Isang Napakagandang Kinabukasan Para sa Planetang Lupa
“IPINAKIKITA ng pananaliksik na ang Lupa ay nasa pinakamainit na kalagayan ngayon sa loob ng 600 taon,” ang ulat ng Globe and Mail ng Toronto. Noong 1995 ang heat wave sa gitnang Estados Unidos ang kumitil sa buhay ng mahigit na 500 katao sa Chicago. Ang gayunding katinding kalagayan ay naganap sa India at Australia, samantalang naranasan ng Inglatera “ang ikatlong pinakatuyong tag-araw sa loob ng 200 taon.”
Ano ang sanhi nito? Si Henry Hengeveld, isang eksperto sa klima kasama sa pederal ng Environment Department sa Canada, ay nagsasabi: “Ang karamihan ng katibayan ay nagpapakita na may nakikitang impluwensiya ang tao sa klima ng daigdig.” Ayon sa ulat ng Globe and Mail, “ang kakaibang lagay ng panahon ay katugma ng mga computer model na tumutulad sa mga epekto ng pag-init ng daigdig, na ipinalalagay na pangunahin nang sanhi ng pagsunog sa mga panggatong na fossil.”
Ang pag-iral ng pag-init ng daigdig ay pinagtatalunan pa rin sa gitna ng mga siyentipiko. Gayunman, ganito ang sabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Mas mabilis ang pag-abuso ng mga tao sa kalagayan ng atmospera kaysa pag-unawa rito.”
Nakatutuwa naman, sinasabi sa atin ng Bibliya na ang lupa ay “mananatili magpakailanman.” (Eclesiastes 1:4) Ito’y dahil sa hindi pahihintulutan ng Maylikha, ang Diyos na Jehova, ang sinumang tao o anumang likas na puwersa na sumira rito. Sa kabaligtaran naman, kaniyang ‘dadalhin sa pagkasira yaong mga sumisira sa lupa.’—Apocalipsis 11:17, 18.
Karagdagan pa, tinitiyak sa atin ng Bibliya na ang Diyos na Jehova ay may nakalaang napakagandang kinabukasan sa hinaharap para sa ating planeta, ang Lupa, at para sa lahat ng masunuring sangkatauhan. “Ang maaamo mismo ang magmamay-ari sa lupa, at sila’y tunay na makasusumpong ng matinding kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.” Anong ligaya nga natin na ang kinabukasan ng lupa ay nasa kamay ng Diyos, at hindi ng tao!—Awit 37:11; 72:16; Isaias 65:17-25; 2 Pedro 3:13.
Kung ibig mong tumanggap ng mga labas ng Gumising! sa hinaharap, pakisuyong makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o sumulat sa pinakamalapit na direksiyong nakatala sa pahina 5.
[Picture Credit Line sa pahina 32]
Larawan ng NASA