Kung Bakit Nagsasara ang mga Kapilya
MGA simbahan, kapilya, koro, at karbon—halos nito lamang 50 taóng nakalilipas, ang mga ito’y tiyak na mga palatandaan na ikaw ay nasa mga libis ng mga minahan sa Timog Wales. Wari bang sa bawat sandaang yarda, tatambad sa iyo ang alin sa kapilya ng mga Baptist na nagsasalita ng Welsh o Ingles o ang katumbas para sa mga Metodista, Metodistang Calvinista, Kongregasyonalista, Presbiteriano, at marami pang iba. Yamang maraming taga-Wales ang gumagamit ng kanilang wikang pambansa, halos ang bawat relihiyon ay may hiwalay na mga kapilya para sa bawat wika. Ang limang dekadang impluwensiya ng telebisyon at pabagu-bagong mga alituntunin sa moral ang biglang-biglang nakapagbago sa lahat ng ito.
Ang taga-Wales na si Islwyn Jones, na nakatira sa Blaenclydach sa Libis ng Rhondda, ay gumugol ng mga taon sa pag-uulat ng sinapit ng napakaraming kapilya sa Rhondda. Inilathala ng lokal na pahayagan, ang Rhondda Leader, ang talaan ng halos sandaang kapilya, karamihan ay mula pa noong ika-19 na siglo, na nagpapakita ng kasalukuyang mga kalagayan nito. Ganito ang sabi ng ulat: “Ang naglalakihang mga gusaling ito ang siyang pinakapusod ng Rhondda habang nilalampasan nito ang mga taon ng pag-unlad ng mga minahan ng karbon hanggang sa sukdulang pagbagsak ng dalawang haliging ito [relihiyon at minahan] sa buhay sa libis.”
Ang talaan ay nagsilbing paglalarawan ng pagbagsak ng impluwensiya ng relihiyon, hindi lamang sa Wales kundi sa maraming bahagi ng Europa. Animnapu’t walong kapilya ang itinalang “giba na ngayon.” Ang labinsiyam ay ginamit naman sa ibang paraan. Ang ilan sa mga halimbawa ay: “ginawang klub ng Aikido martial arts,” “ginawang mga flat [apartment],” “binago upang gawing mga bodega,” “kinumberteng mga pamilihan,” “ginawang botika.” Ang isa sa kapilya na hindi itinala, sa Penygraig, ay ginawang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa loob ng maraming taon nang nakalipas para sa umuunlad na Rhondda Congregation.
Gaya ng inihula ng Bibliya hinggil sa “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ang makasagisag na tubig nito, ang suporta ng mga tao, ay natutuyo na sa maraming bahagi ng daigdig. Hindi na magtatagal ang pulitikal na elemento ng daigdig ay babaling sa relihiyon habang kanilang ‘isinasakatuparan ang kaisipan [ng Diyos]’ upang wasakin ang huwad na relihiyon, na lubusang lumapastangan sa pangalan at layunin ng Diyos na Jehova.—Apocalipsis 17:5, 15-17.a
[Talababa]
a Para sa detalyadong impormasyon hinggil sa kahihinatnan ng Babilonyang Dakila, tingnan ang aklat na Apocalipsis—Malapit na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, mga pahina 258-66, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.