Mula sa Aming mga Mambabasa
Sumulong ang Gumising! Kamakailan ko lamang nasumpungan ang kopya ng Abril 8, 1994, Gumising! sa aking pintuang screen. Wow! Anong nangyari? Nakalikha kayo ng sunod-sa-panahon, nakapagtuturong publikasyon para sa “dekada 90.” Talagang nagulat ako sa malaking pagbabago, at sa kauna-unahang pagkakataon, ay talagang binasa ko ang mga artikulo. (Karaniwan nang sinasabi ko sa sarili ko, ‘Oh, heto na naman ang mga ito,’ at isasantabi ko na ito.) May kawili-wiling bagay ito para sa lahat. Totoong nasiyahan ako sa mga artikulo na tungkol sa kanser at sa “Kahanga-hangang ‘Lumalaking Daan’ ng Canada.” Kayo’y nasa tamang landas. Ipagpatuloy ninyo ang mabuting gawa, at ipinangangako ko na hindi ko na isasantabi ang mga kopya hanggang sa mabasa ko ang mga ito.
D. G., Estados Unidos
Pagkalito sa Heograpiya Sa inyong Oktubre 22, 1994, ang mga artikulo tungkol sa mga misyonero, na pinamagatang “Pakanluran Tungo sa Europa,” sinabi ninyo na si Boniface ay ‘nangahas na putulin ang sagradong punong encina sa Thor’ sa Geismar, malapit sa Göttingen, Alemanya. Sa abot ng aking nalalaman, ang pinag-aalinlanganang Geismar ay hindi malapit sa Göttingen kundi malapit sa Fritzlar.
A. L., Alemanya
Tama kayo. Lumalabas na may dalawang lugar na tinatawag na Geismar, at nalito kami sa mga ito. Salamat sa pagtawag pansin sa aming pagkakamali.—ED.
Relihiyon at Digmaan Tinalakay ng inyong Oktubre 22, 1994, serye ng “Kapag ang Relihiyon ay Pumapanig sa Digmaan” ang ipinalalagay ninyong kabiguan sa bahagi ng Katolikong mga pinuno na tahasang hatulan ang digmaan. Subalit iba naman ang isinisiwalat ng kasaysayan. Sa pasimula ng pag-uusig ni Hitler sa Alemang mga Judio, si Cardinal Faulhaber ng Munich ay nagbigay ng sermon kung saan ipinagtanggol niya ang mga Judio. Ang iba pang bayaning mga klero ay tahasang humatol sa mga batas ng Nazi na nagbabawal sa pag-aasawa sa pagitan ng mga “Aryan” at mga Judio. Pagkatapos ng biglang pagsiklab ng Digmaang Pandaigdig II sa Europa, ipinasara ni Hitler ang mga paaralang Katoliko, pinigilan ang Katolikong press, at, sa Poland, ipinasara ang lahat ng kumbento, monasteryo, at mga seminaryo.
J. L., Estados Unidos
Ang mga artikulo ay salig sa walang pinapanigan at mapagkakatiwalaang mga pinagkunan. Halimbawa, ang aklat na “German Catholics and Hitler’s Wars” ay isinulat ni Gordon C. Zahn, na isang Katolikong propesor. Sa totoo, labis-labis ang katibayan na, sa paano man sa unang mga yugto, ang hirarkiyang Katoliko ay nagbigay ng pangkalahatang suporta sa partidong Nazi. Hindi ito nangangahulugan na walang ilang indibiduwal na Katolikong mga klero ang tahasang sumalansang sa mga Nazi. Subalit ang mga ito ay maliwanag na mga eksepsiyon.—ED.
Pagpapasuso sa Ina Ang inyong artikulo na “Mahahalagang Bagay Tungkol sa Pagpapasuso” (Agosto 22, 1994) ay tumalakay nang higit kaysa naunang mga artikulo tungkol sa paksa. Madalas, ipinauubaya ng mga ama sa kanilang mga asawang babae ang pagiging matagumpay o hindi ng pagpapasuso. Subalit talagang sinabi ng inyong artikulo sa mga ama at sa iba pang mga miyembro ng pamilya kung ano ang magagawa nila upang maging matagumpay ang pagpapasuso.
D. D., Estados Unidos
Ako’y nagkaroon ng magandang karanasan sa pagpapasuso sa aking dalawang anak. May mga problema sa umpisa, gaya ng pagsusugat, pero dahil sa pagpapatibay-loob ng aking kapatid na babae at payo mula sa aking doktor, napagtagumpayan ko ang kahirapan. Hinihimok ko ang lahat ng ina na magpasuso sa kanilang mga sanggol, yamang ang malalim na ugnayan sa pagitan ng ina at anak ay kamangha-manghang karanasan na hindi kailanman malilimutan ng isa.
U. B., Alemanya
Mahiwagang Sakit Dahil sa ako’y nagbabasa ng inyong mga magasin sapol nang ako’y limang taóng gulang, talagang pinahalagahan ko ang artikulong “Ang Mahiwagang mga Sakit sa Guam.” (Agosto 8, 1994) Ang aking ina, na isang tapat na lingkod ng Diyos hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1972, ay isang biktima ng sakit na ito. Ibig ko kayong pasalamatan para sa impormasyon at sa lubusang paliwanag na inyong ibinigay. Ibinahagi ko rin ang labas na ito sa aking pamilya at mga kaibigan upang ipakita sa kanila ang kahalagahan ng inyong magasin.
W. A., Estados Unidos