Naglalahong Ozone—Sinisira ba Natin ang Atin Mismong Panangga?
Isip-isipin na kailangan mong lumakad sa isang nakamamatay, nag-aapoy na ulan araw-araw. Ang iyong tanging proteksiyon ay isang payong, isang sakdal ang pagkakadisenyo upang itaboy ang nakamamatay na patak ng ulan. Mailalarawan mo ba kung gaano kahalaga ang payong na iyon sa iyo? Maguguniguni mo ba ang kamangmangan ng pagsira sa payong, marahil ang pagbutas dito? Gayunman, ang sangkatauhan ay nasa kahawig na kalagayan sa isang pangglobong lawak.
ANG ating planeta ay pinaliliguan ng walang tigil na ulan ng sinag ng araw. Bagaman ang karamihan ng sinag na ito ay kapaki-pakinabang, nagdadala ng init at liwanag sa ating daigdig, ang maliit na porsiyento nito ay lubhang nakamamatay. Ito ang tinatawag na ultraviolet-B, o UV-B, na sinag, at kung ang lahat ay makarating sa ibabaw ng lupa, papatayin nito ang lahat ng nabubuhay roon. Nakatutuwa naman, ang ating planeta ay idinisenyo na may isang “payong” na nagsasanggalang sa atin mula sa mga sinag na ito, isang payong na tinatawag na ozone layer. Nakalulungkot sabihin, sinisira ng tao ang payong na iyon!
Ano ba ang ozone layer? Paano ito gumagana, at paano natin sinisira ito? Bueno, ang ozone ay isang di-matatag na anyo ng oksiheno. Ito ay may tatlong atomo ng oksiheno (O3) sa halip na ang karaniwang dalawa (O2). Ang ozone ay natural na nangyayari sa stratosphere, sinasagap ang mapanganib na sinag na UV-B samantalang hinahayaang lumagos ang kinakailangan at ligtas na liwanag. Isa pa, bagaman ang ozone ay madaling sirain ng iba pang gas, sa stratosphere ito ay patuloy na ginagawa sa pamamagitan ng sinag ng araw. Kaya ito ay isang panangga na nagkukumpuni-sa-sarili. Napakagandang disenyo!
Bumabangon ang problema kapag sinisimulan ng tao na ipasok ang kaniyang sariling mga gas na galing sa industriya tungo sa delikadong sistemang ito. Kaya ang ozone ay mas mabilis na nasisira kaysa maaaring gawin ng mga sinag ng araw. Noong 1974 ang mga siyentipiko ay naghinala na ang mga CFC, o mga chlorofluorocarbon, ay mga gas na sumisira-sa-ozone. At, ang mga CFC na ito ay nasa lahat ng dako. Ang mga ito ay ginagamit upang gumawa ng lahat ng uri ng mga produktong plastik na may foam, mula sa insulasyon hanggang sa mga tasa at mga sisidlan na gamit sa fast-food. Ang mga ito ay ginagamit bilang mga propellant sa mga latang nag-iisprey, bilang mga coolant sa mga air conditioner at mga refrigerator, at mga solvent upang linisin ang kagamitang elektroniko.
Gunita ng isang siyentipiko na nag-ulat ng panganib: “Hindi mahalagang bagay nang ako’y sumigaw ng ‘Tagumpay!’ Basta ako umuwi ng bahay isang gabi at sinabi sa aking asawa, ‘Ayos naman ang eksperimento, subalit para bang katapusan na ng mundo.’” Subalit mula sa imbensiyon ng mga CFC noong 1930, marami ang pumuri rito sa pagiging hindi nakalalason at kapuna-punang matatag. Nagkamali ba sila?
Ang Inihulang Babala
Hindi. Maliwanag ang lahat ng ito ay tama. Tama naman sapagkat ang mga ito ay napakatatag, ang mga CFC ay nananatili sa kanilang pagkamapangwasak. Pagkatapos na ang mga CFC ay tumagas sa kanilang itinapong mga air conditioner at nilamukos na plastik foam na mga tasa, ito ay marahang pumapailanglang sa stratosphere. Doon, pinauulanan ng mga sinag ng ultraviolet, ito sa wakas ay nasisira, inilalabas ang isang tunay na pumapatay ng ozone: ang chlorine. Ang mga molekula nito ay nagsasayaw ng nakamamatay na minuet sa mahinang mga molekula ng ozone, sinisira ito at umiikot upang humanap ng iba pang kapos-palad na kapareha. Ang isang molekula ng chlorine ay maaaring patuloy na magsayaw sa ganitong paraan sa mahigit na isang daang taon, pinapawi ang isang daang libong molekula ng ozone.
Ang nababahalang mga siyentipiko ay sumigaw bilang pagprotesta sa pangunahing gamit ng mga CFC—mga propellant para sa aerosol na mga isprey. Noong 1978 ipinagbawal ng Canada, Sweden, at ng Estados Unidos ang paggamit ng mga CFC sa mga aerosol, subalit iilang bansa ang gumaya. Ang masahol pa, mas maraming gamit ang nasumpungan para sa matapang na kemikal na ito, kaya ang produksiyon nito ay patuloy na dumami. Ang Estados Unidos ay kumukunsumo pa rin ng sangkapat ng taunang suplay ng daigdig.
Nasasangkapan ng mga modelo sa computer ng atmospera ng lupa, ang mga siyentipiko ay patuloy na nagbababala na ang kemikal na pagpaparumi ay unti-unting uubos sa ozone layer, dahan-dahang hinahayaan ang pagpasok ng higit na mga sinag ng UV-B. Hinamak ng industriya at ng gobyerno ang mga pag-aangkin ng mga siyentipiko, sinasabing ang kanilang katibayan ay mahina at ang kanilang mga konklusyon ay hindi napatunayan.
Tinawag ng magasing Discover ang alitang ito na “Digmaang Ozone” at sinabi na ang mga mananaliksik “sa nakalipas na mga taon ay minamalas ang isyu bilang isang napakalaking pangglobong eksperimento: taun-taon ang mga tao ay nagbubomba ng isa pang milyong tonelada ng mga CFC sa atmospera at naghihintay kung ano ang mangyayari.” Ang nangyari ay nakagulat sa lahat.
Sa halip na marahang pagnipis ng maliit na bahagi sa buong globo gaya ng inihuhula ng lahat ng mga modelo sa computer, ang antas ng ozone ay lubhang bumaba sa Timog Polo! Noong Oktubre 1984 nasumpungan ng isang pangkat ng Britanong mga siyentipiko sa Antartica na ang antas ng ozone sa itaas nila ay bumaba ng mga 40 porsiyento, nag-aanyo ng ngayo’y bantog na “butas sa ozone.” Sa simula, ang iba pang mga siyentipiko ay ayaw maniwala. Ang Britanong pangkat ay hindi gaanong kilala. Isa pa, ang ibang kagamitan sa atmospera ay hindi nagtala ng anumang malubhang pagbaba ng antas ng ozone sa Antartica.
Gayunman, gaya ng nangyari, ang mga computer na tumatanggap ng impormasyon mula sa mga satelayt ay iprinograma upang tanggihan bilang mali ang anumang pagbaba sa antas ng ozone na mahigit sa 30 porsiyento. Sinusukat ng mga makina ang butas sa ozone sa nakalipas na mga taon subalit itinatapon ang impormasyon!
Ang mga siyentipiko ay bahagyang nag-away sandali sa sanhi ng butas. Subalit nasumpungan ng mga eruplanong puno-ng-instrumento na lumilipad sa butas mismo ng ozone ang tunay na salarin—ang chlorine mula sa gawang-taong mga kemikal! Sa itaas ng Timog Polo ay isang pagkalaki-laking alimpuyo na may ulap na binubuo ng pagkaliliit na butil ng mga yelo, na nagbibigay sa chlorine ng angaw-angaw na maliliit na ibabaw kung saan magagawa nito ang nakamamatay na sayaw sa ozone nang mas mabilis.
Mula noon, maliwanag na nasumpungan ng mga siyentipiko ang isang kahawig na butas sa itaas ng Hilagang Polo. Ang dalawang butas ay napapanahon, nagbubukas at nagsasara taun-taon. Ang butas sa itaas ng Timog Polo ay halos kasinlaki ng Estados Unidos; at ang butas sa itaas ng Hilagang Polo ay halos kasinlaki ng Greenland.
Paano ka apektado ng mga butas na ito sa ozone? Ang mga ito ay nagdaan sa itaas na mga bahagi ng hilagang Europa at pinagbabantaan ang kadulu-duluhang bahagi ng Timog Amerika, subalit hindi mo kailangang tumayo sa ilalim ng isang butas ng ozone upang maapektuhan nito. Ikinatatakot ng ilang siyentipiko na ang mga butas ay gumagawa ng hangin na mahina-sa-ozone na kumakalat sa magkabilang hemispero. Sa katunayan, sa itaas ng pinakamataong mga bahagi ng Hilagang Hemispero, naubos na ang mga 3 hanggang 7 porsiyento ng ozone layer sa nakalipas na 17 taon. Dati, inaakala ng mga siyentipiko na kukuha ng isang siglo upang ang ozone ay bumaba ng 3 porsiyento!
Ang mga resulta ng pagdami ng mga sinag na UV-B na dumarating sa ibabaw ng lupa ay magkakaroon ng malawakang epekto. Ang mga sinag na ito ay pinagmumulan ng kanser sa balat sa mga tao. Pinipinsala rin nito ang sistema ng imyunidad ng tao at pinagmumulan ng mga katarata. Tinataya ng Science News na ang pagdami ng radyasyon ng UV-B ay “papatay ng 3 milyong mga tao na nabubuhay ngayon o ipanganganak bago ang 2075.”
Gaya ng pagkakasabi rito ng siyentipiko sa atmospera na si Dr. Michael Oppenheimer: “Ang mga pagbabagong ito ay makakaapekto sa bawat nabubuhay na tao at sa bawat sistema sa ekolohiya sa ibabaw ng lupa, at kaunti lamang ang ating nalalaman sa kung ano ang magiging mga pagbabagong ito.” Sisirain ng mas maraming radyasyon ng UV-B ang pagkaliliit na krill at iba pang ubod ng liit na isda at halamang dagat na nabubuhay malapit sa sahig ng karagatan, sinisira ang kawing ng pagkain sa karagatan. Ang lansakang pagkalipol ng buhay-halaman, pagkalugi sa mga ani, at pagbabago pa nga sa pangglobong huwaran ng hangin at lagay ng panahon, ang maaaring ibunga ng mahinang ozone layer. Kung magkatotoo ang alinman sa mga bantang ito sa darating ng mga dekada, tiyak na mangangahulugan ito ng problema sa tao at sa kaniyang daigdig.
Anong Pag-asa Mayroon?
Noong Setyembre 1987 mga 24 na bansa ang pumirma sa isang kasunduan na tinatawag na Montreal Protocol. Ito’y nananawagan sa mas maunlad na mga bansa na ihinto ang paggamit at produksiyon ng CFC sa antas noong 1986, samantalang binabawasan ng 50 porsiyento sa taóng 1999. Ang nagpapaunlad na mga bansa ay may higit na palugit yamang ang mga CFC ay nakikitang napakahalaga sa modernisasyon.
Ang kasunduan, na magkakabisa sa 1989 kung pagtitibayin ito ng di-kukulanging 11 bansa, ay pinapurihan bilang isang “palatandaan.” Isang pulitiko sa E.U. ay nagsaya: “Sa kauna-unahang pagkakataon, ang mga bansa sa daigdig ay sumang-ayong makipagtulungan sa isang problemang pangkapaligiran bago magkaroon ng malawakang nakapipinsalang mga epekto.”
Gayunman, hindi lahat ay natutuwa. Ang ilang siyentipiko ay nababahala anupa’t dalawang linggo lamang pagkatapos na lagdaan ang kasunduan sa Montreal, ang pinakakapani-paniwalang katibayan na ang mga CFC ang sanhi ng butas sa ozone ay inilabas. Yaong mga lumagda sa kasunduan ay pinagsabihan pa nga na huwag isaalang-alang ang mga butas sa ozone sa kanilang masusing mga pag-aaral. Sabi ng isang eksperto: “Kung taglay ng mga nag-ayos ng kasunduan sa Montreal ang mga tuklas na ito sa harap nila sila ay sasang-ayon sa ganap na paghinto sa produksiyon ng mga CFC.”
Ngunit masahol pa, ang mga CFC na kasalukuyang tumataas sa troposphere ay kukuha ng mula pito hanggang sampung taon upang pumailanglang tungo sa stratosphere. Ito’y nangangahulugan na ang mga antas ng CFC sa stratosphere ay dudoble sa kasalukuyang antas nito, sa kabila ng mga kasunduan. Gaya ng iniulat sa The German Tribune: “Kahit na kung ipatupad kaagad ang isang pagbabawal ang atmospera ay mangangailangan ng 80 taon upang ibalik sa kalagayan nito noong 1920’s.”
Samantala, gayon na lamang ang pagpapagal ng mga kompaniya ng kemikal na makasumpong ng mga kahalili para sa CFC. Ang ilan sa mga ito ay nakakitaan na ng pag-asa. Subalit ang pagsubok dito at pag-alam kung paano gagawin ang mga ito ay kumukuha ng panahon. “Kailangan natin ito ngayon, hindi bukas,” sabi ni Joe Farman, ang siyentipiko na unang nakatuklas sa butas sa ozone sa Antartica. “Tayo ay naglalagay ng mga CFC sa atmospera na limang beses na mas mabilis kaysa pag-aalis dito ng likas na paraan.” Gayunman may mabubuting dahilan upang huwag magmadali sa pagbubunsod ng mga kahalili. “Walang sinumang nagnanais na bumili ng produkto na makikita sa kusina ng lahat at pagkatapos ay masumpungan na ito ay nakalalason,” babala ng pangkapaligirang manedyer ng isang kompaniya ng kemikal.
Kaya bagaman umiiral ang pag-asa para sa isang solusyon, ang mga siyentipiko ay nababahala. Batid nila na ang atmospera ng lupa ay isang lubhang masalimuot at delikadong mekanismo; ito ay tumutugon sa polusyon ng tao nang biglaan at nang di inaasahan.
Ganito binubuod ni Dr. Oppenheimer: “Tayo’y bulag na lumilipad sa isang mataas at di-tiyak na kinabukasan.” Ang mababaw na mga solusyon sa napakalaking problema ay pagtatawanan lamang. Nang himukin ng isang opisyal ng E.U. ang isang “personal na proteksiyon” na kampaniya ng pagsusuot ng sombrero at sunglass, itinatanong ng mga kritiko kung paano isusuot ang mga sombrero sa soybeans o ang mga sunglass sa maiilap na hayop.
Waring napakalinaw na ang tanging ganap na lunas ay aani ng paggalang o magiging sapat upang lutasin ang problema. Kaya ba ng tao ang atas na ituwid ang kaniya mismong katakut-takot na pagkakamali laban sa planetang ito? Waring hindi nga gayon. Ang tao ay bihirang kusang gagasta ng salapi sa paglilinis ng kaniya mismong dumi malibang siya ay totoong nasasakal na nito. Hindi ba’t mas matalinong umasa sa Tagapagdisenyo ng ating masalimuot na kapaligiran para sa lunas? Maliwanag, nakita na niya noon pa ang ating maligalig na panahon nang kaniyang ipangako na “ipapahamak yaong mga nagpapahamak sa lupa.”—Apocalipsis 11:18.
[Kahon sa pahina 25]
ANG KABALINTUNAAN NG OZONE
Ang ozone ay nagliligtas-buhay na panangga. Ang ozone ay nakalalasong tagapagparumi. Maaaring narinig mo itong inilarawan sa dalawang paraan. Alin ang totoo? Pareho! Sa stratosphere na nararapat na dako nito, ang ozone ay isa ngang tagapagligtas-buhay. Subalit dito sa ibaba sa troposphere, ang ozone ay isang kakambal na produkto ng polusyon ng tao. Ang mga tao ay naglalabas ng napakaraming hydrocarbon sa hangin, karaniwan sa pagsusunog ng gasolina sa mga kotse. Binabago ng liwanag ng araw ang mga hydrocarbon na ito upang maging ozone.
Ang mga tao ay hindi dapat makalanghap ng ozone. Pinipinsala nito ang bagà. Sa katunayan, kamakailan lamang natalos ng mga siyentipiko na ito ay mas mapanganib sa kalusugan ng tao kaysa dating inaakala. Ang ilan ay agad na nawagan para sa mas mahigpit na mga pagbabawal sa polusyon ng ozone—na walang gaanong tagumpay.
Nakikita mo ba kung paano naging gayong kabalintuna ang krisis sa ozone? Sa itaas kung saan kailangan ang ozone, sinisira natin ito. Dito naman sa ibaba kung saan ang ozone ay nakalalason, ginagawa natin ito!
Subalit maaaring itanong mo: ‘Bakit hindi na lamang natin ipadala ang mababang ozone sa itaas sa stratosphere kung saan ito kailangan?’ Sa isang bagay, ang ozone ay napakabuway upang maglakbay; masisira na ito bago pa nito marating ang taas na iyon. Ang ilang siyentipiko ay nangarap ng hindi kapani-paniwalang panukala upang ihatid ang ozone doon sa itaas sa pamamagitan ng mga sasakyang panghimpapawid, mga jet, o missiles. Gayunman, inaamin nila na ang halaga ay magiging ubod ng laki. Maliwanag, ang tanging tunay na lunas ay huwag sirain ito sa itaas o gawin ito dito sa ibaba.
[Dayagram sa pahina 26]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Stratosphere
Mga Sinag ng Ultraviolet
Ozone Layer sa Stratosphere
Troposphere
Lupa
Latang Nag-iisprey
△ Mga CFC
→ Chlorine
● Ozone