Ang 1990’s—Isang Dekada ng Kawalang-katiyakan
ANG pasimula ng 1990’s ay nagdala ng bagong pag-asa para sa pandaigdig na kapayapaan. Ngunit dala rin nito ang walang katulad na kawalang-katiyakan at kalituhan.
Halimbawa, nariyan ang lubhang kawalang-katiyakan sa kung ano ang mangyayari sa mga bansa na tinatalikdan ang mga planong pangkabuhayan na nabigo. Marami sa mga bansang ito ang lumilipat sa malayang-kalakalan ng kapitalismo. Subalit maraming bansa na mga kapitalista na ay may malaganap na kahirapan at kawalan ng trabaho, mataas na implasyon at utang. Kahit na ang Estados Unidos ay may pagkalaki-laking panloob na pagkakautang—mga tatlong milyong milyon dolyar—at siya ring pinakamalakas mangutang na bansa sa internasyonal na kalakalan.
Isang resulta ng pighati ng kabuhayan ng daigdig ay binanggit ng isang editoryal sa New York Times, na nagsasabi: “Higit kailanman ay mas maraming mahihirap na tao sa daigdig.”
Dahilan sa dumaraming kawalang-katiyakan, marami ang naging mapagsarili: ang saloobing ako-muna, kasakiman sa materyal na bagay, ang pagnanasa sa agad na kasiyahan anuman ang maging kahihinatnan. Ang palasak na pag-abuso sa droga ay isang katibayan nito. Ganito ang pagkakasabi ni Christopher Lasch, isang propesor ng kasaysayan sa University of Rochester: “Nawala na ang pamantayang asal sa ating kultura.”
Ang kilala sa daigdig na ekonomistang si Arjo Klamer ay nagsabi: “Ang mga artista, ekonomista, negosyante at mga pamilya ay nawalan ng tiwala sa mga katiyakan ng mga modernista. . . . Ang kawalan ng tiwala ang naging damdamin ng mga tao sa mga larangan at disiplina.” Binabanggit na “umiiral ang kalituhan,” sabi pa niya: “Pagkakabaha-bahagi. Kahungkagan. Kabalintunaan. Kaguluhan. Ito ang ilang usong salita. Inilalarawan nito ang masalimuot na habi ng panahon pagkatapos ng modernismo kung saan naliligaw ang makabagong mga tao.”
Masakit na katotohanan na ang mga sistema sa pulitika, ekonomiya, at lipunan ng daigdig na ito ay walang permanenteng lunas para sa napakalaking mga problema at kawalang katiyakan ngayon. Subalit ang mismong kalagayang ito ay inihula sa mga hula ng Bibliya para sa ating panahon. Pansinin ang ilang halimbawa: “Sa mga huling araw ay darating ang mga panahon na mahirap pakitunguhan.” “Sa lupa ay manggigipuspos ang mga bansa, na hindi alam kung paano lulusutan iyon . . . samantalang nanlulupaypay ang mga tao dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na darating sa tinatahanang lupa.”—2 Timoteo 3:1; Lucas 21:25, 26.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Fotografia de Publicaciones Capriles, Caracas, Venezuela