Kabanata 8—Pandaigdig na Katiwasayan sa Ilalim ng “Prinsipe ng Kapayapaan”
Pakikibahagi sa “Kagalakan” ng “Prinsipe ng Kapayapaan”
1. (a) Sa anong kadahilanan naglakbay sa ibang lupain ang isang tao? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng talinghaga ni Jesus, bagaman hindi tuwirang binabanggit?
SA TALINGHAGA ni Jesus ng mga talento, ang taong nagtataglay ng walong talentong pilak ay hindi naglakbay sa ibang lupain para lamang sa kasiyahan na gaya ng isang pagliliwaliw na paglalakbay. Mayroon siyang mahalagang dahilan sa paglalakbay sa ibang lupain; nais niyang makuha ang isang bagay na mahalaga. Siya ay nagtungo sa ibang lupain, gaya ng ipinakikita ng talinghaga, upang matamo ang “kagalakan,” pati na ang “maraming bagay.” (Mateo 25:21) Kaya kailangan niyang maglakbay ng malayo, na nangangailangan ng mahabang panahon, upang humingi sa isa na maaaring magbigay sa kaniya ng partikular na kagalakang iyon.
2. (a) Sa kaso ni Jesus, ano ang inilalarawan ng paglalakbay sa ibang lupain ng taong mayaman, at kanino siya nagtungo? (b) Ano ang taglay ng Panginoon pagbabalik niya?
2 Yamang ang taong mayaman sa talinghaga ay lumalarawan kay Jesu-Kristo, ang malayong paglalakbay ng tao sa ibang lupain ay lumalarawan sa pagtungo ni Jesus sa isa na Pinagmumulan ng pantanging kagalakan na tinatanaw niya. Kanino, kung gayon, siya nagtungo? Ang Hebreo 12:2 ay nagsasabi sa atin: “Masidhing minamasdan natin ang Punong Ahente at Tagapagsakdal ng ating pananampalataya, si Jesus. Dahil sa kagalakang inilagay sa harap niya siya’y nagtiis sa pahirapang tulos, hinamak ang kahihiyan, at umupo sa kanan ng trono ng Diyos.” Oo, tunay, ang Diyos na Jehova ang Pinagmumulan ng kagalakang iyon. Sa kaniya nagtungo si Jesus, iniiwan ang kaniyang tapat na mga alagad dito sa lupa na pinagkatiwalaan ng kaniyang “mga talento.” Ang Panginoon ay nagbalik na taglay ang “maraming bagay” na hindi niya taglay nang ibigay niya ang walong talentong pilak sa kaniyang tatlong alipin. Tinitiyak ng isang mas naunang talinghagang ibinigay ni Jesus, ang talinghaga ng “sampung mina,” na ang taglay niya nang siya’y magbalik ay “makaharing kapangyarihan.”—Lucas 19:12-15.
3. Anong uri ng panahon nang magsimulang matupad ang Zacarias 9:9 noong unang siglo C.E.?
3 Dahilan sa bagong kaluluklok, ang isang hari ay may dahilan na magalak at gayundin ang kaniyang tapat na mga sakop. Maaalaala natin ang okasyon nang ang Anak ng Diyos ay magtungo sa Jerusalem upang tuparin ang hula ng Zacarias 9:9. Tungkol sa katuparan ng hulang iyan, nasusulat: “At inilalatag sa daan ng kalakhang bahagi ng karamihan ang kanilang mga damit, at ang mga iba’y nagsiputol ng mga sanga ng mga punungkahoy at inilatag sa daan. Ang karamihan, yaong mga nagpapauna sa kaniya at yaong mga kasu-kasunod niya ay patuloy ng paghihiyawan: ‘Iligtas, aming isinasamo, ang Anak ni David! Purihin siya na pumaparito sa pangalan ni Jehova! Iligtas siya, aming isinasamo, sa kataas-taasan!’ At nang pumasok si Jesus sa Jerusalem, ay nagkagulo ang buong bayan, na nagsasabi: ‘Sino kaya ito?’”—Mateo 21:4-10; tingnan din ang Lucas 19:36-38.
4. Pagkatapos mailuklok bilang Hari, bakit may pantanging saligan ang pag-aanyaya ni Jesu-Kristo sa kaniyang tapat na “mga alipin” sa isang maligayang kalagayan?
4 Kung gayon, kung isang masayang okasyon nang kaniya lamang iharap ang kaniyang sarili sa mga maninirahan ng Jerusalem bilang isa na pinahiran ng espiritu ni Jehova para sa pagkahari, gaano pa nga na higit na kagalakan kung siya ay aktuwal na iniluklok na bilang Hari sa pagtatapos ng mga Panahong Gentil noong 1914? Ito ang pinakamasayang okasyon para sa kaniya. Tunay, pagkatapos siya ay pumasok sa isang kagalakan na hindi niya kailanman naranasan noon. Sa pakikipagtuos, maaari niyang sabihin kung gayon sa mga alagad na hinatulan niya na “mabuti at tapat”: “Nagtapat ka sa kakaunting bagay. Pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.” (Mateo 25:21) Mayroon na ngayong isang bagong kagalakan na roon ang sinang-ayunang “mga alipin” ay maaaring makibahagi. Anong laking gantimpala!
5. (a) Sa anong yugto ng mga pangyayari na si apostol Pablo ay isang ‘embahador’ ni Kristo ? (b) Subalit ngayon ang pinahirang mga nalabi ay “mga embahador” ni Kristo pagkatapos ng anong pangyayari?
5 Noong 1919 ang pinahirang mga alagad ng nagpupunong Hari, si Jesu-Kristo, ay pumasok sa isang sinang-ayunang kalagayan, at ito ay itinuring nila na malaking kagalakan sa kanilang bahagi. Labinsiyam na siglo na mas maaga si apostol Pablo ay sumulat sa kaniyang kapuwa mananampalataya upang sabihin sa kanila ang tungkol sa kanilang mataas na katayuan: “Tayo nga’y mga embahador na kumakatawan kay Kristo.” (2 Corinto 5:20) Ito ay isinulat nang si Jesus ay tagapagmana pa lamang na tatanggap ng “kaharian ng langit.” (Mateo 25:1) Sa gayon, kinakailangan niyang maupo sa kanang kamay ng Diyos at maghintay roon sa araw ng inagurasyon. Subalit ngayon, sapol nang 1919, ang sinang-ayunang mga nalabi ay “mga embahador” na sinugo ng Isa na aktuwal na nagpupuno bilang Hari. (Hebreo 10:12, 13) Ang bagay na ito ay pantanging itinawag-pansin sa International Bible Students sa kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, noong 1922.
6. Ang mga pagsisikap pagkatapos ng digmaan niyaong mga tumanggap ng “mga talento” ay unang itinuon sa anong uri ng gawain?
6 Noong 1919 tinanggap na nila ang atas na katumbas ng “mga talento” ng nagpupunong Hari, si Jesu-Kristo. Pinalaki nito ang kanilang pananagutan sa kanilang nagpupunong Hari. Sa pasimula, ang kanilang mga pagsisikap pagkatapos ng digmaan ay nakatuon sa gawaing “pag-aani,” ang pag-aani ng uring “trigo.” (Mateo 13:24-30) Yamang, gaya ng sinabi ni Jesus, ang pag-aani ay “ang katapusan ng sistema ng mga bagay,” ang taon ng 1919 pagkatapos ng digmaan ang takdang panahon para simulan ang pag-aaning ito ng tulad-trigong “mga anak ng kaharian,” ang tapat na pinahirang nalabi.—Mateo 13:37-39.
7. (a) Sa anong uri ng panahon pumasok ang mga tagapag-ani na kasama ng kanilang Panginoon? (b) Sa anong kalagayan dinala ni Jehova ang mga tagapag-ani, at anong makahulang pangungusap ang kanilang binigkas?
7 Ang panahon ng pag-aani ay isang masayang panahon para sa mga tagapag-ani, yamang ang Panginoon ng pag-aani ay nakikisaya sa okasyon na kasama nila. (Awit 126:6) Ang panahon ng pag-aaning ito ay lalo pang pinagyaman ng dumaraming katibayan na ang Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo ay itinatag sa mga langit noong 1914 at na isinauli ni Jehova ang matuwid na katayuan sa kaniyang nag-alay na bayan sa lupa. Bilang isang uri, binibigkas nila ang mga salita ng Isaias 61:10: “Walang pagsalang ako’y magagalak na mainam kay Jehova. Ang aking kaluluwa ay magagalak sa aking Diyos. Sapagkat binihisan niya ako ng mga damit ng kaligtasan; kaniyang tinakpan ako ng balabal ng katuwiran.”
Pagtitipon sa “Isang Malaking Pulutong” ng mga Nakikibahagi sa “Kagalakan”
8. Anong kagalakan na hindi inaasahan ng pinahirang nalabi ang naranasan nila sa pagtatapos ng pagtitipon sa mga tagapagmana ng Kaharian?
8 Hindi nalalaman ng pinahirang nalabi na pumasok sa “kagalakan” ng kanilang Panginoon na sa pagtatapos ng pagtitipon sa huling mga membro ng mga tagapagmana ng makalangit na Kaharian ay magkakaroon ng isa pang kagalakan, isang bagay na hindi nila inaasahan. Ito ay ang pagtitipon sa isang makalupang uri na mabubuhay sa lupang Paraiso sa ilalim ng Milenyong Paghahari ni Jesu-Kristo. Sino pa kundi ang mga tao mula sa makalupang uring ito ang wastong anyayahan sa magiging unang pagsisiwalat ng impormasyon tungkol sa kanila?
9. Sino lalo na ang inanyayahan na dumalo sa kombensiyon noong 1935 sa Washington, D.C., at anong napapanahong impormasyon ang ipinahayag sa kanila roon?
9 Kaya, bilang pagtugon sa paanyayang inilathala sa The Watch Tower,a daan-daan na nagnanais magkaroon ng kaugnayan kay Jehova, kasama ng bayan na tinatawag sa kaniyang pangalan, ay dumalo sa panlahat na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Washington, D.C., noong Mayo 30 hanggang Hunyo 2, 1935. Sa kombensiyong iyon naantig ang kanilang mga puso na malaman na ang “malaking pulutong” na nakita sa pangitain sa Apocalipsis 7:9-17 ay isang makalupang uri.
10, 11. Tiyak na ito’y napatunayang isang panahon ng pantanging kagalakan para kanino sa langit?
10 Anong laking kagalakan ang pagdaraos ng kombensiyong iyon sa Washington, D.C., para sa Kataas-taasang Diyos, si Jehova! Anong laking kagalakan din ito para sa kaniyang Anak bilang ang Mabuting Pastol na ngayo’y nagsisimulang tipunin ang “ibang tupa” na ito sa “isang kawan”!—Juan 10:16.
11 Samantalang inaakay at pinapastol, sa makasagisag na pananalita, ang mga membro ng nalabi at ang dumaraming “pulutong” ng “ibang tupa” ay mapayapa at maibiging nagsasama-sama. Tiyak na ang puso ng kanilang “isang pastol” ay nag-uumapaw sa kagalakan sa pagkakaroon ng gayong kalaking “kawan” malapit sa pagtatapos na ito ng “katapusan ng sistema ng mga bagay.”
Mga Sugo ng “Prinsipe ng Kapayapaan”
12, 13. (a) Sino ang inanyayahang makibahagi na kasama ng pinahirang nalabi sa kagalakan ng nagbalik na Panginoon, at ano ang dahilan para sa kaligayahang ito? (b) Ang “malaking pulutong” ng “ibang tupa” ay naglilingkod sa mga kapakanan ng “Prinsipe ng Kapayapaan” sa anong kakayahan?
12 Yaong mga tulad-tupa na bumubuo sa “malaking pulutong” ngayon ay mayroong napakalaking bahagi sa kagalakan ng Panginoon, si Jesu-Kristo. Ito’y lalung-lalo na dahilan sa kanilang pagkakaroon ng aktibong bahagi sa pagdadala niyaong mga kinakailangan upang kompletuhin ang “malaking pulutong,” na walang itinakdang bilang sa Apocalipsis 7:9.
13 Ang gawaing pagtitipon na roon ang “ibang tupa” ay nakikibahagi ay sumulong sa pandaigdig-lawak na mga kasukat, higit pa sa makakaya ng umuunting bilang ng pinahirang nalabi. Kaya, lalo nang kinakailangan para sa lumalagong bilang ng “ibang tupa” na magkaroon ng mas malaking bahagi sa pagdadala ng higit pa ng “ibang tupa” na may makalupang pag-asa. Kaya ang “ibang tupa” ay nagsisilbi bilang tapat na mga sugo ng “Prinsipe ng Kapayapaan.” Ganito pa ang sabi ng Kawikaan 25:13: “Kung paanong ang lamig ng niyebe sa panahon ng pag-aani ay gayon ang tapat na sugo sa kanila na nagsugo sa kaniya, sapagkat kaniyang pinagiginhawa ang kaluluwa ng kaniyang mga panginoon.”
14. (a) Ano ang mamanahin ng simbolikong mga tupa sa talinghaga ni Jesus sa Mateo 25:31-46? (b) Paanong ang Kaharian ay inihanda sa kanila “mula sa pagkatatag ng sanlibutan”?
14 Sa talinghaga ng mga tupa at mga kambing, ang simbolikong mga tupa ay yaong sinabihan ng Haring Jesu-Kristo: “Halikayo, kayong pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kaharian na inihanda para sa inyo buhat sa pagkatatag ng sanlibutan.” (Mateo 25:31-46) Mamanahin nila ang makalupang kaharian kung saan ang Kaharian ng mga langit ay magpupuno sa Milenyong paghahari ni Kristo. Mula noong panahon ng tapat na si Abel, inihahanda na ni Jehova ang kahariang ito para sa daigdig ng maaaring tubusing sangkatauhan.—Lucas 11:50, 51.
15, 16. (a) Anong “kaluwalhatian” ng isang hari, gaya ng binabanggit ni Solomon, ang taglay ng Panginoon ngayon sa kabila ng kaniyang pagpupuno sa gitna ng kaniyang mga kaaway? (b) Sa anong anyo na taglay ng nagpupunong Hari ang “kaluwalhatian” na ito ngayon? (c) Ano ang nagawa niyaong bumubuo sa “kaluwalhatian” na ito?
15 Ang matalinong Haring Solomon ng sinaunang Israel ay sumulat: “Nasa karamihan ng bayan ang kaluwalhatian ng hari.” (Kawikaan 14:28) Ang maharlikang Panginoon sa ngayon, si Kristo Jesus, na isang opisyal na higit na nakatataas kaysa sa makalupang Haring Solomon, ay mayroong gayong “kaluwalhatian” kung tungkol sa “karamihan ng bayan.” Totoo ito kahit na sa ngayon bago magsimula ang kaniyang pamamahala ng isang libong taon, oo, nang siya ay nagpupuno sa gitna ng kaniyang makalupang mga kaaway, na si Satanas na Diyablo ang nakahihigit-tao na di-nakikitang hari.—Mateo 4:8, 9; Lucas 4:5, 6.
16 Ang “kaluwalhatian” ngayon na angkop para sa isang mataas na opisyal na ang ranggo ay hari ay masusumpungan ngayon sa dumaraming bilang ng kaniyang “ibang tupa” na bumubuo ng “malaking pulutong.” Masayang isinisigaw nila nang sabay-sabay: “Ang kaligtasan ay utang namin sa aming Diyos, na nakaupo sa trono, at sa Kordero.” (Apocalipsis 7:9, 10) Nararanasan na nila ang kaligtasan mula sa tiyak na mapupuksang sistema ng mga bagay, kung saan si Satanas na Diyablo “ang diyos.” (2 Corinto 4:4) Sa makasagisag na pananalita, sila’y “naglaba ng kanilang mga kasuotan . . . sa dugo ng Kordero” at pinaputi ito upang maging walang dungis sa harap ng Diyos na Jehova, ang Hukom.—Apocalipsis 7:14.
17. (a) Sa anong kaligtasan tumitingin pa sa hinaharap ang “malaking pulutong”? (b) Anong pribilehiyo ang tatamasahin nila sa Milenyong Paghahari ng “Prinsipe ng Kapayapaan”?
17 Gayunman tumitingin sila sa hinaharap sa kaligtasang inilalaan ng Diyos na mararanasan nila sa maluwalhating tagumpay ni Jehova sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” sa Har–Magedon. Ang kaniyang kahanga-hangang tagumpay roon ay magbubunga sa ikapagbabangong-puri ng kaniyang pansansinukob na pagkasoberano, at sila ang magiging makalupang mga saksi sapagkat sila’y iingatang buháy sa kakila-kilabot na wakas ng balakyot na sanlibutang ito. (Apocalipsis 16:14; 2 Pedro 3:12) Anong pagkahala-halagang pribilehiyo! Anong laking kagalakan ang sa gayo’y ibabahagi ng “Prinsipe ng Kapayapaan” sa makaliligtas na “malaking pulutong” ng kaniyang tapat na “ibang tupa”!
[Talababa]
a Pahina 2 ng mga labas ng Watch Tower ng Abril 1 at 15, Mayo 1 at 15, 1935.