Tulong sa mga May Pantanging Pangangailangan
KARANIWAN nang hindi gaanong iniintindi ng mga taong walang pinsala sa mga pandamdam ang mga taong may pinsala ang pandamdam, maliban na lamang kung ang mga ito ay mga miyembro ng kanilang pamilya. Gayunman, ang bagay na ito ay kailangang bigyang pansin. Sa Britaniya may debate sa kung paano yaong napinsala ang pandamdam ay maaaring isama sa pamayanan.
Binabanggit ni Jack Ashley, isang Britanong Miyembro ng Parlamento na bingi, ang pangangailangan ng pang-unawa. “Karamihan ng mga tao ay walang kaalam-alam sa mga problema ng mga bingi,” sabi niya. “Higit sa lahat, [ang bingi] ay nangangailangan ng pang-unawa sa mga taong nakaririnig, pagpapahalaga sa tindi ng kanilang kawalang-kaya, at paggalang sa kanilang indibiduwal na mga katangian na hindi napinsala, maliban sa guniguni ng iba.”—Amin ang italiko.
Hindi komo ang mga tao ay bingi ay nangangahulugan na ang kanilang isipan ay napinsala sa anumang paraan. Gayunman, isang matalinong babae na hindi makarinig ang nagsabi na wari bang ipinalalagay ng mga tao na siya ay mentally retarded. Nang silang mag-asawa ay kapanayamin ng isang ahente ng seguro, tinanong niya sila kung bakit sila nakatitig sa kaniya. Nang malaman ng ahente na sila kapuwa ay bingi at sinisikap nilang basahin ang sinasabi niya sa pamamagitan ng kaniyang labi, agad niyang naunawaan.
Gayundin naman, karaniwan nang ang iba ay asiwa kapag kasama ng bulag. Bagaman ang karamihan ay maaaring nais tumulong kapag isang bulag na tao ay naghihintay tumawid ng kalye, hindi lahat ay humihinto at ginagawa ang gayon. Bakit? Kadalasang dahil sa hindi niya alam kung ano ang magiging reaksiyon ng bulag na tao sa iniaalok na tulong. Gayunman, karaniwang tinatanggap ng bulag ang tulong kung ito ay iniaalok sa natural, magalang na paraan, kung paanong maaaring tulungan ang isa na may edad na o isa na waring nangangailangan ng tulong sa pagbubuhat ng isang mabigat na pasan. Kaya nga, anong inam na daigin ang mga damdamin ng pagkaasiwa at may kabaitang tumulong!
Kung kailangang isuko mo ang isa sa lima mong sangkap sa pandamdam, marahil ay pipiliin mo ang iyong pangamoy. Ito ay itinuturing na hindi gaanong mahalaga kaysa ibang mga pandamdam. Subalit isang babaing nawalan ng pangamoy ay nanaghoy: “Para ba akong may sagabal sa lahat ng paraan. Sa tuwina’y gusto kong magluto subalit imposible ito. Alin sa ito ay sobra-ang-pampalasa o kulang-ang-pampalasa.”
Kaya kahit na ang pagkawala ng wari’y hindi gaanong mahalagang pandamdam na ito ay maaaring maging kalunus-lunos. Ganito ang sabi ni Ellis Douek ng Guy’s Hospital, sa London: “Dapat mong seryosong isaalang-alang [ang kawalan ng pangamoy]. Ang karamihan ng mga dumaranas nito ay lubhang nahahapis at ang ilan ay aktuwal na nanlulumo. Inaakala nilang sila’y nabubuhay sa isang daigdig na walang kulay. Ang pangamoy ay maaaring magkaroon ng mas matinding emosyonal na kahulugan kaysa nababatid ng mga tao.”
Ang tindi ng pinsala ay maaaring magkakaiba sa isa’t isa. Ang isa ay maaaring ganap na bingi, walang pandinig, samantalang ang isa ay maaaring nahihirapan lamang makarinig sa ilalim ng ilang kalagayan, marahil kapag napakaingay sa paligid. Sa katunayan, karamihan ng mga bingi ay nakaririnig ng ilang tunog, kahit na hindi nila marinig ang salita. Kahawig ito ng paningin. Ang ilang tao ay ganap na bulag. Subalit sa Estados Unidos, ang isang tao ay ipinalalagay na legal na bulag kung siya ay nakakakita lamang mula sa layo na 6.1 metro (na may salamin o mga contact lens) na nakikita ng may normal na paningin sa layo na 61 metro.
Tulong Buhat sa Teknolohiya
Upang pakitunguhan ang sarisaring antas ng kapinsalaan, ang may kasanayang mga propesyonal ay maraming aparato upang sukatin ang lawak ng pinsala. Halimbawa, ang mga teknisyan ay gumagamit ng kagamitan upang malaman ang antas ng pandinig. Pagkatapos aalamin ng mga doktor ang uri ng pinsala. Ang problema ba ay dahil sa maling paghahatid ng elektrikal na mga impulso sa utak? Ang pinsala ba ay maaayos sa pamamagitan ng operasyon?
Sa gayunding paraan, sinusukat ng mga espesyalista at mga kasangguni sa mata ang mga kakayahan ng mata. Ang kanilang mga tuklas ay tumutulong sa mga doktor na malaman ang sanhi ng depekto sa mata at ang posibleng paggamot. Halos 95 porsiyento ng lahat ng kaso ng pagkabulag ay sinasabing dala ng karamdaman, at ang iba pa ay dahil sa mga pinsala.
Minsang malaman ang sanhi at lawak ng pinsala sa pandamdam, maaaring pag-usapan kung anong tulong ang maibibigay. Ang teknolohiya ay nagbibigay ng ilang kasagutan sa anyo ng mga kagamitan na tutulong sa napinsalang pandamdam. Para sa napinsalang pandinig, nariyan ang hearing aids, mga aparatong pinaaandar ng batirya na may bahaging ipinapasok sa tainga na hinubog upang magkasiya sa loob ng tainga ng tao. Tinutulungan nito ang isang taong bingi na makarinig ng mga salita. Para sa napinsala ang paningin, karaniwan nang inihahatol ang paggamit ng mga salamin o mga contact lens. Kahit na ang simpleng mga bagay na gaya ng mga lente (magnifying glass) ay malaking tulong sa marami. Ang iba pa ay natulungan sa pamamagitan ng corneal transplants.
Para naman sa mga nawalan ng kanilang pangamoy, ang suliranin ay maaaring matunton sa nasal polyps, mga problema sa sinus, talamak na sipon, mga alerdyi, at rhinitis. Marami sa mga kalagayang ito ay maaaring gamutin at napagagaling sa pamamagitan ng gamot.
Bagaman kadalasang napabubuti ng medisina at ng teknolohiya ang kalagayan ng mga taong napinsala ang pandamdam, may iba pang mahalagang pinagmumulan ng tulong.
Sariling-Tulong
Yamang ang isang paraan ng paggamot ay maaaring hindi laging matagumpay o kanais-nais, dinadaig ng maraming taong may pinsala ang pandamdam ang malulungkot na resulta ng kanilang mga kapansanan sa pamamagitan ng lubusang pamumuhay ayon sa kanilang potensiyal. Ginawa nila ang gayon sa pamamagitan ng lubusang paggamit sa mga kakayahan at mga talinong taglay nila. Ang isang tao na gumawa nito ay si Helen Keller, isang bantog na autor at lektyurer, na kapuwa bulag at bingi. Ngunit marami pang ibang taong may pinsala sa pandamdam ang nanguna sa iba’t ibang larangan.
Kapag nadarama ng isang taong may kapansanan na siya ay hinahamon na paunlarin ang kaniyang mga kasanayan, ang resulta ay karaniwang mas malaking pagsasarili at paggalang-sa-sarili, huwag nang banggitin ang tulong na maaaring gawin ng gayong naganyak na tao sa iba pa. Si Janice, na kapuwa bulag at bingi, ay nagsasabi: “May malaking lakas sa pagpunô sa kawalan. Kahanga-hangang maunawaan kung paano tayo ginawa ng Diyos na Jehova sa kagila-gilalas na paraan anupa’t napupunan natin ang ilang kawalan.”
Kapaki-pakinabang ng mga Kaugnayan
Maraming tao na bulag o bingi ang nag-iisa. Wala silang kasama. Paano mapupunan ang mahalagang pangangailangang ito?
Kung minsan nakatutulong ang mga alagang hayop. Ang kapaki-pakinabang na pagtutulungan sa pagitan ng mga tao at mga hayop ay marahil pinakamagaling na makikita sa mga asong tagaakay para sa mga bulag. Ang tagapagsanay ng asong-tagaakay na si Michael Tucker, autor ng The Eyes That Lead, ay naniniwala na ang buhay na kasama ng asong tagaakay ay nagbubukas ng isang bagong daigdig para sa bulag, binibigyan siya ng “kalayaan, kasarinlan, pagkilos at kasama.” Isang kahawig ng mga aso para sa mga bulag ay ang ‘hearing-ear’ na mga aso para sa mga bingi.
At, ang mga alagang hayop ay nakatulong sa marami pang ibang mga taong may pinsala. Ganito ang komento ng isang tagapagsaayos ng isang programa upang magbigay ng mga alagang hayop sa mga maysakit at matatanda na: “Tingnan mo lamang ang kagalakang natatamo nila. Ang mga taong masyadong mahiyain anupa’t hindi sila halos nakikipag-usap sa kaninuman ay tutugon sa isang hayop.” Mangyari pa, ang mga pakinabang ng pagkakaroon ng kasamang alagang hayop ay kailangang subukin laban sa pananagutan sa pag-aalaga nito.
Bagaman maaaring magkaroon ng isang natatanging buklod sa pagitan ng taong may pinsala sa pandamdam at ng isang hayop, higit na makatutulong ang pakikipag-usap sa ibang tao.
Mabuting Komunikasyon
Upang magkaroon ng mas mabuting pagkakaunawaan sa pagitan niyaong mga taong may pinsala ang pandamdam at ng mga taong nais tumulong, kailangang may komunikasyon. Subalit paano maaaring mangyari ito gayong ang mismong mga pandamdam na normal na ginagamit sa pamamaraang ito ay napinsala? Diyan ang Braille, ang mga senyas o sign language, at pagbasa ng labi ay nakatulong sa marami.
Noong 1824 si Louis Braille, isang 15-anyos na bulag na estudyante buhat sa Pransiya, ay gumawa ng isang sistema sa pagbasa batay sa isang serye ng mga nakaangat na mga tuldok at gatlang. Pagkalipas ng limang taon inilathala niya ang ngayo’y bantog na dot system na batay sa mga cell ng anim na tuldok, na may 63 posibleng mga ayos na kumakatawan sa abakada gayundin sa mga bantas at mga bilang. Para sa may pinsala sa paningin, ang pagkatuto ng Braille ay kumakatawan sa maraming magagawa sa panahon at pagsisikap. Sa halip na malasin ito bilang napakalaking hamon, ang tomo ng UNESCO (United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization) na Working With Braille ay nagbibigay ng katiyakang ito: “Dapat idiin na ang pagkaunawa sa mga karakter ng Braille ay nasa kakayahan ng ating pandama.”
Ipinakikita ng mga pag-aaral sa mga paraan ng pagbasa sa Braille na ang pinakamabilis at pinakamagaling bumasa sa Braille ay yaong gumagamit sa mga hintuturo ng dalawang kamay. Sinasalat nilang mabilis ang nakaangat ng mga tuldok, kaya nagagawa nilang bumasa sa bilis na hanggang sa kalahati ng bilis ng isang taong bumabasa sa pamamagitan ng kaniyang paningin.
Ang dumaraming makukuhang mga publikasyon sa Braille, gayundin sa mga audiocassette, ay nagbibigay sa taong napinsala ang paningin ng pagkakataon na mabasa ang maraming magagandang literatura. Pangunahin na rito ang Bibliya, na makukuha kapuwa sa Braille at sa mga cassette tape mula sa mga tagapaglathala ng magasing ito. Inilalaan din namin ang mga aklat na Listening to the Great Teacher at My Book of Bible Stories, gayundin ang aming kasamang magasin, ang The Watchtower, sa tape. At simula sa susunod na taon, ang Awake! ay makukuha na rin sa tape.
Kung tungkol sa senyas na wika o sign language, ang mga mananaliksik na sina J. G. Kyle at B. Woll ay nagsasabi na ang pag-unawa rito “ang unang hakbang upang maalis ang mga hadlang para sa lahat ng mga bingi sa daigdig.” Sa pamamagitan ng napakabisang paraang ito ng komunikasyon, ang mga bingi ay mapapalagay ang loob sa isa’t isa. Isang mabuting bagay kapag yaong kapuwa nakaririnig at nakapagsasalita ay gumawa ng mga pagsisikap na matuto ng sign language. Sa ganitong paraan ang mga taong bingi at nakaririnig ay higit na magkakasama, sa kapakinabangan nila kapuwa. Ang mga taong nakaririnig ay natututo ng isang bagong wika at napagyayaman ang kanilang kultural na karanasan, at ang mga bingi naman ay nagkakaroon ng higit na kaugnayan sa daigdig ng mga taong nakaririnig.
Kawili-wili, hindi ipinalalagay ng maraming taong bingi nang isilang o mula sa pagkabata ang kanilang sarili na may kapansanan. Itinuturing nila ang pagkakaiba sa pagitan nila at ng mga taong nakaririnig na isa lamang pagkakaiba sa wika at sa kultura. Sa kabilang panig, yaong mga nabingi sa dakong huli ng buhay dahil sa aksidente o karamdaman ay kadalasang nakararanas ng maraming iba’t ibang epekto sa isipan—isang matinding kawalan. Para sa marami sa kanila, ang sign language ay isang mahirap na lunas, yamang ito’y nangangailangan ng isang ganap na bagong wika. Pinipili ng marami ang pagsasanay sa pagbasa ng labi at patuloy na nagsasanay sa pagpapanatili ng kanilang maunlad nang pananalita.
Ang pag-unawa sa kung ano ang nadarama ng mga taong napinsala ang pandamdam gayundin ang pakikipag-usap sa kanila ay hindi nag-aalis sa ugat ng suliranin. Ang kanilang kapansanan ay nananatili. Kung maaalis lamang ito, kung gayon mawawala na ang mga hindi pagkakapantay-pantay, ang kawalang katarungan, at ang mga problemang dinaranas ng mga napinsala ang pandamdam. Mangyari kaya iyon?
[Kahon sa pahina 5]
Tulungan ang Iyong Sarili
1. Kaalaman. Sikaping tuklasin ang lahat ng matutuklasan mo tungkol sa iyong kapansanan at kung paano ito mapagiginhawa.
2. Katapatan. Maging tapat at tanggapin mo ang iyong kapansanan.
3. Empatiya. Ikaw ang kumuha ng unang hakbang upang mapalagay ang loob ng iba at ipaliwanag mo kung paano sila pinakamagaling na makatutulong.
4. Gawain. Upang labanan ang panlulumo, makibahagi sa ilang pisikal o mental na gawain.
5. Tibay-loob. Tumbasan ang mga damdamin ng pagkasilóng sa pagtutuon ng iyong lakas sa mga gawaing nagagawa mong mainam.
[Kahon sa pahina 6]
Tulong na Maibibigay ng Iba
1. Sikaping tingnan ang mga kalagayan mula sa punto de vista ng mga taong may pinsala sa pandamdam.
2. Isali sila sa inyong regular na mga gawain. Huwag silang ihiwalay.
3. Bigyan sila ng mga bagay na gagawin na tutulong sa kanilang makadama na sila ay mahalaga.
4. Makinig kapag sinisikap nilang sabihin kung ano ang kanilang nadarama.
5. Kapag ikaw ay nakakita ng isang pantanging pangangailangan, gawin mo ang lahat ng magagawa mo na gumawang kasama ng may kapansanan upang punan ang pangangailangang ito.
[Larawan sa pahina 7]
Si Janice (kaliwa) ay kapuwa bulag at bingi, gayunman siya ay isang buong-panahong ministro
[Larawan sa pahina 8]
Ang mga alagang hayop ay maaaring maging kasama