Malambot na Korales—Bulaklak na Hayop sa Dagat
ANO ang naiisip mo kapag naririnig mo ang isa na bumigkas ng korales?
Marahil naiisip mo ito bilang isang pangunahing materyal sa pagtatayo kung saan nag-aanyo ang maraming tropikal na isla at mabuhanging dalampasigan. Kung ikaw ay nakatira sa Caribbean, marahil ang iyong bahay ay yari sa mga bloke ng korales na tinibag mula sa lupa. O marahil ang paborito mong alahas na yari sa mataas na uring korales ay pumapasok sa isipan. Walang alinlangan, ang uring ito ng korales ang tinutukoy ng manunulat ng Kawikaan nang inilalarawan nito kung ano ang katulad ng isang mabuting asawang babae sa kaniyang asawang lalaki.—Kawikaan 31:10.
Ang isang hayop na korales, ang polyp, ay nagsisimula ng buhay bilang isang munting kalipunan ng mga selula na lumabas sa katawan ng magulang at tinangay ng agos ng karagatan hanggang sa marating nito ang angkop na lugar kung saan ito ay maaaring dumuon nang permanente. Sa matigas na korales, ang balangkas ay nagsisimulang mag-anyo pagkatapos na ang larva ay kumapit sa isang matatag na ilalim at nagsisimulang maglabas ng calcium carbonate upang mag-anyo ang matigas, mabatong panlabas na balangkas. Ang mga korales na ito ay lumalago sa bilis na hanggang isang daang milimetro sa isang taon.
Subalit naisip mo na ba ang tungkol sa korales bilang isang malambot, maselang bulaklak? Maraming iba’t ibang uri ng malambot na korales na, dahil sa kanilang iba’t ibang hugis at kulay, ay tinawag na bulaklak na hayop. Ang malambot na korales ay nagsisimula rin ng buhay bilang lumalangoy na larvae subalit bihirang maglabas ng maraming balangkas ng calcium carbonate. Ang malambot at tulad-punungkahoy na mga korales samakatuwid ay maaaring lumago nang mas mabilis kaysa matigas na mga korales at hindi gaanong permanente.
Ang isa sa malambot na korales na iyon ay may malaki, parang goma, tulad-punungkahoy na katawan at tinatawag na isang bulaklak na hayop sapagkat ito ay katulad ng isang magandang bulaklak, kahit na ang korales ay hayop sa halip na buhay halaman. Ang puno ng korales ay sinusuportahan lamang ng isang maliit at tulad-karayom na calcite spicules (na kahawig ng hiniwang almendro) at hydraulic pressure sa loob ng malamang himaymay ng katawan nito. Ang mga korales na ito ay umiinom ng tubig-dagat upang bigyang anyo ang kanilang laman, kung paanong ang mainit na hangin ay pumupuno sa mga lobong binobomba ng mainit na hangin, subalit ang presyon ng tubig ay hindi gaanong malakas, ni ang tubig man kaya ay mainit. Gayunman, ang presyon ng tubig ay sapat lamang, kasama ang epekto ng nakapaligid na tubig, anupa’t ang katawan at mga sanga nito ay nasusuportahan. Dahil sa kayarian nito, ang uring ito ng korales ay bihirang lumaki pa ng mahigit na isang metro at mas gusto nito ang mga lawa at mahinahong mga dako sa karagatan.
Kapag lumalaki sa kanilang tulad-punungkahoy na anyo, ang mga puno ng korales na ito ay napakaganda, ipinagugunita sa nagmamasid ang tungkol sa isang maganda’t makulay na hardin ng mga bulaklak na punô ng pagkaririkit na mga bulaklak. Sa nakikitang paraan, ang kanilang lagusan ng liwanag at naaaninag na katawan ay kasiya-siya sa paningin habang binibihag nila ang liwanag at kulay ng tubig, habang ang sumusuhay na mga sanga ay nagkakaroon ng puti, dilaw, ginto, rosas, pula, o muradong polyps.
Ang isa pang uri ng malambot ng korales ay ang korales na daisy. Ang korales na daisy ay pinanganlang gayon dahil sa pagkakahawig nito sa kapangalan nito, ang daisy. Marami ring iba’t ibang klase ng korales na daisy, at ang mga ito ay makikilala sa bilang ng “mga talulot” (mga galamay) na nakapalibot sa bibig ng polyp.
Ang pinong puti o kulay-balat-at-puting mga korales na ito ay hindi makulay na gaya ng mga korales na puno, subalit ang laki nila, ang haba ng tangkay, at hugis ay kasiya-siyang pagmasdan sa batuhan. Ang isang kolonya ay maaaring lumago nang mga 4 hanggang 6 na metro sa ibayo at maaaring ipadama sa maninisid ang pagmamasid sa isang parang ng mga daisy na tumatakip sa paanan ng burol. Ginagalaw ng agos ang mga polyp at nagbibigay ng ilusyon na pinagagalaw ng hangin ang mga daisy, pinapangyari ito na marahang sumayaw sa indayog ng kilos ng tubig.
Ang isa sa paborito ng maninisid na uri ng korales ay ang pamaypay-dagat. Ang maygulang nang pamaypay-dagat ay kaakit-akit na maganda, maringal na kolonya ng korales. Ang pamaypay ay isang malapit na kamag-anak ng malambot na korales, subalit dahil sa kayarian nito, ito ay tinatawag na “matinik na korales.” Ang uring ito ng korales ay may mga polyp na nasa malambot ng suson ng himaymay na nakapaligid sa isang panloob, tulad-kahoy na tangkay. Ang tangkay na ito ay naglalaman ng gorgonin (isa pang karaniwang pangalan para sa pamaypay-dagat ay gorgonian), proteina na kahawig ng keratin, na ginagamit sa biolohikal na paggawa ng mga kuko, buhok, at paa.
Ang katawan ng mga pamaypay na ito ay karaniwan nang makapal, matibay, at matigas. Habang ang mga sanga ay yumayabong (kadalasa’y mga ilang metro), ito ay nagiging mas nababaluktot, marahang kumakaway sa malakas na agos, na nagdadala sa kanila ng maliliit na mga organismo na nagpapalago sa kanila.
Iba’t iba ang kulay ng pamaypay-dagat mula sa kulay kayumanggi, ginto, at dalandan hanggang sa murado at matingkad na pula. Lalo pa itong maganda kapag ang pino’t lumilitaw na mga polyp ay lumalabas upang kumain at ganap na tinatakpan ang mga sanga ng kanilang magandang-kilos na tulad-balahibong mga galamay.
Kaya, kapag isinasaalang-alang ang korales, dapat isaalang-alang ng isa na hindi lahat ng korales ay mahalaga o ginagamit bilang panimulang bloke, subalit lahat ng korales ay maganda. Minsan pa’y binibigyan tayo nito ng pagkakataon na bulaybulayin ang maraming pagkasarisari ng buhay na masusumpungan sa paglalang at sa maraming pagkakasarisari sa bawat uri ng buhay. Kapag tayo’y nagbubulaybulay, tayo’y nasisindak sa mapanlikhang kakayahan, imahinasyon, at katalinuhan ng Maylikha. (Awit 104:24) Sino nga ang makauunawa sa karunungan at kaalaman ni Jehova!—Roma 11:33.
At kung isasaalang-alang natin ang buhay sa mga karagatan, na sumasaklaw ng mahigit 70 porsiyento ng ibabaw ng lupa, mamamangha tayo sa mga salita ng salmista na nagsabi sa Awit 104:25: “Kung tungkol sa dagat na napakalaki at napakaluwang, naroon ang gumagalaw na di mabilang na mga bagay, ang nabubuhay na kinapal, ang munti at ang malalaking hayop din naman.
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
Itaas: Leather daisy
Ibaba: Malambot na mga puno ng korales
Kabilang pahina: Itaas: Katawan ng malambot na korales
Ibaba: Malambot na korales at isdang grouper
[Mga larawan sa pahina 26]
Itaas: Iskarlatang pamaypay-dagat
Ibaba: Gintong pamaypay-dagat