Anong Mensahe ang Kanilang Naririnig?
SA ANONG uri ng daigdig nais mong mabuhay? Anong uring kinabukasan ang nais mo para sa iyong mga anak? Kung maaari kang magkaroon ng sakdal na kalusugan at hindi na mamamatay, pipiliin mo ba ito?
Paano mo sasagutin ang mga tanong na iyon? Karamihan ng mga tao, anuman ang kanilang pinagmulang relihiyon o pulitika, ay nagnanais mamuhay sa isang daigdig ng kapayapaan at kasaganaan. Nanaisin nila ang isang daigdig ng sakdal na katarungan at pagkakaisa, kung saan wala nang katiwalian; ni magkakaroon pa man ng isang batas para sa mayayaman at isang batas para sa mahihirap.
At para sa iyong mga anak, walang alinlangang nanaisin mong magkaroon ng saganang pagkain, isang kaaya-ayang tahanan, at isang mabuting edukasyon. Sa ibang salita, nais mong igarantiya ang isang matatag na kinabukasan para sa iyong sarili at sa iyong mga anak. At kung ikaw ay bibigyan ng pagkakataon, pipiliin mong magkaroon ng sakdal na kalusugan at mabuhay nang mahaba upang matupad ang iyong kaaya-ayang mga naisin at mga ambisyon, pati na ang pagtatamasa ng buhay na walang-hanggan sa isang mapayapa, malaparaisong lupa.
Lahat ng ito ay hindi imposibleng pangarap. Ito ang mensahe ng Bibliya na ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova sa buong lupa, pati na sa mga bansa sa Silangang Europa.
Ang Praktikal na Pag-asa ng Bibliya para sa Hinaharap
Inihula ng maaasahang mga hula ng Bibliya na naitala maraming dantaon na ang nakalipas ang mga pangyayari sa ating ika-20 siglo, ang ating ‘mga digmaan at mga alingawngaw ng digmaan’; ang ating ‘mga lindol at kakapusan ng pagkain sa iba’t ibang dako’; ang ating ‘nanggigipuspos na mga bansa, na hindi alam kung paano lulusutan iyon, samantalang nanlulupaypay ang mga tao dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na dumarating sa lupa’; ang ating ‘pagpapahamak at pagpaparumi sa lupa.’—Lucas 21:10-33; Apocalipsis 11:18.
Gayunman, lahat ng mga bagay na ito at marami pang iba ay isang tiyak na tanda na malapit na rin ang ipinangako ng Diyos na bagong sanlibutan. Kinasasangkutan ito ng “bagong mga langit at isang bagong lupa,” yaon ay, isang bagong pandaigdig na pamamahala, isang makalangit na gobyerno, at isang binagong makalupang lipunan ‘na tinatahanan ng katuwiran.’ Nangangahulugan ito ng isang bagong sanlibutan na ‘wala nang hirap, kamatayan, at dalamhati.’—Isaias 65:17-25; 2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:1-4.
Maliwanag, walang pulitikal na sistema, gaano man kataimtim at kahusay, ang may kayang isakatuparan ang programang iyon. Tanging ang Soberanong Panginoon ng sansinukob, ang Diyos na Jehova, ang may kalooban at kapangyarihan na gawin ito. Sa kadahilanang iyan tinuruan ng kaniyang Anak, si Kristo Jesus, ang kaniyang mga tagasunod na manalangin: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—Mateo 6:9, 10.
Kalooban ng Diyos na ang lupa ay maging isang nagniningning na hiyas sa sansinukob, na tinatahanan ng maibigin-sa-kapayapaan na sambahayan ng tao. Hindi na magtatagal kikilos ang Diyos upang isakatuparan iyan. Ito’y magiging isang paglilinis upang alisin sa lupa ang lahat ng karumihan at mga nagpaparumi. Lahat ng polusyon, pisikal man o moral, ay aalisin sa lupa. Sino ang matitira? Sabi ni Jesus: “Maligaya ang maamo, sapagkat mamanahin nila ang lupa.”—Mateo 5:5; Apocalipsis 16:14-16.
Nais mo bang mapabilang sa mga maaamo na magtatamo ng pagpapala ng Diyos? Kung gayong makipagkita sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar at humiling ng isang libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya, nang walang anumang obligasyon. Patunayan mo sa iyong sarili kung ano ang “mabuti at kaaya-aya at sakdal na kalooban ng Diyos.” At pagkatapos ay gawin ito.—Roma 12:2.