Aborsiyon—Ang Kaalaman ay Nagdadala ng Pananagutan
LAGI ka bang nagsasalita kung alam mo ang isang bagay ay tama? Mabuting gawin ang gayon, lalo na kung nakataya ang kapakanan ng iba. Pagkatapos basahin ang isang artikulo tungkol sa paksa may kaugnayan sa aborsiyon sa isang naunang labas ng magasing ito, isang ina sa Inglatera ang sumulat ng ganito:
“Kababasa ko lamang ng ‘Isang Liham Mula sa Ina ng Isang Hindi Pa Isinisilang na Sanggol’ sa Hulyo 22 [1986] na labas ng Awake! (Nobyembre 22, 1986 sa Gumising!) at nabagbag nito ang aking puso.
“Hinding-hindi pa ako nakaranas ng isang aborsiyon, subalit nang ako ay apat na buwang buntis sa aking panganay na anak, ang aking hipag ay dalawang buwang buntis sa kaniyang pangatlong anak. Naipasok pa lamang niya ang kaniyang dalawang munting mga anak na babae sa paaralan at siya’y nakasumpong ng trabahong malaki ang suweldo. Marami siyang nagugustuhan: mga muwebles, mga video, isang bagong kotse, mga halaman para sa hardin. Subalit wawakasan ng isang sanggol ang trabaho at ang suweldo upang bilhin ang lahat ng mga bagay na ito. Kaya ipinasiya niyang magpalaglag.
“Habang lumalapit ang araw ng aborsiyon, siya’y nakadama ng pananabik. Subalit ako naman ay nagkakasakit sa pag-iisip tungkol dito. Nang panahong iyon nagsisimula pa lamang na maramdaman ko ang pagsipa ng sanggol na nasa loob ko, at naiisip ko ang sanggol na nasa loob din ng aking hipag na lumalaki rin.
“Dumating ang gabi bago ang aborsiyon, at lagi kong naiisip na sana’y magbago ng isip ang aking hipag. Para bang nakikita ko ang kaniyang sanggol, na tiwasay at ligtas sa kaniyang bahay-bata na nakikinig sa mahina at nakagiginhawang tibok ng puso ng ina nito. Saka biglang uurong ang isipan ko sa gunita na ang munting sanggol na iyon ay aalisin sa ligtas na munting daigdig nito at pinapatay. Naiiyak ako nang labis sa alaalang iyon. Ang aborsiyon ay isinagawa. Hindi kailanman makikilala ng aking munting anak na babae ang pinsan na sana’y kasabay niyang lumaki, na sila halos ay magkasing-edad.
“Kumusta naman ang aking hipag? Nawala niya ang trabaho subalit nakatagpo siya ng ibang trabaho, at siya’y nagkaroon ng iba’t ibang trabaho mula noon. Nagkaroon siya ng mga video, ng bagong kotse, mga halaman, bagong mga damit, atb., subalit siya ay dumanas ng panlulumo at iniwan ang kaniyang asawa at mga anak, pagkaraan ng mga ilang araw siya’y nagbalik ng bahay. Ngunit hindi siya maligaya. Kapag dinadalaw niya ako, nilalaro ng kaniyang dalawang munting mga anak na babae ang aking anak na babae at ang aking anak na lalaki na 11 buwan ang gulang, at sabi nila sa aking anak na babae: ‘Ang ganda niya Inay, di ba? Sana’y mayroon din kaming maliit na kapatid na babae o lalaki.’ Sa mga pananalitang ito ay panakaw kong sinulyapan ang kaniyang ekspresyon. Para bang nais ko siyang aliwin sapagkat nang siya’y magpalaglag talagang hindi niya natatalos ang kaniyang ginagawa. Subalit, pinili ng aking hipag ang salapi kaysa sa buhay ng kaniyang anak, at sa kadahilanang ito inaakala kong pinagsisisihan niya ngayon ito.
“Gayunman, umakay ito sa aking pagtatanong sa aking sarili ng isang maselang na katanungan. Maaaring ituring ko ang aking sarili na isa sa mga Saksi ni Jehova bagaman hindi pa ako bautismado. Subalit nakikita ko na malayo pa ang aking lalakbayin, sapagkat ang tunay na mga Saksi ay gaya ni Jesus, na nakadarama ng pag-ibig at pagkahabag sa lahat, anuman ang naging kalagayan o nagawa ng iba. Pinananabikan ko ang araw kung kailan talagang masasabi ko na nadarama ko ang kanilang nadarama sa iba at may pagmamapuring dalhin ang pangalan ni Jehova. Marahil kung agad akong nakapagpasiya, baka nagkaroon ako ng lakas ng loob na magpatotoo sa aking hipag, at nailigtas sana ang bata.”
Taimtim na hangad ng mga tagapaglathala ng Gumising! na makatulong sana ang kasalukuyang serye ng mga artikulo ito sa layuning iyan.