Kung Saan ang Pera ay Nananatili sa mga Puno
IPAGPALAGAY nang ang pera ay tumutubo sa mga puno at na ikaw ang nagmamay-ari ng isang punong iyon. Ngayon ay gunigunihin na ang iyong puno ay nakatanim sa tabing-daan sa isang landas na nilalakaran ng marami sa iyong mga kapitbahay sa bawat araw. Sa palagay mo kaya ay gaano katagal mananatili ang pera sa iyong puno?
Kung ang lahat ng iyong mga kapitbahay ay mga Saksi ni Jehova, ang iyong punungkahoy ng pera ay magiging ligtas. Bakit namin sinasabi iyon? Sapagkat ang mga Saksi ni Jehova ay sumusunod sa utos ng Bibliya na gumawi nang may katapatan sa lahat ng bagay. (Hebreo 13:18) Inilalarawan ito ng isang pangyayari kamakailan.
Sa Nigeria, Kanlurang Aprika, isang limang-naira na perang papel ang nasumpungan sa kalye mga siyamnapu’t isang metro ang layo sa pinakamalapit na gusali ng tanggapang sangay ng Samahang Watch Tower. Itinali ito ng nakasumpong nito sa palapa ng isang kalapit na niyog, iniisip na ang taong nawalan ng pera ay bakâ bumalik upang hanapin ito.
Bagaman ang pera ay madaling nakikita ng maraming Saksi ni Jehova na dumaraan araw-araw, walang umangkin nito. Pagkalipas ng maraming araw ito ay inalis at inilagay sa abuluyang kahon ng Samahan.