Gaano Kaligtas ang mga Video Display Terminal?
ANG mga video display terminal (VDT) ng computer, gaya niyaong ginagamit sa word processing, ay mabilis na hinahalinhan ang mga makinilya at iba pang mga makina sa opisina sa maraming mga negosyo. Ang mga terminal ay parang mga iskrin ng telebisyon na nakakabit sa isang keyboard. Tulad ng mga iskrin ng telebisyon, ito ay naglalabas ng mababang antas ng radyasyong hindi ionic. Bunga nito, ang kanilang kaligtasan ay paulit-ulit na tinututulan, lalo na yamang ang gumagamit ay nakaupong malapit dito.
Ang pagkabahala ng marami ay minsan pang ibinangon kamakailan dahil sa mga resulta ng isang pag-aaral sa 1,583 mga babaing nagdadalang-tao sa California. Natuklasan ng pag-aaral na ang mga babaing gumagamit ng mga VDT ng mahigit na 20 oras isang linggo sa panahon ng maagang pagdadalang-tao ay dalawang ulit na nakukunan kung ihahambing sa ibang mga manggagawa sa opisina na hindi gumagamit nito. Totoo, hindi pinatutunayan ng pag-aaral na ang radyasyon mula sa mga VDT ang may pananagutan sa dumaming bilang ng mga nakukunan. Sa katunayan, isang autoridad ay nagsabi: “Waring maliwanag na ang problema ay ang tulad-pabrikang kapaligiran na pinagtatrabahuan ng mga gumagamit ng VDT, hindi ang makina mismo.”
Gayunman, inirirekomenda ng iba pang autoridad ang pag-iingat. Si Michael Polen, isa sa mga mananaliksik na kasangkot sa pag-aaral sa California, ay isa rito. Binanggit niya ang bagay na ipinakikita ng maagang mga pag-aaral sa mga bilig ng hayop na sinira ng uri ng radyasyon na mula sa mga VDT ang paglaki ng selula.
Ang editor ng VDT News ay isa pa na nagbabala sa mga babaing nagdadalang-tao na maging maingat. Sabi niya: “Inaakala kong ang sinumang babae na nagdadalang-tao, o nagnanais magdalang-tao, ay dapat mag-ingat at huminto sa paggamit ng VDT.”