Hindi Na Ito Lihim
“Pakisuyong ingatan mo itong lihim huwag mong babasahin sa di-kilala”
WALANG mga katumpakan ng modernong pagbaybay at pagbabantas, noong 1863, noong panahon ng Amerikanong Gera Sibil, isinulat ni William H. Morey ang pambungad na babalang ito mula sa Acquia Creek, Virginia, sa kaniyang may kabataang asawa, si Elisa Ann, sa Pennsylvania. Siya ay 24 anyos, bagong kasal, at isang nakatalang sundalo mula sa Hanover Township, Pennsylvania. Siya ay nakikipaglaban sa panig ng mga estado sa Hilaga, ang Union. Ang kaniyang mga kaaway? Ang ibang Amerikano na sumusuporta sa Confederacy ng mga estado sa timog na tumiwalag mula sa Union, idinadahilan ang pakikialam ng Federal (hilaga) mula sa Washington, D.C., sa kanilang suliraning pangkabuhayan. Ano ang nais ni Morey na ingatang lihim? Malalaman natin, ngunit isaalang-alang muna natin ang ilang impormasyon tungkol sa mga pangyayari.
Ang Amerikanong Gera Sibil ay sumiklab noong 1861 pagkaraang ang pitong estado sa timog ay humiwalay mula sa Union, na di-nagtagal ay sinundan ng apat pang estado. Ang 11 estadong ito ang bumuo ng Confederacy. Ang patuloy na pag-iral ng pang-aalipin ang isa sa pangunahing mga isyu sa pagitan ng Hilaga at ng Timog. Ikinakatuwiran ng mayayamang may-ari ng asyenda sa timog na kayang alisin ng Hilaga ang pang-aalipin, yamang ang ekonomiya nito ay pinalalakas ng libu-libong nandarayuhang Europeo. Ang ekonomiya ng timog, gayunman, na depende sa bulak, ay nangangailangan ng halos apat na milyong alipin upang sumagana. Sa paano man, iyan ang kanilang paniwala.
Ano ang paniwala ng Pangulong Abraham Lincoln? Siya’y sumulat noong Agosto 1862: “Ang pinakamahalagang layon ko sa pakikipagpunyaging ito ay upang iligtas ang Union, at hindi ang panatilihin o lipulin ang pang-aalipin. Kung maililigtas ko ang Union nang hindi pinalalaya ang sinumang alipin, gagawin ko ito: at kung maililigtas ko ito sa pagpapalaya sa lahat ng mga alipin, gagawin ko ito.” Sandaling panahon pagkatapos nito, noong Enero 1, 1863, ipinahayag ni Lincoln ang kalayaan ng lahat ng mga alipin na kontrolado ng mga rebelde. Ito ay isang matinding dagok sa ekonomiya ng mga may-ari ng alipin sa timog, na, gaya ng palagay nila rito, nalugi ng “ilang bilyong dolyar na halaga ng pag-aaring alipin” nang walang anumang kabayaran.
Ang kakila-kilabot na digmaang iyon ay sumawi ng di-kukulanging 618,000 kabataang Amerikano noong mga taóng 1861-65, karagdagan pa sa maraming nasugatan—mas maraming Amerikano ang nasawi rito kaysa anumang ibang digmaan. Nasumpungan ni William Morey ang kaniyang sarili na napasangkot sa digmaang ito nang isulat niya ang kaniyang talaarawan at ang kaniyang lihim na sulat noong Enero 25, 1863. Bilang isang pangkaraniwang sundalo, ano ang kaniyang lihim na mga konklusyon tungkol sa digmaan?
Isang Masama ang Loob na Sulat
Sinimulan niya ang kaniyang sulat sa pagpapasalamat sa kaniyang asawa para sa “tabako at iba pang mga bagay” na ipinadala niya sa kaniya at saka sumulat: “Naniniwala ako at nakikita ko na ang digmaang ito ay isang ganap na panloloko at isang digmaang pinagkakakitaan ang lahat ay nagsisikap na kumita ng pinakamaraming salapi at iyan lamang ang tanging bagay na nagpapangyaring magpatuloy ang digmaang ito at ngayon ay nauunawaan namin kung paano nagpapatuloy ang digmaang ito kung sana’y nariyan ako sa atin ngayon susuntukin ko ang unang tao kung hihilingin niya akong muling magpatala para magsundalo kami’y tinatrato rito na parang mga aso mas mabuti pa ang kalagayan ng maraming aso kaysa amin at sinasabi ko [sa iyo] na kung natanggap ko lamang ang aking suweldo sa loob ng 4 na buwang ito sisikapin kong tumakas pasamâ nang pasamâ ang pagtrato sa amin araw-araw.”a
Ipinaliwanag niya kung saan sila nakahimpil: “Ito’y napakagandang lugar at isang napakagandang tanawin makikita mo ang mga bapor na dumarating sa potomac [ilog] . . . dito’y nagtatrabaho kaming puspusan ng ilang araw na kinakargahan ang mga kotse [ng tren] at kalahati lamang ng pagkaing kailangan namin ang ipinakakain marami sa aming mga kabataan ang nagbabalak na tumakas kung may pera lamang sila . . . kami’y nagmamartsa lamang at gumagawa ng mabibigat na atas sa lahat ng panahon.”
Magkagayon man, ang mga kasalatang ito ay bale wala kung ihahambing sa mga dinanas ng mga lalaking nakipagbaka sa digmaan. Sa isang digmaan, ang heneral sa timog na si D. H. Hill ay nawalan ng 2,000 sa kaniyang 6,500 lalaki. Siya’y sumulat: “Hindi ito digmaan, ito’y pagpatay.” (Gray Fox, ni Burke Davis) Ang mga kalagayan ng sapilitang pagsusundalo sa Hilaga at sa Timog ay gayon na lamang anupat ang mga may salapi ay maaaring malibre o mapahintulutang huwag magsundalo sa pamamagitan ng pagbabayad ng salapi. Ang ilang mas mahihirap na lalaki sa Timog ay nagreklamo na ito’y isang “digmaan ng mayayaman at ang mahihirap ang kailangang makipagdigma.” Si Korporal Morey ay binayaran ng malaking halaga upang maglingkod sa digmaan, at mula sa napagbilhan ay nagtayo siya ng isang panaderya.
Yaong mga napunta sa mga kampong piitan, gaya niyaong sa Andersonville, Georgia, ay kadalasang ipinailalim sa kakila-kilabot na mga kalagayan. “Isang mabagal na sapà ang dumadaloy rito. Ang bilang ng mga taong nagkakasakit at namamatay ay napakataas, dahil sa kakulangan ng sanitasyon, pagsisiksikan, pagkalantad, at di-sapat na pagkain na nakatulong sa masamang mga kalagayan.” (Andersonville, isang brosyur) Mas masahol pa ang pagpatay, pandarambong sa mga bilanggo ng mga pangkat ng imbing mga kriminal, tinatawag na Raiders (mga mananalakay), na mga bilanggo rin. Itinaguyod nila ang “kawalang habas na pandarambong at karahasan.” Mula sa iba’t ibang dahilan, hindi kukulanging 12,920 sundalo ang namatay sa Andersonville.
Sa 1995, sumulong ba ang sangkatauhan? Natutuhan ba ang mga leksiyon ng kasaysayan? Ang kakila-kilabot na walang-awang pagpatay sa Rwanda, Liberia, sa Balkans at sa marami pang ibang dakong naglalaban ay mga halimbawa di pa natatagalan ng kalupitan ng tao sa tao. Ang mga mananampalatayang Katoliko at Ortodoxo, bagaman nag-aangking Kristiyano, ay hindi namumuhay ayon sa maibiging halimbawa ni Kristo Jesus. Ang mga Saksi ni Jehova lamang ang nakapanatili ng kanilang neutralidad at tumanggi nang mag-aral o magsagawa ng pakikidigma. At iyan ay hindi lihim.—Isaias 2:4; Mikas 4:3.
[Mga talababa]
a Ang kakulangan ng bantas ay ayon sa orihinal na sulat.