Kung Bakit Kailangan ng Iyong Katawan na Matulog
“KAHIT ano ay ibibigay ko kapalit ng isang mahimbing na tulog!” Ang reklamong iyan ay karaniwan ngayon. Maraming tao ang laging sinasagad ang kanilang sarili, at ang pang-araw-araw na kaigtingan at tensiyon ng modernong buhay ay nakapipinsala sa tao.
Ang mga doktor, opisyal ng pulisya, bombero, tsuper ng trak, manggagawang pabagu-bago ang oras ng trabaho, ina na may maliliit na anak, at marami pang iba ay kabilang sa mga napagkakaitan ng tulog na kailangan ng kanilang mga katawan. Milyun-milyong tao na nakararanas ng pagkasiphayo na nauugnay sa kawalan ng tulog ay lubhang interesadong malaman kung paano sila magkakaroon ng mahimbing, nakarerepreskong tulog.
Ang Bahagi ng Tulog
Ang tulog, o sa paano man ang yugto ng pahinga, ay waring pangkaraniwan sa mga nabubuhay na nilalang. Kung mayroon kang mga alagang hayop na gaya ng mga pusa, aso, o ibon, walang alinlangang napansin mo na ang mga pusa at mga aso ay regular na namamaluktot at natutulog at na ang mga ibon ay nananahimik at natutulog pagkagat ng dilim. Halos lahat ng mga hayop, ibon, at insekto ay nangangailangang matulog, o sa paano man ng mga panahon ng mabagal na pagkilos. Para sa mga tao, ang tulog ay lubhang kinakailangan.
Inaakala ng ilang tao na ang tulog ay basta isang yugto lamang ng pahinga. Subalit ito ay higit pa sa pahinga. “Sa katunayan ang tulog ay isang masalimuot na proseso ng pagtigas at paglambot ng mga kalamnan, pagtaas at pagbaba ng pulso at presyon ng dugo at ang paggawa ng kaniyang sariling gawang-bahay na pelikula,” sabi ng The Toronto Star. “Kapag ang isang tao ay natutulog,” sabi ng The World Book Encyclopedia, “lahat ng gawain ay bumabagal at ang mga kalamnan ay nagpapahingalay. Ang tibok ng puso at bilis ng paghinga ay bumabagal.”
Bagaman napag-aralan na ng mga siyentipiko, doktor, at mga mananaliksik ang tungkol sa tulog sa loob ng maraming dekada, nananatili pa rin ang pangunahing mga hiwaga tungkol sa mahalagang bahagi nito. Hindi pa nga natuklasan ng mga nagsisiyasat na ito kung ano nga ba ang tulog o kung bakit tayo natutulog. Ganito ang sabi ni Dr. Eliot Phillipson ng laboratoryo sa pananaliksik tungkol sa tulog sa Queen Elizabeth Hospital sa Toronto: “Hindi natin nalalaman ang mahalagang biyolohikal na mga pangyayari na nagaganap sa pagtulog na nagpapanariwa sa atin.”
Sa panahon ng pagtulog, nagaganap ang mga pagbabago sa katawan na nakaaapekto sa ating sistema ng imyunidad. Ang mga bahagi ng katawan ay nakapagpapahingalay at nagpapahinga, isinasaayos ang mga napinsala o nanghinang bahagi dahil sa gawain sa maghapon. Ang panlahat na gawaing paglilinis na isinasagawa sa daluyan ng dugo ay tumatakbo nang mahusay, at ang kemikal na pagkakatimbang ay ibinabalik. Kaya ang tulog ay maihahambing sa isang pangkat ng mga taong nagtatrabaho sa gabi na pumapasok upang kumpunihin at linisin ang mga bagay-bagay para sa kinabukasan.
Isa sa pinakamahalagang gawain ng tulog ay hayaang makabawi ang sistema nerbiyosa mula sa pagkagamit dito sa maghapon. Gaya ng sinasabi ng The World Book Encyclopedia, “isinasauli ng tulog ang lakas sa katawan, lalo na sa utak at sa sistema nerbiyosa.”
Gaano Kahabang Tulog?
Karamihan ng mga adulto ay nangangailangan ng pito o walong oras na tulog sa isang gabi. Ang ilan ay nangangailangan ng kaunti, ang iba ay higit. May nagsasabi na sila’y nangangailangan lamang ng apat o limang oras, bagaman ang ilan sa kanila ay naiidlip sa araw. Ang mga sanggol ay nangangailangan ng mas maraming tulog kaysa mga adulto.
Lalo na kapag tumatanda ang mga tao, maaaring masumpungan nila na sila ay ilang ulit na nagigising sa gabi. Inaakala ng ilan na ito ang palatandaan ng simula ng malubhang suliranin sa pagtulog. Gayunman, bagaman ang may edad nang mga tao ay maaaring hindi nagkakaroon ng katulad na uri ng tulog na taglay nila nang sila’y bata-bata pa, ipinakikita ng mga eksperimento na ang paggising nang ilang ulit sa gabi ay hindi dapat ikabahala. Karaniwan na, ang panahon ng paggising para sa karamihan ng mga may edad na nagigising nang ilang ulit sa gabi ay maikli, marahil ilang minuto lamang, bago sila muling nakakatulog.
Gayunman, anuman ang edad ng isa, hindi dapat asahan ng isa na magkaroon ng gayunding mahimbing na pagtulog sa magdamag. Ang tulog ay nagaganap sa salit-salit na mga siklo ng mas mahimbing na tulog at mababaw na tulog. Sa magdamag, ang isang tao ay maaaring magkaroon ng maraming siklong ito.
Mga Panganib Dahil sa Kakulangan ng Tulog
“Ang mga mananaliksik ay higit at higit na nababahala tungkol sa dami ng mga tao na kakaunti ang tulog. Ang talamak na kakulangan ng tulog, babala nila, ay maaaring magkaroon ng nakapipinsalang resulta kapuwa sa ating sarili at sa mga tao sa paligid natin,” ulat ng The Toronto Star.
“Ang mga taong napagkakaitan ng tulog ay nawawalan ng lakas at nagiging maiinitin-ang-ulo. Pagkaraan ng dalawang araw na walang tulog, nasusumpungan ng isang tao na mahirap ang mahabang pagtutuon ng isip. . . . Maraming pagkakamali ang nagagawa, lalo na sa rutinang mga atas, at ang isa kung minsan ay hindi nakapagtutuon ng pansin. . . . Ang mga taong hindi nakakatulog sa loob ng mahigit na tatlong araw ay nahihirapang mag-isip, makakita, at makarinig nang malinaw. Ang ilan ay nagkakaroon ng mga panahon ng mga guniguni, kung saan sila’y nakakikita ng mga bagay na hindi talaga umiiral,” sabi ng The World Book Encyclopedia.
Natuklasan ng mga pagsubok na pagkatapos ng apat na araw ng hindi pagkatulog, ang isa ay makagagawa lamang ng ilang rutinang gawain. Ang mga gawaing nangangailangan ng atensiyon o kaunting kaalistuhan ng isip ay hindi natatagalan. Ang kawalan ng pagtutuon ng isip at liksi ng isip ay hindi ang pinakamasamang mga salik. Pagkalipas ng apat at kalahating araw, nariyan na ang mga palatandaan ng deliryo, at ang nakikita ng tao sa paligid niya ay nagiging lubhang kakatwa.
Ang hindi pagkatulog ay maaaring humantong sa malulubhang problema. Mahigit sa isang inaantok na tao ang nakatulog samantalang nagmamaneho ng kotse at nasangkot sa isang nakamamatay na aksidente. Ang hindi pagkatulog ay maaari ring humantong sa mga problema sa pamilya at sa pag-aasawa, yamang ang patuloy na hindi pagtulog ay nagpapangyari sa isa na maging higit na magagalitin at mas mahirap pakitunguhan. Ang mahimbing na pagtulog sa gabi ay mas mahalaga kaysa maaaring isipin ng ilan.
Pagtulog Nang Mahimbing sa Gabi
Ang espesyalista sa pagtulog na si Dr. Jeffrey J. Lipsitz ng Sleep Disorders Centre ng Metropolitan Toronto ay nagmumungkahi ng sumusunod para sa pagtulog nang mahimbing sa gabi. Matulog sa tiwasay, tahimik, madilim na kapaligiran at sa isang komportableng kama. Huwag iidlip sa dakong hapon na, kahit na kung ikaw ay hindi gaanong nakatulog kagabi; sikaping manatiling gisíng at matulog sa iyong karaniwang oras ng pagtulog. Iwasan ang pag-inom ng may caffeine bago matulog. Huwag gamitin ang higaan sa pagbabasa o panonood ng TV. Iwasan ang masiglang ehersisyo at ang pagkain nang marami bago matulog. Panatilihin ang regular na oras ng pagtulog, yamang tutulong ito sa katawan na magkaroon ng isang di-nagbabagong ritmo ng pagtulog-paggising.
Magkaroon ng rutina na magrelaks bago ka matulog. Iwasan ang paggawa ng mga bagay na maaaring makapagpasigla at higit na magpagising sa iyo. Halimbawa, iwasan ang kapana-panabik na mga pelikula, programa sa TV, o babasahin. Ang pagkakaroon ng masiglang usapan bago matulog ay maaari ring magpanatili sa iyong gisíng.
Para sa ilang tao, ang paliligo ng maligamgam (hindi mainit) na tubig o pagbabasa ng nakaaaliw na babasahin na hindi nakapagpapasigla ay nakatutulong. Gayundin ang mga bagay na nakapagpapatulog, gaya ng maligamgam na gatas, buttermilk, kaunting alak, o mga tsaa na hops, mint, o chamomile—ngunit huwag ang mga tsaa na may caffeine.
Gayunman, karaniwan nang tinatanggap na ang basta pagrerelaks bago matulog ay maaaring hindi sapat sa ganang sarili. Ang isang kaayaaya, timbang na buhay na may regular na ehersisyo at walang mga kabalisahan at kabiguan dahil sa kasakiman, paninibugho, galit, at ambisyon ay nakatutulong sa kakayahang matulog nang mahimbing sa gabi. Gayundin ang buhay na malaya mula sa labis-labis na pagkain at alak at isang buhay na malaya sa kalungkutan dahil sa imoralidad.
Ang pagbibigay-kasiyahan sa ating espirituwal na pangangailangan ay maaaring gumanap ng isang mahalagang bahagi sa pagkakaroon ng mahimbing, maginhawang tulog. Tutulong ito sa atin na maunawaan ang masalimuot na daigdig na pinamumuhayan natin at itaguyod ang isang timbang, kasiya-siyang paraan ng pamumuhay. Ang pantas na lingkod ng Diyos ay humihimok sa atin na magkaroon ng matalinong unawa at manghawakan sa karunungan ni Jehova, sapagkat ito ang aakay tungo sa “isang kaayaaya at maligayang buhay.” Pagkatapos ay isinusog niya: “Hindi ka matatakot pagka ikaw ay matutulog, at ikaw ay matutulog nang mahimbing sa buong magdamag.”—Kawikaan 3:21-24, Today’s English Version.
[Blurb sa pahina 18]
Karamihan ng mga adulto ay nangangailangan ng pito o walong oras ng tulog sa isang gabi
[Larawan sa pahina 18]
Ang talamak na hindi pagtulog ay maaaring magkaroon ng nakapipinsalang mga resulta
[Larawan sa pahina 18]
Maraming tao ang nahihirapang makatulog