Ito’y Tinatawag ng Iba na Damo
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Hapón
DAMONG-DAGAT—ang mismong pangalan nito’y nagpapahiwatig ng pag-alipusta at pagkayamot. Para sa karamihan, ito’y basta malansa, sala-salabid na pampagulo lamang na sumisira ng kanilang kasayahan sa tabing-dagat. Ngunit ang mga ito nga ba’y totoong walang-kabuluhan?
Sa Hapón ito ay minamalas sa isang lubhang kakaibang liwanag. Ang mga isla sa Hapón ay pinaliligaran kapuwa ng mainit at malamig na agos ng karagatan. Dahil dito, sagana ang iba’t ibang uri ng damong-dagat sa nakapalibot na tubig. Sa nakalipas na mga taon nasumpungan ng mga Hapones ang maraming gamit sa mga halamang dagat na ito.
Higit sa Sampung Libong mga Uri
Isang dahilan sa maraming gamit nito ay ang malawak na pagkasarisari nito—higit sa sampung libong uri ang kilala na! Yumayabong ang mga ito sa mga tubig mula sa mayelong mga rehiyon sa polo hanggang sa mainit na karagatang tropiko. Sa siyensiya, ito ang tinatawag ng mga biyologo na marine algae, ang pinakasimpleng uri ng buhay-halaman, bagaman ang terminong “damong-dagat” ay karaniwang tumutukoy sa mas malalaking uri. Ang mga “ugat” nito ay pangsinepete lamang; ang mga damong-dagat na ito ay kumukuha ng mineral at tubig sa ibabaw ng kabuuan ng halamang ito. Ang kanilang mga dahon at tangkay, may kawastuang tinatawag na fronds, ay malambot at nababaluktot; puwede itong gumalaw nang paroo’t parito kasabay ng alon nang hindi nababali, tulad ng magandang kilos ng ballet. Ang ilang damong-dagat ay may maliliit na tila lobong umbok sa kanilang fronds na siyang nagpapanatili sa kanilang nakalutang sa ibabaw ng tubig.
Gayumpaman, sa loob ng pangkalahatang pampamilyang pagkakatulad na ito, mayroong walang katapusang pagkasarisari sa kanilang anyo. May mga damong-dagat na parang malambot na dahon ng litsugas o maselang lumot o magagandang pulang korales. Ang bunton ng kulay-kapeng gulfweeds na lumulutang sa dagat Sargasso sa North Atlantic ay napakalaki anupa’t ito’y lumikha ng mga alamat tungkol sa nakapanghihilakbot na halimaw-dagat at nawawalang mga barko, na kinatatakutan ng sinaunang mga magdaragat.
Bagaman ang mga damong-dagat ay tila kulay kape, pula, o berde, ito’y may chlorophyll, ang sustansiyang nagpapangyari sa kanila na ipagpatuloy ang photosynthesis upang gumawa ng sarili nilang pagkain. Tinataya na isinasagawa ng mga simpleng halamang-dagat kasama ng pagkaliliit na algae ang photosynthesis na sampung ulit na higit kaysa lahat ng pinagsama-samang halamang-lupa. Hindi kataka-taka na ang karamihan ng mga kinapal sa dagat ay gustung-gustong magkubli sa latag ng mga damong-dagat, kung saan may saganang pantustos na oksiheno at pagkain.
Hindi Lamang Para sa Isda
Ang damong-dagat ay hindi lamang kaakit-akit sa isda; sa Hapón mga 200,000 toneladang marine algae ang inihahain taun-taon bilang pagkain sa hapag-kainan. “Ang mga gulay-dagat ay may kaunting kalori, lubhang masustansiyang pagkain na nagpapaunlad ng kalusugan at haba ng buhay,” ang sabi ng isang aklat na Vegetables From the Sea, ng mga may-akdang Hapones na sina Seibin at Teruko Arasaki. Nagkataon naman, na ang napiling salita ng mga manunulat na “gulay-dagat” imbis na “damong-dagat” ay malinaw na pahiwatig ng kanilang mataas na palagay sa mga halamang ito. At bakit hindi? Kung ang pag-uusapa’y protina, mineral, at bitamina, iilan lamang pagkain ang maihahambing sa mga ‘gulay mula sa dagat’ na ito.
Isaalang-alang, halimbawa, ang isa sa mga paborito, ang nori. Matapos ihanda bilang pagkain, ang damong-dagat ay tila tuyo, berdeng-itim na mga pilyego ng papel at paborito dahil sa masarap na amoy nito. Mga 8,500 milyon ng gayong mga pilyego ang nakukunsumo taun-taon, na tinatantiyang katumbas ng halos 70 tulad sulatang-pad ang laki na mga pilyego para sa bawat tao. Ano ba ang di-pangkaraniwan sa nori? Mula sa 35 hanggang 40 porsiyento nito, sa dry weight, ay mahusay na protinang madaling tunawin. Ito rin ay isang tinggalan ng mga bitamina. Kung ihahambing sa espinaka, ang nori ay 8 ulit na mas maraming bitamina A, 9 ulit na dami ng bitamina B1, 15 ulit na mas maraming bitamina B2, at 1.5 ulit na mas maraming bitamina C. Bilang karagdagan, isa ito sa iilang pagkain na mayaman sa bitamina B12, at nagtataglay pa ng anim na ibang uri ng bitamina B.
Ang mga damong-dagat ay higit na mayaman sa mineral kaysa halos lahat ng iba pang mga pagkain. Tinataya na mula 7 hanggang 38 porsiyento sa dry weight ng damong-dagat ang binubuo ng “mga mineral na kinakailangan ng bawat tao, lakip na ang kalsiyum, sodyum, magnesya, potassium, phosphorus, iodine, iron at zinc.” Halimbawa, ang wakame, isa pang paborito, ay nagtataglay ng 13 ulit na mas maraming kalsiyum kaysa gatas. Ang mga maysakit ng anemya ay magiging interesadong malaman na ang taglay na iron ng nakakaing marine algae ay mula dalawa hanggang mahigit sa sampung ulit kaysa yaong sa pula ng itlog o espinaka. At ang iodine sa damong-dagat ang maaaring dahilan kung bakit ang sakit sa thyroid na bosyo ay bihira lamang sa mga Hapones.
Mayroon pang ibang pakinabang. Ang mga hibla ng halamang dagat ay mas malambot kaysa mga gulay na ani sa lupa. Kaya ang mga ito ay nakabubuti sa bituka. Nakilala ng mga siyentipikong Hapones ang laminin, isang ahente na humahadlang sa mataas na presyon ng dugo, sa damong-dagat. Sinusuri din nila ang ilang mga sangkap sa damong-dagat na natuklasang nakapagpapababa ng kolesterol sa dugo at lipids sa mga pagsusuri sa hayop.
Di-Napupunang mga Kagalingan
Kahit na isipin mong hindi mo kailanman makakain ang damong-dagat, tuwing lulunok ka ng isang kutsarang sorbetes o yogurt o ibubuhos mo ang iyong paboritong sirup o lalasapin mo ang iyong paboritong keso, ay parang ganoon na rin ang ginagawa mo. Karagdagan pa, sa tuwing magpapahid ka ng losyon sa mukha o gagamit ka ng toothpaste o lulunok ka ng ilang uri ng dagling-gamot na tabletas, maaaring ikaw man ay nakikinabang sa hamak na damong-dagat.
Ito ay dahilan sa ang mga cell walls ng karamihan sa mga kulay-kapeng damong-dagat ay nagtataglay ng sustansiyang tinatawag na algin, o alginate. Ito ay may ilang lubhang espesyal na katangian anupa’t ito’y ginagamit sa napakaraming produkto. Ito ay mahusay na tagapamalagi ng mga emulsions at suspensions. Kaya ito ay ginagamit sa pagkaing malalambot, kosmetiks, at parmasiyutikal. Ang alginate ay ginagamit din sa paggawa ng mga pinturang water-based, tela, papel, at iba pa.
Ang kelp ay maaaring paasimin upang makagawa ng methane gas, at naniniwala ang mga mananaliksik na 10 porsiyento ng pangangailangan ng Hapón sa enerhiya ay maaaring masapatan mula rito. Ang mga kimiko sa agrikultura ay nagsusuri ng isang uri ng sustansiya na natatagpuan sa pulang damong-dagat na mas epektibong gamitin bilang pamatay-insekto ngunit lubhang hindi nakapipinsala sa mga tao. Ang industriyang biotechnology ng Hapón ay gumagawa ng isang bagong biopaper mula sa alginate na maaaring gamitin bilang artipisyal na balat at sa iba pang gamit sa medisina. Ang pagkain ng hayop, abono, antibiotics, at marami pang ibang mga produkto ay ginagawa mula sa damong-dagat.
Kaya sa susunod na makita mo ang malansa, magulong pampagulo sa tabing-dagat o nakasalabid sa iyong mga paa, tandaan mo na may tinggalan ng mabubuting bagay sa hamak na halamang dagat na ito na naghihintay lamang na tuklasin at gamitin. Kung sa bagay, ang mga ito’y hindi walang halaga upang sila’y tawaging damo!
[Kahon sa pahina 27]
Katakam-takam na mga Paraan Upang Tikman ang Damong-Dagat
Ang iba’t ibang uri ng damong-dagat ay maaaring bilhin mula sa groseri ng mga Hapones, Koreano, o Intsik, tindahan ng mga pagkaing-pangkalusugan, o maging sa iba pang malalaking pamilihan. Kalimitang ito’y mga tuyong piraso na nakapakete na. Ipinagbibili itong babád sa toyo ng ilang mga tindahan. Ang pinakakaraniwang uri ay ang wakame, nori, at kombu.
Ang pinakamadaling paraan na tikman ang wakame ay ang idagdag ito sa iyong ensalada o sabaw. Basta ibabad ito sa tubig, hugasan upang maalis ang asin, hiwain nang maliliit na piraso, at paghalu-haluin. Ang ibinabad na damong-dagat ay puwedeng idagdag sa pinasingawang kanin o iba pang mga ulam.
Ang napakatanyag na sushi ay ang kaning nakabalot sa nori, na may kasamang pipino, itlog o iba’t ibang pagkaing dagat—tuna, salmon, hipon, ulang, at iba pa. Kung medyo hindi ninyo nagugustuhan ang hilaw na isda, subukin ninyong ibalot ang keso o ang hiniwang pipino sa timpladong pilyego ng nori.
Tiyak na magugustuhan ng mga bata ang malutong, piniritong kombu. Alisin ang asin, at ilubog sa mantikang katamtaman lamang ang init sa loob ng isa o dalawang segundo, o basta itusta ang maliliit na piraso nito hanggang sa ang mga ito’y maging malutong.
[Mga larawan sa pahina 26]
Itaas: Temaki (binilot ng kamay) ang sushi na may sea urchin sa gitna
Kaliwa: Nori, o laver, ay saganang ginagamit sa sushi, isang paboritong ulam sa Hapón