Emmy Zehden Way—Ang Kasaysayan sa Likod ng Pangalan
NOONG Mayo 1992, isang kalye sa lunsod ng Berlin, Alemanya, ang ipinangalan kay Emmy Zehden, isa sa mga Saksi ni Jehova.
Si Emmy ay isinilang noong 1900. Siya’y napakasal sa isang Judiong negosyante, si Richard Zehden, na namatay sa kampong piitan sa Auschwitz noong rehimeng Nazi. Sina Richard at Emmy ay may anak-anakang lalaki, si Horst Schmidt. Sina Horst at ang dalawa pang kabataang Saksi ni Jehova ay napilitang magtago nang sila’y tawagin para sa militar na paglilingkuran.
Naglaan ng matitirhan si Emmy para kay Horst at sa dalawa niyang kasama. Gayunman, hindi pa natatagalan, sila’y natuklasan. Silang apat ay nahatulan ng kamatayan—ang tatlong lalaki ay dahil sa pagtangging maglingkod sa militar at si Emmy ay dahil sa pagtatago sa kanila. Ang dalawang kasama ni Horst ay pinugutan ng ulo. Nag-apela para sa pagpapawalang-sala si Emmy, subalit ito’y tinanggihan. Siya’y pinugutan ng ulo sa Plötzensee sa Berlin noong Hunyo 9, 1944.a Si Horst Schmidt ay nakaligtas sa pagpapahirap ng mga Nazi at nang maglao’y napakasal sa isang Saksi na naligtas sa kampong-piitan.
Noong Mayo 7, 1992, isang kalye sa Berlin ang ipinangalan kay Emmy Zehden. Sa isang talumpati ng isang opisyal na Aleman, siya’y pinapurihan dahil sa kaniyang katapangan at binanggit bilang isang halimbawa ng maraming ‘nalimutang mga biktima’ ng digmaan.
[Talababa]
a Ayon sa opisyal na mga dokumento na makikita sa Berlin-Plötzensee Memorial, si Emmy Zehden ay pinatay noong Hunyo 9, 1944.