Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 9/8 p. 3-4
  • Bakit Gayon na Lamang ang Poot?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Gayon na Lamang ang Poot?
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Positibo at Negatibong Uri ng Pagkapoot
  • Bakit Hindi Matapos-tapos ang Pagkapoot?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2022
  • Madadaig Natin ang Poot!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2022
  • Magwawakas Pa Kaya ang Pagkakapootan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Mawawala Na ang Poot!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2022
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 9/8 p. 3-4

Bakit Gayon na Lamang ang Poot?

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ALEMANYA

“BAKIT”​—isang maikling salita, subalit isa na nangangailangan ng kasagutan. Halimbawa, nang makita ito sa isang pirasong papel na nakakabit sa palumpon ng mga bulaklak at mga teddy bear sa labas ng isang paaralan sa Dunblane, Scotland, noong Marso 1996. Mga ilang araw bago nito, isang lalaki ang biglang pumasok sa loob at pinagbabaril ang 16 na bata at ang kanilang guro hanggang mamatay. Nasugatan niya ang ilan pa at pagkatapos ay nagbaril sa sarili. Maliwanag, ang lalaki ay puno ng pagkapoot​—sa kaniyang sarili, sa iba, at sa lipunan sa pangkalahatan. Ang nagdadalamhating mga magulang at mga kaibigan gayundin ang milyun-milyong tao sa buong daigdig ay nagtatanong din, ‘Bakit? Bakit namamatay nang ganito ang walang-malay na mga bata?’

Malamang na napansin mo na ang daigdig ay puno ng di-makatuwiran, di-maipaliwanag na pagkapoot. Sa katunayan, sa paano’t paano man, maaaring ikaw mismo ay naging biktima na rin ng pagkapoot. Marahil ikaw man ay nagtanong, ‘Bakit?’​—marahil hindi lamang minsan.

Positibo at Negatibong Uri ng Pagkapoot

Ang “poot” at “pagkapoot” ay binibigyang kahulugan bilang “matinding galit at pag-ayaw.” Mangyari pa, kapaki-pakinabang na magkaroon ng “matinding galit at pag-ayaw” sa mga bagay na nakapipinsala o na maaaring nakasasamâ sa personal na mga ugnayan. Kung taglay ng lahat ang ganitong uri ng pagkapoot, tiyak na ang daigdig ay magiging mas mabuting dakong pamuhayan. Subalit, nakalulungkot sabihin, ang di-sakdal na mga tao ay nakahilig na mapoot sa maling mga bagay sa maling mga kadahilanan.

Ang nakapipinsalang pagkapoot ay salig sa maling akala, kawalang-alam, o maling impormasyon at karaniwang udyok ng “takot, galit, o pagkadama ng pinsala,” ayon sa isang kahulugan nito. Palibhasa’y walang wastong saligan, ang pagkapoot na ito ay nagbubunga ng kasamaan at paulit-ulit na nagbabangon sa tanong na, ‘Bakit?’

Lahat tayo ay may nakikilalang mga tao na ang mga katangian o mga ugali ay maaaring nakayayamot sa atin kung minsan at mahirap pakisamahan. Subalit ang pagkayamot ay isang bagay; ibang bagay naman ang pagnanais na manakit ng tao sa pisikal. Samakatuwid, maaaring mahirapan tayong unawain kung paanong nagtatanim ng mga damdamin ng pagkapoot ang isang tao sa buong pangkat ng mga tao, kadalasa’y mga taong hindi man lamang niya nakikilala. Maaaring hindi sila sang-ayon sa kaniyang pulitikal na mga pangmalas, kabilang sa ibang relihiyon, o kabilang sa ibang etnikong grupo, subalit dahilan ba iyan upang mapoot sa kanila?

Subalit, umiiral nga ang gayong pagkapoot! Sa Aprika ang pagkapoot ay umakay sa mga tribo ng Hutu at Tutsi na magpatayan noong 1994 sa Rwanda, anupat isang reporter ang nagtanong: “Paano natipon ang gayon na lamang pagkapoot sa napakaliit na bansa?” Sa Gitnang Silangan, pagkapoot din ang dahilan ng mga teroristang pagsalakay ng mga panatikong Arabe at mga Israeli. Sa Europa ang pagkapoot ang umakay sa pagkakawatak-watak ng dating Yugoslavia. At ayon sa ulat ng isang pahayagan, sa Estados Unidos lamang “humigit-kumulang 250 grupo na nagtataguyod ng poot” ang nagkakalat ng mga ideya tungkol sa pagtatangi ng lahi. Bakit gayon na lamang ang pagkapoot? Bakit?

Malalim ang pagkakaugat ng pagkapoot anupat kahit na malutas ang mga alitang nalikha nito, ito’y nananatili pa rin. Paano nga natin maipaliliwanag ang problema sa pagpapanatili ng kapayapaan at tigil-putukan sa mga bansang ginigiyagis ng digmaan at sinasalot ng terorista? Paano natin maipaliliwanag ang nangyari pagkatapos lagdaan ang kasunduang pangkapayapaan sa pagtatapos ng 1995 sa Paris na nagtatakdang ang lunsod ng Sarajevo ay isamang muli sa ilalim ng Pederasyon ng Bosnia at Herzegovina-Croat? Karamihan ng mga Serbianong naninirahan doon ay nagsitakas sa lunsod at sa mga karatig nito dahil sa takot sa mga paghihiganti. Nag-uulat na ang mga tao’y nandarambong at nanununog ng mga gusali na kanilang iniiwan, ganito ang konklusyon ng Time: “Ang Sarajevo ay muling napagkaisa; subalit hindi ang mga mamamayan nito.”

Ang kapayapaan sa gitna ng mga taong napopoot sa isa’t isa ay isang huwad na kapayapaan, walang halaga na gaya ng huwad na salapi. Palibhasa’y walang tunay na halaga upang suportahan ito, kaunting kanti lamang dito ay maaari na itong bumagsak. Subalit gayon na lamang ang pagkapoot sa daigdig at salat naman sa pag-ibig. Bakit?

[Blurb sa pahina 4]

Ang nakapipinsalang pagkapoot ay salig sa maling akala, kawalang-alam, o maling impormasyon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share