Ang Pangmalas ng Bibliya
Ano ba ang Layunin ng Buhay?
MARAMI na nagtamo ng katanyagan at kayamanan ang nakasumpong na ang kanilang “tagumpay” ay hindi gumagarantiya ng kaligayahan. May kulang sa kanilang buhay, subalit ano?
Yaong abalang-abala sa paghahanapbuhay o sa paggawa ng pangalan para sa kanilang mga sarili upang mag-alala kung bakit tayo naririto, ay maaaring masindak kapag natamo nila ang pinakahahangad nilang tunguhin. Taglay ang bagong tuklas na prestihiyo, ang buhay ay maaaring biglang maging magulo at nakapapagod kung ito ay walang marangal na layunin. Ang puntong ito ay lubhang nakaimpluwensiya sa mayamang Haring Solomon: “Nang magkagayo’y minasdan ko ang lahat ng . . . gawain na pinagpagalan ko upang matapos, at, narito! lahat ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala, at hindi mapapakinabangan.”—Eclesiastes 2:11.
Marami sa atin ang masisiyahan na magawa ang maliit na bahagi ng mga proyektong nagawa ng matalino at masiglang haring ito. (Eclesiastes 2:4-9) Gayunman, maliwanag na kahit na ngayon ang ating personal na tagumpay ay “hindi lubhang nauugnay sa panlahat na kaligayahan,” sang-ayon sa mga mananaliksik sa Columbia University (E.U.A.) Ano ang nakatutulong? Ayon sa kanilang pag-aaral, “ang pagtitiwala sa gumagabay na mga pagpapahalaga ng isa,” at “ang paniniwala na ang buhay ay may kahulugan.” Nakalulungkot sabihin, napakaraming tao ang humihinto sa paghanap sa kahulugang iyon at sa halip ay iniisip ang tungkol sa pagwawakas sa kanilang buhay.
Sa katunayan, ang mga kaisipan tungkol sa pagpapatiwakal ay bumabagabag sa isa sa bawat tatlong magagaling na mga estudyante sa Amerika, sang-ayon sa isang surbey noong 1987. Bakit? Sapagkat personal na nadarama ng tila matagumpay na mga lider na estudyanteng ito ang kanilang kawalang-halaga, ginigipit upang magtagumpay, o nakabukod at nalulumbay. Oo, upang makadama ng kaligayahan sa ating sarili, kailangan natin ang pagkadama ng halaga-sa-sarili—isang makabuluhang buhay, isang mataas na tunguhin sa buhay, o basta isang mabuting dahilan upang mabuhay.
Tayo’y Naririto sa Mabuting Kadahilanan
Hindi mo na kailangang tumingin pa sa malayo para sa patotoo na ang buhay ay hindi nagkataon lamang. Pag-isipang mabuti ang tungkol sa karaniwang mga bagay—ang masalimuot na disenyo ng isang dahon, ang pagsilang ng isang sanggol, ang kasindak-sindak na sansinukob. Ang natural na konklusyon ay hindi maiiwasan na may isang nagdisenyo sa mga bagay na ito sa isang kadahilanan. “Ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita . . . sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniya mang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.”—Roma 1:20.
Kaya ang mga tao ay nagtatanong, “Bakit tayo naririto?” Natumbok ng Canadianong manggagamot na si William Osler ang pangunahing sagot nang sabihin niya: “Tayo ay naririto upang magdagdag ng kung ano ang maidaragdag natin sa buhay, hindi kung ano ang makukuha natin mula rito.” (Amin ang italiko.) Isang Kristiyano, na pinilit na sagutin ito sa 25 o mas kaunti pang mga salita, ay nagsabi: “Sa palagay ko ay aking masasabi na tayo’y naririto upang gawin ang lupa na isang paraiso.”a (Genesis 1:28; 2:8, 15) Subalit—gumawa ng isang paraiso? Kaya ba nating mga tao ang gayong atas?
Nagsisimula Pa Lamang Tayo!
Ang ating kasalukuyang haba ng buhay ay nagpapangyari sa atin na pahapyaw na malaman kung ano ang idinisenyong gawin natin. Isip-isipin ang 100 bilyon o mahigit pang mga selula ng nerbiyos at ang iba pang mga selula sa iyong utak. Ang dami ng mga koneksiyon na ginagawa ng mga selulang ito sa isa’t isa ay tinatayang 10800. Ang bilang na ito ay nakalilitong 10700 na ulit ng dami ng mga atomo sa uniberso! Gunigunihin kung ano ang matutuhan at magagawa mo kung ikaw ay malayang makapaglalakbay, gugugol ka ng walang-hanggan upang pag-aralan ang mga paksang nakakainteres sa iyo, at linangin mo ang mga talino o kasanayan na nais mo. Anong potensiyal upang pagyamanin ng tao ang maaaring natatago sa bawat isa sa atin?
Subalit kung taglay mo ang walang-takdang panahon at mga bagay na may halaga upang paunlarin ang iyong mga kakayahan, maiiwasan mo bang mabagot? Oo—sa pamamagitan ng pag-unawa, gaya ng sa wakas ay ginawa ni Solomon, na ang pagbibigay-kasiyahan sa sarili ay madaling kinababagutan!
Ang lunas ni Solomon? “Alalahanin mo rin naman, ngayon, ang iyong Dakilang Maylikha,” ang payo niya. Kung hindi, ang araw ay tiyak na darating sa iyo na iyong sasabihin: “Wala akong kaluguran sa mga yaon.” Sa gayunding paraan, sinabi ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa pagtanggap.”—Eclesiastes 12:1, 13; Gawa 20:35.
Ang Susi sa Kasiyahan
Kaya, ikinatuwiran ni Jesus na may dalawang bagay na mahalaga sa buhay, una ay “ibigin si Jehovang iyong Diyos” at ikalawa ay ibigin ang “iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.” Ito’y kasuwato ng lahat ng bagay na nalalaman natin tungkol sa pagkaumaasa sa isa’t isa ng buhay-hayop at buhay-halaman. Yamang ang lahat ng nakabababang anyo-ng-buhay na ito ay ginawa upang lubhang umasa sa isa’t isa, hindi ba makatuwiran na tayong mga tao taglay ang pagkalaki-laking potensiyal ay ginawa upang makipagtulungan sa isa’t isa at paglingkuran ang mismong Bukal ng buhay, si Jehova?—Mateo 22:37-39; Awit 36:9.
Ang walang-katapusang maibiging mga paggawa—na nagpapatibay ng ating kaugnayan sa mga tao at sa Diyos—ay magpapanatili sa ating mga buhay na makabuluhan magpakailanman. Ang maligayang pagbibigay na ito ang susi sa isang kasiya-siyang buhay ngayon at sa darating na “bagong lupa.”—Isaias 65:17, 18.
[Talababa]
a Tingnan ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Kahon sa pahina 27]
Walang-hanggang Buhay—Pagpapala o Sumpa?
Ang physicist-autor na si Dr. Robert Jastrow ay tinanong, “Ang walang-hanggang buhay kaya ay magiging isang pagpapala o sumpa sa sangkatauhan?” Ang sagot niya? “Ito ay magiging isang pagpapala sa mga may mausisang isip at may walang-katapusang gana para matuto. Ang kaisipan na sila ay walang-hanggang kukuha ng kaalaman ay magiging labis na kaaliwan para sa kanila. Subalit para sa iba na nag-aakalang natutuhan na nila ang lahat ng dapat matutuhan at na ang mga isipan ay sarado, ito ay magiging isang kakila-kilabot na sumpa. Wala silang paraan upang punan ang kanilang panahon.”—“Times-Advocate,” Escondido, California, Pebrero 19, 1984.
[Larawan sa pahina 26]
Ang utak ng tao ay idinisenyo upang maglingkod sa atin nang walang-hanggan