Anong Uri ng Sanlibutan ang Nais Mo?
KUNG ikaw ay may kapangyarihan, lilikha ka ba ng isang bagong sanlibutan, isang daigdig na walang mga problemang nagpapahirap ngayon sa mga tao? Kung magagawa mo, hindi ba makatuwirang asamin na ang ating mapagmahal na Maylikha, ang Diyos na Jehova, na may taglay ng kapangyarihan, ay lilikha ng isang bagong sanlibutan ng katuwiran?
Ang sabi ng Bibliya: “Si Jehova ay mabuti sa lahat, at ang kaniyang kaawaan ay nasa lahat niyang mga gawa. Iyong binubuksan ang iyong kamay, at sinasapatan mo ang nasá ng bawat bagay na may buhay.” (Awit 145:9, 16) Ano ang ilan sa iyong mga hinahangad? Ano bang uri ng sanlibutan ang iyong minimithi?
Sa kanilang aklat na A Sane and Happy Life: A Family Guide, sina Abraham at Rose Franzblau ay sumulat: “Kung aming kakapanayamin ang mga tao sa mundo at sasangguniin ang sangkatauhan tungkol sa uri ng sanlibutan na nais nating lahat na pamuhayan, malamang na tayong lahat ay sasang-ayon sa ilang pinakasaligang mga kahilingan.”
Ating suriin ang mga kahilingan na itinala ng mga doktor na ito at alamin kung hindi nga ba’t ito ang mga bagay na ibig natin. Habang sinusuri natin ito, aalamin din natin kung ang ating maibiging Maylikha ay nangakong ilalaan ang mga bagay na ito.
Ang Unang Kahilingan
Ang unang itinala ng mga doktor ay “isang daigdig na walang digmaan.” Pagkatapos na makaranas ng maraming nakapanghihilakbot na mga digmaan, marami ang umaasam ng isang daigdig na kung saan ang mga tao ay hindi na muling maglalaban at magpapatayan sa isa’t isa. Ang kanilang pag-asa ay ipinahayag sa nakaukit sa pader ng United Nations Plaza sa New York City, na kababasahan ng ganito: PAPANDAYIN NILA ANG KANILANG MGA TABAK UPANG MAGING MGA SUDSOD. AT ANG KANILANG MGA SIBAT UPANG MAGING MGA KARIT: ANG BANSA AY HINDI MAGTATAAS NG TABAK LABAN SA BANSA. NI MANGAG-AARAL PA MAN SILA NG PAKIKIPAGDIGMA.
Alam mo ba na ang mga salitang iyan ay bahagi ng ipinangako ng Diyos na Jehova? Ang mga salita ay naiulat sa Banal na Bibliya sa Isaias kabanata 2, talatang 4, sa King James Version. Kung babasahin din ang Awit 46:8, 9, mababatid mo na layunin ng Diyos na lipulin ang lahat ng mga sandata at na ‘patigilin ang mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.’ Sa mapayapa, walang digmaang sanlibutan na pangyayarihin ng Diyos, ang nakalulugod na hulang ito sa Bibliya ay matutupad: “Sila’y aktuwal na uupo, bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang punong igos, at walang tatakot sa kanila.”—Mikas 4:4.
Hindi mo ba itatala ang “isang daigdig na walang digmaan” bilang pangunahing kahilingan para sa uri ng sanlibutan na ibig mo? At isip-isipin na lamang, ipinangako iyan ng ating Dakilang Maylikha!
Isang Sanlibutan ng Kasaganaan
Ano ang susunod na kahilingan mo? Ito ba’y katulad ng sumunod na sinabi, “isang daigdig na walang gutom, kung saan ang taggutom at kasalatan ay mawawala na magpakailanman”? Hindi ba’t kamangha-mangha kung wala nang bata ang magugutom kailanman? Tiyak na ibig mong mabuhay sa isang daigdig ng kasaganaan. Subalit sino ang makatitiyak nito?
Isaalang-alang ang ipinangangako ng Diyos: “Isisibol ng lupa ang kaniyang bunga.” “Magkakaroon ng saganang trigo sa lupa.” (Awit 67:6; 72:16) Oo, sa bagong sanlibutan ng Diyos, sasagana ang mabubuting pagkain. Tinitiyak sa atin ng Bibliya na si Jehova ay “gagawa para sa lahat ng bayan . . . ng kapistahan ng matatabang bagay, ng kapistahan ng mga alak na laon, ng matatabang bagay na punô ng utak.”—Isaias 25:6.
Bagaman ang isang sanlibutang walang taggutom ay hindi kayang ipagkaloob ng tao, kaya itong gawin ng Diyos. Ipinakita ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, na ang paglalaan ng pagkain para sa lahat ay hindi magiging problema sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Nang siya’y nasa lupa pa, pinakain ni Jesus ang libu-libo sa pamamagitan ng makahimalang pagpaparami sa iilang tinapay at kaunting isda.—Mateo 14:14-21; 15:32-38.
Isang Sanlibutang Walang Sakit
Wala kang makikitang may sakit saanman sa uri ng sanlibutan na ibig nating lahat. Kaya hindi kataka-taka ang ikatlong kahilingan. “Ito’y isang daigdig na walang sakit,” sulat ng doktor, “isang daigdig na kung saan mabibigyan ang lahat ng pagkakataon na lumusog at mabuhay na ligtas sa mga sakit na naiiwasan at nagagamot.”
Isip-isipin ang kaginhawahan kung walang sinuman ang magkakaroon ng sipon o anumang iba pang sakit! Hindi maaalis ng tao ang sakit, subalit magagawa ito ng Diyos na Jehova. At ipinangangako niya na sa kaniyang bagong sanlibutan ay “walang mamamayang magsasabi: ‘Ako’y may sakit.’ ” Sa halip, “sa panahong iyon madidilat ang mga mata ng bulag, at ang pakinig ng bingi ay mabubuksan. Sa panahong iyon lulukso ang pilay na parang usa, at ang dila ng pipi ay aawit sa kagalakan.” (Isaias 33:24; 35:5, 6) Oo, “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati o ng pananambitan o ng hirap pa man.”—Apocalipsis 21:4.
Nang si Jesu-Kristo ay nasa lupa pa, ipinakita niya kung ano ang ating maaasahan sa malawak na paraan sa bagong sanlibutan ng Diyos. Ibinalik niya ang paningin ng bulag, binuksan ang mga tainga ng bingi, kinalagan ang mga dila ng pipi, pinalakad ang pilay, at maging ang patay ay binuhay-muli.—Mateo 15:30, 31; Lucas 7:21, 22.
Nakasisiyang Trabaho at Katarungan Para sa Lahat
Walang alinlangan, ang nakasisiyang trabaho at katarungan para sa lahat ay iiral sa sanlibutan na nanaisin mo at ng halos lahat. Kaya naman ang mga doktor ay sumulat: “Ikaapat, ito’y magiging isang daigdig na may trabaho para sa mga nagnanais na magkaroon ng kabuhayan upang mapaglaanan ang kanilang mga sarili at ang kani-kanilang pamilya.” At sinabi pa nila: “Ikalima, ito’y magiging isang daigdig kung saan ang bawat tao ay magtatamasa ng kalayaan sa ilalim ng batas, na may katarungan para sa lahat.”
Hindi kailanman nagawa ng pamamahala ng tao ang mga kahilingang ito para sa maligayang pamumuhay. Subalit magagawa ito ng bagong sanlibutan ng Diyos. Ang Bibliya ay nangangako hinggil sa kapaki-pakinabang na trabahong gagawin ng mga tao sa panahong iyon: “Sila nga’y magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan; sila nga’y mag-uubasan at magsisikain ng bunga niyaon. . . . Ang aking pinili ay makikinabang na lubusan sa gawa ng kanilang sariling mga kamay. Sila’y hindi gagawa ng walang kabuluhan.”—Isaias 65:21-23.
Kumusta naman ang kalayaan at katarungan para sa lahat? Gaano mang pagsisikap ang gawin ng mga pinunong tao, sila’y nabigong ipagkaloob ang mga ito sa lahat. Ang kawalang-katarungan at pang-aapi ay patuloy na naghahari sa buong daigdig. Kaya kailanma’y hindi mabibigyang kasiyahan ng mga tao ang pangangailangang ito. Subalit magagawa ito ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Ang kaniyang hinirang na Tagapamahala ay ang binuhay-muling si Jesu-Kristo, at sa kaniya’y sinasabi ni Jehova: “Ang aking hinirang, na kinalulugdan ng aking kaluluwa! . . . Siya’y maglalapat ng kahatulan sa mga bansa.”—Isaias 42:1; Mateo 12:18.
Oo, ipinangangako ng Bibliya na sa ilalim ng Kaharian ng Diyos “palalayain din ang sangnilalang mula sa pagkaalipin sa kabulukan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Roma 8:21) Anong ligayang bagong sanlibutan ito pagka may kalayaan at katarungan na para sa lahat!
Mga Pagkakataon at Paglilibang
Tiyak na sa uri ng sanlibutan na ibig mo, ang lahat ng mamamayan ay masisiyahan sa pantay-pantay na mga pagkakataon anuman ang lahi o bansa. Sa gayon, hindi nga kataka-taka na ang ikaanim na saligang kahilingan na itinala ng mga doktor ay: “Ito’y magiging isang daigdig kung saan ang bawat tao ay magkakaroon ng pagkakataon na mapasulong nang lubusan ang kaniyang mga kakayanan at talino, at gagantimpalaan sa kaniyang pagsisikap, na walang pagtatangi.”
Hindi kailanman nakapagtatag ang mga tao ng isang sanlibutan na ang lahat ng tao ay nasiyahan sa pantay-pantay na pagtrato. Ang pagtatangi at pagpapahirap pa nga sa di-kilalang mga minoryá ang patuloy na tumitindi. Subalit, tutularan ng Hari ng bagong sanlibutan ng Diyos, si Jesu-Kristo, ang halimbawa ni Jehova, na kaniyang Ama, na “hindi nagtatangi kaninuman ni tumatanggap man ng suhol.” (Deuteronomio 10:17; Roma 2:11) Ang nagpapangyaring maging kamangha-mangha ang bagong sanlibutan ay ang bagay na hindi lamang matuturuan ang mga tao na tularan ang kawalang pagtatangi ng Diyos na Jehova kundi kanilang isasagawa ito.—Isaias 54:13.
Kalimitan nang buhos ang lakas ng tao sa mabibigat na trabaho na may bahagya o walang kaginhawahan. Kaya tiyak na sasang-ayon ka sa susunod na saligang kahilingan, alalaong baga’y: “Ikapito, ito’y magiging isang daigdig na kung saan ang lahat ng tao ay magkakaroon ng napakaraming mapaglilibangang mga bagay na kanilang ipinapalagay na mabubuting bagay sa buhay.”
Palibhasa’y batid ang pangangailangan ng tao para sa pana-panahong pagpapahinga at pagpapahingalay, naglaan ang Diyos na Jehova sa kaniyang sinaunang Kautusan ng lingguhang araw ng pamamahinga. (Exodo 20:8-11) Sa gayon, makasisiguro tayo na sa kaniyang bagong sanlibutan, titiyakin ng Diyos na ang ating pangangailangan para sa pagpapahingalay at kapaki-pakinabang na mga uri ng paglilibang ay maipagkakaloob.
Ang Uri ng mga Maninirahan
Ang huling mahalagang sinabi ng mga doktor ay naglalarawan ng mga katangian na tinataglay ng mga maninirahan sa “uri ng sanlibutan na ibig nating lahat na tirhan.” Suriin kung hindi mo itinuturing na mahalaga ang mga katangian na kanilang itinala. “Ikawalo, iyon ay magiging isang daigdig na kung saan ang pinakamatataas na pamantayan ay mailalakip sa mga katangian na magpapakilanlan sa tao mula sa mas mabababang anyo ng buhay, gaya ng katalinuhan at pagkamapanlikha, dangal at integridad, pag-ibig at katapatan, paggalang sa sarili at kawalang-imbot, at pagmamalasakit sa kaniyang mga kapuwa tao.”
Hindi ka ba masisiyahan sa isang daigdig kung saan ang lahat ay nagpapamalas ng pangmoral na mga katangiang gaya ng integridad, pag-ibig, katapatan, kawalang-imbot, at pagmamalasakit sa mga kapuwa tao? Tiyak na ito ang uri ng sanlibutan na ibig mo! Walang sinumang mga pinunong tao ang makapaglalaan nito. Ang Diyos na Jehova lamang ang makagagawa nito. At gagawin niya ito sapagkat ang kaniyang bagong sanlibutan ay hindi isang di-makatotohanan, kakatwang panaginip.—Awit 85:10, 11.
Kailan Ito Darating?
Gaya ng nabanggit sa naunang artikulo, isang malapit na kasama ni Jesu-Kristo ang sumulat: “Mga bagong langit at isang bagong lupa ang hinihintay natin ayon sa pangako [ng Diyos], at sa mga ito’y tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Ang panahon ng katuparan ng pangakong ito ay magaganap, gaya ng sinabi ni Jesus, “sa muling-paglalang, pagka ang Anak ng tao’y naupo na sa kaniyang maluwalhating trono.”—Mateo 19:28.
Noong una pa ma’y nag-utos na ang Diyos kina Adan at Eva, ang unang mag-asawa, na palawakin ang halamanang Paraiso na kung saan Kaniyang inilagay sila. Nais niyang magluwal sila ng mga supling at kasama sila upang gawin ang buong lupa na isang napakagandang halamanang Eden. (Genesis 1:26-28; 2:7-9, 15) Bagaman nabigo sina Adan at Eva na isakatuparan ang layuning ito, maisasauli ang lupang Paraiso sa muling paglalang, na si Kristo ang namamahala sa Kaharian. Sa dakong huli, ang mga kalagayang Edeniko ay mapalalawak sa buong lupa. Sa gayon tutuparin ng ating mapagmahal na Maylikha ang kaniyang unang layunin na magkaroon ng mapayapa, matuwid na sanlibutan. Subalit kailan ito darating?
Ikaw ba’y nag-iisip na gaya ng marami na nagsasabing, ‘Oh, darating din iyan balang araw, subalit hindi sa panahon natin ngayon.’ Pero, paano mo alam? Maaari kayang ang ating panahon ng walang-katulad na kaigtingan sa daigdig ang tanda na malapit na ang bagong sanlibutan ng Diyos? Paano natin malalaman?
[Larawan sa pahina 7]
Sa bagong sanlibutan, magkakaroon ng kapayapaan, sakdal na kalusugan, at kasaganaan
[Credit Line]
Mga Batang Leon: Sa kagandahang-loob ng Hartebeespoortdam Snake and Animal Park
[Larawan sa pahina 8]
Sa bagong sanlibutan, masisiyahan ang mga tao sa kapaki-pakinabang na gawain
[Larawan sa pahina 9]
Sa bagong sanlibutan, magkakaroon ng panahon para sa mga gawaing paglilibang