Mga Panalangin Para sa Kapayapaan sa Gitna ng mga Alaala ng Digmaan
NOONG Nobyembre 1994, pinasimunuan ni Papa John Paul II ang multidenominasyonal na asamblea sa Vatican. Ang mga panalangin para sa kapayapaan sa daigdig ang nagtanda sa okasyon. “Anuman ang alitan sa nakaraan at maging sa kasalukuyan,” sabi ng papa sa kaniyang pambukas na talumpati, “karaniwang gawain at tungkulin natin ang higit na ipakilala ang kaugnayan sa pagitan ng relihiyon at kapayapaan.”
Balintuna, ang mga relihiyon sa daigdig na ito ay may mababang reputasyon hinggil sa bagay na ito. Kinilala ni William Vendley, kalihim-panlahat ng komperensiya, na “ang mga relihiyon ay lubhang nasangkot sa mga alitan sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.” Isaalang-alang ang walang-awang pagpatay sa Rwanda, isang bansang pinangingibabawan ng Romano Katoliko.
Noong Mayo 1994, inamin ni Papa John Paul II na ang trahedya sa Rwanda ay “tunay at totoong sadya at sistematikong paglipol sa isang lahi na, sa kasawiang-palad, maging ang mga Katoliko ay may pananagutan.” Ang pagkasangkot ba ng Katoliko ay nakaapekto sa paniniwala ng mga tao sa simbahan? “Ang walang-awang pagpatay ang gumiyagis sa pananampalataya ng maraming tao,” sabi ni André Bouillot, isang Jesuitang taga-Belgium. At may mabuting dahilan.
Ayon sa ulat ng Reuters na inilathala ng Herald sa Miami, “ang mga pari, pastor at mga madre ay kabilang sa 40,000 Hutu na bilanggo na naghihintay ng paglilitis dahil sa ginawang walang-awang paglipol sa lahi.” Ganito ang ulat ng The New York Times: “Maraming taga-Rwanda ang nagsasabi na hindi hinatulan ng kanilang mga obispo at mga arsobispo ang walang-awang pagpatay nang mabilisan o nang may puwersa at na sila’y napakalapít sa Pamahalaan ni Habyarimana, na tumulong sa pagsasanay sa iskuwad na pumapatay. Sa paano man isang pari ang inaresto ng bagong Pamahalaan na pinangungunahan ng Tutsi sa salang pakikipagtulungan sa walang-awang pagpatay.” Hindi kataka-taka, “ang bagong Pamahalaan,” sabi pa ng Times, “ay nagsabi na hindi nito ibig na maging makapangyarihan ang Iglesya Katoliko gaya ng dati, at tinakot at pinagbantaan pa nga ng mga sundalo na arestuhin ang mga pari na napakatuwirang magsalita at independiyente.”
Paano minamalas ng Diyos na Jehova ang pananalangin para sa kapayapaan ng mga relihiyonistang may pagkakasala laban sa dugo? Ganito ang sagot ng Isaias 1:15: “Pagka inyong inilalahad ang inyong mga palad, aking ikukubli sa inyo ang aking mga mata. Kahit na kayo manalangin nang napakarami, hindi ko kayo pakikinggan; ang mga kamay ninyo ay punung-puno ng dugong dumanak.”
Samantala, ang tunay na mga lingkod ni Jehova ay nananatiling “hindi bahagi ng sanlibutan” at sa mga alitan nito. Sa panahon ng walang-awang pagpatay sa Rwanda, ang mga Saksi ni Jehova sa bawat tribo ay naglaan ng masisilungan sa kanilang mga tahanan para sa mga Saksi na pinagbabantaan ng kabilang tribo, sa gayon ay naiingatan sila na isinusuong naman sa panganib ang kanila mismong buhay. Ang “malaking pulutong” ng mga Saksi, na nanggaling sa bawat etnikong pinagmulan sa buong daigdig, ay nananalangin at nagtataguyod ng Kaharian ng Diyos bilang ang tanging pag-asa para sa tunay na kapayapaan at katiwasayan.—Juan 17:14; Apocalipsis 7:9; Mateo 6:9, 10; 24:14.
[Picture Credit Line sa pahina 24]
Luc Delahaye/Sipa Press