Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 8/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • AIDS SA THAILAND
  • NAWALA: ISANG BOMBA-H
  • MAS MARAMING BABAE ANG MAY BARIL
  • SINAUNANG LANGIS
  • BANDIDO O “SANTO”?
  • NABALISA ANG MGA MANINIGARILYO
  • KRIMEN SA NEW ZEALAND
  • MGA URI NG PAGTATANGI NG LAHI
  • PAG-IIBIGAN LABAN SA AIDS
  • PAGKALILIIT NA KAGAMITAN
  • PAGGUHO NG MONUMENTO
  • Pagtulong sa mga May AIDS
    Gumising!—1994
  • AIDS—Ako ba’y Nanganganib?
    Gumising!—1993
  • Kung Bakit Lubhang Lumaganap ang AIDS?
    Gumising!—1988
  • Sino ang Nasa Panganib?
    Gumising!—1986
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 8/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

AIDS SA THAILAND

Itinalaga ng gobyerno ng Thailand ang 1989 bilang ang “taon upang labanan ang AIDS.” Sang-ayon sa World Health Organization, kasindami ng 25,000 mga tao sa Thailand ay maaaring nahawaan ng HIV (Human Immunodeficiency Virus), na humahantong sa AIDS. Ang kabalitaan ng magasing Britano na The Economist sa Bangkok ay sumulat na ang paggamit ng ipinagbabawal na droga at ang lumalakas na negosyo ng bansa na pagpapatutot​—kapuwa mga homoseksuwal at heteroseksuwal​—ang nagpapalaganap sa pagkalat ng sakit. Ang pamahalaan ay tumugon sa pamamagitan ng isang kampaniya ng pagpapayo sa mga silid-aralan at pag-aanunsiyo sa mga poster at sa mga radyo, itinataguyod ang mga paraan upang mamuhay na mas ligtas. Gayunman, sinasabing ang pagsisikap ng gobyerno ay itutuon sa masusing pagsusuri sa panustos na dugo ng bansa.

NAWALA: ISANG BOMBA-H

Mga 24 na taon pagkatapos ng pangyayari, inamin ng isang opisyal ng E.U. na isang bombang hidroheno ang naiwala sa Karagatan sa Pasipiko sa baybayin ng Okinawa, Hapón. Isang jet na nagdadala ng bomba ang di-sinasadyang gumulong mula sa kubyerta ng isang aircraft carrier ng E.U. Ang piloto ay namatay, at ang eruplano ay lumubog sa tubig mga 4,900 metro ang lalim. Ang balita ay nakagalit sa maraming Haponés. Sang-ayon sa magasing Newsweek, ang pangkat na nangangalaga sa kapaligiran na tinatawag na Greenpeace ay nagsasabi na “hindi kukulangin sa siyam na mga nuklear reactors at 48 nuklear na mga warhead ang lumubog sa mga karagatan sa Atlantiko at Pasipiko, kung saan maaaring unti-unting ilabas sa wakas ng presyon at pagkaagnas ang kanilang pagiging radyoaktibo.”

MAS MARAMING BABAE ANG MAY BARIL

Sang-ayon kay Dr. Garen Wintemute ng University of California, Davis Medical Center, pinagtutuunan ng pansin ng mga tagagawa ng baril ang mga babae, inilalarawan ang mga baril na tinatanggap ng lipunan at uso. Binabalak pa nga ng isang tagatustos na ipagbili ang mga baril na “may sarisaring kulay.” Sa isang fashion show, itinatago ng mga modelo ang mga sandata sa kanilang mga tali sa ulo, sa mga bra, pitaka, at portfolio. Karamihan ng mga kababaihan ay nagsasabi na sila’y nag-iingat ng isang baril sa kanilang tirahan bilang proteksiyon, sabi ni Wintemute, subalit isang malungkot na bunga ng napakadaling pagkakaroon ng gayong sandata ay na ito ang pamamaraan na pinipili ng mga babaing nais magpakamatay.

SINAUNANG LANGIS

Mga arkeologong naghuhukay sa mga kuweba malapit sa Dagat na Patay ng Israel ay nakasumpong ng isang sisidlan na naglalaman ng langis na halos 2,000 taon na at likido pa rin. Naniniwala silang ang langis ay mula sa isang uri ng halamang persimmon na ngayo’y lipol na. Ang langis na mula sa persimmon ay lubhang mahalaga sa Judea noong mga panahon ni Kristo. Sa katunayan, isinulat ng Romanong mga mananalaysay na sinikap sirain ng mga Judio ang kanilang mga taniman ng persimmon upang huwag itong mahulog sa mga kamay ng mga sundalong Romano na umaabante sa Jerusalem noong 70 C.E. Gayunman, nabigo ang kanilang mga pagsisikap at iniulat na iwinagayway ng mga sundalong Romano ang mga halamang persimmon sa pagtatagumpay sa kanilang pagbabalik sa Roma pagkatapos lipulin ang Jerusalem.

BANDIDO O “SANTO”?

Isang bandido na binitay mga 80 taon na ang nakalipas sa Culiacán, Mexico, ay talagang naging isang “santo” sa mga tao sa hilagang-kanluran ng Mexico. Ang mga sticker sa bamper ng kotse ay pumupuri sa kaniya, ang mga negosyo ay ipinangalan sa kaniya, at inilalagay siya ng isang popular na awit na pangalawa lamang sa Diyos. Ang bandido, si Jesus Malverde, ay sinasamba bilang tagapagtaguyod ng mahihirap at isang manlilinlang ng autoridad. Maraming bisita ang dumadalaw sa isang dambanang itinayo sa karangalan niya sa Culiacán, na nag-iiwan ng mga regalo upang pasalamatan siya sa sarisaring “mga himala”​—nawalang baka na nasumpungan, maraming huling isda, napagaling na karamdaman, at iba pa. Sa report ng The New York Times iniuulat na ang mga negosyante ng bawal na droga ay sinasabing nagpapasalamat din kay Malverde kapag ligtas na dumarating ang kanilang mga inilulang droga sa Estados Unidos.

NABALISA ANG MGA MANINIGARILYO

Isang mahigpit na batas laban sa paninigarilyo ang ipinatupad sa isang bahagi ng lungsod ng Manila sa Pilipinas. Ang bagong ordinansa ay nagbabawal sa paninigarilyo sa kulong na mga lugar na pampubliko, pati na sa mga sinehan, mga gusaling tanggapan, at mga ospital, at sa mga sasakyang pampubliko. Noong araw na ito’y ipatupad, 109 na mga tao ang naaresto sa paglabag sa batas. Ang mga nadakip ay pinagmulta ng halos $10 o sampung araw sa bilangguan. Sinisipi ng magasing Asiaweek ang isang pulis na nagrireklamo: “Napapaaway pa kami sa pagpapaliwanag lamang ng batas sa mga nagsilabag.”

KRIMEN SA NEW ZEALAND

Kahit na ang liblib at magandang New Zealand ay apektado na rin ng mabilis na dumaraming krimen ng daigdig. Ang New Zealand Herald ay nag-uulat na ang 1988 ay nakakita ng halos 25-porsiyentong pagdami sa malubha’t mararahas na krimen sa nakalipas na taon. Ang mga krimeng ito, mula sa pagpatay hanggang sa pagsalakay, ay dumami mula sa 6,801 noong 1987 tungo sa 8,501 noong 1988. Dumami rin ang mga paglabag tungkol sa sekso, pag-abuso sa droga, di-katapatan, at pagpinsala sa pag-aari.

MGA URI NG PAGTATANGI NG LAHI

Isang empleado sa U.S. Internal Revenue Service ang nagdemanda sa kaniyang amo, sinasabing iba ang pagtrato sa kaniya ng kaniyang superbisor dahil sa kulay ng kaniyang balat. Kapuwa ang empleado at ang superbisor ay mga babaing itim, subalit ang sinisanteng empleado ay hindi gaanong maitim na gaya ng kaniyang dating amo, at sinasabi niyang dahil sa pagkakaibang ito ng kulay kaya siya ay hindi pinakikitunguhan nang mabuti. Sinikap na ipawalang-saysay ng tanggapan ng U.S. Attorney ang habla, ikinakatuwiran na ang mga pagsasakdal tungkol sa pagtatangi ng lahi ay dapat na takdaan doon sa may magkaibang lahi. Iba naman ang palagay ng pederal na hukom. Ipinasiya niya na ang kaso ay litisin, binabanggit, ayon sa The New York Times, “na ipinahintulot ng maraming pasiya sa hukuman ang mga paghahabla tungkol sa pagtatangi ng lahi ng mga puti na may iba’t ibang pambansang pinagmulan o mga hitsura.”

PAG-IIBIGAN LABAN SA AIDS

Ang takot sa AIDS ay nagbabalita ng pagbabalik sa makalumang romantikong pagliligawan para sa ilang lalaki’t babae, sabi ng isang propesor sa University of Texas sa Austin School of Nursing. “Dahil sa epidemya ng AIDS ay napilitang magbago ang kulturang Amerikano,” sabi ni Dr. Beverly Hall. “Kailangan talagang suriin nating mabuti ang ating mga pamantayan ngayon. Ang E.U. ay hindi pa nakaengkuwentro ng gayong nakamamatay na sakit na seksuwal na naililipat sapol nang masumpungan natin ang lunas para sa sipilis noong 1943.” Gayunman, susog pa ni Hall: “Ang sakit benereo sa gitna ng mga kabataan ay dumarami, na nagpapakitang ang seksuwal na gawain sa gitna ng mga mag-aaral sa kolehiyo ay hindi humina sa kabila ng banta ng AIDS.”

PAGKALILIIT NA KAGAMITAN

Natuklasan ng mga siyentipiko ang lubhang pagkasarisaring gamit ng pagkaliliit na mga organismo. Natuklasan ng isang kompaniya ang isang paraan ng paggamit sa baktirya upang alisin ang pagkaliliit na mga piraso ng ginto sa loob ng mineral na ore na may di matanggal na mga karumihan. Ang iba pang mga kompaniya ay gumawa ng mga paraan sa paggamit sa mga mikrobyo upang linisin ang nakalalasong kemikal at industriyal na mga basura. Isa sa gayong sistema ay sinubok sa natapong langis sa baybayin ng Alaska. Ginamit pa nga ng mga Hapones ang mga mikrobyo upang gumawa ng isang piyesa para sa isang pares ng de-luhong mga headphone. Nilalagyan ng asukal, ang baktirya ay gumagawa ng pinung-pinong mga hibla na nagiging pinong habi. Ang habi ay saka pinatutuyo, pinipitpit, at sa wakas ay hinuhubog sa pagkaliliit na diaphragm ng laudispiker, sampung ulit na mas matindi kaysa pamantayang mga diaphragm!

PAGGUHO NG MONUMENTO

Isang 900-taóng-gulang na tore ng kampana ang di-inaasahang bumagsak sa Pavia, Italya, noong Marso, na sumawi ng apat katao, ay nakapanghilakbot sa mga mananalaysay ng sining. Hindi kukulangin sa 115 mga monumentong Italyano, pati na ang kilalang Colosseum sa Roma, ay inilista na dumaranas ng grabeng mga depekto sa kayarian na kung pababayaan ay maaari ring mauwi sa kapahamakan. Ang pangunahing mga problema ay ang pagguho ng lupa at ang pagkatuyo ng mga pundasyon, gayundin ang pagkapulbos ng masonerya at ang mga pagyanig ng trapiko. Binabanggit ng The Times ng London na ang kilalang nakahilig na tore ng Pisa ay inaasahang babagsak sa loob ng isang siglo subalit “ang insidente sa Pavia ay maaaring mangahulugan ng muling pagkalkula sa mga inaasahan.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share