Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 6/22 p. 6-9
  • Mapagkakatiwalaan Mo ba ang mga Pangako ng Diyos?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mapagkakatiwalaan Mo ba ang mga Pangako ng Diyos?
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pagbangon at Pagbagsak ng mga Kapangyarihang Pandaigdig
  • Ang Ipinangakong Mesiyas
  • Walang Petsang Ibinigay Para sa Katapusan
  • Kailangan ang Pagtutuwid ng Palagay
  • Mga Hula na Nagkatotoo
    Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?
  • Daniel—Isang Mapaniniwalaang Aklat ng Hula
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Gaano Katotoo ang mga Hula ng Bibliya?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Nasulyapan ng Isang Bihag na Propeta ang Mangyayari sa Hinaharap
    Ang Bibliya—Ano ang Mensahe Nito?
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 6/22 p. 6-9

Mapagkakatiwalaan Mo ba ang mga Pangako ng Diyos?

ANG Diyos na Jehova, ang ating Maylikha, ay laging tapat sa kaniyang salita. “Aking sinalita ito,” aniya. “Akin din namang gagawin ito.” (Isaias 46:11) Pagkatapos akayin ang mga Israelita tungo sa Lupang Pangako, ang lingkod ng Diyos na si Josue ay sumulat: “Walang pangako na hindi natupad sa lahat ng mabuting ipinangako ni Jehova sa sambahayan ng Israel; lahat ay nangyari.”​—Josue 21:45; 23:14.

Mula noong kaarawan ni Josue hanggang sa pagdating ng Mesiyas, daan-daang hula na kinasihan ng Diyos ang natupad. Isang halimbawa ay nang ang tagapagtayong-muli ng Jericho ay dumanas ng isang parusang inihula mga dantaon na patiuna. (Josue 6:26; 1 Hari 16:34) Subalit isa pang halimbawa ay ang pangako, na tila imposibleng matupad, na ang nagugutom na mga maninirahan sa Samaria ay tatanggap ng saganang pagkain upang kainin sa araw kasunod ng hula. Sa 2 Hari kabanata 7, mababasa mo kung paano tinupad ng Diyos ang pangakong iyan.

Ang Pagbangon at Pagbagsak ng mga Kapangyarihang Pandaigdig

Kinasihan ng Diyos ang mga manunulat ng Bibliya na itala ang mga detalye tungkol sa pagbangon at pagbagsak ng mga kapangyarihang pandaigdig. Halimbawa, ginamit ng Diyos ang kaniyang propetang si Isaias upang ihula ang pagbagsak ng makapangyarihang Babilonya halos 200 taon bago ito nangyari. Sa katunayan, ang mga Medo, na kumampi sa mga Persiano, ay pinanganlan bilang mga mananakop. (Isaias 13:17-19) Gayunman higit na kapansin-pansin, pinanganlan ng propeta ng Diyos ang Persianong hari na si Ciro bilang ang isa na mangunguna sa pananakop, bagaman si Ciro ay hindi pa ipinanganganak nang itala ang hula! (Isaias 45:1) Ngunit marami pang halimbawa ng natupad na hula.

Inihula rin ni propeta Isaias kung paano gagawin ang pananakop sa Babilonya. Isinulat niya na ang pananggalang na tubig ng lungsod, ang ilog Eufrates, ay ‘patutuyuin’ at na “ang mga pintuang-bayan [ng Babilonya] ay hindi masasarhan.” (Isaias 44:27–45:1) Ang espesipikong mga detalyeng ito ay natupad, gaya ng iniulat ng mananalaysay na si Herodotus.

Noong ang Babilonya ay makapangyarihan pa, ginamit din ng Diyos ang kaniyang propetang si Daniel upang sabihin ang tungkol sa mga kapangyarihang pandaigdig na susunod sa kaniya. Si Daniel ay nagkaroon ng pangitain ng isang makasagisag na lalaking tupa na may dalawang-sungay na nagtagumpay sa pananakop sa lahat ng iba pang “mabangis na mga hayop.” Walang pag-aalinlangan sa kung sino ang kinakatawan ng lalaking tupa na may dalawang-sungay, isinulat ni Daniel na ito ay “kumakatawan sa mga hari ng Medo at Persia.” (Daniel 8:1-4, 20) Oo, gaya ng inihula, ang Medo-Persia ang naging susunod na kapangyarihang pandaigdig nang sakupin nito ang Babilonya noong 539 B.C.E.

Sa pangitaing ito mula sa Diyos, susunod na nakita ni Daniel ang “isang lalaking kambing [na may] nakagitaw na sungay sa pagitan ng kaniyang mga mata.” Si Daniel ay nagpatuloy sa kaniyang paglalarawan: ‘Aking nakita na siya’y lumapit sa lalaking tupa, at kaniyang sinaktan ang tupa at binali ang dalawang sungay nito, at ang tupa ay walang tagapagligtas. At ang lalaking kambing ay nagmalaking mainam; at nang siya’y naging makapangyarihan, ang malaking sungay ay nabali, at kahalili niyao’y lumitaw ang apat na sungay.’​—Daniel 8:5-8.

Ang Salita ng Diyos ay hindi nag-iiwan ng anumang pag-aalinlangan sa kung ano ang kahulugan ng lahat ng ito. Pansinin ang paliwanag: “Ang mabalahibong lalaking kambing ay kumakatawan sa hari ng Gresya; at kung tungkol sa malaking sungay na nasa pagitan ng kaniyang mga mata, ito ay kumakatawan sa unang hari. At tungkol sa isa na nabali, kung kaya may apat na tumayo sa wakas na kahalili niyaon, ay apat na kaharian mula sa kaniyang bansa ang tatayo, ngunit hindi sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan.”​—Daniel 8:21, 22.

Ipinakikita ng kasaysayan na ang “hari ng Gresya” na ito ay si Alejandrong Dakila. Pagkamatay niya noong 323 B.C.E., ang kaniyang imperyo ay sa wakas nahati sa kaniyang apat na mga heneral​—sina Seleucus I Nicator, Cassander, Ptolemy I, at Lysimachus. Gaya ng inihula ng Bibliya, “may apat na tumayo sa wakas na kahalili niyaon.” Gaya rin ng inihula, wala sa mga ito ang nagtaglay ng antas ng kapangyarihan na tinaglay ni Alejandro. Tunay, gayon na lamang kapambihira ang mga katuparan nito anupa’t ang mga hulang iyon sa Bibliya ay tinawag na “kasaysayan na naisulat nang patiuna.”

Ang Ipinangakong Mesiyas

Ang Diyos ay hindi lamang nangako ng isang Mesiyas na magliligtas sa mga tao mula sa mga epekto ng kasalanan at kamatayan kundi nagbigay rin ng maraming hula upang makilala ang Ipinangakong Isa na iyon. Isaalang-alang ang ilan sa mga ito, mga hula na hindi maaaring inayos ni Jesus upang matupad sa kaniyang buhay.

Inihula daan-daang taon na patiuna na ang Ipinangakong Isa ay isisilang sa Betlehem at na siya ay ipanganganak ng isang birhen. (Paghambingin ang Mikas 5:2 at Mateo 2:3-9; Isaias 7:14 at Mateo 1:22, 23.) Inihula na siya ay ipagkakanulo sa halagang 30 pirasong pilak. (Zacarias 11:12, 13; Mateo 27:3-5) Inihula rin na walang isa mang buto sa kaniyang katawan ang mababali at na ang kaniyang kasuutan ay pagsasapalaran.​—Paghambingin ang Awit 34:20 at Juan 19:36, Awit 22:18 at Mateo 27:35.

Lalo nang mahalaga ang bagay na inihula ng Bibliya kung kailan darating ang Mesiyas. Ang Salita ng Diyos ay humula: “Mula sa paglabas ng utos na isauli at muling itayo ang Jerusalem hanggang sa Mesiyas na Lider, magiging pitong sanlinggo, at animnapu’t-dalawang sanlinggo.” (Daniel 9:25) Ayon sa Bibliya, ang salitang isauli at muling itayo ang mga pader ng Jerusalem ay ibinigay noong ika-20 taon ng paghahari ni Haring Artaxerxes, na ipinahihiwatig ng sekular na kasaysayan na noong taóng 455 B.C.E. (Nehemias 2:1-8) Ang 69 na sanlinggo ng mga taon ay nagwakas pagkalipas ng 483 taon (7 x 69 = 483), noong 29 C.E. Iyan ang mismong taon na si Jesus ay nabautismuhan at pinahiran ng banal na espiritu, nagiging ang Mesiyas, o Kristo!

Kaya naman, ang mga tao noong panahon ni Jesus ay umaasa na ang Mesiyas ay lilitaw nang panahong iyon, gaya ng binanggit ng Kristiyanong mananalaysay na si Lucas. (Lucas 3:15) Ang Romanong mga mananalaysay na sina Tacitus at Suetonius, ang Judiong mananalaysay na si Josephus, at ang Judiong pilosopong si Philo Judaeus ay nagpatotoo rin sa katotohanang inaasahan ng mga tao noon ang Mesiyas. Kahit na si Abba Hillel Silver, sa kaniyang aklat na A History of Messianic Speculation in Israel, ay umamin na “ang Mesiyas ay inaasahan noong ikalawang ikaapat na bahagi ng unang siglo C.E.” Ito, aniya, ay dahil sa “popular na kronolohiya noong panahong iyon,” na kinuha sa aklat ng Daniel.

Dahil sa impormasyong iyon, hindi kataka-taka na maaari ring ipahiwatig ng Bibliya kung kailan magbabalik ang Mesiyas upang simulan ang kaniyang makaharing pamamahala. Ang katibayan ayon sa kronolohiya na nasa hula ni Daniel ay tumuturo sa espesipikong panahon na ibibigay “ng Kataas-taasan” ang pamamahala sa lupa sa “pinakamababa sa mga tao,” si Jesu-Kristo. (Daniel 4:17-25; Mateo 11:29) Isang yugto ng “pitong panahon,” o pitong makahulang mga taon, ang binanggit, at itong yugtong ito ay tinantiya na magtatapos sa taóng 1914.a

Walang Petsang Ibinigay Para sa Katapusan

Gayunman, ang taóng 1914 ang petsa lamang para sa pasimula ng paghahari ni Kristo “sa gitna ng [kaniyang] mga kaaway.” (Awit 110:1, 2; Hebreo 10:12, 13) Ang aklat ng Bibliya na Apocalipsis ay nagsisiwalat na kapag nagsimula na ang paghahari ni Kristo sa langit, ihahagis niya si Satanas na Diyablo at ang kaniyang mga anghel sa lupa. Sinasabi ng Bibliya, bago niya lipulin ang balakyot na mga espiritung personang ito, pangyayarihin nila ang isang malaking kaguluhan sa lupa sa “maikling yugto ng panahon.”​—Apocalipsis 12:7-12.

Higit sa lahat, ang Bibliya ay hindi nagbibigay ng petsa kung kailan magwawakas ang “maikling yugto ng panahon” na ito at kung kailan kikilos si Kristo bilang Tagapuksa sa mga kaaway ng Diyos sa Armagedon. (Apocalipsis 16:16; 19:11-21) Sa katunayan, gaya ng nabanggit sa naunang artikulo, sinabi ni Jesus na manatiling handa sapagkat walang sinumang tao ang nakaaalam ng petsa ng pangyayaring iyon. (Marcos 13:32, 33) Kaya nga, kapag may nagsasabi nang higit pa sa sinabi ni Jesus, gaya ng ginawa ng sinaunang mga Kristiyano sa Tesalonica at ng mga iba pa kasunod nila, magkakaroon ng huwad, o hindi wasto, na mga hula.​—2 Tesalonica 2:1, 2.

Kailangan ang Pagtutuwid ng Palagay

Bago ang huling bahagi ng taóng 1914, maraming Kristiyano ang umasang babalik si Kristo nang panahong iyon at dadalhin sila sa langit. Kaya, sa isang pahayag na ibinigay noong Setyembre 30, 1914, si A. H. Macmillan, isang Estudyante ng Bibliya, ay nagsabi: “Ito na marahil ang huling pahayag pangmadla na aking bibigkasin sapagkat tayo’y malapit nang umuwi [sa langit].” Maliwanag, si Macmillan ay nagkamali, subalit hindi lamang iyan ang tanging di-natupad na inaasahan niya o ng kaniyang kapuwa mga Estudyante ng Bibliya.

Inaasahan din ng mga Estudyante ng Bibliya, kilala bilang mga Saksi ni Jehova mula noong 1931, na masasaksihan ng taóng 1925 ang katuparan ng kahanga-hangang mga hula sa Bibliya. Ipinalalagay nila na sa panahong iyon magsisimula ang makalupang pagkabuhay-muli, bubuhaying muli ang tapat na mga taong gaya nina Abraham, David, at Daniel. Kamakailan lamang, maraming Saksi ang nag-akala na ang mga pangyayaring nauugnay sa pasimula ng Milenyong Paghahari ni Kristo ay maaaring magsimulang maganap noong 1975. Ang kanilang pag-asam ay batay sa pagkaunawa na ang ikapitong milenyo ng kasaysayan ng tao ay magsisimula noon.

Ang maling mga palagay na ito ay hindi nangangahulugan na ang mga pangako ng Diyos ay mali, na siya ay nagkamali. Hinding-hindi! Ang mga pagkakamali o maling idea, gaya sa kaso ng unang-siglong mga Kristiyano, ay dahil sa hindi pagsunod sa babala ni Jesus, ‘Hindi ninyo nalalaman ang oras.’ Ang maling mga konklusyon ay hindi dahilan sa masamang hangarin o sa kawalang-katapatan kay Kristo, kundi dahil sa taimtim na pagnanais na makita ang katuparan ng mga pangako ng Diyos sa kanilang sariling panahon.

Kaya nga, ipinaliwanag ni A. H. Macmillan nang maglaon: “Natutuhan kong dapat nating aminin ang ating pagkakamali at patuloy na saliksikin ang Salita ng Diyos para sa higit na kaliwanagan. Anumang mga pagbabago sa ating mga palagay ang kailangan nating gawin sa pana-panahon, hindi niyan babaguhin ang mapagmahal na paglalaan ng pantubos at ang pangako ng Diyos na buhay na walang-hanggan.”

Tunay, ang mga pangako ng Diyos ay mapagkakatiwalaan! Ang mga tao ang nagkakamali. Samakatuwid, pananatilihin ng tunay na mga Kristiyano ang mapaghintay na saloobin bilang pagsunod sa utos ni Jesus. Sila’y mananatiling gisíng at handa sa tiyak na pagdating ni Kristo bilang Tagapuksa ng Diyos. Hindi nila hahayaang palabuin ng huwad na mga hula ang kanilang pagkaunawa at magpangyari sa kanila na waling-bahala ang tunay na babala ng katapusan ng sanlibutan.

Kaya, kumusta naman ang tungkol sa paniniwala na magwawakas ang sanlibutang ito? May katibayan nga ba na ito ay malapit nang mangyari, sa iyong panahon?

[Mga talababa]

a Tingnan ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, pahina 138-41, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 7]

Espesipikong mga detalye ang inihula tungkol sa pagbagsak ng Babilonya

[Mga larawan sa pahina 9]

Hindi maaaring inayos ni Jesus upang matupad ang maraming hula tungkol sa kaniya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share