapat na napagtiisan ang matinding pagsalansang sa kanila mismong mga tahanan. Ang mga anak man din, dahilan sa kanilang pagnanais na maglingkod kay Jehova, ay itinakwil ng mga magulang. (Mateo 10:36-38) Maaari ring makaharap ng Kristiyanong mga kabataan ang pag-uusig sa paaralan; ng mga may edad na tao, sa kanilang mga lugar ng trabaho. Nararanasan ito ng lahat ng mga Saksi ni Jehova habang sila ay nakikibahagi sa pagpapatotoo sa madla tungkol sa Kaharian ng Diyos. Sa kanilang lahat ang mga salita ni Jesus ay kumakapit: “Sa inyong pagtitiis ay matatamo ninyo ang inyong mga kaluluwa.”​—Lucas 21:19.

11. (a) Anong iba pang mga kalagayan ang naghaharap ng matinding pagsubok sa marami? (b) Sino pa ang dumaranas ng mga bagay na ito, at bakit?

11 Para sa marami, may iba pang mga kalagayan na naglagay sa kanila sa pagsubok. Maaaring mayroon silang isang grabeng karamdaman, isa na nag-aalis ng maraming kagalakan sa buhay. O, marahil sila ay napapaharap sa napakahirap na mga kalagayan sa kabuhayan. Kung minsan, baka ito ay walang katarungan at nakasasakit na mga komento ng matalik na mga kasama. Sa kaso ng patriyarkang si Job, ginamit ni Satanas ang lahat ng paraang ito sa pagsisikap na sirain ang kaniyang integridad. Paano tayo tutugon kung masumpungan natin ang ating sarili sa katulad na mga kalagayan?​—Santiago 5:11.

12. (a) Bakit lubhang kinakailangan ni Noe ang pagtitiis sa kaniyang ministeryo? (b) Paanong ang kalagayan ay katulad sa ating kaarawan?

12 Sa kabilang dako, kumusta naman kung personal na makasumpong tayo ng kakaunting mabuting pagtugon sa ating mga pagsisikap na magpatotoo tungkol sa mga layunin ni Jehova? Iyan man, ay nangangailangan ng pagtitiis. Tandaan, sa buong panahon na si Noe ay nangaral bago ang Baha, tanging ang kaniyang asawa at mga anak na lalaki at ang kani-kanilang asawa lamang ang nakisama sa kaniya sa paglilingkod kay Jehova. Lahat ng iba pa sa sangkatauhan ay “hindi nagbigay-pansin.” (Mateo 24:39) Sa gayunding paraan, sa ngayon, ang karamihan ay ‘hindi nagbibigay-pansin.’ Gayunman, sa ibang dako kung saan dati-rati ay kaunti lamang ang mabuting pagtugon sa mensahe ng Kaharian, ngayon ay may saganang ani ng mga mananamba ang tunay na Diyos. Maligaya yaong mga pinagtiisan ang mga taon ng pagwawalang-bahala o tahasang pagsalansang at ngayo’y nakikibahagi sa napakahusay na pagtitipong ito!

‘Maligaya Yaong Patuloy na Nagtitiis’

13. (a) Upang patuloy na makapagtiis, ano ang dapat na ingatan natin sa isipan? (b) Ano ang kinakailangan nating makilala kung tungkol sa mga pamamaraan ni Satanas?

13 Upang huwag mawala sa kahanga-hangang pag-asa ng buhay sa “bagong lupa,” mahalaga na panatilihing malinaw sa isipan ang dakilang isyu na napapaharap sa lahat ng nilalang​—ang isyu ng pansansinukob na pagkasoberano. Tayo ba ay hindi nagkukompromiso sa panig ni Jehova? Lubusan ba nating pinahahalagahan na mayroon lamang dalawang panig, at na walang neutral na dako? Kung hindi tayo mapaparamay sa mga mapapatay sa digmaang ito, kailangang kilalanin natin na kapuwa ang pagkapoot at pang-akit ay mga paraan na ginagamit ni Satanas upang sirain ang ating integridad, upang huwag nating sundin ang Diyos, upang italikod tayo mula sa mahalagang gawain na pagpapatotoo sa Mesianikong Kaharian.​—1 Pedro 5:8, 9; Marcos 4:17-19.

14. (a) Anong kaugnayan ang dapat nating linangin, at kanino? (b) Paano niya tayo tutulungan?

14 Dapat din nating linangin ang ganap na pagtitiwala kay Jehova. Anong laking kamangmangan na sikapin sa ating sariling lakas na iwasan ang tusong mga patibong ng isang kalaban na nakahihigit sa tao! Subalit kung tayo ay nagtitiwala kay Jehova ng ating buong-puso, kung gayon kapag tayo ay dumanas ng paghihirap at mapaharap sa tukso tayo ay lalong lalapit sa kaniya. (Efeso 6:10, 11; Kawikaan 3:5, 6) Hindi tayo pinipilit ni Jehova na magtungo sa isang tiyak na daan. Hindi niya tayo aakayin na laban sa ating kalooban. Subalit kung tayo ay babaling sa kaniyang Salita para sa patnubay, hihingi ng lakas sa kaniya sa pamamagitan ng panalangin at mananatiling malapit sa kaniyang organisasyon, kaniyang papatnubayan ang ating mga hakbang. At patitibayin niya tayo taglay ang panibagong katibayan ng kaniya mismong hindi nagmamaliw na pag-ibig.​—Roma 8:38, 39.

15. (a) Sino ang dapat na mauna sa ating buhay? (b) Paano natin dapat malasin ang mga kalagayan na sumusubok sa ating pananampalataya?

15 Ang mga kahirapan at mga tukso na naranasan mo ay maglalagay sa iyo sa pagsubok. Sino ang uunahin mo sa iyong buhay? Ang paratang ni Satanas ay na lahat tayo ay nababahala lamang sa ating sarili. Karamihan ng tao ay ganiyan. Si Jesu-Kristo ay naiiba. Naiiba ka ba? Natutuhan mo na bang unahin ang pagbabangong-puri sa pangalan ni Jehova? Kung gayon, sa halip na iwasan ang mga kalagayan na susubok sa iyong pananampalataya, matagumpay na mahaharap mo ang mga ito, na nananalangin kay Jehova na bigyan ka ng karunungan upang gamitin ito sa pagpaparangal sa kaniya. Ang paghihirap na dinanas mo ay magbubunga ng pagtitiis; ang pagtitiis dahilan sa pag-ibig mo kay Jehova ay nangangahulugan ng kaniyang pagsang-ayon. “Maligaya ang taong patuloy na nagtitiis ng pagsubok, sapagkat pagka nakapasa na sa pagsubok ay tatanggap siya ng korona ng buhay, na ipinangako ni Jehova sa mga nagpapatuloy ng pag-ibig sa kaniya.”​—Santiago 1:2-4, 12; Roma 5:3, 4.

16. Anong tunguhin ang dapat nating abutin?

16 Hindi sapat na magsimula lamang sa paglilingkod kay Jehova o magtiis ng sandaling panahon. Tayo ay nasa isang karera o paligsahan, at ang gantimpala ay tatamuhin niyaong mga nakatawid sa finish line. Maligaya ang lahat niyaong nagsusumikap pa rin na ang kanilang mga mata ay nakatutok sa gantimpala kapag ang matandang sistemang ito ay bumagsak sa pagkaguho! Anong maluwalhating pag-asa ang naghihintay sa kanila sa panahong iyon!​—Hebreo 12:1-3; Mateo 24:13.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share