Pagmamasid sa Daigdig
Humihina ang Espirituwal na mga Tunguhin
“Isang mataas na kasukat na mahigit tatlong-kaapat ng mga primer anyo sa kolehiyo na sinurbey sa buong [Estados Unidos] ang may akala na ang pagiging mayaman ay isang ’mahalaga’ o ‘pinakamahalagang’ tunguhin,” sabi ng The New York Times. “Kasabay nito, ang pinakamababang kasukat ng mga primer anyo sa kolehiyo sa 20 taon, 39 porsiyento lamang, ang nagbibigay ng higit na diin sa pagkakaroon ng isang makabuluhang pilosopiya sa buhay.” Isang bagong mataas na kasukat na 71 porsiyento ng mga primer anyo sa kolehiyo ang nagsabi na ang kanilang dahilan sa pag-aaral sa kolehiyo ay “upang kumita ng mas maraming pera.” Ang mga tuklas ay inilista mula sa mga palatanungan na sinagutan ng mahigit na 200,000 mga primer anyo sa kolehiyo sa 390 mga institusyon. Ang direktor ng surbey na si Dr. Alexander W. Astin ay nagsabi: “Nakikita natin ang isang bagay na napakalalim sa lipunan.”
Isang Segundong Lukso
Maaaring hindi mo napansin ito, subalit ang 1987 ay mas mahaba kaysa sa karaniwang 365-araw na taon. Samantalang ang isang ordinaryong taon ay mayroong 31,536,000 mga segundo, ang 1987 ay mayroong 31,536,001. Bakit? “Sa pamamagitan ng internasyonal na kasunduan, ipinasiya ng internasyonal na mga tagapag-ingat ng oras ng daigdig na ang ‘Isang Segundong Lukso’ ay isingit sa pagitan ng 1987 at 1988 upang maging kaalinsabay ng kanilang opisyal na mga orasang atomiko ang di-regular at unti-unting bumabagal na pag-ikot ng lupa,” sabi ng The New York Times. Sa katamtaman, ang pag-ikot ng lupa ay bumabagal sa bilis na halos isa sa ikasanlibo ng isang segundo sa isang araw, na nangangailangan ng karagdagang isang segundo sa bawat ilang taon upang ang mga orasan ay makasabay nito. Ang “isang segundo,” sabi ni Dr. Dennis McCarthy, isang astronomo sa U.S. Naval Observatory, “ay isang mahabang panahon. Kung ikaw ay nagpapalipad ng isang eruplano at ikaw ay nahuli ng isang segundo, sasala ka sa patakbuhan (runway) ng halos 320 metro.”
‘Tom-Tom’ ng Hayop
Malaon nang alam na ang mga mammal ay nakikipagtalastasan sa isa’t isa sa pamamagitan ng kanilang mga tawag at gayundin ng kanilang amoy. Gayunman, ang wika ng pagpadyak-ng-paa na ginagamit ng ilang mga hayop ay kamakailan lamang naunawaan. Si Pierre Bridelance, mananaliksik para sa Paris Natural History Museum, ay nagpaliwanag sa pahayagang Pranses na Le Figaro na ang mga daga sa disyerto ay may ritmong nagpapadyak ng kanilang paa, na may pana-panahong paghinto, upang ipahiwatig na ang isang lungga ay okupado. Sa mga rehiyon kung saan ang mga daga ay nakakalat sa napakalawak na mga dako, ang gayong mababa ang frequency na akustikong pakikipagtalastasan ay napakabisa.
AIDS: Nakatatakot na mga Katotohanan
Isang pagsubok sa buong estado ng lahat ng mga sanggol na ipinanganak sa New York sa loob ng isang buwan ay nagsisiwalat ng isang nakatatakot na katotohanan: Isa sa bawat 61 mga sanggol na ipinanganak sa New York City ay nagdadala ng antibodies ng AIDS, ipinahihiwatig na ang kanilang mga ina ay nahawaan. Tinatayang mga 40 porsiyento ng mga sanggol na positibong may antibodies ay nahawa mismo, sa pagsilang o sa bahay-bata, at maaaring magkaroon ng sakit na ito. Ang ilan ay nagkaroon ng mga sintomas sa gulang na siyam na taon. “Ito ay totoong napakarami,” sabi ni Dr. Lloyd F. Novick, isang kasama ng komisyonado ng kalusugan ng estado. “Pinag-uusapan dito ang isang malaking bilang ng mga batang ipinanganganak na positibong may antibodies ng AIDS. Tiyak na ito ay magiging isa sa ating nangungunang suliraning pangkalusugan mula sa pagkasanggol.”
“Ang AIDS ay hindi natatakdaan sa pagsira sa katawan ng mga biktima nito. Karaniwan nang inuubos din nito ang kanilang mga isipan,” sabi ng U.S.News & World Report. “Tinatawag ito ng mga pasyenteng may AIDS na ang pinakanakatatakot na bagay na maaari nilang isipin,” nakikitang sinasalakay ng virus ang sentrong sistema nerbiyosa at apektado “ang kakayahan ng biktima na mag-isip, makadama, magsalita at kumilos.” Ipinakikita ng mga pag-aaral sa utak ng mga pasyenteng may AIDS na ginawa pagkamatay nila na 50 porsiyento ay tuwirang napinsala ang sentrong sistema nerbiyosa dahil sa virus, at 25 porsiyento pa ang nagpakita ng pinsala dahil sa mga atake sa puso, impeksiyon, o kanser. Ang mga sintomas ng pagkasira ng ulo ay hindi natatakdaan sa mga adulto. May problema rin dito ang mga batang may AIDS.
Ligalig sa Trapiko
“Kung isang manggagawa ay natatrapik ng 20 minuto sa bawat araw ng trabaho—10 minuto patungo sa trabaho at 10 minuto mula sa trabaho—at nananatili sa trabaho sa loob ng 45 taon,” sabi ng U.S.News & World Report, “siya ay gugugol ng halos dalawang taon ng trabaho sa nabuhol na trapiko.” Apektado ng buhul-buhol na trapiko ang angaw-angaw na mga tao sa buong daigdig, at ang kalagayan ay lumalala pa. Ang pagpaparo’t parito, mas maliit na yunit ng pamilya na mayroong mas maraming membro na nagtatrabaho, mga sambahayan na may dalawa o higit pang mga sasakyan, pagtutol sa sama-samang paggamit ng isa lamang kotse, mga istilo ng buhay ngayon, ang pagnanais para sa personal na kadaliang kumilos, at ang pagkaantala sa pagpaplano ng haywey ay pawang nakadaragdag sa problema. Ginagamit ng ibang motorista ang panahon sa pamamagitan ng pagbabasa, pakikinig sa mga tapes, o sa paggawa ng mga bagay na gaya pa nga ng pag-aahit. Gayunman, ang kaigtingan na dahil sa buhul-buhol na trapiko ay kadalasang humahantong sa pisikal na mga karamdaman na gaya ng ulser, sakit sa batok, at mataas na presyon ng dugo. Ito rin ang nagiging sanhi ng parami nang paraming pagkagalit ng mga tsuper—at karahasan pa nga—sa ibang mga tsuper.
Paninigarilyo at mga Aksidente
Isang pag-aaral na naghahambing sa isang libong tsuper na nasangkot sa isang hindi nakamamatay na aksidente sa isang libong tsuper na hindi nagkaroon ng aksidente ay naghinuha na “ang mga naninigarilyo ay 50 porsiyentong mas nanganganib na masangkot sa isang aksidente kaysa isa na hindi naninigarilyo.” Binabanggit ng report sa The Globe and Mail sa Toronto na ang mga pang-abala buhat sa pagsindi, pag-ubo, nahulog na sigarilyo, mahapding mga mata, at malabong paningin dahil sa usok ng sigarilyo na nananatili sa salamin sa harapan, gayundin ang mataas na antas ng carbon monoxide sa dugo, ay posibleng mga sanhi ng dumaraming aksidente. Hindi lamang maaaring sirain ng paninigarilyo ang pagpapasiya at panahon ng pagtugon, sabi ng artikulo, kundi “ang mga naninigarilyo ay mas malamang din na kumuha ng higit na panganib kaysa mga hindi naninigarilyo sa pamamagitan ng hindi paggamit ng seat belt, at sa pagmamaneho sa linya ng mabilis ang takbo.”
Ligtas na Paglalaro Dahil sa Kusot
Iminungkahi ng mga mananaliksik sa West Berlin ang paggamit ng kusot sa halip na buhanginan para sa mga palaruan ng bata. Sinasabi nila na ang kusot, isang kakambal na produkto ng tablerya, ay mas malambot na bagsakan ng katawan kaysa buhangin, na basta natitinag dahil sa bagsak. Isinisiwalat ng mga pagsuri na “ang 10-centimetrong patong ng kusot ay mas malambot bagsakan kaysa 20-centimetrong patong ng buhangin na itinakda ng batas para sa mga palaruan ng bata,” ulat ng pahayagang Aleman na Frankfurter Allgemeine Zeitung.
Ang Bibliya sa Berso
“Pagdating sa negosyo ng paglalathala, ang mga Bibliya ay mahirap pasukin,” sabi ng The Wall Street Journal. “Sa paano man, dahil sa mahigit na 100 milyong kopya ang iniimprenta taun-taon, ang paggawa ng isang bersiyon na namumukod-tangi ay isang hamon.” Upang matugunan ang hamon, ipinasiya ni George N. Kayatta na isulat ang buong Bibliya sa berso. Gumugol siya ng 11 taon upang tapusin ito. Sa bandang unahan ng Genesis ay ating masusumpungan: “Ahas: Dito rin ako nakatira sa Eden./Eva: Talaga?/Ahas: Huminahon ka pakisuyo. Narito ako upang sabihin sa iyo ang mga katotohanan.” Ngayon nakakaharap ni Kayatta ang mas malaking hamon: ang paghanap ng isang tagapaglathala na mag-iimprenta nito.
Maaasahan?
Sa isang pagsisikap na madaig ang mga magnanakaw sa booth sa telepono, ang Telecom, ang kompaniya ng telepono na pag-aari ng gobyerno ng Australia, ay naglagay ng akmang kaha de yerong Kirk sa mga pinaghuhulugan ng barya. Ang pangalang Kirk ay ipinangalan sa manggagawa na nag-imbento nito, ang kaha de yero ay 100-porsiyentong mabisa. Gaya ng binanggit sa The Sydney Morning Herald, hindi ito nabuksan ng “oxy torches, mga baril na Ramset, angle-grinders, hydraulic jacks, pulley clamps, centre-punches at mga ladrilyo.” Balintuna, ang bagong mga kaha de yero ay waring lalong nagpalala sa bandalismo, yamang ang mga magnanakaw na bigo dahil sa matigas na kaha de yero ay ibinubuhos ang kanilang galit sa mga booth. Iniuulat ng Telecom na ang kasalukuyang dami ng mga basag na salamin at sirang mga handset at mga kordon ay mataas na 3,000 kaso sa bawat buwan.
Pagpapatunog-ng-Kamay
Bagaman ang pagpapatunog ng kasu-kasuan ng daliri ay pangkaraniwan, ang pag-unawa sa kung ano ang nagpapatunog dito ay hindi. “Kapag binabatak mo ang iyong mga daliri o kasu-kasuan ng daliri, lumilikha ka ng isang pagsipsip (suction) sa kasu-kasuan—kung paano sumisipsip ang isang pambombang panalaksak sa isang baradong tubo,” sabi ng magasing Hippocrates. “Ang pagsipsip ay nagpapangyari sa gas na nasa likido ng kasu-kasuan na lumobo. Ang pagtunog ay hindi dahilan sa tunog ng buto o ng paglagitik ng kartilago, kundi dahil sa pagputok ng mga lobong ito ng gas.” Kung malakas ang pagpapatunog-ng-kamay, nariyan ang panganib na malinsad ang kasu-kasuan. Ang pagsasauli rito ay pinakamabuting gawin ng isang doktor.