Ang “Mistral”—Isang Dalubhasang Disenyador ng Tanawin
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA PRANSIYA
MAGKAKAHILERANG halamang-bakod sa maayos na mga hanay, mga nayon na nagsisiksikan sa gilid ng sumasangga-sa-hanging mga burol, at mga punungkahoy na wari bang nawalan ng lahat ng kanilang dahon at mga sanga sa isang panig. Ito ang karaniwang makikita sa tanawin ng Provence sa timog-silangan ng Pransiya, at ang hangin na tinatawag na mistral ang may kagagawan ng lahat ng ito.
Ang mistral ay kapansin-pansin na gaya ng ibang kilalang hangin, gaya ng foehn sa Alps, ang pampero ng Timog Amerika, ang chinook ng Rockies sa Hilagang Amerika, ang harmattan ng hilagang-kanlurang Aprika, at ang Euroaquilo na binanggit sa Bibliya.a (Gawa 27:14) Ang pangalang mistral ay galing sa salitang Provençal na nangangahulugang “dalubhasa.” Kasuwato ng pangalan nito, maaari itong umihip sa bilis na hanggang 200 kilometro isang oras.
Ang mistral ay bunga ng walang-katapusang “labanan” sa pagitan ng mataas na atmosperikong presyon sa gitnang Pransiya at ng mababang presyon sa Mediteraneo. Ang matinding lakas nito ay galing sa tinatawag na epekto ng agwat ng bundok. Inaakay sa pagitan ng Alps at ng talampas ng Massif Central, ang mistral ay pinakamalakas pagkatapos lumabas sa makipot na daanan ng Donzère, na parang mula sa isang imbudo.
Sa tag-araw ay itinataboy ng hanging mistral ang mga ulap. Sa taglamig naman, ginagawa ng mistral ang lamig na para bang hindi mo matatagalan, at ito ay maaaring pagmulan ng yelo kapag halos patapos na ang taglamig sa dapat sana’y kainaman ang klima na rehiyon. Sa anumang panahon ang mistral ay kadalasang sinisisi kapag ang lokal na mga mamamayan ay masungit.
Subalit sa magandang kagubatan ng sedro sa Lubéron pinakakawalan ng mistral ang galing nito, nilililok ang mga punungkahoy, anupat ang mga ito’y parang mga watawat na lumilipad sa hangin. Sa kabilang dako naman, madalas na ginagatungan ng mistral ang sunog sa kagubatan kung tag-araw, sa gayo’y sinisira ang mga bunga ng pagpapagal nito.
“Tatlo, anim, o siyam na araw,” sabi ng matandang kasabihang Provençal tungkol sa kung gaano katagal iihip ang mistral. Subalit ang dalubhasang hangin na ito ay maaaring umihip sa mas mahabang yugto ng panahon kaysa riyan. Halimbawa, noong 1965, ito’y umihip sa loob ng 23 araw nang walang-hinto!
Natutuhan ng tao na pakitunguhan ang mistral. Ang magkakahilerang halamang-bakod ay nangangalaga sa mga kabukiran, at ang lumang mga bahay sa nayon ay bihirang may bukasan sa hilaga. Bagaman ang napakalamig na hangin nito ay maaaring lubhang nakaaasiwa, gayunman ang mistral ay maituturing bilang isang dalubhasang arkitekto ng tanawin.
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 770, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.