Pagmamasid sa Daigdig
Kinilalang mga Pakinabang
“Marahil ang mga Saksi ni Jehova ay tama sa pagtatangi sa paggamit ng mga produkto ng dugo, sapagkat totoo na maraming tagapagdala ng sakit ay maaaring ilipat sa pamamagitan na isinaling dugo,” sabi ng Pranses na pahayagang pangmedisina na Le Quotidien du Médecin. Idiniriin pa ng artikulo na ang isinaling dugo ay hindi lamang naghahatid ng ilang virus, gaya ng cytomegalovirus (sanhi ng isang mapanganib at nakamamatay na sakit sa dahil sa virus) at yaong mga pangkat ng herpes, kundi kadalasa’y “ginigising ang nananahimik na mga virus na nasa katawan ng tumatanggap ng isinaling dugo.”
Karagdagan pa sa patotoo ay ang panayam na isinagawa ng magasin sa sa Brazil na ISTOÉ kay Propesor Vicente Amato Neto, dalubhasa sa medisina tungkol sa nakahahawang mga sakit: “Madalas kong sinasabi,” ani ni Amato, na siyang nangangasiwang direktor ng Clinical Hospital ng São Paulo, “na ang pinakamagaling na pag-iingat laban sa AIDS ay na ang isa ay maging isa sa mga Saksi ni Jehova, sapagkat ang mga membro ng relihiyong iyon ay hindi mga homoseksuwal o mga ‘silahis,’ sila’y tapat sa kanilang pag-aasawa—iniuugnay nila ito sa pagpaparami—hindi sila gumagamit ng droga, at upang kompletuhin ang larawan, hindi sila nagpapasalin ng dugo.”
Kapahamakan sa Bagyo ng Alabok
Ang mga bagyo ng alabok ay nagdaan sa Nouakchott, ang kabisera ng Mauritania, West Aprika, nang mahigit na 80 araw isang taon sa nakalipas na limang taon dahilan sa tagtuyot at paglawak ng disyerto. Ang resulta? Ang bansa ay “naipapadpad ng hangin,” ulat ng The Times ng London. Taun-taon ang mga hangin ng disyerto ay nagtatangay ng isang daang milyong tonelada ng pang-ibabaw na lupa mula sa gawing timog ng bansa sa rehiyon ng Sahel palabas patungo sa Atlantic Ocean. Habang naglalaho ang lupa at pananim, ang mga nag-aalaga ng baka sa Mauritania ay nagtungo sa mga lunsod. Ang mga kalagayan ngayon ay lalo pang lumala anupa’t isa sa bawat tatlong mga bata ay dumaranas ng malnutrisyon, at ang katamtamang haba ng buhay ay 46 na taon lamang. Ikinatatakot na ang alabok na nananatili sa atmospera ng bansa ay nakatutulong pa sa pagpapahaba ng tagtuyot.
Umatras ang “Doomsday Clock”
Ang makasaysayang kasunduan na nag-aalis ng ilang uri ng nuklear na mga missiles, nilagdaan noong nakaraang Disyembre ng Pangulong Reagan ng E.U. at ng Kalihim Panlahat Mikhail Gorbachev ng Sobyet, ay nag-udyok sa mga siyentipiko na iatras ang mga kamay ng “doomsday clock” ng tatlong minuto. Ang orasan, na inilathala sa Bulletin of the Atomic Scientists, ay sumasagisag sa pagkanalalapit ng digmaang nuklear. Ang huling panahon na ang kamay ng orasan ay iniatras ay noong 1972. Mula noon, ang mga kaigtingan sa daigdig ay patuloy na nagpasulong sa kamay ng orasan mula sa 12 minuto hanggang sa 3 minuto bago maghatinggabi. Gaano kaya katagal mananatili ang mga kamay ng orasan sa anim na minuto bago maghatinggabi?
Bibliyang Tunay na Australyano
Bilang bahagi ng ikadalawang daang taon ng Australia, ang Samahan sa Bibliya sa Australia ay naglabas ng isang “Bibliyang Tunay na Australyano.” Pangunahin na, ito ang teksto ng Today’s English Version (Good News Bible), subalit ang pagbaybay, mga distansya, timbang, sukat, at ilang ekspresyon ay ginawang Australyano. Halimbawa ang salitang “field,” ay lumilitaw bilang “paddock,” at ang “cistern” bilang “tank.” Ang Levitico 19:9 ay kababasahan sa saling Australyano ng: “When you harvest your paddock, do not cut the grain at the edge of the paddock . . . ” Ang mga ilustrasyon sa Bibliya ay mayroon ding istilong Australyano, na ang kamatayan ni Jesus sa pahirapang tulos ay inilarawan sa istilong Aboriginal (katutubong Australyano). Lalo pang nakakaakit sa pagkamagustuhin ng mga Australyano sa malawak, lantad na espasyo ay ang pabalat na may larawan ng isang puno ng gum na ang pinaka-background ay ang paglubog ng araw, pati na ang logo ng Bicentennial Authority.
Kongkretong Proteksiyon ng Karapatan
Ang Hapón ay gugugol ng 30 bilyong yen upang bigyang proteksiyon ang dalawang bato. Ang dalawang bato ay halos isang kilometro ang pagitan sa Dagat ng Pilipinas at bahagi ng isang limang-kilometro-ang-haba na atoll kung kati (low tide). Gayunman, kung laki ang tubig, ang isla ay naglalaho, at tanging “dalawang bato—ang isa’y 5 metro ang diyametro—ang lumilitaw ay 30 hanggang 50 centimetro sa ibabaw ng tubig,” ulat ng pahayagang Asahi Shimbun ng Tokyo. Mga bloke ng bakal at kongkreto na tumatanggap-ng-alon ay itatayo upang paligiran ang mga bato. Bakit ang lahat ng pagkabahala at gastos na ito? Ang karapatan sa teritoryo ay pinagpapasiyahan kapag laki ang tubig, at ang pinakatimog na bahagi ng teritoryo ng Hapón ay naglalaho. Kasama nitong maglalaho ang karapatan sa pangingisda at pagmimina sa 320 kilometro sa paligid ng isla—isang sukat na mas malaki pa sa Hapón mismo.
Eroplanong Pinatatakbo ng Microwave
Ang eruplanong walang piloto na pinatatakbo ng mga microwave, at hindi na nangangailangan ng malalaking tangke ng gatong, ay isa nang katunayan ngayon. Ang gayong eruplano ay nagsagawa ng unang 20-minutong paglipad nito sa Canada noong Setyembre 17, 1987, at lumipad na ng makailang beses mula noon. Papaano ito gumagana? Ang kuryente mula sa mga genereytor na nasa lupa ay ginagawang mga microwave at pinasisinag paitaas ng isang dish antenna. Binabago muli ng mga tumatanggap ng sinag sa eruplano ang mga microwave tungo sa kuryente na nagpapatakbo sa makina ng eruplano. Ang ultimong tunguhin ay isang eruplanong makapananatili sa itaas sa loob ng mga ilang buwan sa isang panahon sa taas na hanggang 21 kilometro. Maaari itong gamitin sa siyentipikong pananaliksik, pagmamanman, at paghahatid ng mga tawag sa telepono. Gayunman, may mga pagkabalisa tungkol sa mga suliraning pangkapaligiran na maaaring gawin ng malalaking instalasyon na naghahatid ng microwave.
Pansansinukob na Bulwagang Pangkonsiyerto
Isang silid kung saan mapakikinggan at maihahambing mo kung paano ang tunog ng isang orkestra sa bawat pinakamagaling na mga bulwagang pangkonsiyerto sa daigdig ay naitayo na sa Tokyo. Ang tunog ay muling-nililikha ng 24 na mga ispiker na nakakabit sa isang computer na may iprinogramang impormasyon tungkol sa laki, mga materyales ng gusali, at absorption rates ng bawat bulwagan. “Sa pamamagitan ng pagkalkula sa laki ng bulwagang pangkonsiyerto, at ang antas ng alingawngaw mula sa mga dingding at kisame, maaaring gayahin ng silid ang akustika ng bulwagan mula sa 800 iba’t ibang direksiyon,” sabi ng Mainichi Daily News. Bukod sa kilalang mga bulwagang pangkonsiyerto sa Tokyo at Osaka, ang sistema ay iprinograma para sa Musikvereinsaal ng Vienna, ang Stadtkasino sa Basel, ang Concertgebouw sa Amsterdam, at ang Boston Symphony Hall. Kahit na ang mga akustika ng mga bulwagan na hindi na umiiral ay maaaring gawin. Ang silid na ito ay ginawa upang marebista ang akustika ng mga bulwagang pangkonsiyerto bago itayo ang mga ito.
Pagkasugapa sa Musika
“Maaari kang maging lango sa ingay,” sabi ng kinatawang direktor ng Institute for Hearing Research sa Nottingham, Inglatera. “Ang napakalakas na tunog ay lumilikha ng isang damdamin na pagiging masiglang-masigla na maaaring makapagpasugapa.” Partikular na madaling tablan ng uring ito ng pagkasugapa ang mga taong gumagamit sa bagong uri ng headphone na kasiya sa loob ng tainga, malapit sa auditory nerve, ulat ng The Sunday Times ng London. Ipinakikita ng pananaliksik na ang makakayanang ingay para sa anumang uri ng musika ay maaaring tumindi pa, at maaaring hindi na maaayos pa ang pinsala sa mga selula sa panloob na tainga kung ang lakas ng tunog ay hindi wastong inayos.
Mga Nasawi sa Digmaan-sa-Gulf
Ang digmaan sa pagitan ng Iran at Iraq ay mas matagal pa ngayon kaysa Digmaang Pandaigdig II, at ang dalawang naglalabang Islamikong magkalapit na bansang ito ay nagpapatuloy pa rin sa pitong-taóng-alitan na ito. Ano ang nagbibigay sa digmaang ito ng “lakas na manatili”? Sa isang bagay, sabi ng Work in Progress, ang pahayagan ng United Nations University, maraming bansa ay sabik na nagtutustos ng mga kagamitang pandigma—mga sandata. Bunga nito, sabi ng pahayagan, ‘ginagamit ng mga taga-Iraq ang MIG fighters ng Sobyet na nasasandatahan ng mga missile na French Exocet, samantalang sinasagupa naman ito ng mga taga-Iran sa pamamagitan ng F-5 ng mga Amerikano at ng mga tangkeng Chieftain ng Britano.’ Ang Demos, isang publikasyon mula sa Dutch Interuniversity Demographic Institute, ay tumataya na mayroon nang mula 330,000 hanggang 600,000 mga nasawi hanggang sa ngayon—isang katamtamang 125 hanggang 225 katao ang namamatay araw-araw.
“Medikal na Pasaporte”
Isang ‘medikal na pasaporte’ ang ilalabas sa 280 milyong mamamayan ng Unyong Sobyet [sa 1988] bilang bahagi ng isang kampaniya na pagbutihin ang magulong pambansang sistema ng pangangalaga-sa-kalusugan,” ulat ng Toronto Star ng Canada. Itatala ng “pambulsang ‘pasaporte’ ” ang medikal na kasaysayan ng indibiduwal, ibibigay ang “impormasyon mula sa uri ng dugo at presyon ng dugo ng isa hanggang sa uri ng medisina na kinakailangan para sa paggamot ng anumang talamak na karamdaman.” Tinawag ito ng Sobyet na Kinatawang Ministro ng Kalusugan na si Alexei Moskvichev na panimulang hakbang tungo sa tinatawag niyang “ang pinakamalaking pandaigdig na programa tungkol sa pag-iingat at paggamot ng sakit.” Sabi niya: “Ang impormasyon tungkol sa kalusugan ng isa ay magpapangyari sa isang tao na pag-isipan ang kaniyang paraan ng pamumuhay.”