Ang Liyab ng Olimpik ay May Anino
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Canada
ANG apoy at liyab ay nakatawag-pansin sa tao mula sa simula ng kasaysayan. Malamang na may takot na minasdan ng unang mga tao ang “nagniningas na tabak” na humahadlang sa pagpasok sa hardin ng Eden. (Genesis 3:24) Gayunman, may isa pang liyab, ang liyab ng Olimpik, ay pumukaw ng maalab na damdamin sa puso ng maraming tao.
Magugunita ng ilan kung paano matagumpay na tinawid ng liyab na ito ang mga karagatan at mga kontinente sa pamamagitan ng iba’t ibang anyo ng transportasyon mula sa Olympia, Gresya, hanggang sa marating nito ang Calgary, Canada, o ang Seoul, Republika ng Korea, upang buksan ang 1988 XV Olympic Winter Games at ang XXIV Olympic Summer Games. Habang ang liyab ay dinadala ng mga tao na naglalakad, nasa silyang de gulong, sakay ng mga snowmobiles, at mga dogsled milya-milya sa ibayo ng Canada, ang mga damdamin ay umabot sa isang sukdulan anupa’t ang magasing Maclean’s ay naudyukang gawing ulong balita ang isang artikulong “Liyab ng Silakbo ng Damdamin.”
Ang iba, gayunman, nang suriin ang pinagmulan ng liyab ng Olimpik, ay iba ang pagkaunawa sa mga bagay-bagay. Sa kanila ang liyab ay nag-iiwan ng nakababagabag na anino.
Ang Liyab ay Binuhay-muli
Sa kalakhang bahagi, ang mga alamat ng unang mga tao ay nagsasabi na ang apoy ay mula sa langit bilang kaloob ng Diyos. Sa mitolohiyang Griego, ninakaw ni Prometheus ang apoy mula sa mga diyos sa Bundok Olympus at ibinigay ito sa mga tao. Ang apoy ay napakahalaga anupa’t sa ilang lipunan isang walang tigil na apoy ay pinananatiling nagliliyab. Sa Gresya maraming tahanan ang may banal na dapóg, na kumakatawan sa buhay, o espiritu, ng mga tao. Sa Roma isang templo ang inialay sa pagsamba kay Vesta, ang diyosa ng dapóg.
Noong unang Olympic Games noong 776 B.C.E., isang daang baka ang inihain kay Zeus, at isang saserdote ang nakatayo sa dulo ng istadyum na may hawak na sulo. Ang mga manlalaro ay nag-uunahan sa dulo ng istadyum sa kinaroroonan ng saserdote. Ang nagwagi ang may pribilehiyo na kunin ang sulo at sindihan ang apoy sa altar para sa mga hain. Ang apoy ay makasagisag na nagliliyab sa panahon ng palaro sa karangalan ng haing ito kay Zeus.
Walang lumitaw na anumang rekord ng pagkakaroon ng liyab nang muling itatag ni Baron Pierre de Coubertin ang palaro noong 1896. Gayunman, iniulat na isang liyab ng Olimpik ang pinagdingas sa palaro ng 1928 sa Amsterdam at sa palaro ng 1932 sa Los Angeles.
Subalit kailan nag-umpisa ang ideya na pagdadala ng sulo sa modernong panahon? Ang magasing Maclean’s ay nag-uulat na noong 1936 ang Partido Nazi, tagapagtaguyod ng Berlin Summer Games, ay nag-organisa ng 12-araw na pagtakbo mula sa Olympia, Gresya, hanggang sa Alemanya, gumagamit ng tatlong libong mga tagapagdala ng sulo. Ang mga lider ng Third Reich ay mga eksperto sa pagkuha ng pinakamaraming pagtugon mula sa mamamayan. Sabi pa ng Maclean’s: “Ang pagdating ng liyab ay pumunô sa panimulang seremonya ng Palaro ng walang katulad na drama, at ang ideya ay nanatili.”
Ganito ang sabi ng Griegong autor na si Xenophon Messinesi: “Walang ibang seremonya ang waring lumilikha ng gayong impresyon na gaya ng Liyab na nagmumula sa Olympia, kung minsan nagsisimulang maaga ng dalawang buwan. Iniuugnay nito ang idaraos na Palaro sa relihiyosong kapahayagan na pinaging banal sa nakalipas na mga dantaon.”
Ang Palaro ay Muling Binuhay
Ang orihinal na Olimpiks ay idinisenyo upang pag-alabin ang mga liyab ng pagsamba. Ito ay nagsimula bilang isang relihiyosong kapistahan sa karangalan ni Zeus, ang kataas-taasan sa mga diyos sa Olympia. Ang mga palarong ito ay ginaganap tuwing ikaapat na taon, mula noong 776 B.C.E. hanggang noong 394 C.E., nang ang “naging Kristiyanong” Romanong emperador Theodosius “ay nag-utos na dapat ihinto ang ‘paganong mga kapistahan.’” Noo’y bahagi ng Imperyong Romano, ang Gresya ay sumunod.
Gayon na lamang kahigpit ang Romanong kautusang ito anupa’t sa nakalipas na mga dantaon ang orihinal na dako ng Olympic Games ay hindi matagpuan at nanatiling hindi nalalaman hanggang noong 1800’s. Pagkatapos “ang muling pagtuklas dito ay nag-udyok ng pagnanais na ipanumbalik ang tradisyong Olimpik kaya, noong 1896, ang unang makabagong Olympic Games ay ginanap” sa Atenas, ulat ng The Toronto Star.
Ang makabagong kilusan sa Olimpik ay may mataas na tunguhin: ang paghahangad ng mas mabuting pamantayang panlipunan. Si Bruce Kidd, sumusulat sa Calgary Herald, ay nagsabi: “Itinatag ng pundador na si Pierre de Coubertin ang makabagong Palaro bilang ang pokus para sa kilusang panlipunan na tutulong upang gawing mas mabuting dako ang daigdig sa pamamagitan ng pagpapalaganap sa makataong pilosopya ng Olimpismo at malawak na mga gawaing pang-edukasyon.” Natamo ba ng palaro ang matayog na tunguhin nito? Sinabi rin ni Kidd, tagapangulo ng Olympic Academy of Canada at dating kalahok sa Olimpik, na “ang Kilusang Olimpik ay nag-aangking maging isang sekular na relihiyon” at na “ang Kilusang Olimpik ay karaniwan nang naging isang puwersa sa ikabubuti, subalit ito ay hindi nakatutugon sa lubhang pinanghahawakan nitong mga mithiin.”
Marahil hindi nito natatamaan ang marangal na tanda nito sapagkat ang pagpapabuti sa lipunan ay napakahirap sa konteksto ng masyadong kompitensiya sa isports. Isa pa, ikinumpromiso ng uring ito ng kompitensiya ang mga huwaran sa likuran ng makabagong liyab ng Olimpik.
Manalo Anuman ang Mangyari
Ang labis na pagnanais na manguna sa isang pambansa at sa indibiduwal na antas, anuman ang mangyari, ay malaki ang nagawa sa malaganap na paggamit ng mga droga na nakadaragdag-sa-pagtatanghal. Ang paggamit na ito ng droga ay maaaring humantong sa mga suliranin sa isipan mula sa matinding panlulumo tungo sa mga silakbo ng marahas na galit. Sa Calgary Herald, si Dr. Harrison Pope ay sinipi na nagsasabi: “Mayroong mas mataas na insidente ng mga sintomas ng pagkasira ng isip dahil sa anabolic steroids kaysa dating inaakala ng sinuman sa atin.” Isang doktor na kaugnay sa koponan ng E.U. sa Olimpik ay nagsabi: “Hindi ka maaaring makipagpaligsahan ngayon sa internasyonal na isport nang hindi gumagamit ng anabolic steroids.”
“Ginagamit natin ang inhinyerya ng katawan upang gawing mas malaki, mas mabilis, mas malakas ang mga taong ito,” susog pa ng isang doktor ng koponan sa Olimpik. “At lalo pa itong magiging barbariko. Gagawin ng mga tao ang lahat ng bagay upang mapahusay ang kanilang pagtatanghal.” Kilala ito bilang ang “manalo-sa-anumang-paraan na syndrome at, mas nakababahala pa, ang “Frankenstein syndrome.” Ang sawikain ni Coubertin na, “Ang pinakamahalagang bagay ay hindi ang manalo kundi ang makibahagi,” ay tila ba ganap na walang kaugnayan sa isang lipunan na idinadahilan ang lahat ng pagsisikap sa paghahangad ng “ginto”—tagumpay at kasunod na pagpapatibay at bayad sa pag-aanunsiyo.
Ang blood doping, mga hormone ng tao sa paglaki, artipisyal na paglalagay ng semen na sinusundan ng aborsiyon, at ang paghahalili ng ihi ay pawang bahagi ng isang pakana na ginagamit ng ilang mga manlalaro sa Olimpik upang daigin ang pagsubok sa droga at upang pagbutihin ang kanilang pagtatanghal sa palaro. Sang-ayon sa The Toronto Star, ang ibang manlalarong babae “ay artipisyal na nilalagyan ng semen bago inilalaglag ang ipinagbubuntis pagkaraan ng dalawa o tatlong buwan upang samantalahin ang nararamdamang pagdami ng hormone.” Ang iba pang manlalaro ay “sinusonda ang kanilang sarili ng ‘malinis’ o walang-drogang ihi mula sa iba pagkatapos na ilabas nila ang kanilang ihi na may bakas ng droga. . . . Ang ‘malinis’ na ihi ay ipinapasok sa pantog sa pamamagitan ng tubong isinusonda nila sa kanilang sarili bago ang paligsahan upang kung ang mga manlalaro ay hilingan ng pagsubok sa ihi walang makikitang bakas ng droga sa kanilang ihi.” Ang blood doping ay isang paraan kung saan inaalis ng manlalaro ang ilang pulang selula ng dugo, na natural na hinahalinhan ng katawan, at saka bago ang paligsahan ay hinahalinhan ang inalis na dugo upang bigyan ang mga kalamnan ng ekstrang dami ng oksiheno.
Kung tungkol sa mas mabuting pag-unawa sa isa’t isa sa isang anyo ng pagkatuto sa kultura ng bawat bansa, ang nagpapaligsahang pambansang mga kampo ay may hilig na manatiling sama-sama, ang bawat pangkat ng media ay nagbubuhos ng pansin sa kaniyang sariling bansa at koponan. Kaya ang “banal na liyab” ay kaunti lang ang nagagawa upang buwagin ang pambansang mga hadlang. Gaya ng pagkakita rito ng isang manunulat: “Ang mangyayari . . . sa Winter Olympics sa Calgary, susundan ng katumbas na Olimpik sa tag-araw sa Seoul, ay wala kundi isang palabas para sa isang bansa na makipagpaligsahan upang internasyonal na kilalanin sa kani-kanilang sistema ng kahigitan.” Anong pagkatotoo nga nito! Sinabi pa ng isang punong opisyal ng medisina sa isang koponan ng Olimpik na ang mga manlalaro “ay mga sundalo. Kung sila ay magwawagi, ang aming kultura ay ipinalalagay na nakahihigit na kultura.” At ang pangwakas na dami ng medalya ang panukat.
Ang liyab ng Olimpik at ang marangal na mga ambisyon na kinakatawan nito ay sinawata ng pulitika, komersiyalismo, at ngayon ng pag-abuso sa droga. Pagkaraan ng malaking iskandalo sa droga sa Seoul Olympic Games, kung saan ang mananakbong taga-Canada na si Ben Johnson at iba pa ay inalisan ng kanilang medalya, ang isa ay tiyak na magtatanong, Ano pa kayang halaga ang ibabayad upang matamo ang panandaliang kaluwalhatian?
[Larawan sa pahina 25]
Ang liyab ng Olimpik na parating sa Calgary, Canada, Winter Olympics noong 1988