Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 6/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • BIYOLOHIKAL NA MGA PLASTIK
  • DI-AKTIBONG KATOLIKO
  • PROBLEMA SA VIRUS
  • HUWAG PERA, PAKISUYO!
  • MILYUN-MILYON ANG INILALAGLAG SA BRAZIL
  • NAKAKITA DAHIL SA LINDOL
  • SANGGOL NA MATITIRANG BUHÁY
  • HUWAD NA MGA PERA
  • NANGANGANIB NA MGA KOALA
  • ‘NAKALILITONG KAAYUSAN’
  • Isang Mamamatay-Tao na Nasukól
    Gumising!—1991
  • Nabighani ng Masarap Yapusing Koala
    Gumising!—1991
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1990
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1993
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 6/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

BIYOLOHIKAL NA MGA PLASTIK

Ang plastik ay ginagawa na ngayon sa biyolohikal na paraan at balang araw ay maaaring itanim bilang isang pananim, ulat ng International Herald Tribune ng Paris, Pransiya. Ang teknolohiya para sa bagong plastik na ito ay nagsimula 65 taon na ang nakalipas nang matuklasan ng isang siyentipiko na ang isang baktirya ay maaaring gumawa ng tulad-plastik na materyal na kahawig ng polypropylene. Ang materyal ay nagsisilbi bilang pinagmumulan ng nakaimbak na enerhiya ng baktirya, maihahambing sa papel ng starch sa halaman at taba sa mga mammal. Sa pagbubukod sa mga gene ng baktiryang gumagawa-ng-plastik at paglilipat nito sa ilang uri ng halaman, inaasahan ng mga siyentipiko na balang araw ay maitanim ito nang maramihan na tinatawag nilang biopolymers. Iniuulat na ang biyolohikal na plastik na ito ay lubusang maaaring baguhin, paghiwalayin, at hindi nakalalason.

DI-AKTIBONG KATOLIKO

Isinisiwalat ng isang pag-aaral kamakailan na “ang relihiyosong pagsamba sa gitna ng mga Pranses ay patuloy na bumabagsak,” ayon sa pahayagan sa Paris na Le Figaro. Ipinakikita ng pag-aaral na bagaman 82 porsiyento ng populasyong Pranses ay nag-aangking Katoliko, 12 porsiyento lamang ng bilang na ito, karamihan ay matatanda nang babae, ang regular na dumadalo ng mga serbisyo ng simbahan. Karagdagan pa, 44 na porsiyento niyaong nag-aangking Katoliko ang nagsasabi na sila “ay di-aktibong mga Katoliko,” at 83 porsiyento nito ay umaamin na “kailanma’y hindi sila pumasok sa simbahan.” Binabanggit ng Le Figaro na ang mga Pranses ay waring isang bansa ng di-aktibong mga Katoliko. Ang kanilang relihiyosong pagkakaanib ay waring mula sa matagal nang mga kaugalian sa lipunan, gaya ng binyag, kasal, at mga libing, kaysa mula sa aktibong pananampalataya.

PROBLEMA SA VIRUS

“Ang bulutong ay pumatay ng 2,000 Romano sa isang araw sa loob ng ilang taon noong paghahari ng pilosopo-emperador na si Marcus Aurelius Antoninus,” sabi ng magasing Health. “Pinatay nito ang dalawang milyong Aztecs noong ika-16 na siglo, pagkatapos na palinyahin ng mga misyonerong Kastila ang mga Indyan na humalik sa Krus​—mangyari pa, hindi iniisip ang tungkol sa kalinisan.” Nilipol din nito ang maraming tribo ng Indyan sa Hilagang Amerika, at nito lamang ika-18 siglo, ito ang nagpangyari ng hanggang 600,000 kamatayan sa isang taon sa Europa. Mula nang matuklasan ni Edward Jenner ang bakuna para sa bulutong noong 1796, gumawa ng mga pagsisikap na lipulin ang nakamamatay na sakit, at ang kahuli-hulihang biktima ay namatay noong 1978. “Ito ang una, at ang tanging, sakit na masasabing lubusang nalipol ng siyensiya,” sabi ng Health. Subalit nabubuhay pa rin ang virus, sa ilalim ng pagtangkilik ng World Health Organization, sa mga vial na nakalagay sa ligtas na mga kaha de yero sa Atlanta at Moscow, at wala pang pasiya kung ano ang gagawin sa mga ito. Ang ilan ay pabor sa lubusang paglipol ng mga ito bago pa ito di-sinasadya o sadyang pakawalan, samantalang inaakala naman ng iba na maaaring may paggagamitan pa ang siyensiya sa virus. Samantala, kapuwa ang Unyong Sobyet at ang Estados Unidos ay nagbibigay muli ng mga bakuna para sa bulutong sa kanilang mga hukbong sandatahan.

HUWAG PERA, PAKISUYO!

Ang mga parokyanong pumapasok sa mga silid tanghalan ng isang pagawaan ng muwebles sa Johannesburg, Timog Aprika, ay sinasalubong ng isang karatula: “Hindi kami tumatanggap ng pera. Tseke o credit card lamang.” Sang-ayon sa The Star, isang pahayagan sa Johannesburg, ang may-ari ay naniniwala na ang paghahawak ng pera ay umaakit ng mga mugger at mga magnanakaw, at naipasiya niyang huwag magkakaroon ng pera sa kaha de yero o perang ililipat sa bangko. Kaya, lahat ng pangangalakal ay ginagawa sa pamamagitan ng tseke o credit card lamang. Ang mga empleado ay tumatanggap din ng kanilang lingguhang sahod sa pamamagitan ng tseke. “Hindi sila mapalagay tuwing may papasok na estranghero,” sabi ng isang may-ari tungkol sa kaniyang mga empleado, “subalit ngayon sila ay mas relaks simula nang ipatupad ang patakarang huwag-pera.”

MILYUN-MILYON ANG INILALAGLAG SA BRAZIL

Isang artikulo tungkol sa aborsiyon, isinulat ni Propesor Carlos Alberto Di Franco sa pahayagan sa Brazil na O Estado de S.Paulo, ay nagsabi na ang tantiya ng World Health Organization ay “naglalagay sa Brazil bilang ang kampeon ng daigdig sa mga aborsiyon, na may mahigit na tatlong milyong mga aborsiyon taun-taon.” Ang artikulo ay nagsasabi: “Kataka-taka, ang impormasyong ito ay hindi pumupukaw ng anumang partikular na kilusan na pabor sa buhay.” Sang-ayon kay Propesor Di Franco, sa isang panig ang mga taga-Brazil ay nakikipagpunyagi upang pangalagaan ang kanilang kagubatan at nagpapagal sila upang bawasan ang kamatayan ng mga sanggol samantalang sa kabilang panig naman ay patuloy nilang itinataguyod na gawing legal ang aborsiyon.

NAKAKITA DAHIL SA LINDOL

Isang 84-anyos na maninirahan sa Newcastle, Australia, ay biglang pinanaulian ng paningin bunga ng kapaha-pahamak na lindol mga ilang buwan ang nakalipas. Sa loob ng tatlong taon ang nakikita niya lamang ay mga hugis, ngunit pagkatapos ng lindol siya ay nakakabasa kahit ng pahayagan. Ipinaliliwanag ng kaniyang doktor na malamang na ang sindak ng lindol ay nagpangyari sa adrenaline na magtungo sa kaniyang mga mata, sa gayo’y isinasauli ang kaniyang paningin. Ang pahayagang The West Australian ay sinipi siya na nagsasabing: “Basta ako nakakita nang maliwanag. Basta gayon ang nangyari sa loob ng ilang segundo. Sa akin para bang bumukas ang aking mata, ganiyan, nang malaki. Mangyari pa hindi ito literal subalit nakakita ako, at ito ay nanatiling gayon mula noon.”

SANGGOL NA MATITIRANG BUHÁY

Sang-ayon sa Demos, isang magasin na inilalathala ng Dutch Demographic Institute, isang katamtaman na 381,000 mga sanggol ang isinisilang sa buong daigdig sa araw-araw. Gayunman, ang kanilang pag-asang mabuhay ay nakasalig na lubha kung saan sila isinilang. Ang Hapón ay nagmamalaking may pinakamababang infant-mortality rate na 5 lamang sa 1,000 sanggol ang namamatay sa kanilang unang taon. Ang kamatayan ng mga sanggol ay mas mataas sa ibang bansa, gaya sa Brazil kung saan 71 sa 1,000 ang namamatay sa kanilang unang taon at sa Silangan at Kanlurang Aprika kung saan 110 sa 1,000 ang namamatay. Ang tsansa ng mga sanggol sa Afghanistan na manatiling buháy ay masahol pa, na 194 ang namamatay sa bawat 1,000 sanggol. Sa buong daigdig, halos 31,000 mga sanggol ang namamatay sa bawat araw.

HUWAD NA MGA PERA

Bilang paggunita sa ika-60 anibersaryo ng paghahari ni Emperador Hirohito, ang Hapón ay gumawa ng isang pantanging perang ginto apat na taon na ang nakalipas. Sang-ayon sa magasing Asiaweek, ngayon “naniniwala ang mga imbestigador na mayroong di kukulangang 103,000 huwad na pera ang nasa sirkulasyon, ang ilan sa mga ito ay nasa mga kaha de yero sa Bangko ng Hapón, ang pangunahing autoridad sa pananalapi. Kinikilala ng mga opisyal na ito ang pinakagrabeng kaso ng bansa sa panghuhuwad sa siglong ito.” Kapuwa ang tunay at ang huwad na mga pera ay naglalaman ng 20 gramo ng 24-kilatis na ginto, na nagkakahalaga ng $270 sa kasalukuyang presyo ng ginto. Gayunman, isinasaalang-alang ang halaga ng pang-alaalang pera na ¥100,000 ($690), “nakita [ng mga manghuhuwad] ang madaling paraan ng pagbibili ng ginto na doble sa halaga ng pagbibili” sabi ng Asiaweek.

NANGANGANIB NA MGA KOALA

Ang mabalahibong Koala, ang kaibig-ibig na sagisag ng Australia, ay nanganganib ngayon na malipol, sabi ng The New York Times. Ang mga hayop na ito ay umunti ang bilang mula sa ilang milyon mga 50 taon ang nakalipas tungo sa 400,000 ngayon at patuloy na umuunti. Bagaman ang sakit ay gumaganap ng bahagi, ang pinakamalaking dahilan ng pag-unti ay nasa tao. Halos 80 porsiyento ng suplay ng pagkain at likas na tirahan ng mga koala ay winasak ng pag-unlad ng tao. Ang 0.6-metrong-haba na mga koala ay halos nabubuhay lamang sa pagkain ng mga dahon at usbong ng punong eucalyptus, at libu-libo ng mga punong iyon ay pinutol upang magbigay-daan sa mga tahanan, bukirin, at mga bakasyunan sa kahabaan ng baybayin sa silangan ng Australia. Isa pa, ipinakita ng isang pag-aaral na ang karamihan ng mga koala ngayon ay namamatay dahil sa nabubundol ng mga kotse.

‘NAKALILITONG KAAYUSAN’

Noong taglagas ng 1989, ang mga astronomo ay nanggilalas na matuklasan ang pagkalawak-lawak na mga galaksi na tinawag nilang “Great Wall”; hindi nila inaasahan na ang uniberso ay naglalaman ng gayong kalaking kayarian. Ngunit sapol noon, dalawang pangkat ng mga astronomo ang nagpahayag ng kanilang konklusyon na ang Great Wall ay maaaring isa lamang sa pinakamalapit sa mahigit na isang dosenang pagkalawak-lawak na mga galaksi. Ang higit na nakagugulat sa kanila ay na ang mga kayariang ito ay para bang lumilitaw sa magkakatulad na lawak na mga pagitan, na nagpapahiwatig, ayon sa The New York Times, “ng isang kayarian sa uniberso na napakaayos at napakalaki anupa’t hinahamon nito ang kasalukuyang mga teoriya ng kosmikong paglalang at ebolusyon.” Tinatawag ng isang astronomo ang kaayusan ng mga pagitan ng mga kayariang ito na nakalilito. Samantalang sinasabi naman ng iba na kung mapatunayan ang mga tuklas na ito, “ligtas na sabihing wala tayong nauunawaan tungkol sa maagang sansinukob.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share