Ang Mumunting Tagapagdala ng Liwanag sa New Zealand
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA NEW ZEALAND
NASA pusikit na kadiliman ang gabi noon—walang buwan at maaliwalas. Nang mamatay ang mga ilaw sa lugar ng kamping, para bang nasa kalawakan kami ng nagniningning na mga bituin. Bumaba kami sa matarik na daan patungo sa isang mainit na lawa sa ibaba ng makipot na bangin. Tumutubo ang mga halaman sa magkabilang panig ng umuusok na tubig. Naglublob kami sa tubig at nagpahingalay pagkatapos ng isang nakapapagod na araw ng paglalakbay. Ang lawang ito, na likas na binubukalan ng mainit na tubig mula sa ilalim ng lupa, ay masusumpungan sa mga tuluyan namin para sa magdamag na isang lugar para sa mga nagkakamping na motorista.
Nakamasid ako habang mabilis na dumaan ang isang bituin sa kalangitan. Bumalikwas ako upang sabihin ito sa aking asawa, at habang sinasabi ko ito, nadupilas ako at lumagpak ako sa tubig. Anong laki ng gulat ko nang ang ilang bituin ay biglang nawala—naglaho! At nang may pagtataka kong ikinukuwento ito, isang kumpol ng mga bituin ang naglaho. Para bang nabutas ko ang uniberso!
Habang pinag-iisipan ko ang nangyari, isa-isang lumitaw muli ang mga bituin, at nakita ko ngayon ang kumpol na iyon nang mas malapit kaysa sa grupo ng mga bituin. Sa katunayan, gayon na lamang kalapit ang ilan anupat maaari mo na itong mahawakan. Nakita namin sa kauna-unahang pagkakataon ang mga glowworm (alitaptap) ng New Zealand. Ang mga ito’y nakadapo sa berdeng-berdeng tanim na di-maaninag dahil sa kadiliman sa itaas namin, at ang malamlam na liwanag nito ay napapasama sa mabituing kapaligiran.
Ang glowworm ng New Zealand ay hindi isang bulati kundi isang insekto. Ito’y naiiba sa mga glowworm at mga alitaptap sa ibang bahagi ng daigdig. Ang pangalan nitong Arachnocampa luminosa ay maaaring magbigay sa iyo ng ideya na ito’y isang uri ng nagniningning na gagamba. Subalit hindi rin naman ito totoo.
Hindi pa natatagalan pagkatapos naming makakita nito, nakakita na naman kami ng glowworm, sa Waitomo Caves sa North Island ng New Zealand. Hayaan mong ilahad ko sa iyo ang aming paglalakbay sa groto ng glowworm, kung saan kami’y dinala ng isang bangka upang makita ang mumunting nilalang na ito.
Groto ng Waitomo
Ang Yungib ng Glowworm ay kahanga-hanga, napakaganda dahil sa kaningningan na kakikitaan ng napakarikit na kasiningan ng mga hugis ng stalactite at stalagmite, na nabuo sa loob ng maraming libong taon. Nagsindi ng ilaw ang aming giya habang kami’y patungo sa bawat lugar, at namangha kami sa nakabibighaning mga hugis nito at mga tunel—isang hindi inaasahan at kakaibang daigdig ng kamangha-manghang mga bagay sa ilalim ng lupa. Umaalingawngaw ang lumalangitngit na mga yabag namin nang nagtipun-tipon kami sa itaas ng hagdan na pababa sa kadiliman. Yamang nahirati na sa kadiliman ang aming mga mata, nakita namin ang mumunting mga kinang ng luntiang liwanag sa itaas. Hayun ang mga glowworm!
Narating namin ang daungan at sumakay kami sa isang bangka. Kami’y naglayag sa kadiliman habang papalayo kami sa daungan. Pagkatapos, habang kami’y lumilibot, ang masasabi kong tulad ng isang siniksik na bersiyon ng buong Milky Way ay nasa uluhan lamang namin—ang bubungan ng yungib na lubusang napuno ng mga glowworm. Tinagurian ng awtor na si George Bernard Shaw ang lugar na ito bilang “ang ikawalong kababalaghan sa daigdig.”
Ang Kahali-halinang Glowworm
Nang matapos ang pamamasyal, ang aming paghanga sa glowworm ang humimok sa amin na umalam pa ng higit tungkol dito. At ang nalaman namin ay kasing kahali-halina ng aming nakita. Nagpapasimula ang buhay nito sa isang maliit na uod (larva), na may ilaw sa buntot na nakasindi na, ang glowworm ng New Zealand ay gumagawa ng duyan ng mucus at seda mula sa magkahiwalay na mga glandula sa bibig nito at ikinakabit ito sa itaas ng groto. Ang totoo, ang duyan ay isang tunel kung saan maaaring magparoo’t parito ang uod.
Ang glowworm ay nangangailangan ng pagkain upang mabuhay, kaya sa loob ng anim hanggang siyam na buwan, ito’y para bang namimingwit. Subalit ang sinisila nito ay nakabitin, bagaman ito’y nagmumula sa tubig. Ang mahalagang bukal ay nagtutustos ng langaw na may dobleng pakpak, lamok, stone fly, at mayfly, na naaakit sa liwanag. Upang mahuli ang mga ito, nagbababa ang glowworm ng maraming lubid na seda (kung minsan kasindami ng 70) mula sa duyan nito. Sa magkakapantay na bagsak ng bawat lubid ay naroon ang magkakasunod na malagkit na tulo ng mucus, kaya ang mga lubid ay nahahawig sa mga kuwintas ng maliliit na perlas na tuwid na tuwid na nakabitin.
Ang pinakakahanga-hangang bahagi ng glowworm ay ang liwanag na itinatanglaw nito sa pamingwit na lubid. Ang glowworm ng New Zealand ay isang grupo ng mga insekto na ang liwanag ay hindi nakakabit sa sistema ng nerbiyo nito. Subalit, maaari nitong patayin ang ilaw nito kailanma’t gusto nito. Ang sangkap nito para sa ilaw ay matatagpuan sa dulo ng mga tubong nilalabasan ng dumi nito, at ang bahagi ng sistema sa paghinga ng uod ay kumikilos bilang reflector, na siyang nagbibigay-liwanag. Napapatay nito ang liwanag sa pamamagitan ng pagbabawas sa oksiheno o mga kemikal na kinakailangan upang makapaglabas ng liwanag.
Gayunman, ang liwanag sa dulo ng tunel ng glowworm ay hindi tanda ng isang magandang pag-asa gaya ng inaasahan ng sisilaing insekto. Ito’y lumilipad sa nakamamatay na mga lubid ng seda kung saan may kemikal na maaaring unti-unting magpamanhid sa pakiramdam nito, gaya ng sabi ng iba. Kapag naramdaman nito ang pagpupumiglas ng biktima, ang uod ay maglalambitin nang alanganin mula sa duyan at hihilahin ang lubid sa bibig nito, na pinaiikli ang katawan nito.
Dahil sa nakapamingwit at nakakain na sa loob ng anim hanggang siyam na buwan, ang uod ay nagiging pupa at pagkatapos ay magsasaya sa buhay ng isang adulto. Hindi tiyak kung talaga bang nasisiyahan nang husto sa buhay ang adultong alitaptap. Ito’y tumatagal lamang ng dalawa o tatlong araw, sapagkat ang adultong alitaptap ay walang bibig at hindi maaaring makakain. Ang natitirang panahon nito ay ginugugol sa pagpaparami. Ginagawang pertilisado ng adultong mga lalaking alitaptap ang mga babae sa oras na ang mga ito’y lumabas sa kanilang mga bahay-uod. Gumugugol ng buong araw ang babaing alitaptap para ito mangitlog, isa-isa, pagkatapos nito siya’y mamamatay. Pagkatapos na maging bahagi ng nagniningning na galaksi na nagbibigay ng malaking kasiyahan sa mga tao, ang 10- hanggang 11-buwang siklo ng buhay ng munting tagapagdala ng liwanag sa New Zealand ay nagwawakas na.
[Larawan sa pahina 16]
Kabilang pahina: Ang pagpasok sa groto ng glowworm
[Larawan sa pahina 17]
Itaas: Ang pinakabubungan ng groto na may liwanag ng mga glowworm
[Larawan sa pahina 17]
Kanan: Ang pamingwit ng glowworm
[Picture Credit Line sa pahina 16]
Mga larawan sa pahina 16-17: Waitomo Caves Museum Society Inc.