Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 6/8 p. 30-32
  • Mga Posisyon at Pagkilos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Posisyon at Pagkilos
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Paggalang, Pagpapakumbaba
  • Pagsang-ayon, Pakikipagsamahan
  • Pagpapala
  • Pabor
  • Paglalagay ng Kapangyarihan sa mga Kamay
  • Pagkakaibigan
  • Kawalang-sala, at Pagkakaila ng Pananagutan
  • Kagalakan
  • Paghawak ng Awtoridad o Pagkilos
Gumising!—1997
g97 6/8 p. 30-32

Mga Posisyon at Pagkilos

MARAMING pagtukoy sa Kasulatan tungkol sa mga anyo ng pustura at pagkilos, anupat sapat ang mga paglalarawan sa Bibliya upang ipakita na ang mga ito ay halos kapareho niyaong kaugalian sa Gitnang Silangan sa ngayon. Ang mga Oryental na ito ay totoong mas lantaran at hindi gaanong mahiyain sa pagpapahayag ng kanilang damdamin kaysa sa maraming taga-Kanluran. Mayroon mang kasamang pananalita o wala, ang mga posisyon at pagkilos ay nagtataglay ng malaking puwersa at kahulugan.

Paggalang, Pagpapakumbaba

Pagluhod. Ang posisyon at pustura ng mga Oryental sa pagpapahayag ng paggalang sa isa’t isa at lalo na kapag namamanhik sa mga nakatataas ay halos pareho ng posisyon kapag nananalangin. Makasusumpong tayo ng mga halimbawa ng pagluhod habang nagsusumamo sa harap ng ibang tao. Hindi ito pagsamba sa tao kundi pagkilala sa posisyon o katungkulan ng taong iyon, nang may matinding paggalang.​—Mateo 17:14; Marcos 1:40; 10:17; 2 Hari 1:13.

Ang pagyukod ay mas malimit gamitin sa pagbati sa iba, sa paglapit sa kanila tungkol sa negosyo, o sa pagpapakita ng mataas na uri ng paggalang. Yumukod si Jacob nang pitong ulit nang makasalubong si Esau. (Genesis 33:3) Si Solomon, bagaman siya ay isang hari, ay nagpakita ng paggalang sa kaniyang ina sa pamamagitan ng pagyukod sa kaniya.​—1 Hari 2:19.

Ang pagyukod ay maaaring isang tanda rin ng pag-amin ng pagkatalo. (Isaias 60:14) Maaaring humarap sa kanilang mananakop yaong mga taong natalo na nakasuot nang telang-sako at, karagdagan pa, may lubid sa kanilang ulo upang mamanhik ng awa. (1 Hari 20:31, 32) Iniisip ng ilan na ang mga nabanggit na lubid ay inilagay sa kanilang leeg bilang sagisag ng kanilang pagkabihag at pagpapasakop.

Bagaman pangkaraniwan na sa mga Judio na yumukod sa harap ng isang may awtoridad upang magpakita ng paggalang, tumanggi si Mardokeo na yumukod kay Haman. Ito ay sapagkat si Haman, na isang Agagita, ay malamang na isang Amalekita, na tungkol sa kanila’y sinabi ni Jehova na kaniyang lubusang buburahin ang kanilang alaala sa silong ng langit at na siya’y makikipagdigma kay Amalek sa sunud-sunod na salinlahi. (Exodo 17:14-16) Yamang ang pagyukod o pagpapatirapa ay magpapahiwatig ng pakikipagpayapaan kay Haman, tumanggi si Mardokeo na gawin ito, dahil lalabagin niya ang utos ng Diyos sa paggawa ng gayon.​—Esther 3:5.

Pagpapatirapa. Nagpatirapa si Josue sa harap ng isang anghel, “bilang prinsipe ng hukbo ni Jehova,” hindi upang sumamba, kundi upang kilalanin ang nakatataas na tungkulin ng anghel at ang bagay na ang anghel ay maliwanag na isinugo ni Jehova taglay ang isang utos para sa kaniya.​—Josue 5:14.

Nang nasa lupa si Jesus, nagpapatirapa ang mga tao sa harap niya upang makiusap at mangayupapa sa kaniya, at hindi niya sila sinaway. (Lucas 5:12; Juan 9:38) Ito’y sapagkat siya ang inatasang Hari, ang Haring-Hinirang, gaya ng sinabi niya mismo: “Ang maharlikang kamahalan ng Diyos ay dumating” (ED); “Ang kaharian ng Diyos ay malapit na.” (NW, Marcos 1:15) Si Jesus ang tagapagmana sa trono ni David at samakatuwid ay angkop na pinarangalan bilang isang hari.​—Mateo 21:9; Juan 12:13-15.

Gayunman, hindi pinahintulutan ng mga apostol ni Jesu-Kristo ang iba na magpatirapa sa harap nila. Ito ay dahil sa, gaya sa mga pangyayaring inilarawan, ang pagpapatirapa ay ginawa bilang anyo ng pagsamba, na para bang ang kapangyarihan ng banal na espiritu na nasa mga apostol, na siyang nagsagawa ng pagpapagaling at iba pang makapangyarihang gawa, ay galing sa kanilang sarili. Natanto ng mga apostol na ang kapangyarihan ay galing sa Diyos at ang kapurihan para sa mga bagay na ito ay dapat na iukol sa kaniya at ang lahat ng pagsamba ay dapat na iukol kay Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, na kanila lamang kinakatawanan.​—Gawa 10:25, 26.

Hinggil sa paggalang na ipinakita kay Jesus, ang salitang madalas na gamitin ay pro·sky·neʹo, isang salita na may saligang kahulugan na “mangayupapa,” ngunit isinalin ding “pagsamba.” (Mateo 2:11; Lucas 4:8) Hindi tumatanggap si Jesus ng pagsamba, na nauukol lamang sa Diyos (Mateo 4:10), kundi kinilala na ang ginawa ng isa na nangayupapa ay bilang pagkilala sa awtoridad na ipinagkaloob sa Kaniya ng Diyos. Ang anghel na isinugo ni Jesu-Kristo upang dalhin kay Juan ang Apocalipsis ay nagpahayag ng simulain na ang pagsamba ng tao ay nauukol lamang sa Diyos, nang tumanggi siya na sambahin ni Juan.​—Apocalipsis 19:10.

Ang paglalambong sa ulo ay tanda ng paggalang sa bahagi ng mga kababaihan. Sinunod ang kaugaliang ito sa kongregasyong Kristiyano. Sa pagtalakay sa simulain ng Kristiyanong pagkaulo, sinabi ni apostol Pablo: “Ang bawat babae na nananalangin o nanghuhula nang di-nalalambungan ang kaniyang ulo ay nanghihiya sa kaniyang ulo . . . Iyan ang dahilan kung bakit ang babae ay dapat magkaroon ng tanda ng awtoridad sa kaniyang ulo dahil sa mga anghel.”​—1 Corinto 11:3-10.

Ang pag-aalis ng sandalyas ng isa ay isang anyo ng paggalang o pagpipitagan. Iniutos kay Moises na gawin ito sa nagliliyab na palumpong at kay Josue naman sa harap ng isang anghel. (Exodo 3:5; Josue 5:15) Yamang ang tabernakulo at ang templo ay mga banal na dako, sinasabing ang mga saserdote ay nagsagawa ng kanilang mga tungkulin sa santuwaryo nang walang sapin ang paa. Gayundin naman, ang pagkalag sa sintas ng sandalyas ng iba o pagdadala ng kaniyang sandalyas para sa kaniya ay itinuturing na isang mababang-uring trabaho at isang kapahayagan ng pagpapakumbaba ng isa at pagkabatid sa kawalang-kabuluhan kapag inihambing sa kaniyang panginoon. Kaugalian pa rin sa Gitnang Silangan na kapag ang isa ay pumapasok sa isang bahay, inaalis ang kaniyang sandalyas, kung minsan ng isang utusan.​—Mateo 3:11; Juan 1:27.

Pagbubuhos ng tubig sa kamay ng iba. Ipinakilala si Eliseo bilang ang lingkod o utusan ni Elias sa pananalitang “[kaniyang] binuhusan ng tubig ang mga kamay ni Elias.” Ito ay isang paglilingkod na ginagawa lalo na pagkatapos kumain. Hindi kaugalian sa Gitnang Silangan na gumamit ng kutsilyo at tinidor, kundi ng mga daliri, at pagkatapos ay bubuhusan ng utusan ng tubig ang kamay ng kaniyang panginoon para maghugas. (2 Hari 3:11) Isang kahawig na kaugalian ang paghuhugas ng paa, na ginagawa bilang bahagi ng pagkamapagpatuloy, gayundin ng paggalang at, sa ilang ugnayan, bilang pagpapakumbaba.​—Juan 13:5; Genesis 24:32; 43:24; 1 Timoteo 5:10.

Pagsang-ayon, Pakikipagsamahan

Ang pakikipagkamay at pagpapatamaan ng mga palad ng mga kamay ay mga kilos na ginagamit upang magpahayag ng pagsang-ayon, pagpapatibay, o pagpapatunay ng isang kontrata o kasunduan. (Ezra 10:19) Nagbabala ang Kasulatan laban sa paggawa nito sa paggarantiya ng prenda sa isang utang para sa ibang tao. (Kawikaan 6:1-3; 17:18; 22:26) Ang pakikibahagi, o pakikipagsamahan, ay ipinahihiwatig din sa pamamagitan ng pakikipagkamay o paghahawakang mahigpit.​—2 Hari 10:15; Galacia 2:9.

Pagpapala

Pagpapatong ng kamay sa ulo; pagtataas ng kamay. Yamang ang Hebreong salita na ba·rakhʹ ay may kaugnayan sa pagluhod gayundin sa pagpapala, malamang na, kapag tumatanggap ng isang pagpapala, lumuluhod ang mga tao at yumuyukod sa isa na nagbibigay ng pagpapala. Pagkatapos ay ipapatong ng isa na nagpapala ang kaniyang kamay sa ulo ng isa na pinagpapala. (Genesis 48:13, 14; Marcos 10:16) Sa pagkakaloob ng pagpapala sa isang grupo ng mga tao, karaniwan nang itinataas ang kamay sa harap nila habang binibigkas ang pagpapala.​—Levitico 9:22; Lucas 24:50.

Pabor

Pagtayo sa harap ng isang nakatataas. Ang pabor at pagkilala ay inilalarawan sa pamamagitan ng pagtayo sa harap ng isang awtoridad, yamang kailangan ang pahintulot para makaharap sa isang hari. (Kawikaan 22:29; Lucas 1:19; 21:36) Sa Apocalipsis 7:9, 15 ay ipinakikita ang isang malaking pulutong na nakatayo sa harap ng trono, anupat nagpapahiwatig na sila’y kinikilala nang may pagsang-ayon sa harap ng Diyos.

Ang pagbanggit sa pag-aangat ng ulo ng ibang tao ay, kung minsan, isang makasagisag na paraan ng pagpapakilala ng pagbabangon o pagbabalik ng pabor sa kaniya.​—Genesis 40:13, 21; Jeremias 52:31.

Paglalagay ng Kapangyarihan sa mga Kamay

Ang paglalagay sa kamay ng mga saserdote ng kapangyarihan ng makasaserdoteng katungkulan ay kinakatawanan ni Moises nang, bilang isang tagapamagitan, naglalagay siya ng iba’t ibang bagay na ihahain sa mga kamay ni Aaron at ng kaniyang mga anak na lalaki at iwinagayway ang handog sa harap ni Jehova. Ang pagwawagayway ay lumalarawan sa palagiang paghahandog sa harap ni Jehova.​—Levitico 8:25-27.

Pagkakaibigan

Paghalik; paghuhugas ng paa; pagpapahid sa ulo. Ang pagkakaibigan ay ipinahahayag sa pamamagitan ng isang halik (Genesis 27:26; 2 Samuel 19:39), at sa mga pagkakataon ng mas matinding emosyon, ang pagsubsob sa leeg sa pagyakap na may kasamang paghalik at pagluha. (Genesis 33:4; 45:14, 15; 46:29; Lucas 15:20; Gawa 20:37) May tatlong kilos na laging itinuturing na tanda ng pagkamapagpatuloy sa isang panauhin: ang paghalik sa kaniya bilang pagbati, paghuhugas ng kaniyang mga paa, at pagpapahid sa kaniyang ulo.​—Lucas 7:44-46.

Sa nakahilig na paraan ng pagkain na kaugalian noong mga kaarawan ni Jesus sa lupa, ang paghilig sa sinapupunan ng iba ay isang posisyon ng matalik na pagkakaibigan o pagsang-ayon, at ito ay kilala bilang sinapupunang dako. (Juan 13:23, 25) Ang kaugaliang ito ang saligan sa mga ilustrasyon sa Lucas 16:22, 23 at Juan 1:18.

Ang pagkain ng tinapay ng isa kasama niya ay sagisag ng pakikipagkaibigan at pakikipagpayapaan sa kaniya. (Genesis 31:54; Exodo 2:20; 18:12) Ang pagbaling upang gawan siya ng masama pagkatapos nito ay itinuturing na pinakanakasusuklam na paglililo. Nagkasala ng ganito ang traidor na si Judas.​—Awit 41:9; Juan 13:18.

Kawalang-sala, at Pagkakaila ng Pananagutan

Paghuhugas ng kamay. Ang kawalang-sala sa isang bagay o ang pagkilos ng pag-aalis sa sarili ng pananagutan ay makasagisag na ipinakikita sa pamamagitan ng paghuhugas ng isa ng kaniyang mga kamay. (Deuteronomio 21:6) Sa ganitong paraan ipinahahayag ng salmista ang kaniyang kawalang-sala sa Awit 73:13; tingnan din ang Awit 26:6. Tinangka ni Pilato na iwasan ang kaniyang pananagutan may kinalaman sa kamatayan ni Jesus sa pamamagitan ng paghuhugas ng kaniyang mga kamay sa harap ng karamihan, anupat nagsabi: “Ako ay inosente sa dugo ng taong ito. Kayo na mismo ang bahala riyan.”​—Mateo 27:24.

Pagpapagpag ng kasuutan. Ang pagkakaila sa higit pang pananagutan ay ipinakita ni Pablo nang pagpagin niya ang kaniyang kasuutan sa harap ng mga Judio sa Corinto na kaniyang pinangaralan at sumalansang sa kaniya, at pagkatapos ay nagsabi: “Ang inyong dugo ay mapasainyong sariling mga ulo. Ako ay malinis. Mula ngayon ay paroroon ako sa mga tao ng mga bansa.” (Gawa 18:6) Nang pagpagin ni Nehemias ang kaniyang “sinapupunan,” samakatuwid nga, ang laylayan ng kaniyang kasuutan, siya ay nagpapahiwatig ng lubusang pagtatakwil ng Diyos.​—Nehemias 5:13.

Pagpapagpag ng alabok sa mga paa. Ang pagpapagpag ng dumi o ng alabok sa mga paa ng isa ay nagpapahiwatig din ng pagkakaila sa pananagutan. Tinagubilinan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na gawin ito sa isang lugar o lunsod na hindi tatanggap sa kanila o makikinig sa kanila.​—Mateo 10:14; Lucas 10:10, 11; Gawa 13:51.

Kagalakan

Pagpalakpak ng mga kamay. Ang kagalakan ay ipinahahayag sa pamamagitan ng pagpalakpak ng mga kamay (2 Hari 11:12; Awit 47:1) at ng pagsasayaw, na malimit may saliw na musika. (Hukom 11:34; 2 Samuel 6:14) Ang pagsigaw at pag-awit habang nagtatrabaho lalo na sa panahon ng pag-aani ng ubas, ay mga kapahayagan ng kaligayahan o ng may-pasasalamat na kagalakan.​—Isaias 16:10; Jeremias 48:33.

Paghawak ng Awtoridad o Pagkilos

Ang pagtayo o pagbangon ay nagpapahiwatig ng paghawak ng awtoridad, kapangyarihan, o pagkilos. Ang mga hari ay binabanggit na tumatayo kapag humahawak sila ng kanilang maharlikang awtoridad o nagsisimulang gamitin iyon. (Daniel 8:22, 23; 11:2, 3, 7, 21; 12:1) Inilalarawan si Jehova na bumabangon upang isagawa ang paghatol sa mga tao. (Awit 76:9; 82:8) Inilarawan si Satanas na bumabangon laban sa Israel nang udyukan niya si David na bilangin sila.​—1 Cronica 21:1.

Ang pagbibigkis ng mga balakang ay nagpapahiwatig ng paghahanda upang kumilos. May kaugnayan ito sa kaugalian noong panahon ng Bibliya na pagbibigkis ng sinturon o pamigkis sa mahahabang kasuutan upang hindi makasagabal sa pagtatrabaho, pagtakbo, at iba pa.​—Job 40:7; Jeremias 1:17; Lucas 12:37; 1 Pedro 1:13, talababa sa Ingles.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share