Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 3/8 p. 25-27
  • Aborsiyon—Ito ba ang Lunas?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Aborsiyon—Ito ba ang Lunas?
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Bakit ang Iba ay Nagpapalaglag
  • Mga Pilat ng Damdamin
  • Paghingi ng Tulong
  • Aborsiyon—Hindi Talaga Solusyon
    Gumising!—2009
  • Aborsiyon—Ano ang Kabayaran?
    Gumising!—1987
  • Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Aborsiyon?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Pagbubuntis ng mga Tin-edyer—Ano ang Dapat Gawin ng Isang Batang Babae?
    Gumising!—1990
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 3/8 p. 25-27

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Aborsiyon​—Ito ba ang Lunas?

“Nang lumabas ang resulta ng aking pagpapatingin na ako’y nagdadalang-tao,” gunita ni Judy, “agad na hiniling ng aking boyfriend na magpalaglag ako. Binigyan pa nga niya ako ng pera para rito.” Si Judy ay 17 taóng gulang.a

NANG matuklasan ng 15-taóng-gulang na si Marta na siya’y nagdadalang-tao, nakipag-usap siya sa isang tagapayo sa klinika na nagsasagawa ng aborsiyon. “Ipinaliwanag niyang lahat sa akin,” sabi ni Marta. “Sinabi niyang ako’y maaaring magpalaglag, o di kaya’y tutulungan niya akong maghanap ng isang ahensiya sa pag-aampon o isang maternity home, kung iyan ang gusto ko.”

Mahigit sa isang milyong tin-edyer na mga babae ang nagdadalang-tao bawat taon sa Estados Unidos lamang. Kalakip sa kanila ay ang napakaraming kabataan na, sa kabila ng Kristiyanong pagsasanay, sumuway sa utos ng Diyos na “umiwas sa pakikiapid,” o pakikipagtalik nang di-kasal. (1 Tesalonica 4:3) Ang imoralidad na ito’y nagbubunga ng labis-labis na pagdurusa. Subalit, marami sa kabataang ito ang nagsisisi sa kanilang paggawi at nagnanais na ituwid ang kanilang buhay. Subalit dahil sa napapaharap sa nakatatakot na inaasahang pagkakaroon ng anak sa pagkadalaga, maaaring isipin ng ilan kung ang aborsiyon nga ba ang madaling solusyon sa kanilang mga problema. Tutal naman, sa bawat taon halos kalahating milyong batang babae na nagdadalang-tao sa Estados Unidos ang pinipili ang aborsiyon. Ito ba talaga ang pinakamahusay na lunas sa di-gustong pagdadalang-tao?

Kung Bakit ang Iba ay Nagpapalaglag

Mauunawaan naman, ang matitindi, nagkakasalungatan pa nga, na mga damdamin ang maaaring makaimpluwensiya. Ang isang kabataang babae ay malamang na magkaroon ng damdamin ng isang ina para sa bata na lumalaki sa kaniyang sinapupunan, subalit baka mayroon din siyang makatuwirang mga pangamba at kabalisahan.

Halimbawa, ang labingwalong-taóng-gulang na si Vicky ay “nagnanais na makapagkolehiyo, marahil ay kumuha pa nga ng isang master’s degree.” Sa kaniyang isip, ang pagkakaroon ng sanggol ay makahahadlang sa kaniyang mga plano. (magasing ’Teen, Marso 1992) Gayundin ang hinuha ni Marta: “Kung ikaw ay isang ina, nasa bahay ka lamang kasama ng iyong anak at hindi ka na makapag-aaral. Hindi pa ako handa para riyan.” Ayon sa isang pagsusuri, 87 porsiyento ng mga tin-edyer na mga nagpalaglag ay nangangamba na ang pagkakaroon ng sanggol ang biglang makapagpapabago sa kanilang buhay sa paraang hindi sila handa na tanggapin ito.

Ang pangamba sa mga problema sa pera at ang pagkabahala na baka hindi niya magampanan ang mga pananagutan ng pagiging nagsosolong magulang ay karaniwang mga dahilan din kung bakit pinipili ng marami na magpalaglag. Ganito ang sabi ni Vicky: “Ako’y nagmula sa isang pamilya kung saan ang aking mga magulang ay nagdiborsiyo, at ang aking ina mismo ang nagpalaki sa kaniyang tatlong anak. Nakita ko ang kaniyang pakikipagpunyagi . . . Nakikinikinita ko ang aking sarili na magiging nagsosolong magulang na gaya ng aking ina.”

Ang panggigipit mula sa iba, lalo na sa boyfriend, ay maaaring magpangyari sa isa na wakasan ang pagdadalang-tao. Binigyan si Judy ng kaniyang boyfriend ng ultimatum: “Kung hindi ka magpapalaglag, ayaw ko nang makita ka kahit kailan.” Para naman kay Nancy ang panggigipit na magpalaglag ay nagmula sa kaniyang ina gayundin naman mula sa ibang mga kamag-anak niya.

Ang karaniwang pangmalas na ang aborsiyon ay hindi naman talaga nagsasangkot ng pagpatay sa sanggol ang nagbubuyo rin ng malakas na impluwensiya. Si Vicky ay nagsabi: “Hindi ko hinahayaan ang aking sarili na mag-isip na ito’y isang sanggol na. . . . Nabasa ko na sa ikalimang linggo ng pagdadalang-tao, ang di pa naisisilang na sanggol ay mas maliit pa kaysa kuko ng iyong hinliliit. Hindi mo aakalain na ako’y talagang nangunyapit sa kaisipang iyan. Sinabi ko sa sarili ko na kung ito’y kasinlaki lamang ng kuko sa hinliliit, hindi pa talaga ito sanggol. Sinikap kong isipin na hindi ito totoong sanggol para magawa ko ang pagpapalaglag.”

Sinasabi rin ng iba na, sa paano man sa masulong sa teknolohiya na mga bansa, ang aborsiyon ay ligtas​—inaakala nilang mas ligtas kaysa pagdadalang-tao ng isang kabataan. Kaya, pagkatapos na isaalang-alang ang lahat ng bagay, ang aborsiyon ang waring mabuting paraan. Gayunman, ipinakikita ng mga katibayan na marami sa pumili sa aborsiyon ang nagsisi sa bandang huli. Ganito ang sabi ng isang babae: “Ako’y nagpalaglag sa edad na 20. Ngayon ako’y 34, at mahirap para sa akin na batahin ang nagawa ko. Gusto ko ang sanggol ko, subalit ayaw ito ng boyfriend ko. Nadarama ko pa rin ang sakit ng damdamin; tataglayin mo ang kirot na ito sa buong buhay mo.”

Mga Pilat ng Damdamin

Sa halip na ito’y maging ang madaling solusyon, maaaring palubhain ng aborsiyon ang mga paghihirap ng isa. Sa paano man, ito’y salungat sa ating panloob na pagkadama ng tama at mali​—ang budhi na inilagay ng Diyos sa mga tao. (Roma 2:15) Isa pa, pinupuwersa ng aborsiyon ang isang kabataang babae na ipinid ang pinto ng kaniyang mapagmahal na kaawaan sa munting buhay na lumalaki sa kaniyang sinapupunan. (Ihambing ang 1 Juan 3:17.) Anong pagkasama-samang bagay!

Si Marta ay nagsabi: “Pagkalipas lamang ng dalawang linggo [pagkatapos ng aborsiyon] na nagsimula akong makadama ng pagkakasala at pagkahiya sa ginawa ko.” Higit na lumalala ang bagay-bagay nang sumapit ang Pebrero​—ang buwan na sana’y isinilang ang sanggol. Gunita ni Eliasa: “Labinlimang taon na ang nakalilipas nang ako’y magpalaglag ng sanggol. Pagkatapos niyan, ako’y nakaranas ng malubhang panlulumo at kailangang gamutin ako nang maraming ulit sa isang klinika. Gusto ko pa nga noon na magpatiwakal.”

Totoo, hindi lahat ng kabataang mga babae ay gumagawi sa ganitong paraan. Marami ang taimtim na naniniwala na ang isang di pa naisisilang na sanggol ay wala pang buhay. Subalit ano ang sinasabi ng Maylikha​—“ang pinagmumulan ng buhay”​—sa bagay na ito? (Awit 36:9) Maliwanag na sinasabi ng Bibliya na para sa Diyos na Jehova ang isang di pa naisisilang na bata na lumalaki sa loob ng sinapupunan ay higit pa sa himaymay lamang ng di pa naisisilang na sanggol. Kinasihan niya si Haring David na sumulat nang ganito: “Nakita ng iyong mga mata pati nang ako’y binhing sumisibol pa lamang, at sa iyong aklat ay pawang napasulat ang lahat ng bahagi.” (Awit 139:16) Kaya minamalas ng Maylikha ang binhing sumisibol bilang isang natatanging persona, isang nabubuhay na tao. Dahil dito, sinabi niya na ang isang tao ay mananagot sa pananakit sa di pa naisisilang na bata. (Exodo 21:22, 23) Oo, ayon sa pangmalas ng Diyos, ang pagpatay sa di pa naisisilang na sanggol ay pagkitil sa buhay ng tao. Sa gayon, ang isang kabataang babae na nagnanais na paluguran ang Diyos ay hindi man lamang mag-iisip na ang aborsiyon ang angkop na mapagpipilian​—anumang panggigipit sa kaniya.b

Paghingi ng Tulong

Si Judy, na binanggit sa simula, ay hindi nagpalaglag ng kaniyang sanggol. Sabi niya: “Natuklasan ito ng ate ko, at sa simula pa lamang, siya’y tumulong, lalo na sa emosyonal na paraan. Sinabi pa nga niya na patuloy niya akong tutulungan kahit pagkasilang ng sanggol. Iyon lamang ang kailangang marinig ko upang magawa ko ang inaakala kong tama mula sa kaibuturan ng aking puso. Itinuloy ko ang aking balak at isinilang ko ang sanggol.” Iyan ay siyam na taon na ang nakararaan. Habang nakatingin sa kaniyang walong-taóng-gulang na anak na lalaki, ganito ang sabi ni Judy: “Ang pagpapalaglag ng sanggol ang pinakamalaki sanang pagkakamali ko sa buhay.”

Gayundin ang isinalaysay ng isang kabataang babae na nagngangalang Natisa: “Limang taon na ang nakalipas nang ako’y naupo sa isang klinika ng aborsiyon, naghihintay na ako naman ang tawagin. Sa halip na pumunta nang ako na ang tawagin, nag-isip akong muli at lumabas ako ng klinika. Ngayon ay may nakatutuwa akong apat-na-taóng-gulang na anak na lalaki, isa pang sanggol ang isisilang ko, at ako’y napakasal sa isang maibiging ama.”

Sinumang napapaharap sa pagdadalang-tao nang di-kasal ay hindi dapat pabigla-biglang magpasiya. Bagaman ang kalagayan ay waring napakasama, hindi pa naman katapusan ng mundo. Subalit tiyak na kailangan nila ng tulong at maygulang na payo. Ang pagsasabi ng nilalaman ng puso sa mga magulang ay isang mabuting pasimula, lalo na kung sila ay mga Kristiyano. (Kawikaan 23:26) Totoo, tiyak na sila’y masasaktan at magagalit sa simula. Subalit, sa katagalan sila’y malamang na mauudyukan na tumulong. Halimbawa, maaaring isaayos nila ang pangangalaga sa panahon ng pagdadalang-tao. Maaari rin silang tumulong upang samantalahin ang anumang mga programa ng pamahalaan na makukuha para sa mga karapat-dapat. Mahalaga sa lahat, mahihimok nila ang nagkasala na tumanggap ng kinakailangang espirituwal na tulong mula sa matatanda sa kongregasyon.​—Santiago 5:14, 15.

Ang ilang dalagang-ina ay piniling ipaampon ang kanilang mga sanggol, inaakala nila na baka hindi nila maibigay ang pinakamabuti para sa sanggol. Bagaman ang pagpapaampon ay tiyak na mas mabuti kaysa pagkitil sa buhay ng bata, pinananagot ng Diyos ang isang magulang sa ‘paglalaan para doon sa sariling kaniya.’ (1 Timoteo 5:8) Baka nga hindi mailaan ng isang nagsosolong magulang ang pinakamabuting materyal na mga bagay sa kaniyang anak, subalit maibibigay niya ang mas mahalagang bagay​—pag-ibig. (Kawikaan 15:17) Kaya sa ilalim ng pinakamahihirap na kalagayan, mas makabubuti para sa isang dalagang-ina na palakihin niya mismo ang kaniyang anak.

Kumusta naman ang tungkulin ng pagpapalaki sa sanggol​—at ang biglang pagbabago sa istilo ng buhay na walang-alinlangan na kailangang gawin? Ang lahat ng ito ay maaaring waring labis na makasisira ng loob. Gayunman, ang Bibliya ay naglalaan ng praktikal na payo na makatutulong sa mga tao upang maharap ang mga hamon na ito. Ang nagsisising mga dalagang-ina ay makikinabang din mula sa espirituwal na tulong na matibay na nakasalig sa Salita ng Diyos. Oo, sa pamamagitan ng mapagmahal na tulong at wastong patnubay, magagawa nila ang pinakamabuti sa kalagayan.c Ang aborsiyon ay tiyak na hindi siyang lunas!

[Mga talababa]

a Ang ilan sa mga pangalan ay pinalitan.

b Sinuman na nagkasala noon at nakapagpalaglag ng buhay na di pa naisisilang ay hindi kailangang maghinuha na wala nang pag-asa. Sila ay makapagtitiwala na si Jehova ay tutulong sa nagsisising makasalanan at ‘saganang nagpapatawad.’ (Isaias 55:7) Bagaman ang mga pilat ng damdamin ay maaaring manatili, ganito ang pagtitiyak ng salmista: “Kasinlayo ng sikatan ng araw mula sa lubugan ng araw, gayon kalayo niya ilalagay ang ating mga paglabag mula sa atin.”​—Awit 103:12.

c Tingnan Ang Bantayan ng Marso 15, 1981, “Pananaig sa Daigdig Ngayon ng Nagsosolong mga Magulang.” Tingnan din “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Magagawa ng mga Dalagang-Ina ang Pinakamainam sa Kanilang Kalagayan?” sa Oktubre 8, 1994, labas ng Gumising!

[Larawan sa pahina 26]

Kalimitang ginigipit ng mga boyfriend ang mga kabataang babae na magpalaglag

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share