Biglaang Sakuna sa Hapón—Kung Paano Hinarap ng mga Tao
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA HAPÓN
SA ISANG sandali ang Kobe, Hapón, noon ay isang maunlad na daungang lungsod ng 1,500,000. Ngunit sa loob ng 20 segundo, pinatag ng isang lindol na sumusukat ng 7.2 sa Richter scale ang karamihan nito sa kagibaan. Sampu-sampung libong tahanan at mga gusali ang nagiba o napinsala, at mahigit na 300,000 tao ang nawalan ng tirahan.
Ang sakuna ay humampas noong Enero 17, 1995, eksaktong isang taon pagkatapos ng isang malakas na lindol sa Northridge, California, E.U.A., at sumawi ng 61 katao. Ang lindol sa Kobe ay naglabas ng halos doble ng seismikong enerhiya na inilabas ng isang iyon. Ang kabuuang nasawi na mahigit na 5,500 ay gumawa ritong pinakamapangwasak na lindol sa Hapón mula noong 1923, nang 143,000 ang namatay sa malakas na lindol na nagwasak sa Tokyo at Yokohama.
Isang Sandali ng Kakilabutan
Noong ika–5:46 ng kapaha-pahamak na umagang iyon, si Ryuji ay naghahatid ng mga diyaryo sa sentro ng Lungsod ng Kobe. Madilim pa noon. Walang anu-ano’y may tunog na parang isang tren ang nagdaraan sa ibabaw ng isang mataas na riles. Ang mga daan at mga gusali ay gumulung-gulong na parang alon ng dagat. Pagkatapos ay namatay ang mga ilaw.
Bumagsak ang nakaangat na mga haywey, itinatambak ang mga sasakyan sa mga lansangan sa ibaba. Ang mga riles ng tren ay bumaluktot na parang mga patpat na luwad, at ang mga tren ay nadiskaril. Gumuho ang lumang mga gusaling kahoy, at ang dalawang-palapag na mga apartment ay biglang nagmukhang isang-palapag na mga gusali. Karamihan ng mga naninirahan sa Kobe ay nayanig sa kanilang tulog.
Biglang sumiklab ang mga apoy, at ang buong bloke ay nasunog. Ang mga bombero ay walang nagawa kundi ang magmasid, yamang pinutol ng lindol ang mga panustos na tubig. Sa isang saglit, ang alamat ng ligtas-sa-lindol na pagtatayo ay nawasak.
Muntik-muntikang mga Pagkaligtas at mga Trahedya
Sa lugar na tuwirang apektado ng lindol, may 3,765 mga Saksi ni Jehova na kaugnay sa 76 na mga kongregasyon. Noong umaga pagkatapos ng lindol, natiyak na 13 mga Saksi at 2 di-bautisadong mga kasama ang nasawi. (Eclesiastes 9:11) Nang panahong iyon ang kabuuang bilang ng mga nasawi na ipinalabas ng pulisya ay 1,812, subalit sa loob ng isang linggo ito ay tumaas sa mahigit na 5,000. Yamang agad na nasumpungan ng mga Saksi ang mga kaugnay sa kani-kanilang kongregasyon, ang bilang ng mga nasawi sa kanila ay nanatiling gayon pa rin.
Ang asawang lalaki ni Misao ay umalis nang maaga upang magtrabaho. “Pagkalipas ng mga isang oras, yumanig ang bahay,” sabi ni Misao. “Bumagsak sa akin ang bubong na tisa. Ang malaking gitnang tisa ng bubong ay tumama sa unan kung saan nakahimlay ang ulo ng aking asawa isang oras lamang ang nakararaan.” Isang kahon ng aparador at isang lalagyan ng mga aklat ang nabuwal sa ibabaw lamang ni Misao. Ito ang nagligtas sa kaniya upang hindi siya matabunan ng bubong na tisa.
Ang ngumingiyaw na pusa ay gumising kay Hiromasa, isang 16-anyos na mag-aaral. Habang pinalalabas niya ang pusa, humampas ang lindol. Pagbalik niya ay nasumpungan niya ang kaniyang ina na natabunan ng telebisyon at lalagyan ng mga aklat. Kay-laking pasasalamat niya na masumpungan siyang buháy! Si Hiromasa ay humiram ng isang plaslait sa isang kapitbahay at iniahon ang kaniyang ina. Libu-libo ang may mga kuwento ng muntik-muntikang mga pagkaligtas. Subalit ang ibang mga Saksi ay dumanas ng masakit na mga trahedya.
Sina Hiroshi at Kazu Kaneko ay natabunan ng mga durog na bato ng kanilang apartment. Ang mga miyembro ng Kristiyanong kongregasyon ay sumugod sa dakong iyon upang tulungan sila. Noon lamang ika–10:00 n.u. naiahon si Hiroshi at dinala sa ospital. Subalit si Kazu ay patay na nang siya ay mailabas nang dakong huli.
Si Miyoko Teshima, 24 anyos at dalawang taon pa lamang na nababautismuhan, ay may tunguhin na buong-panahong ministeryo. Noong umaga ng lindol, siya’y natutulog sa unang palapag ng kaniyang apartment nang bumagsak ang ikalawang palapag nito. Si Miyoko ay natabunan ng mga kilo at mga tahilan. Sinikap ng kaniyang mga magulang at mga kapitbahay na alisin ang mga durog na bato ngunit hindi nila maalis. Ang kaniyang ina, na isang estudyante ng Bibliya, ay nakipagkita sa mga Saksi ni Jehova, na tumulong.
Nang si Miyoko ay makuha mula sa durog na mga bato pagkalipas ng pitong oras, siya ay buháy pa. Tatlong matatandang Kristiyano ang nagrelyebo sa doktor at sa isang nars sa pagmamasahe sa puso, subalit namatay si Miyoko. Ang kaniyang ama, na salansang sa kaniyang pananampalataya, ay naantig ang damdamin sa mga pagsisikap ng mga Saksi na iligtas ang kaniyang anak na babae, at siya’y pumayag sa kahilingan nito bago pa nito na magkaroon ng isang libing ng Saksi.
Si Takao Jinguji, isang Kristiyanong matanda, ay nakatira sa unang palapag ng isang lumang apartment na kasama ng kaniyang asawa at ng kanilang anak na babae. “Nang lumindol,” aniya, “ang sahig sa itaas ay bumagsak sa amin, at ako’y nakulong sa ilalim ng isang istante ng mga aklat. Sa wakas, nakaalis ako mula rito at sinikap kong lumabas. Bigla akong nakarinig ng isang tinig. Ito ay isang kapitbahay na Saksi, na naghahanap sa amin.”
Nang sa wakas ay makalabas si Takao, nakita niya ang apoy mula sa nakapaligid na mga gusali na patungo sa kaniyang apartment. Kaya gumapang siyang pabalik sa mga durog na bato at sinikap niyang hilahin ang kaniyang asawa palabas. Subalit huli na ang lahat. Si Eiko, ang kaniyang asawa sa loob ng 26 na taon, at ang kaniyang anak na babaing si Naomi ay namatay. Sa kabila nito, siya’y nagsimulang tumulong sa iba pang mga miyembro ng kongregasyon niya. “Wala na akong magagawa para sa aking pamilya,” sabi niya nang maglaon, “kaya ibinaling ko ang aking pansin sa pagtulong sa iba. Lumuwag ang aking dibdib na malaman na ang lahat ng iba pa sa aming kongregasyon ay ligtas.”
Isang Wala Nang Pag-asang Kalagayan
Libu-libo ang nanganlong sa mga paaralan at sa mga gusaling bayan. Palibhasa’y ikinatatakot ang kasunod na mga pagyanig, ang iba ay nagkampo sa labas o natulog sa kanilang mga kotse. Ang mga riles ng tren at mga haywey ay nagkasira-sira, at ang mga lansangang magagamit para sa paghahatid ng mga panustos na tulong ay barado ng libu-libong sasakyan. Sa loob ng ilang araw ang marami ay may kaunti lamang o walang makain. Subalit kapansin-pansin, walang ulat ng mga pandarambong, at ibinahagi ng marami ang kaunting pagkain na mayroon sila.
“Katulad ito noong matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig,” sabi ng isang may edad nang lalaki na nakabalot ng kumot, na may mga luhang dumadaloy sa kaniyang mga pisngi. Sinurbey ng punong ministro ng Hapón, si Tomiichi Murayama, ang pinsala at iniulat: “Wala pa akong nakitang gaya nito. Higit pa ito kaysa maguguniguni ng sinuman.”
Agad na Tumugon ang mga Saksi
Nang si Keiji Koshiro, isang Kristiyanong matanda, ay dumalaw sa kabayanan ng Kobe noong umaga ng lindol at nakita ang kakila-kilabot na pagkawasak, umuwi siya ng bahay at isinaayos ang lokal na kongregasyon na magluto para sa kapuwa mga Kristiyano na mas malubhang naapektuhan. Kinagabihan, siya ay naghahatid ng pagkain at tubig sa pamamagitan ng kotse sa mga kongregasyon sa sentro ng Kobe. Kinabukasan, higit pang pagkain at tubig ang inilaan. Dahil matrapik, ang mga Saksi ay nagsaayos ng isang komboy ng 16 na mga motorsiklo upang maghatid ng mga panustos na tulong.
Maraming iba pa ang agad na nagkusa ring maghanap at tumulong sa kanilang Kristiyanong mga kapatid. Sakay ng mga motorsiklo, si Tomoyuki Tsuboi at isa pang matanda ay nagtungo sa Ashiya, isang lungsod na malapit sa Kobe na malubha ring napinsala. Sa Kingdom Hall sa kabayanan ng Ashiya, nasumpungan nila na ang naglalakbay na tagapangasiwa, si Yoshinobu Kumada, ay nagtatag na ng isang sentro ng pagtulong doon.
Ang pagtawag sa telepono ay ginawa upang ipaalam sa mga kapatid ang tungkol sa pangangailangan, at di-nagtagal ang mga panustos ay tinipon. Siyam na kotse na nagdadala ng mga kumot, pagkain, at tubig ay karaka-rakang patungo na sa Ashiya. Ang mga panustos na ito ay inihatid sa dalawang Kingdom Hall sa lungsod, kung saan sa pagitan ng 40 at 50 katao ang nanganlong. Ang iba ay nanganlong sa tahanan ng kapuwa mga mananampalataya. Kinabukasan ang mga Saksi sa isang kalapit na dako ay naghanda ng mga pagkain para sa 800. Ang pagkaing inilaan para sa mga nangangailangan ay sagana, kaya ibinahagi ito ng mga Saksi sa mga kapitbahay na nangangailangan.
Sa buong dako na apektado ng lindol, agad na sumaklolo ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang kapuwa mga mananampalataya. Ito’y hinangaan ng maraming nagmamasid. Isang linggo pagkatapos ng lindol, isang piloto ng helikopter ang lumapit sa isang Saksi sa Yokohama at nagsabi: “Nagtungo ako sa dakong nasalanta noong araw na lumindol at gumugol ako ng isang linggo roon. Ang mga Saksi ni Jehova lamang ang sumugod sa lugar na pinangyarihan ng lindol. Ako’y labis na humanga.”
Itinatag ang Programa sa Pagtulong
Ang tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova, na nasa Ebina, Hapón, ay agad na nagsugo ng apat na kinatawan sa dako ng Kobe upang magsaayos ng gawaing pagtulong. “Agad kaming nagkaisang hanapin ang mga Kingdom Hall na hindi nasira at ipadala sa kanila ang mga panustos na tulong,” ulat ng isang kinatawan. “Anim na bulwagan ang nakita, at sa loob lamang ng limang oras ang mga ito ay napuno nang husto. Ang ibang panustos ay ipinadala sa kalapit na dalawang malaking Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova.”
Isang kuwenta sa bangko para sa pondong pantulong ay binuksan, at ipinaalam sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong Hapón. Sa loob lamang ng unang tatlong araw ng kaayusang ito, isang milyong dolyar ang naging donasyon. Ang pera ay agad na ipinamahagi para magamit ng mga nangangailangan.
Ang mga kongregasyon ay sinabihan na makukuha nila ang kinakailangang mga panustos sa itinalagang mga sentro ng pagtulong. Ang matatanda sa bawat kongregasyon ay nagsaayos para sa pamamahagi ng mga panustos sa nangangailangang mga miyembro ng kani-kanilang kongregasyon. Ang di-sumasampalatayang mga miyembro ng pamilya ng mga Saksi ay inasikaso rin. Ang ama ng isang Kristiyanong matanda sa apektadong dako—na dati’y salungat sa mga Saksi ni Jehova—ay narinig na may pagmamalaking nagsabi sa isang kamag-anak na kausap sa telepono: “Ang mga tao mula sa relihiyon ng aking anak na lalaki ay dumating at tumulong sa amin!”
Higit Pa sa Materyal na Tulong
Karaka-raka, ang Kristiyanong mga pulong ay isinaayos. Isang kongregasyon ang nagtipon sa isang parke para sa kanilang pulong noong Martes, ang araw na lumindol. Noong Linggo karamihan ng mga kongregasyon sa apektadong dako ay nagdaos ng kanilang regular na Pag-aaral sa Bantayan, alin sa maliliit na grupo o sa mga Kingdom Hall na hindi gaanong napinsala. Angkop naman, tinalakay ng Disyembre 1, 1994, na Bantayan, na pinag-aralan nang linggong iyon, ang pribilehiyo ng paggamit ng mga kayamanan “upang tulungan ang mga biktima ng likas na mga sakuna.” Isang babae na nasa pulong ang nagkomento: “Sa kauna-unahang pagkakataon, tayo ang mga tumatanggap ng gawaing pagtulong. Ako’y nalipos ng pagpapahalaga anupa’t wala akong masabi. Minsang magbalik na tayo sa normal, gagawin ko ang aking bahagi sa pagbibigay ng tulong.”
Mga kinatawan mula sa tanggapang sangay ay gumamit ng mga motorsiklo upang madalaw ang mga dakong pinakamalubhang nasalanta. “Makabagbag-damdaming makita ang mga kapatid na naluluha,” ulat ng isa sa kanila. “Sinasabi nila sa amin, ‘Hindi kami naluluha dahil sa nawala namin ang lahat ng bagay kundi dahil sa ang aming puso ay naantig dahil sa inyo mga kapatid na dumalaw sa amin mula sa Ebina.’ ”
Sa loob ng 24 na oras pagkatapos ng lindol, ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, E.U.A., gayundin ang mga tanggapang sangay sa iba pang bahagi ng daigdig, ay nagpadala ng mga mensahe na nagpapahayag ng pagkabahala. Marami pang gayong mga mensahe ang tinanggap pagkalipas ng mga araw. Isang fax mula sa Wŏnju West Congregation, Republika ng Korea, na namatayan ng 15 miyembro sa isang pagbomba dalawang taon na ang nakalipas, ay totoong nakabagbag-damdamin.a Ganito ito nagtapos: “Ang mga kirot ng aming mga kapatid sa Kobe ay mga kirot at kalungkutan din namin. Pakisuyong tandaan, gaya ng naranasan namin, hindi kayo nag-iisa kapag kayo’y dumaranas ng hapis. Mahal na mga kapatid, huwag kayong sumuko!”
Ang mga kinatawan ng sangay ay gumawa ng mga kaayusan para sa patuloy na espirituwal na tulong. Halimbawa, karagdagang naglalakbay na mga tagapangasiwa ay pansamantalang inatasan sa dako ng Kobe upang maglaan ng pampatibay-loob. At ang Kristiyanong matatanda mula sa ibang bahagi ng Hapón ay inanyayahan din na dumalaw sa Kobe sa loob ng isang linggo o mahigit pa upang maglaan ng espirituwal at emosyonal na tulong sa mga nagdurusa.
Dahil sa gayong pangangalaga at pampatibay-loob mula sa kapuwa mga mananampalataya sa buong daigdig, napanatili ng mga Saksi sa apektadong dako ang isang positibo at mapagpahalagang saloobin. Pagkatapos dumalo sa unang pulong kasunod ng lindol, isang Saksi ang nagsabi: “Medyo balisa kami hanggang kahapon, yamang wala kaming mapuntahan. Subalit pagpunta rito at pagkarinig sa mabait na mga kaayusang isinagawa para sa aming pakinabang, pati na ang paglilingkod para sa paglalaba, mga paglalaan para sa paliligo, at ang paggamit sa mga Assembly Hall bilang pansamantalang mga tuluyan, ay talagang nakabawas sa aming mga pagkabalisa. Ito talaga ang organisasyon ng Diyos!”
Oo, ang pagdiriin sa espirituwal na mga kayamanan ay nakatulong sa mga Saksi na harapin ito. Isang babae na nasa kaniyang maagang edad na 20 ay nagsabi: “Tinuruan ako ng aking ina mula nang ako’y tatlong taóng gulang na maglagak ng aking tiwala kay Jehova. Ang kaniyang pagsasanay at yaong tinanggap ko sa pamamagitan ng Kristiyanong kongregasyon ay nakatulong sa akin na batahin ang nakahahapis na karanasang ito.”
Organisado Upang Magtayong Muli
Mga 350 bahay ng mga Saksi ang napinsala nang husto o nawasak; isang daan nito ay sariling pag-aari. Mahigit na 630 karagdagang mga bahay ng mga Saksi ang nangangailangan ng bahagyang mga pagkumpuni. At, sampung Kingdom Hall ay malubhang napinsala anupa’t hindi na ito maaaring gamitin.
Karaka-raka, gumawa ng mga kaayusan upang itayong muli ang mga Kingdom Hall para sa mga kongregasyon na nawalan ng kanilang mga Kingdom Hall. At ang bawat isa sa 11 Komite sa Pagtatayo sa Rehiyon sa Hapón ay nag-organisa ng isang pangkat ng 21 katao upang kumpunihin ang napinsalang mga bahay ng mga Saksi.
Isang Tanda ng mga Panahon
Ang mga lindol ay nangyayari nang mas madalas. “Noong nakaraang taon lamang,” sabi ng magasing Maclean’s, “nagkaroon ng ilang lindol [sa Hapón] na mas malakas kaysa lindol sa Kobe.” Ang isa ay malakas na lindol na may lakas na 8.1, subalit ito’y humampas sa isang hindi gaanong mataong dako sa hilaga.
Ang gayong pagdami ng mga lindol ay hindi nakagugulat sa mga Saksi ni Jehova. Aba, pagkatapos na yanigin ng lindol ang kaniyang bahay sa Kobe, ang limang-taóng-gulang na si Atsushi ay naglibot na nagsasabi: “Magkakaroon ng mga lindol sa iba’t ibang dako”! (Marcos 13:8) Natutuhan niya ang hulang ito mula sa kaniyang ina. Inilakip ni Jesu-Kristo ang mga lindol bilang bahagi ng “tanda ng [kaniyang] pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay.” Kabilang sa iba pang bahagi ng tandang iyon ay mga digmaan, kakapusan sa pagkain, salot, at ang paglamig ng pag-ibig ng nakararami.—Mateo 24:3-14; 2 Timoteo 3:1-5.
Ang lindol sa Kobe ay isa pang katibayan na tayo’y nabubuhay na sa mga huling araw ng sanlibutang ito. Nakatutuwa naman, ito’y bahagi ng tanda ni Jesus na natutupad ngayon na nagpapatunay na di na magtatagal ang sanlibutang ito ay hahalinhan ng isang matuwid na bagong sanlibutan.—1 Juan 2:17.
[Mga talababa]
a Tingnan ang Gumising! ng Abril 22, 1993, mga pahina 25-7.
[Mga larawan sa pahina 23]
Namatay ang pamilya ni Takao Jinguji sa mga kagibaang ito
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
Nasirang istasyon ng tren
Bumagsak na overpass
[Mga larawan sa pahina 26]
Ang mga Saksi ay agad na nagtayo ng isang programa ng pagtulong para sa mga biktima