Pinagkakaisa ng Tunay na Kristiyanismo ang Lahat ng Lahi!
NOONG 1982 isang itim na bilanggo sa Timog Aprika na nagngangalang Mnguni ay nasa ikaapat na taon na ng kaniyang pagkapiit dahil sa pagkasangkot niya sa mga gawaing terorista. Binigyan siya ng pahintulot ng mga awtoridad na sumulat sa kaniyang pamilya para sa ilang mga aklat. Nang dumating ang mga ito, nasumpungan niya na kasama rito ang isa na hindi niya hiniling. Ito’y may pamagat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan, na lathala ng mga Saksi ni Jehova.
Ang nabasa ni Mnguni ay nagkaroon ng malaking epekto sa kaniya. “Ako’y naniwala na ang aking gawaing terorista ay may pagkasi ng Diyos. ‘Ang Diyos ay nasa panig ng mga api’ ang isa sa aming mga sawikain. Ako’y isang Lutherano, at ni minsan ay hindi ako hinatulan o siniraan ng loob ng aking relihiyon sa aking mga gawain. Sa halip, inaatake nila ang gobyerno sa mga pagkilos nito laban sa akin. Tinulungan pa nga ako at ang aking ‘mga kasama’ ng isang organisasyon ng mga simbahan na magkaroon ng legal na representasyon.
“Natanto ko buhat sa aklat na Katotohanan na ang aking mga gawain ay labag sa Salita ng Diyos. Ginamit nito ang Bibliya upang ipakita na walang gobyerno ang umiiral nang walang kapahintulutan ng Diyos at na ang lahat ng tunay na mga Kristiyano ay dapat na pasakop sa mga awtoridad.” (Mateo 5:44; 1 Juan 3:10-12; Roma 13:1-7) Itinigil ni Mnguni ang kaniyang mga gawaing terorista at pagkalaya niya mula sa bilangguan ay nagsimula siyang maglingkod bilang isang ministro ng mga Saksi ni Jehova.
Sa gayunding paraan tinanggap ng sampu-sampung libong mga taga-Timog Aprika—mga itim at puti—ang tunay na Kristiyanismo na itinuro sa Bibliya. Di-gaya ng Protestantismo, na isang bumabahaging puwersa, pinagkakaisa ng tunay na Kristiyanismo ang mga tao ng lahat ng lahi. Papaano?
Ang Mensahe ng Kaharian
“Ang kaharian ko,” sabi ni Jesu-Kristo, “ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.” (Juan 18:36) Ang tunay na Kristiyanismo ay nakasentro sa Kahariang iyan na itinuro ni Kristo. Hindi ito nauugnay sa alinmang pulitikal na puwersa ng sanlibutang ito, sapagkat ito’y isang pamahalaang nakahihigit sa tao na nagpupuno buhat sa langit. Hindi na magtatagal, ayon sa Bibliya, “dudurugin at wawakasan nito ang lahat ng mga kahariang ito” ng makalupang pulitikal na pamamahala.—Daniel 2:44; Lucas 21:7-33.
Hindi, ang Kahariang ito ay hindi, gaya ng sabi kamakailan ng isang tagataguyod ng teolohiya ng mga itim, isang hindi makatotohanang mahirap abuting pangarap. Ang katotohanan ng Kahariang ito ay makikita sa bagay na mahigit na 3,400,000 mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig—mahigit na 40,000 sa Timog Aprika lamang—ang naghahayag ng kanilang mga sarili na maging matapat na mga sakop nito. Pinatutunayan nila ang kanilang mga sarili na matapat na mga sakop ng Kaharian sa pamamagitan ng pagsasagawa ng utos ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mateo 24:14.
Ang salig-Bibliyang mensahe ng Kaharian na ipinahahayag ng mga Saksi ni Jehova ay nakaakit sa libu-libong taga-Timog Aprika. Sa gayo’y napagtagumpayan nila ang kaguluhan dahil sa lahi at pulitika at nagtatamasa sila ng isang bagay na pambihira sa Timog Aprika—pagkakaisa ng lahi. Natuklasan ito ni Gert, isang dating membro ng Simbahang DR. Sabi niya: “Sa gitna ng mga Saksi ni Jehova, walang pagtatangi dahil sa lahi o wika—kaya, sila’y nagkakaisa sa buong daigdig. Kahanga-hangang malaman na ‘ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang taong may takot sa kaniya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kaniya.’ ”—Gawa 10:34, 35.
Kamakailan, ang pamahalaan ng Timog Aprika ay sumang-ayon na baguhin ang isa pang batas tungkol sa apartheid sa pamamagitan ng pagbubukas ng ilang mga dakong panirahan sa mga tao ng lahat ng lahi. Samantala, hinihiling ng umiiral na mga kautusan na ang mga tao na magkaiba ang lahi ay mamuhay na bukod, at ang mga Saksi ni Jehova ay sumunod sa gayong batas. Gayumpaman, hindi sila hinahadlangan ng batas na gumawang magkasama at sa paggawa ng mabuti sa isa’t isa. Kaya, ang mga Saksi mula sa iba’t ibang lahi ay bukas-palad na ibinabahagi ang kanilang panahon at mga kayamanan sa pagtatayo ng kanilang mga dako ng pagsamba, na tinatawag na mga Kingdom Hall.
Sa nakalipas na anim na taon, libu-libong itim at puting mga Saksi ay boluntaryo ring nagtrabaho sa pagtatayo ng malalaking bagong pasilidad sa labas ng bayan Krugersdorp, Timog Aprika. Pagkatapos masiyahan sa isang pananghalian na kasama ng mga manggagawang ito buhat sa iba’t ibang lahi, ang manedyer ng isang kompaniya na nag-instala ng pantanging kagamitan ay nagsabi: “Dapat nilang dalhin ang United Nations dito upang makita kung paano ito ginagawa.” Daan-daang mga Saksi ngayon ang gumagamit sa mga pasilidad na ito upang magsalin at gumawa ng literatura sa Bibliya.
Ang mga Saksi ni Jehova sa Timog Aprika ay sama-sama ring sumasamba sa malalaking kombensiyon. Ang makita ang libu-libong Zulu, Xhosa, Sotho, Afrikaans, Ingles, at iba pang taga-Timog Aprika na humuhugos sa isang nagkakaisang organisasyon ay pambihira—kapuna-punang patotoo na ang Kristiyanismo ay buháy na buháy sa Timog Aprika ngayon! (Juan 13:35; 17:23) Isa pa rin itong katibayan na tayo ay nabubuhay na sa tinatawag ng Bibliya na “huling bahagi ng mga araw.”—Isaias 2:2-4.
Oo, ang ating salinlahi ang tinandaang salinlahi na malapit nang maranasan ang wakas ng lahat ng alitan at labanan. At ano ang susunod? Isang makalupang paraiso kung saan ang mga matuwid buhat sa lahat ng bansa ay makaliligtas bilang mga mamamayan ng isang pamahalaan—ang Kaharian ng Diyos.—Awit 37:10, 11; Apocalipsis 7:9, 14.
[Mga larawan sa pahina 9]
Sa Timog Aprika, ang mga Saksi ni Jehova ng lahat ng lahi ay madalas na nagtitipong sama-sama sa malalaking kombensiyon
[Mga larawan sa pahina 10]
Ang pagkakaisa ng lahi sa gitna ng mga Saksi ni Jehova sa Timog Aprika ay nakakaakit sa marami sa mensahe ng Kaharian