Kabanata 13—Pagkaligtas Tungo sa Isang Bagong Lupa
Isang Panahon ng Muling Paglalang
1. (a) Anong kahanga-hangang pagkakataon ang naghihintay sa mga makaliligtas tungo sa “bagong lupa”? (b) Subalit ano ang hihilingin niyan?
ANG kaligtasan sa wakas ng kasalukuyang bulok na sanlibutan ay isang dakilang pag-asa. Inaasam-asam natin na mahango sa mga kawalang-katarungan, kasakiman at karahasan ng daigdig na ito. Subalit higit pa ang gumagawa ritong higit na kanais-nais na tayo ay makaligtas. Ano ito? Ang bagay na ang lahat na magiging bahagi ng “bagong lupa” ay magkakaroon din ng pagkakataong mapalaya mula sa kanilang sariling mga di-kasakdalan, sa sakit at kirot, oo, maging sa kamatayan. (Apocalipsis 21:1-5) Gayunman, upang ito ay mangyari ang kasalanan mismo ay dapat na ganap na maalis. Paano iyan mangyayari? Ito ay nauugnay sa kung ano ang inilarawan ni Jesu-Kristo na “muling paglalang.”
2. Ano ang “muling paglalang” na binabanggit sa Mateo 19:28?
2 Sa kaniyang mga apostol, sinabi ni Jesus: “Sa muling paglalang, pagka nauupo na ang Anak ng tao sa kaniyang maluwalhating trono, kayo nama’y magsisiupo sa labindalawang trono, upang magsihukom sa labindalawang tribo ng Israel.” (Mateo 19:28) Ang muling paglalang ay magiging isang panahon ng “pagbabagong-lahi,” isang panahon “kapag ang lahat ng bagay ay ginawang bago,” gaya ng pagkakasalin dito ng ibang salin ng Bibliya. (The Emphasised Bible, ni Rotherham; The Jerusalem Bible) Sa pamamagitan ng muling paglalang na ito, magiging posible para sa mga tao na tamasahing muli ang kasakdalan na taglay ng tao sa pasimula.
3. (a) Ano ang resulta ng pagkakasala ni Adan? (b) Bakit walang sinuman sa mga anak ni Adan ang makapagpapalaya sa kanilang sarili mula sa mga epekto ng minanang kasalanan?
3 Dahilan sa kasalanang minana kay Adan, lahat ng kaniyang mga anak ay kinakailangang mamatay, at marami ang nagtiis ng matinding sakit na humantong sa kamatayan. (Roma 5:12) Walang sinuman ang makaliligtas sa kamatayan sa pamamagitan ng pagbabayad ng salapi. Walang mga gawa ang isang di-sakdal na tao na kayang magpalaya sa kaniya o sa sinuman. Hiniling ng katarungan ng Diyos na upang matamong muli ng sangkatauhan ang pagkakataon na tamasahin ang buhay na walang hanggan, isang hain ang dapat na ihandog na katumbas ng halaga ng naiwala ni Adan, alalaong baga, ang sakdal buhay tao. Walang isa man sa anak ni Adan ang may gayong buhay na ibibigay.—Awit 49:7-9; Eclesiastes 7:20.
4. (a) Paano inilaan ang kinakailangang pantubos? (b) Paano tayo maaaring makinabang mula rito?
4 Dala ng awa, si Jehova mismo ang gumawa ng kinakailangang paglalaan sa pamamagitan ng pagsugo sa kaniyang bugtong na Anak, si Jesus, sa lupa bilang isang sakdal na tao upang ibigay ang kaniyang buhay na “isang katumbas na pantubos.” (1 Timoteo 2:5, 6) Anong kahanga-hangang pagpapamalas ng di-sana nararapat na kagandahang-loob at ng pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan! Ang buhay na posible bunga nito ay hindi isang bagay na maaari nating tamuhin na gaya ng mga suweldo, kundi isang kaloob mula sa Diyos. Gayunman, ito ay ibinibigay lamang doon sa tunay na kumikilala ng kanilang pangangailangan sa paglalaang ito ng Diyos, nananampalataya rito at ipinakikita ang pananampalatayang iyon sa pamamagitan ng pagsunod sa Anak ng Diyos. (Roma 6:23; Juan 3:16, 36) Subalit kailan mararanasan ng tao ang mga pakinabang ng haing iyon?
Mga Pakinabang Ngayon Mula sa Hain ni Kristo
5. (a) Sino ang unang nakikinabang mula sa hain ni Kristo? (b) Anong iba pang grupo ang nakinabang, at lalo na sapol kailan?
5 Ang mga pakinabang ay nakaapekto sa mga buhay ng tao karakaraka pagkaraang iharap ni Jesu-Kristo (bilang ang dakilang Mataas na Saserdote ng Diyos) ang halaga ng kaniyang hain sa harap ng Diyos sa langit. Una, mula noong Pentecostes ng 33 C.E., ang mga pakinabang na ito ay naranasan niyaong, tinawag na maging mga tagapagmanang kasama ni Kristo, na maglilingkod bilang mga hari at mga saserdote na kasama niya sa langit. (Gawa 2:32, 33; Colosas 1:13, 14) Pagkatapos, lalo na noong 1935, ang mga taong umaasang mabuhay magpakailanman sa lupa ay nagsimulang ipahayag ang kanilang mga sarili. Ang kanilang pag-asa man, ay naging posible dahilan sa hain ni Kristo. (1 Juan 2:1, 2) Ang progresibong pagkakapit ng halaga ng haing iyan ay ipinakikita ng mga pangyayaring naganap noong Araw ng Katubusan ng sinaunang Israel.
6. Maikling ibalangkas kung ano ang nagaganap kung Araw ng Katubusan.
6 Nangangasiwa sa banal na tabernakulo ng Israel, at nang malaunan sa templo, ay ang mataas na saserdote na isang membro ng Levita sa sambahayan ni Aaron. Ang ibang mga lalaki sa sambahayan ni Aaron ay mga katulong na saserdote, at ang iba pang mga lalaki sa tribo ni Levi ay naglingkod bilang mga katulong. Upang maglaan ng pantakip sa mga kasalanan, inihahandog ng mataas na saserdote ang dalawang hayop, ang dugo ng bawat isa ay inihaharap na magkahiwalay sa Kabanal-banalan, gaya ng ipinag-utos ni Jehova. Una’y isang batang toro ang ihahandog ng Aaronikong mataas na saserdote para “sa kaniyang sarili at sa kaniyang sambahayan,” na kinabibilangan ng buong tribo ni Levi. (Levitico 16:11, 14) Susunod ay ang kambing na ihaharap bilang isang handog sa kasalanan na “patungkol sa bayan,” ang iba pang labindalawang tribo. (Levitico 16:15) Karagdagan pa, ang mga kasalanan ng buong Israel ay isasaysay sa ibabaw ng ulo ng kambing na buháy, at ito ay dinadala sa ilang. (Levitico 16:21, 22) Ano ang kahulugan ng lahat na ito?
7. (a) Anong isang hain ang inilalarawan doon? (b) Bakit higit pa sa isang hain na hayop ang ginamit?
7 Ipinaliliwanag ni apostol Pablo na ang katuparan nito ay nakasentro sa isang hain ni Jesu-Kristo. “Si Kristo’y pumasok, hindi sa dakong banal na ginawa ng mga kamay, na kahalintulad lamang ng mga tunay, kundi sa talagang langit, upang humarap ngayon sa harapan ng Diyos dahil sa atin . . . upang alisin ang kasalanan sa pamamagitan ng paghahandog ng kaniyang sarili.” (Hebreo 9:24-26) Kung gayon bakit ang dugo ng higit kaysa isang hayop ay dinadala sa Kabanal-banalan sa Araw ng Katubusan ng Israel? Ito’y upang itawag-pansin ang iba’t ibang bahagi na gagawin ng sakdal taong hain ni Jesus. At isa pang bahagi ang itinatampok ng pagsasaysay ng mga kasalanan ng bansa sa ibabaw ng ulo ng kambing na buháy at saka ang pagdadala rito sa ilang.
8. (a) Paano ipinakikita ng mga pamamaraan kung Araw ng Katubusan kung sino ang unang makikinabang mula sa hain ni Kristo? (b) Anong pagkakapit ng hain ni Kristo ang ipinakikita ng handog sa kasalanan na “patungkol sa bayan”? (c) Anong higit pang katotohanan ang inilalarawan ng pagdadala ng kambing sa ilang?
8 Kung paanong ang dugo ng toro ay inihahandog para sa sambahayan ni Aaron ay unang dinadala sa Kabanal-banalan, gayundin na ang mga pakinabang ng hain ni Jesus ay ikinakapit muna alang-alang doon sa mga makakasama ni Kristo sa makalangit na pagkasaserdote. Ito ay ginawa mula 33 C.E. patuloy. Si Jesu-Kristo ay walang kasalanan na dapat tubusin, subalit yaong mga katulong na saserdote ni Kristo ay kailangang tubusin, gaya ni Aaron. Ang mga ito ay inilalarawan ng tribo ni Levi. (1 Pedro 2:4, 5) Ang paghaharap ng dugo mula sa ikalawang hain, ang kambing na handog sa kasalanan na “patungkol sa bayan,” ay nagpapakita na ang iba pa sa sangkatauhan ay makikinabang sa hain ni Jesus pagkatapos ng makalangit na uri. Ang mga ito ay mga taong magtatamasa ng buhay sa isinauling Paraiso sa lupa. Inilalarawan sila ng “labindalawang [hindi makasaserdoteng] mga tribo ng Israel” sa Araw ng Katubusan. (Mateo 19:28; Awit 37:29) Si Jesus ay namatay hindi lamang alang-alang sa lahat ng mga ito, kundi aktuwal na inalis ang mga kasalanan niyaong pinaghandugan niya ng sakripisyong kamatayan, nagdadala ng kaginhawahan sa kanila. Ito ay ipinakikita ng bagay na, sa wakas, pagkatapos na ang mga kasalanan ng Israel ay isaysay sa ibabaw ng kambing na buháy, ito ay dinadala sa ilang, upang huwag nang makita pa.—Awit 103:12; Isaias 53:4-6.
9. (a) Anong mga pagpapala ang tinatamasa ngayon niyaong mga nananampalataya sa hain ni Kristo? (b) Anong higit pang mga pakinabang ang darating sa dakong huli?
9 Sa lahat ng nananampalataya sa maibiging paglalaan ni Jehova sa pamamagitan ni Kristo, ang tunay na kapatawaran sa mga kasalanan, isang mabuting katayuan sa harap ng Diyos, ay posible na ngayon anuman ang kanilang dating paraan ng pamumuhay. Maaari nilang tamasahin ang napakahalagang pagpapala ng paghahandog ng banal na paglilingkod sa Diyos taglay ang isang malinis na budhi. (1 Corinto 6:9-11; Hebreo 9:13, 14) Subalit hindi ito nangangahulugan na sila sa kasalukuyan ay pinagkakalooban ng buhay na malaya buhat sa lahat ng epekto ng kasalanan. (1 Juan 1:8-10; Roma 7:21-25) Para roon sa mga magpupuno sa langit na kasama ni Kristo, ang gayong buhay ay matatamo lamang kapag natapos na nila ang kanilang makalupang landasin at ibangon tungo sa pagkawalang-kamatayan sa mga langit. Para sa iba pang mga tao, ang ganap na ginhawa mula sa kasalanan ay magiging posible sa pamamagitan ng muling paglalang.
“Sa Muling Paglalang”
10. (a) Kailan nagsimula ang muling paglalang? (b) Mayroon na bang binigyan ng mga trono bilang katuparan ng pangako ni Jesus?
10 Gaya ng sinabi ni Jesus, ang muling paglalang ay “pagka nauupo ang Anak ng tao [si Jesu-Kristo] sa kaniyang maluwalhating trono.” (Mateo 19:28) Mangyari pa, hindi lahat ng bagay ay karakarakang naganap nang siya ay iluklok. Pagkatapos mailuklok si Jesus noong 1914 C.E., nilinis niya muna ang mga langit, pinalayas si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. Saka sinimulan niyang buhaying-muli ang kaniyang pinahirang mga tagasunod sa makalangit na kaluwalhatian. (Apocalipsis 12:5, 7-12; 1 Tesalonica 4:15-17) Ang tapat na mga apostol ni Kristo ay hindi lamang binigyan ng “labindalawang trono” na ipinangako sa kanila, kundi unti-unti lahat ng iba pa sa 144,000 ay iluluklok sa langit sa kanilang pagkabuhay-muli mula sa mga patay.—Apocalipsis 3:21.
11. Sa anong paraan nadarama na ng “ibang tupa” ang mga epekto ng muling paglalang?
11 Habang ang pagpili sa mga tao na bubuo sa makalangit na uri ay nalalapit sa wakas nito, ang pagtitipon sa malaking pulutong ng “ibang tupa” ay nagsimula, lalo na sapol noong 1935 patuloy. Ang mga ito man, ay nagsimulang magtamasa ng mga pakinabang mula sa hain ni Kristo, ‘nilalabhan ang kanilang mga kasuotan at pinapuputi iyon sa dugo ng Kordero.’ Sila ay tinutulungan na “magbihis ng bagong pagkatao na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at katapatan.” (Apocalipsis 7:9, 10, 14; Efeso 4:20-24) Sa dumaraming bilang sila ay nakikinabang mula sa mga paglalaan ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo na maaaring umakay sa kanilang pamumuhay na walang hanggan sa isinauling Paraiso.—Apocalipsis 7:17; 22:17.
12. (a) Sino ang kinakatawan ng “labindalawang tribo ng Israel” na tinutukoy rito ni Jesus? (b) Sino bukod sa mga makaliligtas ang makikinabang sa muling paglalang?
12 Hindi na magtatagal, ngayon, ang balakyot na sanlibutan ay pupuksain. Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay ibubulid sa kalaliman. Ang milenyong Araw ng Paghuhukom sa sangkatauhan ay magsisimula. Si Jesu-Kristo ang Magpupunong Hukom, at titiyakin niya na ang lahat ay bibigyan ng lubos na pagkakataon at sapat na tulong upang matutuhan nila ang matuwid na mga daan ni Jehova at sundin ang mga ito. Ang pinahirang mga tagasunod ni Kristo na pinatunayan ang kanilang mga sarili na mga tagapag-ingat ng integridad hanggang kamatayan ay makikibahagi sa kaniya sa gawain, na ‘paghuhukom sa labindalawang tribo ng Israel.’ (Lucas 22:28-30; Apocalipsis 20:4, 6) Hindi ito nangangahulugan na hahatulan lamang nila ang likas na mga supling ng Israel. Bagkus, hahatulan nila ang lahat ng inilalarawan ng “labindalawang [hindi makasaserdoteng] mga tribo ng Israel” sa Araw ng Katubusan. Kabilang dito ang buong sanlibutan ng tinubos na sangkatauhan. (1 Corinto 6:2) Ang mga makaliligtas sa malaking kapighatian ang unang-unang makikinabang sa programa na pagpapasakdal sa sangkatauhan. Subalit angaw-angaw pa ang makikibahagi rin, sapagkat kabilang doon sa mga hahatulan ay “ang mga buháy at ang mga patay.” (2 Timoteo 4:1; Gawa 24:15) Anong kaiga-igayang panahon iyon kapag ang mga patay na sakop ng haing pantubos ni Kristo ay buhaying-muli! Anong mga luha ng kaligayahan ang madarama kapag ang mga mahal sa buhay ay muling magkita!
13. Paanong ang mga epekto ng milenyong Araw ng Paghuhukom ay tunay ngang isang muling paglalang?
13 Ito ang panahon kapag, sa wakas, ang tao ay paginhawahin mula sa pisikal at mental na mga kapansanan na dala ng kasalanan. Nang nasa lupa, dagling pinagaling ni Jesus ang mga tao na paralitiko, yaong mga bulag o bingi o hindi makapagsalita, at mga taong ang laman ay pinapangit o nawalan ng lakas dahilan sa karamdaman. Ang makapangyarihang mga gawang iyon ay patikim lamang ng kung ano ang gagawin niya para sa lahat ng sangkatauhan sa kaniyang Milenyong Paghahari. Taglay ang mabuting dahilan, sinuman na makasasaksi o makararanas ng gayong kahanga-hangang katibayan ng kagandahang-loob ni Jehova at pagkatapos ay tatanggi sa kaniyang pagkasoberano ay pupuksain magpakailanman. Subalit sa pamamagitan ng pagtuturo sa matuwid na mga daan ni Jehova, ang pag-iisip at mga pangganyak niyaong nagpapakita ng tapat na pananampalataya at pagsunod ay unti-unting susulong hanggang matamo nila ang ganap na kasakdalan. Tunay na mararanasan ng gayong mga umiibig kay Jehova ang isang pagbabagong-lahi, isang muling paglalang. Ito’y para bang sila’y bibigyan ng isang bagong panimula sa buhay na may bagong ama, ang Walang Hanggang Ama, si Jesu-Kristo.—Isaias 26:9; 9:6.
14. Anong mahalagang kaugnayan ang tatamasahin ng lahat ng makakapasa sa pangwakas na pagsubok?
14 Pagkatapos, pagkaraang makapasa sa pangwakas na pagsubok sa pagtatapos ng sanlibong taon, sila ay aampunin ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ni Kristo bilang mga sariling anak ng Diyos, bilang bahagi ng Kaniyang sakdal na pansansinukob na pamilya. Anong nakapagpapatibay-loob na pag-asa ito—hindi lamang para sa mga makaliligtas sa malaking kapighatian kundi para sa lahat ng mga patay na bubuhaying-muli upang makibahagi sa kaligayahan ng buhay sa isang Paraisong lupa!—Roma 8:20, 21.